Kind Heart
February 2022, Baguio City, Benguet
Nakaupo ako sa labas ng bahay na tinutuluyan namin dito sa Baguio, tanghaling-tapat pero malamig ang dumadamping hangin sa aking balat dala ng hamog na kumakalat sa buong lugar, nasa mataas kaming parte kaya nasanay na ako sa ganitong klima sa mahigit isang taon kong pananatili dito.
Habang pinagmamasdan ko ang paligid, naalala ko ang katatanggap lang na balita galing sa aking panganay na kapatid, sinugod ka daw sa pinakamalapit na Hospital sa Bicol.
Heart attack.
Pilitin ko mang itago ang paghikbi ay kusa itong umaalpas, para akong tinutusok ng napakaraming karayom sa puso, nahihirapan akong makahinga, tuloy-tuloy na dumadaloy sa aking pisngi ang mga luha, nagbabara ang aking lalamunan at nalalasahan ko ang dugo sa aking mga labi dahil sa mariin kong pagkagat dito.
"Hindi ko pa kaya. Huwag muna po ngayon. Hindi pa ako nakakabawi sa lahat ng sakripisyo mo para sa amin nina kuya. Lumaban ka po, marami pa tayong pangarap na tutuparin. Gusto ko pang makita ang ngiti mo, maramdaman ang higpit at init ng yakap mo, marinig ang mga kwento ng kabataan mo. Uuwi pa ako, hintayin mo po ako Mama."
Lahat ng yon binubulong ko sa hangin habang patuloy ang tahimik na pag-iyak.
Natigil ako sa pagluha dahil tumunog ang telepono sa aking tabi, mabilis ko itong binuksan at binasa ang laman ng mensahe na galing sa asawa ng aking kapatid.
Ara, pinasok ang Mama sa ICU. Ang kuya mo ang naiwan na magbabantay.
Huminga ako ng malalim at nagtipa ng maikling sagot sa kanya, pagkatapos ay inilapag ko ulit ang telepono sa aking tabi. Pinagmasdan ko ulit ang paligid habang nagbabalik-tanaw sa mga pinagdaanang hirap ng aking Ina sa nakaraan.
May 2001
Galit sayo ang pamilya ni Papa, kaya kahit sa loob ng simbahan kung saan idinaos ang misa ay hindi ka pinapasok.
Naiwan kang mag isa sa labas habang basang-basa ang damit dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan. Sa murang isip ko noon, naitanong ko kung bakit hindi ka namin kasama sa litrato. Hindi mo nakita si Papa na nakahimlay sa kabaong nya, alam ko nasaktan ka. Kasi kahit na hindi na kayo nagsasama ni Papa, mahal mo sya.
Year 2003
Nasa loob kami ng apartment ni Lola, galit na galit sya sayo. Lahat ng masasakit na salita narinig kong binanggit nya, habang ikaw, tahimik na nakaupo sa balkonahe ng apartment, nakayuko. Pinakinggan mo ang lahat ng sinabi nya, ni walang salita na lumabas sa bibig mo para ipagtanggol ang iyong sarili, hinayaan mo lang sya. Pagkatapos ay tahimik kang umalis dala ang mga gamit mo sa trabaho, alam ko na umiyak ka, hindi mo lang pinakita sa aming magkakapatid.
Year 2004
Tuwing araw ng Linggo, dapit hapon ay nagdadala ka ng pera at pagkain para sa pang isang lingguhan kong baon. Dahil sa taong ito ay kinuha ako ng Lola ko sa poder mo at inilipat sa isang pampublikong paaralan na malapit sa Sitio kung saan sila nakatira. Pero ang masakit nito, hindi ka man lang hinayaan na makaapak o makapasok sa loob ng lumang bahay kung saan ka lumaki. Hanggang tulay ka lang lagi, alam kong galit ang Lola at Lolo sa mga nakaraang desisyon mo pero hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila ng sakripisyo mo, nagagawa ka pa rin nilang tiisin. Ikaw, na nawalan ng asawa, naiwanan ng tatlong maliliit na anak, nagta-trabaho mag isa para sa amin. Hindi ko malaman kung bakit sobra na lamang ang galit sayo ng pamilya ng Papa pati na rin ang mismong Ama at Ina mo. Siguro nagkamali ka, siguro hindi sila payag sa mga naging desisyon mo, siguro masama ang loob nila. Saan nga ba ito nagsimula? Puro tanong ang bata kong isip, pero wala naman akong makuhang sagot.
Kasalukuyan
Ilan lamang ang mga alaalang yun sa sakit at hirap na pinagdaanan mo, pero nakapagtatakang kahit kailan ay di kita narinig na magreklamo, palagi kang may baong ngiti sa lahat. Kahit pa napakaraming tao ang may lihim na galit sayo, nagtraydor at nanira, nanatili kang matatag, mapagbigay at mapagmahal. Marami kanang napagdaanan kaya sana malampasan mo ang isang to, wag ka muna sanang sumuko.
Napamulat ako ng maramdamang nababasa na ang mukha ko dahil sa patak ng ulan, hindi ko namalayan ang oras, matagal na pala akong nakaupo dito sa labas. Kinuha ko ang aking telepono at tumayo para pumasok sa loob ng bahay, kailangan ko ng matulog dahil papasok pa ako sa trabaho mamayang madaling araw.
Bago ako matulog ay pinagdasal ko muna ang paggaling mo, na sana bumuti na ang kalusugan mo.
Hatinggabi
Kakasimula ko pa lang ng trabaho ko pero di ako makapag-isip ng maayos, inaalala ko pa rin ang kalagayan mo, wala pa akong natatanggap na balita galing kina kuya. Siguro nagpapahinga na sila, mula sa maghapong pagbabantay sa labas ng ICU.
Feb 14, 2022 9:00 AM
Mabilis kong dinampot ang nag-iingay kong telepono, nakarehistro ang tawag mula sa aking kapatid.
"Kuya, kumusta po si Mama?" Mabilis kong tanong sa panganay kong kapatid.
"Ara, nakalabas na si Mama ng ICU kaninang ala sais ng umaga, nadito na kami sa patient's ward. Natutulog pa sya ngayon, tatawag ako mamaya pag nagising na sya, at itatanong ko din sa doktor kung pwede na ba syang pakainin." Tuloy-tuloy na pagsasalita nito.
Nakahinga ako ng malalim ng marinig yun, at tahimik na nagpasalamat sa Diyos, na dininig ang panalangin kong maging maayos ka.
"Salamat naman kung ganon, kuya. Sana magtuloy-tuloy na ang paggaling ni Mama." Sagot ko.
"Oo nga, o sige na at alam kong may gagawin ka pa, mag iingat ka dyan palagi." Paalam ni kuya sa akin, pagkatapos ay nawala na ito sa kabilang linya.
Parang may nawalang mabigat na nakadagan sa aking dibdib, lubos akong natuwa na di ka sumuko na ipaglaban ang buhay mo. Nangangako akong uuwi para makita at mayakap ka. Gusto kong sa darating mong kaarawan ay naroon ako para masaksihan ang pag ihip mo sa kandila, para ipagpasalamat at humiling ng isang tahimik, masaya at mapayapang bagong yugto ng iyong buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top