Chapter 12

Unti-unti siyang lumingon kay Anwar at nakitang nakatingin na ito sa kaniya. Kita niya ang paghihinagpis sa mukha nito ngunit agad nitong pinalitan iyon ng galit. Ang mga ugat sa mga braso nito ay mistulang puputok na at kita niya ang panginginig ng kamao nito.

Naiintindihan niya ang nararamdaman nito.

Hindi lamang mga mandirigma ni Anwar ang namatay. May mga matatanda, babae at mga bata silang kasama at ni isa sa mga ito ay hindi binigyan ng awa.

Maluha-luha niyang inikot ang paningin sa paligid.

Puro duguan ang lahat at may nakikita siyang mga ina na yakap-yakap ang mga anak. May mga mag-asawang katulad nina Anwin na kahit sa kamatayan ay hindi bumitaw sa isa't-isa.

Mas lumakas ang kaniyang iyak dahil sa pagkakatanda na naikwento ni Anwin sa kaniya na buntis na ito sa magiging panganay nilang mag-asawa.

Unti-unting bumalik sa kaniyang alaala ang mga nangyari bago siya nakita nina Kahali at Akim.

Isang araw bago siya ihatid sa lupain ni Rajah Humabon ay may matandang alipin na nag-alok na tulungan siya.

Ayon dito ay lilipat daw ang mga ito sa ibang lupain para doon manirahan at tinanong nito kung gusto ba niyang tumakas kasama ang mga ito. Agad-agad siyang sumang-ayon at matagumpay siyang nakatakas dahil na rin sa tulong ng mga taong hindi naman niya kalahi.

Akala niya ay ligtas na siya.

Akala niya nakatakas na siya sa malupit na tadhana niya ngunit inatake ang mga kasamahan niya sa paglalakbay at pinagpapatay ang mga ito dahil sa pagtulong sa kaniya.

Mga inosenteng tao ang mga ito ngunit nadamay sila dahil sa kaniya.

Sigurado siyang ang tiyuhin niya rin ang gumawa ng karumaldumal na bagay na ito.

Alam niyang wala itong pakialam kung buhay siya o patay.

Pwede nitong isisi sa mga taong naninirahan sa lupain na ito ang pagkamatay niya.

Mas lumakas ang hagulhol niya dahil sa napagtanto.

Kasalanan ko ang lahat... Kasalanan ko kung bakit sila namatay.

Nagulat na lamang siya nang may maramdaman siyang yumakap sa kaniya at ipinilig ang kaniyang ulo sa dibdib nito.

"Shh...", alo ni Anwar sa kaniya. "Huwag mo na lang tingnan.", dagdag nitong ani.

Mukhang akala ng lalake na hindi pa siya humihinahon dahil sa pagkabigla. Hindi nito alam na sinisisi niya ang sarili sa nangyari.

Iginiya siya nito sa may kabayo nila na tinali niya kanina at inutusan siyang maupo sa katabing puno nito at hintayin lamang ito dahil kukuha daw ito ng mga gamit na pwede nilang dalhin tulad ng pagkain o damit.

Pinahid muna nito ang mga luhang tumutulo sa kaniyang mga mata bago akmang tatayo upang umalis ngunit hinila niya ang braso nito at umiling-iling.

"Hu-huwag mo kong iwan.", mahina niyang bulong sa lalake. "Natatakot ako.", nanginginig niyang dagdag.

Matiim muna siya nitong tiningnan bago siya inakay papatayo muli at niyakap.

Ipinulupot nito ang kaliwang braso nito sa bewang niya at iginiya ang ulo niya na sumandal sa dibdib nito.

"Huwag mong titingnan sila. Ipikit mo na lang ang mga mata mo.", ani nito at inakay siya para maglakad.

Kahit na nahihirapan sa pwesto nila ay hindi siya binitawan ni Anwar at yakap-yakap lamang habang iniisa-isang tingnan ang mga gamit ng mga kasamahan nila.

Naghahanap ito ng mga pagkain, damit o di kaya'y armas na pwede nilang dalhin. Ang mga pagkain at damit ay pinapahawak nito sa kaniya habang ang mga armas ay hawak-hawak nito sa kanang kamay at kahit nahihirapan sa pagdala ng mga iyon ay hindi ito nagreklamo.

Hindi niya makita ang mga patay na katawan dahil pinapaharap lang siya ni Anwar sa mga dibdib nito.

Ang natural nitong amoy ay naging pampakalma niya dahil alam ng puso at isipan niya na walang mangyayaring masama dahil nasa tabi niya lang ang lalake.

Nang matapos ay bumalik silang muli sa itim na kabayo nito at tinali nito ang mga kagamitang nakuha nila.

"Kukuha ako ng ibang kabayo...", mahinang ani niya ngunit mariing umiling lamang ang lalake.

"Huwag na. Mas mainam na ito lamang ang gamitin natin.", seryosong wika ng lalake habang inaayos ang pagkakatali sa mga kagamitan nila.

Tatanggi sana siya sa tinuran ng lalake ngunit napatigil siya dahil naisip niyang ayaw niyang maging maarte lalo na at nagdadalamhati pa si Anwar.

"Pa-pasensya na.", ika niya na nakapagpalingon sa lalake sa kaniyang direksyon.

"Para saan?", nakakunot nitong tanong.

"Kasalanan ko.", naiiyak niyang sabi. "Kasalanan ko kung bakit sila namatay."

"Wala kang kasalanan.", mariin nitong sabi.

"Ang tiyuhin ko ang nagpapatay sa kanila. Ako ang hanap niya at nadamay ang mga tao mo dahil sa akin. Wala siyang pakialam kung makasal man ako kay Rajah Humabon o mamatay sa lupain na ito. Kahit na anong mangyari ay makukuha pa rin nito ang mana ko.", pagpapaliwanag niya sa lalake.

"Catálina, hindi tayo nakakasigurado na ang tiyuhin mo nga ang gumawa nito.", tanggi nito sa sinabi niya. "Kailangan pa rin kitang ihatid kay Rajah Humabon para makapag-imbestiga ako at hindi ko yun magagawa kung nasa pangangalaga pa rin kita.", malamig nitong dagdag na nakapagpatigil sa kaniya.

Ibabalik pa rin pala siya nito kay Rajah Humabon.

Sa ilang araw na magkasama sila ay wala ba itong ni katiting na awa na nararamdaman para sa kaniya.

Wala ba talaga itong pakialam sa akin?

Tinago niya ang luhang tumulo mula sa kaniyang mata at sumakay na sa kabayo. Ayaw niyang ipakita dito na nasaktan siya sa sinabi nito.

Mas doble ang sakit na nararamdaman niya dahil alam niyang may pagtingin na siya sa lalake.

Sana tumakas na lang ako kanina at iniwan ang lalake... Ang tanga ko para isipin na ang mga bagay na ginawa nito para sa akin ay may kahulugan. Sana hindi na lang ako umasa...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top