Kabanata 42
Kabanata 42
Ikaw Nalang
Hindi ko alam kung paano kami nakarating sa bahay nila Hunk nang hindi nababangga dahil sa bilis ng takbo niya. Pakiramdam ko kanina ay huminto ang pagtibok ng puso ko at naghihintay nalang din ako ng kamatayan.
Hinayaan ko si Hunk na lumapit sa Mommy niya na nakahiga sa kama ng kwarto nila. Hindi ko alam na may sakit pala si Mommy, kaya rin gusto na niyang magkaapo kay Hunk. Alam iyon ni Hunk, kaya kahit bakla siya ay pinagbigyan niya ang hiling ng mga ito na magpakasal siya at tinago niya ang totoong siya.
Habang pinapanuod ko si Hunk na halos lumuhod na sa gilid ni Mommy habang yakap ito ay hindi ko naiwasan ang mainit na likidong tumulo sa mata ko. Naninikip ang dibdib ko at hindi ko kayang panuoring nakahiga roon si Mommy at wala nang buhay.
Parang kailan lang noong tinuruan niya akong magluto. Ang dami kong natutunan sa kanya. Maikli pa ang oras para sa amin. Kung may hihilingin ako ngayon ay sana madagdagan pa ang oras, araw, linggo, buwan at taon ko na kasama siya.
"Mommy, may sasabihin pa ako sa iyo! May aaminin pa ako, Mommy, gumising ka riyan at titiplahan kita ng kape na gusto mo! Mommy, hindi ko kayang wala ka." Paulit-ulit na sigaw ni Hunk.
Hindi ko namalayan na humahagulgol na rin pala ako. Pakiramdam ko ay narito lang si Mommy sa kwarto, pinapanuod kami at pinapagalitan dahil umiiyak kami ngayon.
Tahimik ang buong subdivision, tanging sigaw, iyak at hinanakit ni Hunk at nang Daddy niya ang umaalingawngaw. Tumalikod ako dahil hindi ko kayang makita ang nakikita ko ngayon. Sana ay panaginip nalang ito. Sana nananaginip lang ako at kinabukasan, paggising ko ay p'wede pa naming bisihatin si Mommy rito sa bahay nila at sasalubungin niya kami ng ngiti at yakap.
"Mommy, bata pa ako. Kailangan ko pa ng gabay mo. Mommy, please, gumising ka riyan at pagalitan mo ako dahil ang ingay ko ngayon. Mommy! Mommy, ayoko na itong sakit na nararamdaman ko ngayon."
Umalis ako roon. Hindi ko na kaya ang sakit na makitang nasasaktan si Hunk at wala akong magawa. Hindi ko kayang makitang katawan nalang ni Mommy ang naiwan doon, lifeless.
Sa lakas ng sigaw ni Hunk ay rinig na rinig ko pa rin siya. Hindi ko alam kung paano ko pagagaanin ang loob niya. Hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Hindi ko alam kung paano ko gagamutin ang sugat niya.
Nang gabing iyon ay dumating din sina Mama at Papa. Niyakap ko sila at sa kanila umiyak. Hindi rin sila makapaniwala, dahil pare-pareho kaming walang alam na may sakit si Mommy. Masiyahin siya, at hindi mo talaga mahahalata.
Tumigil na sa pagsigaw at pagiyak si Hunk, pero hindi niya iniiwan ang kama ni Mommy. Nanatili siya roon at nakahiga sa tabi ni Mommy habang kinakanta niya ang kantang kinakanta nito sa kanya noong bata pa siya. Kahit nakatulala si Hunk ay tuloy tuloy pa rin ang pagtula ng luha mula sa dalawa niyang mata.
"Hunk, kukunin na nila si Mommy..." mahinang sabi ko nang dumating na ang magaayos kay Mommy.
Nang tumayo siya mula sa pagkakahiga ay niyakap ko siya ng mahigpit. Hindi niya ako niyakap pabalik, pero hindi ko pinansin iyon. Basta, malaman lang niyang hindi ko siya iiwan. Malaman lang niya na nandito ako sa tabi niya kahit anong mangyari.
Hindi na rin kami nakatulog ng gabing iyon. Magdamag kong binantayan si Hunk sa kanyang kwarto. Para siyang bata ngayon na iniwanan ng Nanay sa bahay para mamalengke.
"Takot ako sa dilim, bah." Umiiyak na sabi niya.
"Shhh. Hindi kita iiwan, okay? Matulog ka na muna, bah. Babantayan kita."
"Tawagin mo si Mommy. Kakantahan niya ako ng pampatulog. Natatakot akong wala si Mommy sa tabi ko..."
Hindi ako nagsalita. Nagsimula nanamang mag-init ang gilid ng mata ko. Ang sakit sa dibdib makita siyang ganito. Ang buong pangyayari ngayong gabi ay hindi ko kayang ihandle. Pakiramdam ko ay mawawasak ako.
Ano pa kaya ang nararamdaman ngayon ni Hunk kung sobrang sakit na para sa akin?
"I'm here, bah. Hindi kita iiwan..." paulit ulit na bulong ko sa kanya.
Hinawi ko ang buhok niya habang pinapanuod ko siyang nakapikit nang basa ang pisngi at mata niya.
Parang kanina lang ay ang saya-saya namin. Naguumapaw ang pakiramdam ko dahil sa sinabi niya, pero bigla kaming sinampal ng pangyayaring ito. Pangyayaring kahit kailan ay hindi ko naisip na mangyayari.
Bumukas ang pintuan, kaya napatingin ako roon. Niluwa niyon si Gym, kasama si Vamp na hininingal. Bumaba kaagad ang mata nila kay Hunk na mahimbing nang natutulog.
Tumalikod si Gym at nagsimula na ring umiyak. Ganoon nga talaga kapag mahalaga sa iyo ang isang tao at kapag nasaktan sila ay pati ikaw masasaktan din. Si Vamp naman ay tahimik na tumabi sa akin.
"Oh my God. I'm sorry, Hunk..." bulong niya.
Kinabukasan ay dinating nila si Mommy sa bahay. Abala ako sa mga bisita. Si Hunk naman ay nasa tabi lang ng kabaong ni Mommy, habang nakatitig siya roon. Hindi na rin niya ako muling kinausap. Maging si Gym at Vamp ay hindi niya kinakausapㅡactually, wala siyang kinakausap sa amin, maliban sa Daddy niya.
"Condolence, Eager." Nilapitan ako ni Eyerin at niyakap.
Hindi rin maipinta ang mukha ng Ghastly Girls habang nakatingin kay Hunk. Buong araw ay sila ang kausap ko. Nagtataka na rin sila kung bakit hindi ako kinakausap ni Hunk.
"Masakit ang nangyari sa kanya. Naiintindihan ko na kahit ako ay hindi niya kausapin," sabi ko.
"Nakakaawa si Hunk. Ngayon lang ako nakakita ng lalaking sobra kung umiyak." Sabi ni Pure habang nakatingin kay Hunk.
"Kaya nga hindi ko siya tinitignan, e. Naiiyak lang ako lalo," sabi naman ni Chain.
Nilingon ko si Gym sa tabi ko na hindi rin inaalis ang tingin kay Hunk. Alam kong concern din siya sa nobyo niya, katulad ng pagka-concern ko kay Hunk. At katulad ko rin ay hindi niya malapitan at makausap manlang si Hunk.
"Kumain ka na, bah..." bulong ko sa kanya at inabutan siya ng pagkain.
Nanatili siyang nakatulala sa kawalan at hindi ako pinansin. Bumuntong hining ako. Iniwan ko sa tabi niya iyong pagkain dahil hindi pa siya kumakain simula kaninang umaga. Nagaalala na talaga ako.
"Dito ako matutulog, tutal sabado naman bukas. Walang trabaho." Sabi ni Sacker, habang ngumunguya.
"Ako rin!" Sabi naman ni Vamp.
Hindi ko sila mapasalamatan ng maayos. Nginitian ko sila at alam kong alam na nila na natutuwa akong tinutulungan nila kami.
Pagkatapos kumain ay umakyat ako sa kwarto ni Hunk para maligo. Habang nagsho-shower ay roon ako umiyak. Wala akong pagkakataong umiyak sa harapan nila kanina, dahil pinipilit kong maging matatag para kay Hunk.
Masakit makita araw araw ang bawat sulok ng bahay na naalala mo ang ngiti ni Mommy. Naalala ko noong tinuruan niya akong magluto sa kusina, iyong pagkikwentuhan namin sa sala. Hinding hindi na iyon mauulit pa.
Paglabas ko ng CR ay nagulat ako nang makita kong nakatayo roon si Hunk. Walang ekspresyon ang mukha niya, pero halatang halata na pagod na pagod siya.
"Kumain ka na ba?" Tanong ko sa kanya, pero hindi siya sumagot.
"Magpahinga ka na riyan. Babatawan kita mamaya, magbibihis lang ako." Hinigpitan ko ang hawak ko sa twalyang nakabalot sa katawan ko.
Tinalikuran ko siya at akmang pupunta na sana sa closet nang bigla kong maramdaman ang mabigat niyang katawan sa akin. Niyakap niya ako mula sa likod at sinandal niya ang ulo niya sa balikat ko.
"Ikaw nalang ang meron ako, Eager. Huwag mo akong iiwan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top