Chapter 64
Mamamatay daw ako . . .
Hindi alam ni Elisa kung bakit ba ni katiting na takot ay wala siyang maramdaman. Tila ba tanggap na ng puso at isipan niya ang mangyayari sa hinaharap.
"El . . ." Rinig niya ang pagtawag ni Danilo sa kaniya ngunit hindi niya ito pinansin bagkus ay mabilis na tumayo at nilingon ang babaeng nagpakilala bilang Apol Pay kanina.
"Binibini, alam mo po ba kung nasaan ang impostora ko?" magalang niyang tanong dito na mukhang ikinagulat ng babae. Hindi ata maintindihan kung bakit iyon ang una niyang inisip matapos malaman ang papadating na kamatayan niya.
"Ahh . . . oo. Nais mo bang samahan kita?" Naguguluhan man sa kaniyang sinabi ay inalok pa rin siya nitong samahan doon.
"Kung hindi ako makakaabala sa iyo . . . oo sana," nahihiya niyang amin ngunit nginitian lamang siya nito at tumayo na rin sabay lingkis ng kamay nito sa kaniyang braso.
Tumingin ito sa tatlong ginoo na pinapanood lamang ang kanilang pag-uusap at nagwika, "Samahan ko muna si ganda. Diha sa mo ug huna-hunaa unsa atoang gam.on."
(Diyan muna kayo at mag-isip kung anong gagawin natin.)
Ramdam niya ang nagsusumamong mga mata ni Danilo habang inaalalayan siya ni Apol papaalis ng sala. Alam niyang nais nitong kausapin siya ngunit hindi niya pa kayang humarap sa lalake lalong-lalo na dahil sa mga luha niyang nagbabadyang tumulo na naman.
Tahimik lamang sila ni Binibining Apol habang naglalakad sa mahabang pasilyo ng mansyon ni Danilo. Nakadungo lamang siya habang paikot-ikot ang iba't-ibang bagay sa kaniyang utak. May desisyon na siya sa nais niyang mangyari sa hinaharap. Ang kailangan na lamang niyang gawin ay kausapin ang impostora niya at malinaw ang lahat-lahat ng bagay sa pagitan nila.
"Nandito na tayo," anunsyo ni Binibining Apol na nagpapukaw ng kaniyang isipan. Nakatigil na pala sila sa isang nakasaradong silid. Kita niya ang kandadong nilagay doon upang hindi makalabas ang nasa loob. Nag-aalala siyang napalingon kay Binibining Apol at nakitang tipid itong nakangiti sa kaniya. "Pagpasensyahan mo na at kinakailangan naming ilagay ito sa silid na ginagamit ng pekeng ikaw. Natatakot kasi ang asawa mo na baka takasan kami at mahirap na kung mangyayari iyon sapagkat nasa kaniya pa rin ang totoo mong katawan," mahabang paliwanag nito na kaniyang tinanguhan upang ipakita na naiintindihan niya ang ginawa ng mga ito.
Matapos iyon ay maingat na binuksan ng babae ang kandado bago mabagal na tinulak ang pintuan. Ang unang nahagilap ng kaniyang mga mata ay ang marangyang disenyo ng silid sa loob. Ang estilo ng mga kagamitan sa loob ay ang mga tipo niyang pang-Europeo. Lumuwag ng konti kahit papaano ang kaniyang kalooban dahil sa nalamang hindi pinapahirapan ang impostora niya. Nilibot niya ang paningin sa buong silid hanggang sa makita na niya ang babaeng umagaw sa kaniyang pagkatao.
Nakatayo ito sa may bintana at nakatanaw sa labas. Kita pa rin niya sa kinatatayuan niya na kahit ang mga iyon ay siniradong mabuti upang hindi magamit na daan patakas ng babae.
"Kukunin mo na ba ang katawan mo?" pagak na tanong ng impostora niya kahit pa man nakatalikod pa rin ito sa kanila at hindi pa sila nakikita nito. Mukhang alam na nito na siya ang pupunta sa silid nito ngayon.
Kinakabahan siyang napalunok sa kaniyang laway bago unti-unting lumapit dito ngunit agad rin siyang napatigil dahil nilingon na siya nito. Ang sama ng tingin sa kaniya ng babae at ramdam niya ang poot na lumulukob sa buong puso nito. Bagama't nais niyang tumakbo ay naisipan na lamang niyang maupo sa isa sa mga silya na nasa gilid ng silid. Si Binibining Apol naman ay sa may kama napiling umupo. Simple lamang ang aksyon nito ngunit nahalata niya ang pagpwesto nito sa gitna nila ng impostora niya upang maging harang sakaling sugurin siya ng babae.
"Hindi ako pumunta rito upang magalit sa iyo o sigawan ka man lamang. Nandito ako dahil nais kong ipabatid sa iyo na hindi basehan ang mukha upang masabing masaya kang tao. Maniwala ka sa akin . . . nabuhay ako sa mukhang ito at masaya pa rin naman ako. Walang pinagbago," mahinahong saad niya ngunit mukhang mas ikinagalit ito ng impostora niya dahil mas sinamaan siya nito ng tingin.
"Ang dali lamang sa iyong sabihin iyan dahil hindi mo alam kung anong kailangan kong pagdaanan habang gamit-gamit ang mukhang iyan," galit nitong kontra sa kaniya. "Nagising ako ng isang araw na nandito na ako sa mundong ito. Hindi ako tao. Hindi ako diyos. Isa lamang akong gawa-gawang ilusyon na nangarap maging totoong tao. Hindi mo alam kung gaano kahirap mamuhay ng walang pakiramdam. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng maging masaya o kung paano malungkot o magalit. Ang tanging nasa isip ko lamang ay . . . nais kong maging tao."
Agad na napatikom ang kaniyang bibig dahil sa sinabi nito. Mas natahimik sila nang unti-unting nagsituluan ang mga luha mula sa mga mata nito.
"Alam kong ang rami kong kasalanan sa iyo ngunit isa lamang ang masasabi ko sa lahat ng iyon," iyak nitong ani sabay turo sa sarili nito. "Lumalaban lamang ako upang mabuhay."
Nakita niya ang pag-abot ng isang panyo ni Binibining Apol sa babae ngunit tinanggihan lamang nito iyon at napiling gamitin ang kamay upang tuyuin ang basang mukha.
"Kung kasalanan na lumaban para sa pagkakataong mabuhay . . . siguro nga'y makakasala ako. Itong katawan, mukha at pagkatao mo ang iisang pag-asa ko upang maging tao. Habang kasa-kasama ko si Roberto ay unti-unti ko ng nararamdaman ang iba't-ibang damdamin na hindi ko minsan naramdaman sa buong buhay ko. Pagmamahal habang kasama siya . . . pag-asa dahil nakikita ko na ang kinabukasan ko sa kaniya . . . at takot nang dumating ka. Ang tanging nasa isip ko lamang ay kukunin mo na ito at maglalaho na ako na parang bula. Kakalimutan ng mga tao . . . Hindi ako tao kaya naman walang langit na aabangan ko sa kabilang-buhay. Tatangayin lamang ako ng hangin hanggang sa mabura lahat ng bakas na iniwan ko sa mundong ito." Palakas ng palakas ang mga hagulhol nito habang sinasabi iyong lahat. "Pasensya na kung kasalanan ang lumaban upang mabuhay . . . Pasensya na kung kasalanan na mangarap ng pagkakataon upang maging tao. Kung tatanungin akong muli kung kaya ko bang pumatay upang magkaroon ng pagkakataon na mabuhay, iisa lamang ang sagot ko . . . oo. Kaya kong gawin ang lahat upang maging totoong tao."
Pinahid niya ang mga luhang unti-unti na rin palang lumalandas sa kaniyang mga pisngi at nakangiting tumayo sabay lapit sa babae. Ramdam niya ang pagka-alerto ni Binibining Apol dahil sa ginawa niya ngunit nagpapasalamat siyang hindi siya nito pinigilan.
Nilagay niya ang dalawang palad sa magkabilaang pisngi nito at naluluhang ngumiti sa babaeng nagmamay-ari na ng kaniyang mukha.
"Hindi ka dapat matakot dahil hindi ako pumunta dito upang kunin ang katawan ko. Narito ako upang tuparin ang pangarap mo," ngiti niyang saad ngunit ang mga luha sa kaniyang mga mata ay lumandas pa ng todo-todo.
"A-Anong ibig sabihin mo . . .?" umiiyak man ay hindi pa rin maipagkakaila ang gulat at pagtataka sa tinig ng babae.
Ngumiti siyang muli dito bago nagwika, "Mamamatay na ako at may isa akong hiling sa iyo."
"A-Ano iyon?" naguguluhan pa rin nitong ani.
Niyakap niya ito ng mahigpit at doon mas napaiyak. Pilit niyang pinakalma ang sarili hanggang sa nagkaroo na siya ng pagkakataon na ibulong dito ang nais sabihin. "Alagaan mo ang asawa at anak ko."
A/N: Ano nga ulit yung nasa isa kong Author's Note noon? I think I said, "Sigurado ba kayong hindi ang pekeng Elisa ang nakausap ni Horatia sa "My Future In Her Past"?" Bwahahahha I don't know if iyan yung exact words pero I think malapit-lapit na rin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top