MNIP#1
UMAGA ng unang araw ng Abril, kagaya ng nakasanayan, dumiretso ulit ako sa ulingan para magtrabaho. Alas-sais pa lang ng makarating ako roon at sinalubong kaagad ako ni Puti na kakawag-kawag pa ang buntot.
Ang kyut talaga ng asong ito. Ang puti puti pa... hays. Di sya nababagay sa lugar na'to. Mangingitim lang sya.
"Oh Aya! Andyan ka na pala, nga pala mamaya pagtulungan nyo 'to ni Gabo na ideliver don sa bahay nila pareng Dado, kagabi pa nya 'to pinaorder," narinig kong sabi ni Mang Mario sa'kin ng makita nya ako.
Tumango na lang ako at saka nag-opo.
Oras na ulit para magtrabaho!!
Iniwan ko na si Puti matapos kong himasin ang ulo nito, at dumiretso na'ko sa area kung san ako naka-destino.
Ako ang taga-check ng mga sako at lagayan dito sa ulingan, kung kompleto bang naibabalik ang mga ito. Taga-suri din ako ng mga uling kung may deperensya ba ang pagkakaluto sa mga ito. Minsan nagdedeliver rin ako, gaya ngayon, pero hindi ako yung tagabuhat, alalay lang ako kumbaga at syang taga-kausap don sa nagpa-deliver.
Ako lang kasi ang babae rito kaya etong trabahong ito na lang ang ibinigay sa'kin ni Mang Mario. Puro lalaki ang mga kasama ko sa trabaho kong ito.
Wala naman akong pamimilian dahil ito lang ang pupwedeng pasukang trabaho rito. Kaya tiis-tiis na lang para makakain at mabuhay.
Mahirap kasi ang maging ulila... at yun ang estado ng buhay ko ngayon. Bata pa lang ako, lumaki na'kong walang kinikilalang mga magulang. Namalayan ko nalang napadpad na'ko sa lugar na'to. Mahirap man, nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi ako pinabayaan ng Diyos. Sa tuwing naaalala ko yung mga ginawa Nya sa buhay ko, napapangiti nalang ako . . . . Napakapalad ko pa ren pala.
Ilang saglit pa, dumating na rin si Gabo sa ulingan kaya nagsimula na rin kaming maghanda para sa pagdedeliver.
Kasing edad ko lang si Gabo, pareho kaming 13 years old. Pero di gaya ko, may pamilya paren sya, kaso yun nga lang.. mahirap rin. Kaya kelangan magtrabaho.
Tinulungan ko syang isampa sa likod nya yung isang sakong uling at saka lumarga na kami papunta kila Mang Dado.
Makalipas ang ilang minuto....
Narito na kami ngayon ni Gabo sa tapat ng bahay nila Mang Dado. Asa likuran ko lang si Gabo buhat-buhat pa rin ang isang sako ng uling habang ako naman ay nagta-"tao po".
Di nagtagal, bumukas rin naman ang pinto at iniluwa niyon ang bagong gising lang na si Mang Dado.
"Magandang umaga po Mang Dado. Eto na po yung uling na inorder nyu, bale.. 75 pesos lang po lahat," magalang na sabi ko habang humihikab sya.
Inabot naman nya sa'kin yung bayad at saka ipinasok na ni Gabo yung uling sa loob ng bahay nila.
"Sige po salamat.." paalam ni Gabo kay Mang Dado pagkaalis namin.
Ngunit ako nama'y tahimik lang at di umiimik.
Umalis kami ron ng may benta ngunit di ako mapanatag dahil pakiramdam ko may mali tungkol sa mga napansin ko kanina.
Hindi naman na bago sa'kin yun, dahil madalas ko na rin yung nakikita pero... iba yung sa kanina.
Habang ipinapasok kasi ni Gabo yung uling sa loob ng bahay nila Mang Dado, aksidente kong nasilip sa bintana ang asawa nyang si Aling Elena na parang tulala sa kwarto nila. Agaw-pansin ang mga pasa nito sa kaliwa't kanang braso pati na sa may pisngi.
Para syang.... binugbog.
"Uy Aya! ayos ka lang? tulala ka, " napatingin ako kay Gabo ng sabihin nya iyon. Tinapat nya pa yung palad nya sa mukha ko.
Kiming tumango na lang ako.
Hais... napapadalas na ang pag-iisip ko ng malalim.
Papabalik na kami ngayon sa ulingan para ibigay yung benta kay Mang Mario. Ngunit sa di inaasahan, nakasalubong namin sa daanan ang ilang mga kabataang nakasuot ng pormal na uniporme.
Yumuko na lang ako upang di nila makilala.
"Hey girls! look oh! si Pananampalataya... pftt! HAHAHAHAHA kawawa naman, mukha ng uling HAHAHAHA"
Di ko na lang pinansin ang mga sinabing iyon nila Maxima. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa malagpasan na namin sila.
Naramdaman ko ang biglang pagdampi ng palad ni Gabo sa likuran ko at hinimas himas ito.
"Yaan mo na yun! mga maldita talaga yung mga yon! porke mapepera, ang yayabang na.. tsk tsk." sabi niya na tila naiinis na naiirita.
Ngumiti nalang ako ng pilit at saka nagpatuloy na kami ulit sa paglalakad.
Dati kong classmates sila Maxima noong nag-aaral pa ako sa eskwelahan don sa bayan.... kaso natigil ren ako dahil sa madalas na walang pera pamasahe at baon para pang-kain. Grade 5 ako nun, sayang nga lang e kasi di pa 'ko umabot ng grade 6 tapos grumadweyt. Haisssss...
Sa ngayon, High school na sana ako, grade 7... pero nakakalungkot lang kasi alam ko naman na hindi ren posible na maabot ko pa yun.
Ako lang kasi Pananampalataya... na kapos sa pera at ulila.
----
Binigay ko na kay Mang Mario yung 75 pesos na benta namin ni Gabo kay Mang Dado. May iniutos naman muli sya sa'min at saka namin iyon trinabaho.
Naka-ilang deliver rin kami sa buong baryo bago lumubog ang araw. Iba't ibang tao rin ang naka-daupang-palad ko at napansin ang sari-sari nilang problema sa buhay. Hayssst.
Hindi ko alam pero... sa tuwing nakikita ko silang ganun, may kung ano rito sa loob ng puso ko na di ko maintindihan. Para itong sumisigaw. May nais sabihin. May nais gawin. Ngunit.. hindi ko naman alam kung ano.
Nang maisara na namin yong ulingan, nagpaalamanan na rin kami nila Mang Mario.
"Ingat ka, Aya." narinig kong sabi pa nya.
Nagba-bye na rin sa'kin sila Gabo at ang mga tropa nya. Pauwi na kase ako ngayon, dahil tapos na rin ang trabaho. Bawal naman magstay sa ulingan dahil wala rin dong matutulugan.
At yung uuwian ko? sa may abandonadong bahay lang naman. Medyo malayo rito pero ayos lang. Doon ako tumutuloy mula pa ng mapadpad ako sa lugar na'to. Wala na roong nakatira, wasak na ang mga pader na hollowblocks pero pwede pa namang gawing tirahan.
May malaking krus pa nga 'kong nakita non sa loob eh. Ewan ko, pero para syang dating simbahan. Hindi kase halata sa porma eh, para lang syang ordinaryong bahay.
Kinain ko na ang binili ko kaninang de lata at kanin sa tindahan nila Aling Betchay. Nabusog naman ako sa hapunan kong yun.
Hays. Salamat po Lord.
Sinimulan ko ng ilatag ang kulay dilaw kong banig sa lapag, at doon ako nahiga.
Pero bago ako matulog, dumeretso muna 'ko ron sa prayer room ko don sa may bintana para manalangin. Ang pinaka-favorite part ko!!
Sakto ang ganda pa naman ng buwan ngayon. Nagniningning.
Lumuhod ako at saka tumingala sa langit...
"Dear Lord, salamat nga po pala ron sa paggising Nyo sa'kin kaninang umaga. Pati po Lord ron sa inalmusal kong monay na mainit-init pa! Hays.. sana Lord, makatikim rin ako ng pandesal balang araw, mahal po kasi yon e, kulang ang sweldo ko po para roon. Pero Lord, salamat pa rin po sa monay! kase atleast may pagkain po ako... Tsaka pala Lord, nagpapasalamat rin po ko ron sa buhay ni Mang Mario, kasi po ang bait-bait nya sa'min nila Gabo. Sayang nga po eh, maaga syang na-byudo, malungkot tuloy po sya lagi. Hays. Pero sana Lord, makahanap rin po sya ng isang tao na makakapagpabalik muli ng saya sa mukha nya....
Tapos Lord si Gabo po pala! nagpapasalamat rin po ako sa buhay ng lalaking iyon kasi kahit papano po nagkaron ako ng kaibigan at kasama. Kaso Lord, di ko po alam pero, madalas ko po syang napapansin na nakatitig sa'kin tapos ngingiti. Ang weird po. Ano kaya problema nun? haysss sana po matulungan Nyo rin sya. Saka po pala Lord kanina nakasalubong ko po muli sila Maxima, ayun po pinagtawanan ulit ako gaya dati, pero di ko na lang po ulit sila pinansin, s-saka totoo naman po yung sinabi nila e, mukha na po talaga kong u-uling..."
Tumigil ako sandali, at saka bumuntong hininga. Nakatitig pa ren ako sa langit at iniimagine roon ang nakikinig na mga tenga Nya.
"Tanggap ko naman na po e, na hanggang dito na lang talaga po ako. Ang prinsesa ng ulingan. Pero bakit po Lord ang sakit? Di ko po alam ang gagawin. Nasasaktan na po ako. Ang hirap hirap pong isipin na balang araw mararanasan ko ring maituring na maganda at mahalaga. Kasi para pong imposible..... hindi bagay kay Pananampalataya ang dalawang magagandang salitang iyon."
Di ko namalayan, umiiyak na pala ako.
"Patawad po Lord, umiyak na naman ulit po ako." wika ko habang pinupunasan ang nabasang pisngi ko.
"Nga pala Lord, maiba po tayo... Kanina po kase nakita ko si Aling Elena sa bahay po nila nong nagdeliver po kami ni Gabo sa kanila. Tapos Lord nagulat po ako kase andami nyang pasa! para po syang sinaktan at pinagmalupitan? Hayst. Nag-aalala po ako para sa kanya. Hindi po kaya si Mang Dado ang gumawa non sa kanya??? parati ko po kase silang nakikitang nag-aaway pagnapapadaan po ako sa bahay nila. Pero wala po akong nababalitaang nagkasakitan sila. Ngayon lang po. Hays. Ano pong maitutulong ko para kay Aling Elena? may magagawa po ba ako?...... Lord, kanina ren pong hapon andami kong nakasalamuhang tao rito sa baryo, ang lakas po ng pakiramdam ko na lahat sila ay may mga problemang tinatago. Naalala nyu po si Lola Orpah na strikta? yung sinasabi po nilang mangkukulam 'raw' po? Di po ako naniniwala na totoong ganun sya. Muka naman po syang mabait e, itim nga lang po yung labi. Pero sigurado po ako na may problema rin sya sa buhay na nagiging rason po ng pagiging strikta at mapag-isa nya. Sabi nga po ni kuya Jehu samin, 'Wag manghuhusga agad base lang sa panlabas na nakikita." Kaya yun po, naniniwala po akong may malalim na kwento sya."
Si kuya Jehu yung pastor na nakilala ko noon nung bago pa lang ako rito sa baryo. Mabait yun, at sya ang dahilan kung bakit ko nakilala ang Panginoon. Bumibisita sya linggo linggo rito para magturo ng Salita ng Diyos, at sobrang excited ako lagi na umattend roon.. sa Bible study na tinatawag nila.
"Sana po Lord magamit Nyu po ako para sa mga ka-baryo ko. Ayoko na po na nakikita sila na nahihirapan... kase nahihirapan rin po ako. Kaso Lord, paano po? hanggang ngayon po nagdududa pa rin po ako sa kung anong kakayahan ko upang makatulong. Isa lang po akong 13 years old na bata, at walang gaanong alam sa buhay. P-Paano Nyu po ako magagamit para matulungan sila?"
Nalukot ang kaninang nakangiting mukha ko ng maalala ko na naman ang tungkol sa mga bagay na iyun.
Sino nga ba naman kase ako para magamit Nya?
Ako lang naman si Pananampalataya na mahina ang loob, mahiyain, at hindi magaling magsalita.
Grade 5 lang ang tinapos ko at trabahador lang ako sa ulingan ni Mang Mario.
P-Paanong makakatulong ako sa ibang tao?
Ilang segundo rin akong natulala kakaisip nun. Pero ng matauhan na ako, itinuloy ko ang pananalangin. Marami pa kong naikwento Kay Lord. Mga pasasalamat, at paghingi ng tawad. Marami rin ang naging mga prayer requests ko!..... Di kalaunan, tinapos ko ito sa pagbanggit ng Pangalan Ni Jesus, gaya ng itinuro sa'min ni kuya Jehu.
"In Jesus mighty Name, Amen." nakangiting sambit ko at saka tumingala muli sa langit. Nag-wave ako Kay Lord doon at nagsabi ng "Goodnight."
Hindi natanggal ang ngiti ko hanggang sa makahiga na ako sa higaan ko.
Hayst. Ansarap talaga sa pakiramdam na nakakausap mo Sya..
Pumikit na ren ako at saka nagsimula ng antukin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top