Chapter 33

Trigger Warning⚠︎: This chapter contains child ab×se, vi×lence and s×icide attempt. Reader's discretion: 18+ and above.

Chapter 33: Eat Humble Pie

MAINGAT na nilalagyan ng batang si Crisella ng alcohol ang sariwa niyang sugat na natamo niya dahil sa walis tingting na nagkalasog-lasog na matapos iyong ilang ulit na inihampas sa kanya. Nag-iingat siya sa bawat kilos niya dahil namimilipit sa latay ang buong katawan niya, mula mukha hanggang paa ay mayroon siyang sugat na napakahapdi, parang sinisilaban ang buong katawan niya sa hapdi ng mga ito, ni hindi niya alam kung ano ang unang sugat na lilinisin.

Tahimik na lamang siyang napapahikbi habang nililinis ang mga sugat. Pupunasan sana niya ang luhang lumalandas sa pisngi niya ngunit natamaan niya ang sugat sa kaliwang pisngi na lalo lamang nagpatulo ng mga luha niya.

Narinig pa niya ang hagikgikan ng mga kapatid niya na nakadungaw sa pintuan ng kwarto nila kung kaya't kahit na nahihirapan ay paika-ika siyang lumapit doon para ikandado ang kwarto. Hindi naman din niya sasapitin ang sitwasyong iyon kung hindi dahil sa mga kapatid niya.

Puno na naman siya ng sama ng loob. Ang daming hindi magagandang bagay ang tumatakbo sa isipan niya habang patuloy sa paglandas ang mga luha niya. Hindi na niya kinakaya ang araw-araw niyang sitwasyon, gusto na niyang kumala kung nasaan man siya ngayon. Subalit wala siyang magawa, wala siyang lakas ng loob, wala siyang pupuntahan, ni wala siyang kaibigan na maituturo niyang kaniya talaga.

Mariin na lamang niyang nakagat ang pang-ibabang labi kahit pa pumutok iyon matapos matamaan ng singsing mula sa kamay ng taong sumampal sa kaniya. Sa kabila ng pamimilipit ng katawan niya ay nakaramdam pa rin siya ng uhaw at gutom, tanging paglunok na lamang ng sariling laway ang ginawa niya dahil natatakot siyang lumabas ng silid na iyon para lang uminom ng tubig.

Kahit ang pag-inom lamang ng tubig ay tila ba wala siyang karapatan.

Nakatulog na lamang siya sa kaiiyak, subalit kahit sa pagtulog ay hindi siya mabigyan ng kapayapaan, namalayan na lang niya ang sarili na mulat ang mga mata at tulala na naman sa kisame. Paulit-ulit niyang hinihiling na sana ay dumating na ang fairy godmother niya na magliligtas sa kanya sa sitwasyong iyon, tulad kung papaano naligtas si Cinderella mula sa mapanakit nitong madastra at mga kapatid. Ngunit napagod na lamang ang mga mata niya ay walang dumating na tulong.

Kahit isang basong tubig at isang tinapay lang ay sasapat na para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya, kahit iyon na lang ang dumating, hindi niya kailangan ng prince charming na magliligtas sa kanya, ang tanging gusto lang niya ay maitawid ang uhaw at gutom na nararamdaman niya sa mga oras na iyon.

Hindi naman iyon ang unang beses na sinapit niya ang sitwasyong iyon, subalit kahit ilang beses pa niyang sapitin iyon ay hindi pa rin siya masanay-sanay. Gusto lang naman niyang makapaglaro sa labas tulad kung paano nakakapaglaro ang mga kapatid at kalaro niya, subalit bakit nandito siya sa loob ng madilim na silid, naghihintay ng magsisindi ng liwanag na maaaring hindi na darating kailanman.

"IYONG mga labahan, siguraduhin mong malalabahan at naisampay mo na lahat pag-uwi ko ah!" Habilin sa kanya ng mama niya kinaumagahan. Kagigising lamang niya at ayaw pang bumangon sa higaan, kung susumahin ay mas pipiliin pa niyang hindi na magising pa.

Nang makaalis lahat ng tao sa bahay ay hindi pa rin siya kaagad bumabangon. Masakit pa rin ang buong katawan niya dahil sa mga sugat na natamo kahapon, idagdag pa ang bigat ng pakiramdam niya dahil naisipan siyang dalawan ng lagnat ngayon.

Hindi niya namalayang nagsisimula na naman pa lang tumulo muli ang luha niya.

Mahigit isang oras pa siyang tulala sa kama bago mapilitang bumangon. Sobrang bigat ng pakiramdam niya na halos bumagsak pa siya sa kinatatayuan niya, kinakailangan pa niyang kumapit sa pader papunta sa kusina para lamang makalakad ng maayos.

"Nagugutom na ako..." usal niya sa hangin habang kinakalkal ang kaldero at mga kaserolang nahugasan at mga nakataob na, senyales na wala ng pagkain na natira para sa kanya. Sinilip niya ang laman ng refrigerator, wala ring kalaman-laman iyon maliban sa panindang yelo at ice pops.

Dahil wala namang ibang tao sa bahay maliban sa kanya ay pumuslit siya sa pag-aari-ari nilang sari-sari store at nagmamadaling kumuha ng de-latang pagkain, inayos pa niya ang pagkakasalansan niyon sa paraan na hindi mapapansin na may nabawas sa mga de-latang nakasalansan sa harap ng estante.

Binuksan agad niya ang de-lata at diretsong nilantakan ang laman niyon, nagmamadali niyang inubos ang laman sa takot na dumating na ang mama at mga kapatid niya. Nang maubos ang laman ng de-lata ay sinigurado pa niyang naitapon niya iyon sa ilalim na bahagi ng basurahan bago simulan ang mga labahin sa likod-bahay.

Nanginginig siya sa lamig ng matalsikan siya ng tubig dahil sa iniindang lagnat, subalit isinawalang bahala na muna niya ang lagnat niya dahil importanteng matapos niya ang labahin niya, kung hindi ay tiyak na madadagdagan na naman ang mga sugat niyang sariwa pa.

Habang abala sa paglalaba ay dinig na dinig niya ang ingay ng mga kalaro niya sa labas. Ang ingay ng mga ito dahil naglalaro sila ng piko, nakaramdam na naman siya ng inggit habang kinukusutan ang mga de-kolor na damit pero kahit gusto niyang maglaro ay pagagalitan siya dahil bawal siyang lumabas ng bahay, bukod pa roon ay sasakit lamang lalo ang katawan niya kung makikipaghabulan siya sa labas.

Mula pagkabata ay iyon na ang sitwasyon ni Crisella. Minsan na niyang iniiyak ang sitwasyon niya sa mga tiyuhin at tiyahin niya subalit tinatawanan lamang siya ng mga ito, normal lang daw na disiplinahin siya ng mama niya, mas malala pa nga raw ang inaabot ng mga tiyuhin at tiyahin niya noong kabataan ng mga ito sa tuwing dinidisiplina ng mga lolo at lola nila, madalas silang pinaluluhod sa bilao ng asin ng mga ito at kung mabigat ang nagawang kasalanan ay papatungan pa ng libro ang kanilang mga kamay at ulo.

HUWEBES ng tanghali, maagang pinauwi ang klase nila Crisella dahil sa emergency meeting ng kanilang mga guro. Dahil maaga silang pinauwi ay nagkaayayaan silang magkakaklase na maglaro muna ng chinese garter sa open court hindi kalayuan sa eskuwelahan nila.

Alam ni Crisella na paniguradong magagalit ang mama niya oras na malamang hindi kaagad siya umuwi. Subalit minsan lang naman, matagal na rin siyang hindi nakakapaglaro, hindi rin naman basta-basta malalaman ng mama niya oras na makipaglaro muna siya, hindi ba?

Kahit na puno ng agam-agam ay sumama pa rin si Crisella sa mga kaklase niya. Kagagalitan naman din siya mamaya kahit alam niyang wala siyang ginagawang masama, mabuti pang gawin na niya ang gusto niya. Ang mali lang naman niya ay hindi siya agad umuwi kahit na maaga silang pinauwi, subalit kung uuwi siya kaagad, ano nga ba ang sasalubong sa kanya sa bahay?

Pinanindigan ni Crisella ang kasinungalingan niya hanggang sa pag-uwi sa bahay matapos ang pakikipaglaro sa mga kaklase. Inilibre din sila ng tig-iisang tinapay ng kaklase niya subalit sa halip na kainin na iyon habang naglalakad siya pauwi ay pinili niyang itago muna iyon, natatakot siyang baka hindi na naman siya pakainin mamaya. Nakaugalian na rin niyang punuin ng tubig mula sa eskuwelahan ang baunan niya ng tubig bago umuwi, para masigurong may pamatid uhaw siya sa oras ng pangangailangan.

"Saan ka na naman nagpunta? Kanina pa niyo uwian ah?"

Kaagad na binalot ng takot si Crisella dahil pag-apak pa lamang niya sa pintuan ng bahay nila ay nasigawan na agad siya. Hindi pa man siya nakakapagdahilan ay nabato na siya ng remote control ng TV nila, hindi niya inaasahang babatuhin siya ng mama niya kaya diretsong tumama sa pisngi niya ang remote.

"M-may ginawa pa kami sa s-school..." Pagsisinungaling niya habang mahigpit na nakakuyom ang mga kamao niya. Iniladlad na rin niya ang buhok na may kahabaan para itago ang pagtulo ng luha niya.

"May ginawa?! Ano? Naglaro? Akala mo ba hindi ko malalaman na inuna mong maglaro kaysa umuwi agad ng bahay, ha, Crisella?! Hindi ka talaga marunong madala, puro ka na lang kasinungalingan!"

"M-mama!" Malakas na hiyaw ni Crisella matapos hilahin ng mama niya ang buhok, sa lakas ng pagkakahatak sa buhok niya ay halos matanggal na ang anit niya. "T-tama na p-po!"

"Tama na?! Eh hindi ka nadadala! Alam mong may gagawin ka pa sa bahay, inuna mo makipaglaro?! Ano? Mas importante pa mga kalaro mo kaysa sa mga gawain mo rito?"

"T-tama na p-po! Tama na! A-ayaw ko n-na!"

"Tama na?! Ayaw mo na?! G×go kang bata ka! Ang laki-laki ng isinasakripisyo ko sa inyo, tapos gag×guhin mo lang ako?! Pinapakain at pinag-aaral kita, ganyan ang ugali mo! Wala kang utang na loob!"

Lumakas ang palahaw at pagmamakaawa ni Crisella ng makita niyang dinampot ng mama niya ang walis tambo, alam na niya kung ano ang sunod na mangyayari. Hindi pa man dumadapo ang katawan ng walis tambo sa kanya ay ramdam na niya ang epekto niyon sa katawan niya.

Sa kabilang dako, tahimik na humahagikgik si Gheme habang pinagmamasdan ang ate Crisella niya na patuloy na nagmamakaawa sa kanilang ina na nilalatay ang musmos nitong katawan.

HATING-GABI, tahimik na ang buong paligid, nakapatay na rin ang mga ilaw sa kabahayan. Ganoon pa man, gising na gising pa rin si Crisella, madalas na nakakatulog siya sa kaiiyak subalit tila ba pagod na siyang umiyak ngayon.

Namimilipit na naman sa sakit ang katawan niya.

Dahan-dahan siyang bumaba ng kama kung saan katabi niyang natutulog ng mahimbing ang dalawang kapatid. Tahimik siyang naglakad patungo sa banyo at kinuha ang muriatic acid, napag-aralan nila sa chemistry class nila kung ano ang epekto ng maling paggamit nito. Marahan niyang binuksan ang takip nito, nangangasim ang amoy ng likido sa loob ng botelyang iyon.

Madalas na ginagamit panglinis ang likidong iyon, itinuturing din naman siyang kalat ng mama niya, sa dinami-dami ng kalat na nililinis niya, bakit nga ba ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na linisin ang sarili niya mula sa mundong ito?

Buo na ang loob ni Crisella na lagukin ang laman ng botelyang iyon subalit...

"Crisella!"

May boses siyang narinig, boses na nakikilala niya kung kanino. Ramdam niya ang pagmamakaawa ng boses na iyon sa isipin niya kung kaya't lumuluha niyang nabitawan ang hawak na botelya.

Wala siyang pangarap, ni hindi niya alam kung ano ang gusto niya maging paglaki niya, dahil hindi niya nakikita ang sarili niya sa hinaharap. Sa mga oras na iyon, isa lang ang gusto niya, gusto niyang maramdamang sumaya.

ILANG taon pa ang nagdaan ngunit ni hindi man lang nabawasan ang sama ng loob na kinikimkim ni Crisella sa dibdib niya. Kung susumahin ay hindi niya alam kung kanino pa siya nagagalit: sa mga magulang niya? Mga kapatid? O sa sarili na niya mismo siya nagagalit; nagagalit siya sa sarili niya dahil kahit gaanon kalupit ang dinadanas niya ay patuloy pa rin siyang umaasa na mababago rin ang sitwasyon niya.

Bisperas ng pasko, patuloy sa paglilinis ng buong bahay si Crisella. Mula sa bakuran hanggang sa likod ng kusina ay abala siya sa paglilinis dahil sa bahay nila magpapasko ang mga tiyuhin at tiyahin kasama ang mga pinsan niya.

Kakalagay lamang niya ng sabon sa tiles ng salas ng magtakbuhan ang mga kapatid niya galing sa labas, madumi ang mga paa nito at may posibilidad na madulas kaya kaagad niyang nasigawan ang mga ito.

"Gheme! Kristin! Umalis nga kayo rito! Nanggugulo lang kayo!" Naiinis na bulyaw niya sa mga kapatid at nagtangkang hahampasin niya ang mga ito ng mop.

"Hala! Hindi ka lang pinayagan sumama mangaroling kagabi eh!" Pang-aasar ni Kristin kung kaya't lalong kumulo ang dugo niya sa inis.

"Makaarte, palamunin ka lang naman din namang epal ka!" Singhal naman ni Gheme sa kanya at itinumba ang lagayan ng tubig na may sabon ng mop kung kaya't nabasa ang buong sahig ng salas.

"Gheme!" Galit na si Crisella ng sigawan ang kapatid subalit binelatan lamang siya ng mga ito nagmamadaling magtungo sa kusina, kaagad namang hinabol ni Crisella ang dalawa subalit dahil basa ang sahig ay nadulas lamang siya at nabasa sa tubig na may sabon.

Ngayon ay nadagdagan lamang ang trabaho niya, sa halip na patapos na siyang maglinis. Nasipa na lamang niya ang mop na nabagsak dahil sa inis. Sana lang ay makakain siya ng buco pandan na punong-puno ng krema mamayang noche buena para naman kahit papaano ay pampalubag na niya ng loob.

Hapon ng dumating ang mga tiyuhin at tiyahin niya, maging ang lolo nila ay kasama pala. Kakarating lang ng mga ito subalit wala pang kalahating oras ng maisabog ng mga pinsan niya ang salas, kaliwa't kanan na naman ang kalat kaya padabog na lang siyang nagpunta sa kwarto upang magtulog-tulugan, lalabas na lang siya kapag pupwede ng kumain.

Ngunit bumukas ang pintuan at nagsipasok ang mga kapatid niya kasama ang isang pinsan nila. Gigil niya agad na nabato ng unan ang mga ito at nasigawan, subalit hindi ugaling magpatalo ng mga nakakabata niyang kapatid sa kanya.

"Papansin ka na naman, por que walang nakikipaglaro sa iyo!" Sigaw ni Gheme at sa halip na batuhin siya ng unan pabalik ay binato siya nito ng mabigat na pencil case na diretsong tumama sa ilong niya.

"Ano ba?! Lumabas nga kayo rito!" Bulyaw niya sa mga ito habang himas-himas ang makirot na ilong, nagsisimula ng mamuo ang luha sa mga mata niya dahil sa sakit ng ilong niya.

Punong-puno na siya ng inis sa dalawang kapatid kaya bumaba siya ng kama at kaagad na sinabutan ang dalawang kapatid, wala siyang pakialam kung siya ang nakakatanda at dapat niya itong disiplinahin, hindi rin naman makikinig ang mga ito sa kanya. At bakit nga ba siya ang magdidisiplina sa mga ito?!

Hindi nagkukulang sa pagdisiplina ang mga magulang niya sa kanya, subalit nakakaligtaan ata ng mga ito ang sungay ng mga kapatid niya na patulis nang patulis.

Hatak-hatak niya ang buhok ni Kristin at Gheme kahit na alam niyang pagtutulungan siya ng mga ito, subalit nakisali ang pinsan nilang si Princess kaya napagtutulungan na siya ngayon. Tumutulo na ang mga luha niya ngunit ayaw pa rin niyang bitawan ang mga buhok nina Kristin at Gheme.

Narinig niyang tinawag ang pangalan niya ng mama nila kaya mas hinigpitan niya ang pagsabunot sa dalawang kapatid bago bitawan ang mga iyon, si Princess na hatak-hatak ang buhok niya mula sa likod na pinagkakalmot din siya ay sinipa niya ng matigil ito bago patakbong lumabas ng kwarto at puntahan ang mama niya na tinatawag siya. Narinig pa niya ang pag-iyak at sigaw ng mga kapatid sa kwarto ngunit hindi na niya pinansin ito. Makirot ngayon ang ulo niya, pakiramdam niya ay nabunot lahat ng buhok sa anit niya, ipinunas pa niya sa suot na blusa ang kamay na may ilang hibla ng buhok ng dalawang kapatid.

"Dalian mo, pumunta ka sa palengke! Bumili ka ng niyog at isang kilong malagkit doon! Kuhain mo rin iyong ibinigay na pagkain ni Ate Nancy, magpasama ka roon kay Antonio!" Utos ng mama niya bago siya abutan nito ng isang libo at utusan siyang magpasama sa nakababatang pinsan na si Antonio.

Tinanggap niya agad ang pera at pinunasan ang mukha na magulo bago bumalik ng salas. Nandoon na rin sa salas ang dalawa niyang kapatid at si Princess na nagsumbong na sa tito at tita nila. Galit na galit ang mga ito sa ginawa niya, maging ang lolo niya ay galit sa kanya.

"Bakit ako na naman? Eh sila iyong naunang guluhin ako!" Sigaw niya sa mga ito habang pinipigilan ang muling pagbuhos ng mga luha niya.

"Hindi ka ba dinisiplina, Crisella? Wala kang modo ah!" Bulyaw sa kanya ng lolo niya at inabot siya upang pingutin sa tainga. Sobrang sakit ng pagpingot na ginawa ng lolo niya sa kanya kung kaya't tuluyan ng bumuhos ang luha na kanina pa niya pinipigilan.

Tinigilan na ng lolo niya ang tainga niya subalit tuloy-tuloy pa rin ang pagtalak nito sa kanya. Masakit ang tainga niya, ang hapdi-hapdi rin nito at tila ba nabibingi na siya dahil hindi na niya marinig ng maayos ang sinasabi ng kanyang lolo. Nang mahawakan niya ang tainga niya ay naramdaman niya ang pamilyar na likido mula rito, nang makita niya ang kamay na nagmula sa tainga niya ay halos mawalan siya ng ulirat ng makita ang sariwang dugo na bumalot dito!

Labis-labis ang pagdudugo ng tainga niya, napansin iyon ng lolo at mga tiyahin niya subalit hindi nag-abala ang mga ito na bigyang pansin siya.

"Ayan! Kasalanan mo iyang p×steng bata ka! Hindi ka rin naman nakikinig, mabuti pang mawalan ka na lang ng pandinig!"

Nanlalabo ang pandinig niya ngunit malinaw pa rin niyang narinig ang mga salitang iyon mula sa lolo niya. Ang lolo niya na kakampi niya noong bata pa siya ay siya pa mismo ang nanakit sa kanya ngayon. Simula ng mawala ang kanyang lola ay nawalan na rin siya ng kakampi sa pamilya nila.

Nauunawaan niyang mali siya subalit alam niyang mali rin ang inikilos ng mga taong dapat ay gumagabay sa kanyang paglaki.

Nanginginig na siya sa takot. Pakiramdam niya ay nasa madilim siyang gubat, nag-iisa at napapaligiran ng mababangis na hayop na anumang oras ay maaari siyang sugpangin.

"Papunta ka pa lang, pabalik na kami, Crisella." Anas ng tiyahin habang unti-unti siyang umaatras palayo sa kanilang lahat.

Subalit sa muling pag-atras niya ay nabunggo niya ang mama niya na pumasok sa salas kasama ang papa niya.

"Inuutusan ka ng mama mo ah, bakit nandito ka pa?" Tanong ng papa niya sa kanya.

Naghalo-halo na ang nararamdaman niya habang patuloy na nangingibabaw ang takot sa sistema niya. Hindi niya magawang makapagsalita man lang, ang sunod na lang niyang narinig ay nagsusumbong na ang mga tiyahin niya sa mga magulang niya, maging ang lolo niya.

Pakiramdam niya ay wala na siyang kawala sa madilim na kagubatang ito. Isang maling pag-atras ay pagkahulog sa bangin ang siyang kinaharap niya; kakaatras dala ng takot ay aksodenteng natabig ni Crisella ang babasahing vase. Mabilis na nag-init ang ulo ng mama niya matapos masaksihan nito na naibagsak niya ang vase na iyon kaya agad nitong nahila ang buhok niya.

"Ang mahal-mahal ng vase na iyan, Crisella! Hindi ka talaga marunong mag-ingat! Lintik kang bata ka!" Galit nitong hinatak ang buhok niya at nang mabitawan siya nito ay diretso siyang bumagsak sa sahig kung nasaan ang buo-buong bubog ng naturang vase.

Hilam na ang mga mata ni Crisella para umiyak pa. Naninikip na ang dibdib niya ngayon habang nanakit ang lalamunan. Ang dami niyang hinanakit na gustong ilabas subalit patuloy siyang nasasakal sa kadenang nakapulupot sa kanya.

Natulala na lang siyang napatingin sa kamay niyang naliligo sa sarili niyang dugo matapos mabubog sa basag na vase. Hindi pa niya nalilinis ang sugat na natamo niya sa tainga ngayon ay ang mga kamay naman niya.

Tulala niyang inalis ang mga bubog bago marahang tumayo. Hindi siya sigurado kung may kahihinatnan ba ang desisyong nasa isip niya ng mga oras na iyon, subalit hindi na niya kinakaya ang pagod sa napakaraming bagay.

"Papunta pa lang ako, pabalik na kayo?" Tanong ni Crisella sa mga magulang, tiyuhin at lolo niya. Pagod na siyang matawag na walang respeto. Hindi naman din karapat-dapat na respetuhin ang mga ito. "Hindi ko pipiliing dumaan sa kung anumang daan ang dinaanan ninyo."

Sasampalin pa sana siya ng mama niya at tatawagin sana muli siya nitong walang respeto ngunit dire-diretso siyang lumabas ng bahay. Rinig na rinig niya ang sigaw ng mama niya na tinatawag ang pangalan niya.

Walang sinoman ang sumunod sa kanya. Akala ng mga tao sa loob ng bahay nila ay lalabas lang siya para makaiwas sa bahay nila, subalit walang ideya ang mga ito na gagawin niya ang bagay na bata pa lamang siya ay palagi ng tumatakbo sa isip niya.

Ang maglayas ng bahay.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Hindi niya alam kung saan siya matutulog o kung saan man siya kakain. Ang tanging gusto lamang niya ay makaalis sa bahay na iyon.

Gamit ang perang kipkip niya na pambili sana ng niyog at malagkit ay sumakay siya ng bus. Walang ideya kung saan pupunta ay nagpababa siya sa konduktor sa pinakamalayong detsinasyon ng mga ito, doon na niya iisipin kung saan siya pupunta. Nagtataka pang nakatingin ang konduktor sa kanya dahil puro dugo ang katawan niya, nginitian lamang niya ito kung kaya't hindi na nag-usisa pa ang konduktor at binigyan na lang siya ng tiket.

Hindi naman niya kailangang problemahin ang gutom at uhaw, dahil sinanay siyang hindi kumakain sa maghapon ng mama niya.

Nang gabing iyon, kung saan nagkakasiyahan ang lahat at naghahanda para sa paparating na noche buena ng gabing iyon ay nag-iisa si Crisella, nakasakay sa bus. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ay ramdam niyang gumaan ang bigat na nararamdaman niya. Ang mga bagay na nakadaan sa dibdib niya ay nabawasan, sa hinaba-haba ng pagkakataon ay noon lamang ata siya nakaramdam ng kasiyahan at kapayapaan sa puso niya.

Mabilis lamang ang byahe dahil sa maluwag na kalsada. Wala pang dalawang oras ay paparada na ang bus sa terminal. Kaagad na tumayo si Crisella at pababa na sana siya ng may batang lalaking hindi nalalayo ang edad sa kanya na nag-abot sa kanya ng jacket.

Nalilito niya itong tinignan, palipat-lipat ang kanyang tingin sa jacket na inaabot nito at sa mga mata nito na puno ng kuryosisad na nakatingin sa kanya. Napakapit pa siya sa railings ng bus dahil inilapit nito ang mukha sa kanya at nginitian siya.

"P×patay ka na lang ng tao mag-iiwan ka pa ng ebidensya." Naiiling na anito bago ipatong ang jacket sa ulo niya. Naramdaman pa niya ang pagtapik nito sa ulo niya at pagbati ng "Merry Christmas!"

Bahagyang nangunot ang noo niya bago sundan ng tingin papalayo ang lalaking iyon. Tinignan niya ang sarili, natuyo na ang sarili niyang dugo sa kamay, braso at pisngi niya. Nawala na sa isip niyang linisan ang mga sugat.

Napailing na lang siya bago isuot ang jacket at bumaba ng bus.

Tahimik ang terminal habang marahang umiihip ang malamig na simoy ng hangin. Sa tindahan hindi kalayuan ay may nagpapatugtog ng kantang pampasko.

Bahagya na lang napangiti si Crisella habang tinitingala ang madilim na kalangitan na walang bituin na sumisilip. "Merry Christmas, Crisella."

──────⊱◈◈◈⊰──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top