Chapter 32
Trigger Warning⚠︎: This chapter contains child ab×se and vi×lence.
Chapter 32: Forgive and Forget
11 YEARS AGO
NAG-IIKOT na ang mga baranggay tanod maging ang kapitan sa buong baranggay para paalalahanan ang mga residente na maghanda sa paglikas dahil sa malakas na bagyong paparating. Inaasahan ang pag-apaw ng ilog sa karatig bayan na siyang magdudulot ng malawakang pagbaha kung kaya maya't maya ang paalala nang mga awtoridad sa mamayan na magsilikas na. Samantala, paulit-ulit naman na paalala ang kanilang ginagawa para sa mga ayaw pang magsilikas dahil hindi maiwan ang kani-kanilang mga bahay.
Nadaanan pa ng mga tanod ang isang ale na abala sa pagdadagdag ng pako sa kanilang bubong habang kasama nito ang anak na lalaki na siyang taga-abot niya ng mga pako. May ilang maliliit din na sako na naglalaman ng mga pampabigat upang patibayin ang bubong at masigurong hindi ito basta-basta liliparin.
Kasabay nang pagpapaalala ng tanod ay siya ring pag-aabot nito ng tulong sa ale subalit hindi nito tinanggap ang tulong na inaalok.
"'Ma, hindi ba tayo pupunta ng evacuation center?" Puno ng kuryosidad na tanong ng batang paslit habang inaabot ang mga pako sa kanya ina.
Marahan namang umiling ang kanyang mama bago tapusin ang pagpapako sa kanilang bubong. "Hindi na. Dito na lang tayo, isa pa, baka walang abutan si papa mo pagdating niya rito."
Naunang bumaba ang bata bago niya alalayan pababa ang kanyang ina na bumaba mula sa kanilang bubong. Pagkababa ay kaagad niyang kinarga ang alagang pusa na nag-aabang sa kanyang pagbaba mula sa bubong. Nakikipaglaro pa siya sa kanyang alagang pusa nang utusan siya nang kanyang ina na bumili ng kandila sa pinakamalapit na tindahan.
"Iyong malaking kandila na ang bilhin mo at baka mawalan tayo ng kuryente mamaya." Inabot sa kanya ng kanyang ina ang bente pesos. "Sa iyo na iyong sukli, bumili ka ng biscuit. Bawal ka na sa chocolate at candy, Tristan ah, sasakit ang ngipin mo."
Kamot-kamot ng batang si Tristan ang ulo niya bago tumango ng nakasimangot sa kanyang ina dahil binawalan na siya nitong bumili ng tsokolate at kendi. Matapos marinig ang utos ng kanyang mama ay patakbo siyang tumakbo sa tindahan para bumili ng kandila at biscuit habang bitbit pa rin niya ang alaga niyang pusa.
Matapos na makabili ay patakbo ulit siyang bumalik sa bahay niya dahil nagsisimula nang umambon. Bitbit ang alagang pusa ay umakyat agad siya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay dahil naiangat na nilang dalawa ng kanyang ina lahat ng mga gamit nila kanina mula sa salas, madalas na pumapasok sa bahay nila ang tubig baha kaya isa sa pag-iingat na kanilang ginagawa ay ang iakyat ang mga gamit sa taas.
Naabutan niya ang kanya mama na inaayos ang kanyang higaan kung saan nakasalansan na rin ang mga pambatang libro sa gilid.
"Tumakbo ka na naman, paano kung nadapa ka?" Naiiling na saad ng kanyang mama sa kanya ngunit nginitian lang niya ito bago iabot ang dalawang malaking kandila.
"Eh uulan na 'ma eh, takot si Potchi sa tubig!" Reklamo niya na tinutukoy ang alagang pusa na tumalon na sa higaan niya na kakaayos lang ng kanyang mama, kaagad namang binuhat ng kanyang mama ang pusa paalis sa kama at ibinaba ito sa sarili nitong higaan na katabi lang mg kama ni Tristan.
"Ikaw talaga! Magpunas at magpalit ka na nga muna, ang asim-asim mo na. Pagkatapos mong magbihis, bumalik ka rito at maglalaro tayo ng scrabble."
Napapalakpak si Tristan sa itinuran ng kanyang mama kaya nagmamadali siyang magbihis.
Madilim na ang kalangitan sa labas nang magsimulang lumakas ang buhos ang ulan na sinabayan pa ang malakas na hampas ng hangin. Sa lakas ng hangin ay tila ba liliparin ang bubong nila Tristan anumang oras subalit sinigurado ng kanyang mama kanina na matibay ang pagkakapit niyon nang hindi kaagad matuklap ng hangin, maliban doon ay matibay din ang pagkakagawa ng kanilang kisame kung sakali mang bumigay ang mga yerong bubong.
Sa kabila ng nakakatakot na tunog ng malakas na hangin sa labas at malakas na buhos ng ulan ay walang humpay sa pagtawa si Tristan at ang kanyang mama habang naglalaro silang dalawa ng scrabble. Sa tuwing may mabubuo siyang salita ay pinapalakpakan siya ng mama niya kaya ganoon na lang ang saya niya. Mahilig siyang magbasa ng libro kaya naman pamilyar siya sa maraming mga salita.
Nang matapos silang maglaro ng scrabble ay hindi pa agad sila natulog, binasahan pa kasi siya ng mama niya ng kwento tulad ng hiling niya dahil siya ang nanalo kanina sa laro nila ng scrabble.
"Ano bang gusto mong basahin natin sa mga libro na ito?" Tanong ng mama niya sa kanya habang tinitignan ang mga kwentong pambata na inihanda nito kanina. "Ang dami nitong mga ibinigay ni Ate Hayley mo sa iyo oh, anong gusto mo rito?"
"Ito po!" Masigasig na sagot naman ni Tristan at itinuro ang librong tungkol sa bampira.
Sandaling nangunot ang noo ng kanyang mama habang inaalam ang nilalaman ng kwento, nang malaman nito ang laman ng kwento ay nakangiti na nitong sinimulang basahan ng kwento ang anak hanggang sa makatulog ito nang payapa sa kabila ng unos na nagaganap sa labas ng kanilang bahay.
KINAUMAGAHAN ay nagising si Tristan dahil sa ingay, hindi iyon nagmumula sa buhos ng ulan, kung hindi sa kanyang mama at papa na nagtatalo ngayon. Kusot-kusot niya ang mga mata niya habang tinitignan ang mama at papa niya na nag-aaway ngayon. Wala siyang ideya kung anong oras umuwi ang papa niya at kung anong pinag-aawayan ng mga magulang niya.
"Mama, Papa..." tinawag niya ang mga ito subalit tila ba hindi siya narinig nito.
"Saan mo na naman ginastos iyong pera?! Sa bisyo mo?! Alam mong umuulan at binabaha tayo, sana bumili ka na lang ng pagkain na pwede nating maging stocks dito!" Bulyaw ng kanyang mama sa papa niya.
"May sarili kang pera Trina! Huwag mong pakialaman iyong akin! Isa pa, sino ba nagsabing manatili kayo rito? Bakit hindi pa kayo nagpunta ng evacuation center?!" Sigaw naman pabalik ng kanyang papa sa mama niya.
Hindi na magawang itago ng mama niya ang pag-aaway nito at ng papa niya dahil sa nasa iisang kwarto lang sila ngayon. Ang orihinal na kwarto mg mga ito ay okupado ng mga gamit na iniakyat nila sa pag-iingat na mabasa ito dulot ng baha.
"Sa tingin mo ba madali lang para sa akin na iwanan itong bahay?! Ni hindi ka nga tumulong na siguraduhin na hindi liliparin ng hangin iyong bubong o kaya naman iakyat iyong mga gamit dito sa taas! Sinong gumawa ng lahat? Kaming dalawa ni Tristan! Ikaw itong lalaki, wala kang naitutulong dito sa bahay!"
"Pwede ba? Manahimik ka na Trina! Naalibadbaran ako sa bunganga mo! Mas malakas pa iyang talak mo sa buhos ng ulan!"
"Sagutin mo ako, Dando! Saan ka na naman nanggaling?"
Nagsisimula nang tumulo ang mga luha ni Tristan habang pinapanood ang mga magulang niyang mag-away. Mabuti na lang at lumapit sa kanya si Potchi kaya niyakap niya ito habang tahimik siyang umiiyak dahil alam niyang hindi rin naman niya maaawat ang mama at papa niya.
"Ano? Humithit ka na naman ng dr×ga? Iniisip ko itong bahay at kaligtasan ni Tristan tapos wala kang ibang ginawa kung hindi magpakasasa sa dr×ga?!"
"P×nyeta, Trina! Binubungangaan mo ako dahil diyan sa anak mo?!"
"Anak ko? Anak natin, Dando!"
"P×tragis, hindi ka ba talaga mananahimik?"
Hindi inaasahan ni Trina at Tristan ang susunod na gagawin ni Dando, nilapitan nito si Tristan at sapilitang hinala mula sa kama. Kaagad namang sumaklolo si Trina para sa anak sa takot na saktan ni Dando ang anak nito.
"Pa! Pa! Masakit!" Hiyaw ni Tristan dahil pilit siyang hinahatak ng ama palayo sa kama. "Mama!"
"Ikaw na bata ka! Wala kang kwenta! Pabigat ka! Mabuti pa mawala ka na!" Sigaw ni Dando habang pilit na inaagaw ang batang si Tristan mula kay Trina na pilit na inilalayo ang anak mula sa asawang nasa impluwensya ng alak at dr×ga.
"Dando, bitawan mo si Tristan! Dando! Anong gagawin mo kay Tristan?!" Naiiyak ng sigaw ni Trina habang sapilitang inilalayo si Tristan mula sa asawa. Subalit higit na mas malakas si Dando, nang sikmurahan siya nito at nahulog siya sa kama habang namimilipit sa sakit ng sikmura.
Nang mabitawan ni Trina ang anak ay kaagad na binitbit ito ni Dando na para bang sako lang ito ng bigas. Nagsisigaw naman sa takot at pagmamakaawa si Tristan sa kanyang papa na ibaba na siya nito, maging ang pusa niyang si Potchi ay galit na nakasunod sa kanila.
"Hindi ka naman na kasi dapat mabuhay! Noon pa lang dapat ipinalaglag ka na ni Trina!" Bulyaw sa kanya ng papa niya niya at saka ito kumuha ng kutsilyo mula sa pinagkakatambakan ng mga gamit pangkusina.
Nang makita iyon ni Tristan ay marahas siyang nagkukumala sa papa niya. Pinaghahampas at pinagsisipa na niya ito sa takot. "Mama! Mama!" Umiiyak na palahaw ni Tristan habang pilit pa ring nagkukumawala mula sa papa niya na ayaw pa rin siyang bitawan.
Tila ba walang epekto ang paghampas at sipa ni Tristan sa papa niya kaya naman kinagat niya ang tainga nito haggang sa dumugo iyon, doon lamang siya nabitawan nito kaya kaagad siyang tumakbo pabalik sa kwarto kung nasaan ang mama niyang ginagapang na ang sahig para lamang maabot siya.
Ikinandado niya ang pintuan at patakbong lumapit sa mama niya.
"M-mama! M-may hawak na kutsilyo si papa!" Iyak ni Tristan at dali-daling lumapit sa mama niya para yumakap ng mahigpit dito.
Niyakap din naman siya pabalik ni mama niya na humihikbi na ngayon sapagkat wala siyang magawa sa sitwasyon nila ngayon. Hindi naman ito ang unang beses na sinaktan siya ng asawa, kung susumahin sa tuwing nagtatalo sila ay palagi siyang nasasampal o nasusuntok nito, subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na may pinaplano itong masamang gawin sa anak nila.
Hindi niya lubos maisip na aabot sila sa ganito. Nang dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay nagbago si Dando at nasira ang pamilya na pilit niyang inilalaban at pinoprotektahan.
"Tristan, nandito lang si mama ha? Hindi ka iiwan ni mama." Ani Trina habang marahang hinahagod ang likod ni Tristan. Saglit niyang iniharap sa kanya ang anak at hinagod ng marahan ang buhok nito. Narinig nila ang sigaw ni Dando mula sa labas ang pagpupumilit nitong buksan ang pintuan. Nagmamadali namang hinawakan ni Trina ang kamay ng anak bago siya tumayo kahit namimilipit pa siya sa sakit ng sikmura dahil sa ginawa ni Dando sa kanya.
Binuksan ni Trina ang bintana ang kanilang kwarto, patuloy pa rin sa pagbuhos ang ulan, marahang humahangin kaya umaanggi ang tubig ulan sa loob ng kwarto nila.
"Tristan, mauna kang bumaba." Saad niya sa anak na yakap-yakap ang alagang pusa nito. Inabot niya ang kamay ni Tristan saka ito inalalayang sumampa sa bintana pababa para makalabas ng bahay, ang poproblemahin na lamang nila ay ang tubig baha na sa palagay niya ay abot dibdib na.
Higit namang mas magiging ligtas sila sa tubig baha kaysa ang makasama si Dando. Kinakailangan lang nilang mag-ingat sa tubig baha lalo na at may kalakasan ang agos niyon.
Inaalalayan pang makababa ni Trina si Tristan dahil makipot ang daanan pababa, madulas din ang daan pababa at isang maling hakbang lang ni Tristan ay maaari siyang dumulas pababa.
"Dahan-dahan lang ha? Nakaalalay si mama sa iyo. Huwag ka ng tumingin sa baba." Pag-alo ni Trina kay Tristan dahil napansin niyang natatakot itong bumaba. Malapit ng makababa si Tristan nang sumunod si Trina, halos ang alulod lang ang tinatapakan nila na maaaring bumagsak oras na hindi sila mag-ingat.
Subalit hindi pa man nakakalayo si Trina ay nahabol na siya ni Dando na sinira na ang pintuan ng kwarto sa loob upang mahabol sila. Kaagad na hinablot ni Dando ang buhok ni Trina na siyang nagpahiyaw dito.
Kakababa lang ni Tristan mula sa ikalawang palapag at nakatuntong siya ngayon sa malapad na pader na sa kanilang bakuran na inabot na ng tubig baha. Napalingon siya sa kanyang mama nang marinig niya ang hiyaw nito.
Nanginginig niyang nayakap si Potchi na nakabalot sa paborito niyang kumot. Hindi niya na alam kung ano ang nangyari, nakita na lang niya ang mama niya na nababalot na sa dugo, kulay dilaw ang suot nitong damit at kitang-kita niya kung papano naging pula ang suot nitong damit.
Sa huling pagkakataon ay nilingon siya ng kanyang mama na nakangiti sa kanya bago ito mahulog mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay anurin ang rumaragasang tubig baha.
ILANG araw ng hindi nagsasalita si Tristan. Tulala lamang siya sa palagi sa kawalan, hindi umiimik at halos hindi rin kumakain. Sa tuwing inaabutan siya ng pagkain ay dalawang kutsara lang ang isusubo niya matapos niyon ay ipapakain na niya kay Potchi ang pagkain niya.
Sa kasalukuyan ay wala silang kamag-anak na gustong mag-alaga sa kanya. Tanging si Hayley lamang na kapitbahay nila na siyang madalas magbigay ng libro sa kanya ang nag-aalaga sa kanya.
Tumila na ang ulan at tuluyan na ring umagos ang tubig-baha na siyang bumalot sa baranggay at karatig bayan nila. Puspusan na lahat ang paglilinis ngayon ng mga tao, habang ang mga pulis, imbestigador at ilang tanod ay patuloy pa rin sa paghahanap sa nawawalang katawan ni Trina at sa nagtatagong si Dando.
"Tristan," pagtawag ni Hayley kay Tristan subalit hindi siya pinansin nito. Hinawi niya ang buhok nito bago ito abutan ng parihabang tsokolate. "Paborito mo ito 'di ba?" Tanong niya rito bago ipahawak dito ang paborito nitong tsokolate.
"Masisira ang ngipin ko sa chocolate sabi ni mama."
Mapait na napangiti si Hayley habang tinitignan siya. Ngayon lamang ito nagsalita at iyon pa ang unang salita na namutawi sa mga labi nito.
Wala siyang ideya kung ano ang nangyari. Nakatanggap na lang siya ng tawag kay Ate Trina niya na humihingi ng tulong kaya dali-dali siyang nakiusap sa mga rescuers na puntahan ang mga ito. Nang makarating sila sa bahay nila ni Tristan sakay ng rescue boat ay si Tristan na tulala at patuloy lang sa pagluha kasama ang alagang pusa nito ang naabutan nila.
Si Trina at si Dando? Walang sinoman ang nakakaalam kung nasaan sila.
Makaraan pa ang ilang araw ay natagpuan na rin ang katawan ni Trina na hindi na makilala ng mga pulis. Kinailangan pa nila itong isailalaim sa napakasarming pagsusuri para lamang matukoy ang pagkakalinlan nito. Nang maiburol ang katawan nito ay nakasarado ang ataul. Samantala, ganoon pa rin si Tristan, tulala, hindi nagsasalita at hindi kumakain. Hanggang sa mailibing na lang ang katawan ni Trina ay lalo lamang na nangangayayat si Tristan.
Napagdesisyunan ni Hayley na siyang tunatayong tagapag-alaga ni Tristan na dalhin na ito sa doktor, sa halip ma sa pediatrician niya ito dalhin ay dinala niya ito sa psychiatrist dahil nakikita niyang may trauma na kinakaharap ang bata, natatakot din siya na magkaroon ito ng psychological disorders na maaaring makaapekto sa paglaki nito.
Tila ba tama ang desisyon ni Hayley na dalhin si Tristan sa psychiatrist dahil makaraan ang dalawang ulit na konsultasyon nito ay nagagawa na nitong kumain ng mas marami at kahit papaano ay nakakausap na.
Dalawang buwan ang nakakaraan matapos ang pangyayaring iyon ay natagpuan ng mga pulis si Dando at kaagad itong inaresto. Sa kabila niyon ay inaayos na ni Hayley ang mga papeles upang maging legal siyang tagapag-alaga ni Tristan. Walang kamag-anak ang gustong kumupkop kay Tristan, malaki rin ang tinamong trauma nito kaya hindi niya basta-basta maiwan sa kung sino-sino. Bukod doon, ay mailap pa sa tao si Tristan, siya nga lang ang kinakausap nito, kaya namang ng tanungin niya si Tristan kung payag ba itong siya na ang tumayong tagapag-alaga nito at ng pumayag ito ay agad niyang inasikaso ang mga papeles.
Matagumpay na naisa-legal ni Hayley ang pagiging tagapag-alaga ni Tristan, subalit naging pahirapan para sa kanya ang pag-aalaga kay Tristan sa sumunod na taon dahil pumasok na siya sa med school. Nahihirapan na siyang tustusan ang lugar na titirahan nila kaya palipat-lipat sila ng tirahan.
Sa kabila ng ganoong sitwasyon ay masaya siyang masaksihan ang unti-unting pagbalik ng sigla ni Tristan.
Muli lamang niyang nakita ang lungkot sa mga mata nito ng magkasakit ang alaga nitong si Potchi at ang sakit nito ang naging dahilan ng kamatayan nito kung kaya't ilang araw na walang humpay kaiiyak si Tristan.
"Tristan, tahan na, huwag ka ng umiyak. Dapat nga ay maging masaya ka pa eh, kasi hindi na makakaramdam ng sakit si Potchi dito." Pag-aalo ni Hayley kay Tristan na nakadukdok sa sofa at ayaw tumigil kakaiyak.
"Ma-mi-miss ko si Potchi..."
"Ma-mi-miss ka rin naman ni Potchi. May nirereview pa kasi ako. Bumili ka muna ng yelo at ng ice pop. Ice pop ma lang muna ah, medyo gipit ako ngayon para sa ice cream eh." Alanganin na lang na natawa si Hayley bago abutan ng sampung piso si Tristan.
Kahit papaano ay kumalma naman na si Tristan kaya tumango ito. Tinulungan muna niya itong punasan ang mga luha nito saka ito patakbong lumabas ng bahay. Naligaw pa si Tristan dahil kakalipat lang ulit nila ng bahay at hindi siya sigurado kung saan siya bibili ng yelo.
Kamot-kamot na niya ang ulo niya ng may makita siyang tindahan na nagtitinda ng yelo.
"Pabili po! Pabili!" Paulit-ulit na sigaw niya subalit walang lumalabas. Aalis na sana siya roon ng may marinig siyang boses.
"Ano ba iyon?" Padabog na tanong sa kanya ng bagang babae na sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad sa kanya.
Ang gulo-gulo ng buhok nito, namumugto pa ang mga mata, mukhang galing din ito sa pag-iyak ng napakatagal na oras.
Napangiwi na lang si Tristan habang kamot pa rin ang ulo. "Pabili ng yelo at ice pop!"
"Wala ng ice pop!" Malditang bulyaw sa kanya ng batang babaeng bantay kaya tinignan niya ito ng masama.
Pagbalik ng batang tindera ay inabot nito sa kanya ang yelo ng hindi man lang iyon inilagay sa supot, may kalayuan pa ang bahay nila, baka malaglag niya iyong yelo! "Ate, pa-plastic ng yelo." Aniya ngunit hindi pala siya makakapalag sa kamalditahang taglay ng batang tindera.
"Naka-plastic na iyan." Giit nito na iyong plastic mismo ng yelo ang tinutukoy. Tinignan niya ng masama iyong batang babae subalit inirapan siya nito! "Kagatin mo na lang iyong dulo ng plastic tapos takbo ka ng mabilis pauwi sa inyo." Anito bago padabog siyang talikuran. Nakita pa niyang kinupit ng batang iyong ang bayad niya tapos mamalditahan lang siya?!
Patakbo na lang siyang umuwi na bitbit ang yelo bago pa niya iyon mailaglag.
Sa kabilang dako, nagmamadaling binuksan ng batang babae ang biscuit na nakupit niya kasama ang ibinayad nung batang lalaking kakabili lang ng yelo. Dali-dali niyang inubos ang biscuit dala ng gutom sa takot na maabutan siya ng mga magulang at kapatid.
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top