Chapter 57

Unti-unting binuksan ni Elisa ang mga mata dahil sa mga mahihinang huni ng ibon sa labas. Natatamaan rin ang kaniyang nakapikit na mga mata ng sinag na araw na nakapuslit mula sa maliit na siwang ng kurtina. Pinikit-buka niya ang mga iyon bago tuluyang nilibot ang paningin sa paligid. Nakatulugan niya ang pag-iyak kaya naman mugto pa ang kaniyang mga mata. Sa paglilibot ng kaniyang paningin ay agad niyang nahagilap ang pamilyar na porma ng isang lalake na hirap na natutulog sa isa sa mga silya sa loob ng silid.

"Roberto . . ." bulong niya sa sarili habang nag-aalalang nakatingin sa lalake. Halatang-halatang nananakit na ang likod at leeg nito dahil sa pagtulog ng nakaupo ngunit hindi iyon ininda ng lalake at doon naisipang matulog. Akala niya talaga ay hahalayin siya nito kagabi ngunit ginalang siya ng lalake maliban na lamang sa biglang paghalik nito sa kaniyang mga labi.

Dahil sa naisip ay mabagal niyang hinawakan ang mga labi at mahinang hinaplos iyon. Si Danilo lamang ang nakahalik sa kaniya kaya naman unang beses niyang mahalikan ng iba kagabi.

Magagalit si Danilo.

Lumakas ang kabog ng dibdib niya dahil sa napagtanto at agad niyang naisipang tumayo ngunit ang ingay na nilikha ng biglaan niyang paggalaw ay agad na nagpagising kay Roberto. Tila ba alerto itong nakabantay sa kaniya at kinondisyon na ang sariling magising kapag siya ay tumayo mula sa kama.

"Saan ka pupunta?" inaantok nitong tanong ngunit makikitaan ng pagka-alerto ang mga mata nito.

"Sa . . . Sa banyo," agap niyang sagot dito na agad namang tinanguhan ng Don. Akala niya ay payag itong pumunta siya doon ng mag-isa ngunit nagulat na lamang siya nang tumayo rin ito at kahit pa man tila matutumba dahil sa kapaguran ay tinulungan siya nitong makatayo mula sa kama at inakay papunta sa isang pintuan na nasa gilid ng silid nito. Ang lalake na mismo ang nagbukas niyon at sinenyasan siyang pumasok bago pagod na isinandal ang ulo sa may pader at pumikit.

Nag-aalala siyang napatingin sa Don sapagkat tila matutumba na ito sa kinatatayuan. Mukhang hindi nga talaga ito nakatulog kagabi. Dahil sa nakitang kalagayan nito ay mabilis siyang pumasok sa banyo at ginawa ang lahat ng mga dapat niyang gawin. May tubig naman doon sa loob dahil siguro ay sinisigurado ng mga katiwala na may imbak ng tubig ang palikuran ng Don. May nakita kasi siyang isa pang pintuan sa kabilang bahagi ng banyo na mukhang ginagamit ng mga katiwala tuwing mag-iigib ng tubig para doon. Nang matapos ay agad siyang lumabas at ang pagbukas ng pintuan ng banyo ang nagpagising sa lalake.

Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi bago nag-aalalang nagsalita. "Mahiga ka muna sa kama. Mukhang matutumba ka na. Matulog ka muna."

"Sasamahan mo ba ako?" halos bulong na nitong tanong na agad namang nagpatahimik sa kaniya. "Hindi ako matutulog hangga't hindi ako nakakasigurado na hindi mo ako iiwan," dagdag nitong mutawi.

Dahil sa awang nararamdaman para sa lalake ay agad niyang nilahad ang kamay bago nagwika, "Hawakan mo ang aking kamay habang natutulog ka. Siguro naman ay magigising ka kung sakaling bumitiw ako sa hawak mo."

Agad na lumitaw ang malaking ngiti sa mga labi ng Don ngunit agad niya itong pinaalalahanan.

"May kondisyon ako," maagap niyang ika upang hindi maisip ng lalake na nakukuha na nito ang kaniyang loob. "Pagkatapos mong makapagpahinga ay mag-uusap tayong dalawa ng masinsinan. Kailangan mo ng makinig sa akin."

Kita niya ang pagkawala ng ligaya sa mga mata nito ngunit hindi na niya alam ang dapat gawin upang maipaintindi sa lalake na dapat na siya nitong pakawalan. Kailangan na nilang makapag-usap upang mas maliwanagan na ito. Mahinang tumango lamang ang lalake ngunit alam niyang nanghihinayang ito. Siya naman ang gumabay dito papunta sa kama at tinulungan itong humiga doon. Umupo siya katabi nito at agad namang kinuha nito ang kaniyang kanang kamay at dinala iyon papalapit sa mga labi nito at pinatakan ng magaang halik iyon.

"Dito ka lang . . . pakiusap," bulong nito habang pinaghuhugpong ang kanilang mga kamay. Nakahawak ito doon na para bang bakal na hindi maaaring tanggalin. 

Nilingon niya ang Don at nakitang nakapikit na ito at tuluyang natulog. Mukhang hindi mahirap para dito ang magpahila sa antok dahil na rin sa halos wala na itong tulog simula pa kagabi. Siya naman ay malakas na napabuntung-hininga at sinandal ang likuran sa unahan ng higaan. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin habang natutulog ang Don dahil na rin sa hindi siya maaaring lumayo dito.

Napili na lamang niyang pag-aralan ang buong dekorasyon sa loob ng silid ng lalake. Ang pader nito ay nababalutan ng disenyong mga hiyas na para bang mapulang dyamante, berdeng esmeralda at bughaw. Mga kulay na karaniwan sa mga bahay sa Espanya. Mayroon ring detalyadong mga paternong bulaklak, dahon, at puno ng ubas. Ang mga kasangkapan sa loob ng silid nito ay may kaugaliang labis na gayak. Maraming mga piraso ang nababalutan ng linyang ginto o ina ng perlas upang magdagdag ng kulay at interes sa mga piraso. Mayroong malalaking mga disenyo ng geometriko na naroon na sinadya upang sanggunian ang kasangkapan sa panahon ng Tudor. May mga disenyo rin ng nakaukit na korona pati na rin nagtatayugang lalagyan ng mga aklat. Kahoy ang isa sa pinakamapapansing materyales doon.

Aaminin niyang nagagandahan siya sa tema ng silid ng Don. Mahilig kasi siya sa pang-Europa na mga kagamitan at mwebles kaya naman habang nililibot niya ang paningin sa loob ay hindi niya maiwasang hindi humanga. Kuhang-kuha ng Don ang tipo niyang bahay at malakas ang hinala niyang siya ang pinagbasehan ng disenyo ng buong mansyon.

Nanatili siyang nakaupo sa kama at nililibang na lamang ang sarili sa pagtingin-tingin sa paligid nang may mahinang kumatok sa may pintuan. Agad siyang napatingin kung nagising si Roberto at nakitang malalim na pala ang tulog nito at mukhang hindi narinig iyon.

Bahagya niyang binuksan ang bibig upang papasukin ang kumakatok ngunit natandaan niya na hindi nga pala siya nakakapagsalita sa ibang tao maliban kina Roberto at Danilo.  Ititikom na sana niya ang bibig ngunit nagtataka siyang muling binuksan iyon at nagsalita.

"Ahh . . ." nag-aalangan niyang wika na alam naman niyang maririnig ng taong nasa labas kaya siya agad na natigilan.

Nakakapagsalita na ako?

Kahit na gulong-gulong pa rin ang isipan ay naisipan na lamang niyang ituon ang atensyon sa taong nasa labas. Malaking tulong na rin para sa kaniya kung naibalik na ang boses niya.

"Pasok," mahina niyang saad na sana'y narinig ng taong nasa labas ng silid. Mukhang narinig naman siya nito sapagkat makalipas ang ilang segundo ay unti-unting bumukas iyon at bumungad sa kaniya si Pedro.

"Maaari po ba akong pumasok saglit, Binibining Eloisa?" magalang na tanong ni Pedro sa kaniya na kaniya namang tinanguhan. Mukhang inaakala pa rin nitong hindi siya si Elisa. Kita ang gulat sa mukha nito dahil sa kaniyang pagsasalita. Alam naman niyang sanay na ang binata na tahimik lamang siya ngunit mukhang mas may importante itong sasabihin sapagkat hindi na ito nagkomento sa biglaang pagsasalita niya. Siguro'y naisip nitong nagsisinungaling lamang siya noon noong sinabi niyang pipi siya.

Napalingon rin ang binata sa natutulog na Don at agad naman itong nakaintindi na hindi sila dapat mag-ingay masyado. Mahina nitong sinarado ang pintuan at unti-unting lumapit sa kaniya.

"Bakit Pedro?" nagtataka niyang tanong ngunit mas kumunot ang noo niya nang kinuha ni Pedro ang kamay niyang hindi hawak-hawak ni Roberto at may nilapag doon. Naguguluhan siyang napatingin sa binigay nito ngunit nang mas maayos na niya iyong natingnan ay napagtanto niya na singsing niya iyon na binigay ni Danilo noong kinasal sila. "Para saan ito?" kinakabahan niyang tanong sa binata ngunit inabutan lamang siya nito ng isang sulat at nang makitang hindi niya kayang buksan iyon dahil nakahawak pa rin si Roberto sa kanang kamay niya ay si Pedro na mismo ang nagbukas niyon at nilahad sa kaniya ang liham.

Kung kailangan mong pumili sa aming dalawa . . . piliin mo siya. Dahil kung totoong mahal mo ako ay wala sanang siya sa pagitan nating dalawa.

Nagmamahal,

Danilo

Tila ba gumuho ang mundo niya nang mapagtanto na inakala ni Danilo na si Roberto ang pinili niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top