Chapter 30
FLASHBACKS
ELISA'S POV
Malakas siyang napabuntung-hininga habang sinusuklay ang mahabang buhok. Kinakailangan niyang maghanda at mag-ayos sapagkat may mga bisita daw na dadating ngayon.
Hindi na iyon kakaiba sa kaniya dahil mahilig ang kaniyang Papá na mag-imbita ng mga mayayamang kaibigan. Ang hindi lamang niya nais ay ang sadyang pagpapahiwatig ng kaniyang Papá na magpakasal na siya sa isa sa mga anak ng mga kaibigan nito. Hindi lamang isang beses nitong ginawa ang bagay na iyon kaya naman tuwing sinasabi nito na may matalik itong kaibigan na bibisita ay talagang agad na rumerehistro sa utak niya ang plano nitong ipakasal na siya.
Hindi niya nais makasal kanino man kung hindi naman si Danilo ang magiging asawa niya.
Ang rami na nilang plano para sa isa't-isa. Tapos na nga rin daw ang munting bahay-kubo na pinatayo nito. Namomroblema pa sila kung paano kukunin ang permiso ng kaniyang ama upang makasal silang dalawa. Wala ng problema si Kuya Isagani kay Danilo ngunit ang huling desisyon ay nasa kaniya pa ring Papá.
Naputol ang kaniyang iniisip nang marinig niya ang isang mahinang katok mula sa kaniyang pintuan.
"Pasok," tipid niyang ani na agad rin namang sinunod ng kumatok sapagkat unti-unti nitong binuksan ang pintuan.
"Ate Elisa, dumating na po ang mga bisita at nais ng inyong Papá na ikaw mismo ang sumalubong sa kanila," magalang na imporma ni Pedro sa kaniya.
"Pakisabing papanaog na ako," agad naman niyang sagot na tinanguhan lamang ng kaniyang kaibigan bago ito lumabas at sinaradong muli ang pintuan.
Hindi man niya nais na makihalubilo sa mga kaibigan ng kaniyang Papá ngunit kinakailangan niyang magpakita ng paggalang. Titiisin na lamang niya ang nakakabagot na gabing iyon upang walang masabing masama ang kaniyang ama.
Inayos niya na ang sarili at sa huling pagkakataon ay tiningnan ang repleksyon bago nagdesisyong tumayo at puntahan na nga ang mga bisita ng kaniyang Papá.
Pagkababa niya ay agad niyang nakita ang ama na nakatayo sa may pasilyo ng bahay kung saan makikita ang malaking pintuan. Sinenyasan naman siya nito na magmadali kaya naman agad siyang pumwesto sa tabi nito. Saktong pagtigil niya sa tapat ng ama ay ang pagbukas ng harapang pintuan ng mansyon kung saan makikita si Pedro na ginigiya ang dalawang lalake papalapit sa kanila.
Ang isa ay may katandaan na at ang isa naman ay mukhang anak nitong binata. Hindi na niya pinansin ang pagpapakilala ng mga ito at tanging pinili na lamang na tumingin sa may bintana upang malibang ang kaniyang sarili. Kahit nang ipakilala siya ng ama ay pagngiti lamang ang kaniyang sinukli sa dalawang lalake. Dahil sa hindi niya pagpansin sa usapan ay hindi niya narinig ang pangalan ng binatang lalake na kanina pa pala nakatingin sa kaniya.
Ang binatang iyon ay si Roberto Guillermo.
END OF FLASHBACKS
SIDAPA'S POV
"Ano nga ba talaga ang plano mo?" tanong niya sa matandang lalake na masinsing nakatingin sa dalawang taong nakaupo sa harap ng isang palangganang labahin.
Malayo man sila sa mga ito ay kitang-kita pa rin niya ang kislap sa mga mata ni Roberto habang kausap ang babae. Si Elisa naman ay nahihiya pa ngunit hindi maipagkakaila na mukhang nakukuha na ng Don ang loob nito.
"Marami," tipid na sagot ni Tadhana sa kaniya ngunit hindi pa rin nito tinatanggal ang paningin sa dalawa.
Lumipas ang ilang segundong katahimikan sa pagitan nila bago ito biglang lumingon sa kaniya at nagtanong.
"Sa tingin mo ba, kung hahayaan kong makapagsalita si Elisa tuwing kasama nito si Roberto ay mas mabilis kaya siyang mahuhulog dito?"
Pagod siyang napabuga ng hangin bago ito tiningnan ng seryoso. Kahit na ilang ulit na niyang nasaksihan ang mga pangingialam ni Tadhana sa mga buhay ng tao ay hindi pa rin siya lubusang nasasanay dito. Napangisi ang matanda at makikita talaga ang kalokohan na namumuo sa isipan nito.
"Pipi si Elisa sa iba ngunit makakapagsalita siya kapag kasama niya si Roberto. Sino ba namang hindi mahuhulog kaagad sa isang tao na tanging nakakausap mo?" mapanloko nitong wika bago tumawa ng pagkalakas-lakas.
Siya naman ay napailing-iling na lamang at hindi na ito kinontra sa planong gawin sapagkat alam niyang hindi naman ito magpapatalo at susunod sa nais niya. Binaling niya muli ang atensyon sa dalawang taong kanina pa nila pinapanood at nakita ang pagkagulat sa mukha ng dalaga. Hawak-hawak nito ang bibig at parang hindi makapaniwala na nakakapagsalita na ito. Nakita niya ang pagtataka sa mukha ng Don habang lumalapit kay Elisa.
Hindi na niya nakita ang sunod na pangyayari sapagkat nilingon niyang muli si Tadhana na biglang tumahimik sa tabi niya. Kasalukuyan nitong pinapanood ang dalawa habang may nasisiyahang ismid na makikita sa labi nito.
"Pinuntahan ako ng kapatid ni Danilo," ani niya. "Tigilan mo na daw ang kapatid niya," dagdag niyang saad na tinawanan lamang ng matanda. Humarap ito sa kaniya at ngumiti ng pagkalaki-laki.
"Sa susunod na magkita kayo ay sabihin mo sa kaniyang siya ang sunod sa listahan ko kaya naman maghanda na siya. Mahilig akong manakit ng damdamin," nanloloko nitong wika, Kitang-kita ang mga planong umiikot na sa utak nito. Tatalikod na sana ang matanda upang maglakad papalayo ngunit pinigilan niya ito
Hindi siya sang-ayon sa pangingialam nito sa mga buhay ng tao. Marami na itong nabiktima at marami na ring nasaktan dahil dito kaya naman hindi na niya naiwasang iungkat ang nangyari sa nakaraan.
"Mahilig kang manakit?" pagak siyang napatawa habang inuulit ang sinabi nito kanina. "Kaya ba nangyari ang mga bagay na iyon kina Analyn at Anwar? Dahil diyan sa kagustuhan mong manakit?"
Bigla itong natulos dahil sa mga katanungan niya at nakita ang pagkumo ng kamao nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kumportable tuwing inuungkat niya ang nangyari sa dalawa. Alam niyang galit na ito sapagkat unti-unting lumalalim ang paghinga nito. Tila ba nagpipigil ng galit ngunit bigla itong humarap sa kaniya.
"Hindi ko kasalanan kung nagpabulag sa galit si Anwar! Desisyon niya ang mga nangyari sa nakaraan kaya naman dapat niyang pagdusahan iyon!" mukhang sumabog na ang galit ng matanda sapagkat sinigawan na siya nito.
Hindi siya nakaramdam ng takot bagkus ay tinawanan lamang niya ang nanggagalaiting porma ni Tadhana.
"Desisyon niya iyon? Sinasabi mo bang sariling desisyon at hindi dahil sa pangingialam mo ang pagpatay ni Anwar kay Analyn?"
A/N: Hello guys! So . . . baka nalito kayo sa kung ano ang pinag-uusapan nila ni Tadhana at ni Sidapa. If you all can remember, open ending ang "My Saviour In Her Past". Hindi pa iyon tapos at may mga conflict pa akong iniwan doon. So ni-reveal ko dito ang nangyari after that story and yup you read it right, pinatay ni Anwar si Analyn. :(
Kung natatandaan niyo pa ang Special Chapter sa Book 2 ay makikita natin sila sa future. Doon tayo makakakuha ng sagot kung ano ba talaga ang nangyari at bakit pinatay ni Anwar ang sariling asawa. So, I hope you'll support their upcoming story in the future which would be the Book 2 of "In Her Future" series. Book 1 kasi ang story nina Lucas at Cátalina kaya naman matatagalan pa ang mga sagot sa pangyayari. Thank you sa pagmamahal sa series na ito!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top