Chapter 11

Chapter 11: A Place without Him
CRISELLA'S POV

"TAO PO?" Pabirong kumatok si Tristan sa noo ko kaya muntikan ko na siyang mahampas.

"Ano bang ginagawa mo?" Salubong na naman ang mga kilay kong tanong sa kanya pero tinawanan lang niya ako. Inilahad niya ang kamay niya sa akin, hindi ko alam kung iyong bag ba niya ang hinihingi niya o ang hawak kong mga pagkain kaya naman inabot ko na lang pareho.

"Tulala ka diyan? Tara, pahinga muna tayo. Wala ka namang plano na manood sa ibang sports ano?"

Tumango ako bilang tugon habang inililinga ko ng tingin si Gheme na hindi ko naman na mahanap. Gusto ko sanang itanong kay Tristan pero baka mag-usisa pa siya patungkol sa taong hinahanap ko. "Doon na lang tayo sa parking, paniguradong wala namang students na nandoon ngayon."

"Mhmm... right. By the way, ano bang masarap kainin ngayon? Iyong malamig sana. Ice cream, milkshake o gusto mo ng milktea?"

"Makaaya. Libre mo ba ako?" Tanong ko na nagpatigil sa kanya sa paglalakad.

"Hindi. KKB tayo dito!" Tawa niya na siyang nagpairap sa akin.

Dumaan muna kami sa locker room para kuhain ko ang mga gamit ko, una kong binuksan ang cellphone ko na may message galing kay Sohan.

From: SoHandsome
My dear Crisella, I ranked first in the game. This calls for a celebration! I brought some Soju HAHA! Let's have a drink! :>

"Sino iyan? Boyfriend mo? Hindi ka mahal niyan." Pagsingit ni Tristan ng napansin niyang tumatawa ako. Umikot sa ere ang mga mata ko bago iangat ang gitnang daliri ko sa kanya.

"Si Sohan ito!"

Kaagad naman akong nagreply.

To: SoHandsome
I ranked first place too! Kasama ko si Tristan, papunta kami ng parking. TARANTADO KA! NAGPUSLIT KA NG SOJU SA CAMPUS?!

From: SoHandsome
Chill. Dalawang bote lang naman ito, saka walang makakapansin.

"May pampatulog ka diyan?" Nakangiwing tanong ko kay Tristan dahilan upang malito siya. Akala niya ata ay nagsasalita ako habang nagrereply kay Sohan. "Umiiral na naman katarantaduhan ni Sohan. Nag-aaya ng inom dito pa sa loob ng campus!"

"Nag-iinom talaga kayong dalawa? I mean kayong dalawa lang?" Tanong niya na hindi ko naman alam kung saan nanggaling.

"Yas!" Sagot ko bago siya akbayan. "Pero hindi naman kami reckless drinker ano. Ay wait, tama ba iyong reckless drinker?! Ah basta! Malakas kasi tolerance naming dalawa ni Sohan pero kapag nag-iinom siya ng sobra pinapaakyat na agad niya ako sa kwarto niya at pinapa-lock iyon sa akin."

"Eh?"

"For safety syempre! Who knows? Baka patulan ko kalasingan ng Tarantadong iyon." Tawa ko pero nawiwindang lang na nakatingin sa akin si Tristan dahilan para lumakas ang tawa ko. "Oh? Huwag mong sabihin na pagagalitan mo rin ako sa pagiging drinker ko?"

Naiiling siyang napangiti sa akin kaya napairap na lang ako.

"Oorder na lang ako ng ice cream---"

"May dirty ice cream sa labas ng campus, tara!" At dire-diretso akong hinila palabas ni Tristan para lang kumain ng dirty ice cream.

Nagpatianod na lang din ako sa kanya palabas dahil masarap naman ang tinitindang dirty ice cream doon lalo na iyong mango at vanilla.

"Anong flavor gusto mo?" Tanong sa akin ni Tristan habang abala pa ako sa paghahanap ng coins sa wallet ko.

"Lahat!" Sagot ko sabay angat ng tingin kay Manong Tindero. "Tumatanggap po kayo ng bills? 500?"

"Huy!" Marahan akong sinangga ni Tristan kaya nalilito akong napatingin sa kanya. "Biniro lang naman kita nung sinabi kong KKB tayo. Sineryoso mo naman." Tawa niya kaya napakamot na lang ako sa ulo ko.

"Sure ka?"

"Mhmm..."

Ililibre niya talaga ako? Sanay naman akong magpalibre kay Sohan kaya bakit nawiwindang ako na siya ang manlilibre sa akin? Hindi bale na nga, babawi na lang ako sa susunod sa kanya. Ilang litro ng ice cream ang ibibili ko sa kanya sa susunod!

"Gusto mong samahan ng tinapay iyong ice cream mo?" Tanong niya na siyang nagpakunot ng noo ko bago niya iangat sa akin ang ice cream niya na pinalaman sa tinapay.

Weird. Ngunit nagawa ko pa ring tumango. Matapos niyang iabot sa akin ang ice cream ko na sinamahan ng tinapay ay hinila ko ang laylayan ng T-shirt niya papunta sa milktea shop. Gusto ko ako ang magtimpla ng milktea ko ngayon pero mas makakabuti kung bumili na lang kami sa pinakamasarap na bilihan ng milktea dito sa labas ng campus.

"Anong flavor gusto mo?" Tanong ko at pumila na sa counter. Kadalasan ay mga estudyante ang siyang nakapila dito ngunit dahil abala ang lahat sa panonood at pagsali sa intramurals ay naroroon silang lahat sa loob ng campus. "Tristan?" Tawag ko sa kanya ng mapansin kong tulala siya sa menu na nasa itaas. "Sagot ko na milktea mo. Anong flavor?"

"Iyon na nga eh. Hindi ako familiar sa flavors ng milktea. Hindi naman kasi ako umiinom niyan." Nguso niya kaya natatawa kong natapik ang balikat niya sabay pitik sa hangin at kindat sa kanya.

"I got you! Maupo ka na lang muna doon."

Nakamot na lang niya ang ulo niya kaya tumuloy na ako sa pagpila sa counter at umorder ng dalawang large wintermelon. Oorder rin sana ako para kay Sohan ngunit pinili kong hindi na lang umorder para sa kanya. Paniguradong kuntento na siya sa soju niya!

"Mabilis lang naman ang serving niyon." Saad ko kay Tristan ng maupo ako sa tapat niya.

Pinili niyang maupo sa tabi ng bintana, nakapangalungbaba siyang nakatingin sa labas ng bintana habang tinitignan ang bawat sasakyang dumadaan. Hindi ko naman alam ang sasabihin sa kanya at kung may dapat ba kaming pag-usapan kung kaya't itinuon ko na lang din ang atensyon ko sa labas pero hindi ko maiwasang mapatingin sa pilat na siyang tumutulay sa kanang bahagi ng mata niya.

Gusto kong itanong kung saan nanggaling iyong pilat niyang iyon ngunit pakiramdam ko ay wala ako sa posisyon para magtanong sa kanya.

"What?" Tanong niya dahilan para matauhan ako sabay iwas ng tingin.

"Wala lang. I'm just wondering kung bakit hindi ka nagbabasa ng libro ngayon. May dala ka namang libro sa bag mo." Pagsisinungaling ko na tinugunan pa rin naman niya.

"Kausap kita ngayon eh, alangan naman ituon ko atensyon ko sa pagbabasa kung kasama kita hindi ba?"

"Eh? Nagbabasa ka pa rin naman ng novels noon kahit magkasama tayo ah?"

"Hindi pa naman tayo magkaibigan noon." Kibit-balikat na aniya kaya gulat akong napatingin sa kanya.

Hindi pa naman kami magkaibigan noon?! Kailan ba kami naging magkaibigan? Sa pagkakaalala ko ay muhing-muhi pa ako sa kanya dahil inilagay niya ako sa bingit ng alanganin.

Ang kaso si Kupal bigla akong iniwanan ng napakaraming utang na loob sa ilang ulit niyang pagligtas sa buhay ko. Pero hindi naman sapat na dahilan iyon para ituring ko siyang kaibigan. Ayaw kong tumanggap ng iba pang kaibigan sa buhay ko.

Natatakot ako.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Paano ko ba dapat sabihin kay Tristan na hindi ko kayang tumanggap pa ng ibang kaibigan maliban kay Sohan? Nasaksihan ko iyong disappointment ni Xhera ng tanggihan ko siya bilang kaibigan ko at ngayon pakiramdam ko ay hindi ko na maatim pa na may tao akong madismaya dahil lang sa takot ko.

Kahit naman kasi naging kaibigan ko sina Brooke, Coral at Willow ay hindi ko naman din sila tinuring na kaibigang totoo.

Nang malaman ko na naging girlfriend ni Sohan ang isa sa tinitingalang babae sa campus ay kaagad akong nag-take advantage. Nilapitan ko si Brooke at kinaibigan siya bilang kaibigan ng boyfriend niya noon para lang mapasama ako sa circle nila at makilala rin sa campus ang pangalan ko.

Pero higit na mas magiging malala ang lahat kung hindi ko agad sasabihin kay Tristan kung ano ang totoo. Para ko na rin siyang pinaasa. Ano pa nga bang magagawa ko? Nagpakatotoo ako kay Xhera kaya tama lang din na magpakatotoo ako sa kanya.

"Tristan---"

Napatigil ako sa pagsasalita ng may Tarantadong tumawag sa akin kasabay ng pagbukas ng pintuan nitong milktea shop at siyang pagtunog ng door chime.

"Crisella! Naghihintay ako sa parking!"

Padabog kong nasabunutan ang sarili ko at tinignan siya ng masama. "Napakatarantado mo kahit kailan! Can't you minimize your voice?!"

"Tsk! Sana sinabi mo na lang na abala ka sa ibang tao hindi ba?!"

At padabog akong tinalikuran ni Sohan. Diretso siyang lumabas ng milktea shop na padabog pang sinarado ang glass door, mabuti na lamang at hindi iyon nasira.

Tulala ko siyang sinundan na umalis sakay ng motor niya na pinaandar niya ng napakabilis, singbilis ng pagdating niya rito; sinigawan ako at tinalikuran ako. Hindi pa rin pumapasok sa isip ko iyong nangyari kaya hindi ko man lang nagawang tumayo sa kinauupuan ko para sundan siya.

Saka anong sinasabi niyang ibang tao? Kung hindi ako nagkakamali ay kaibigan naman na ang turing niya kay Tristan.

"Crisella..." Hinawakan ni Tristan ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa. Wala na siyang sinabi pa ngunit nababasa ko sa mga mata niya ang pagtatanong kung anong nangyayari.

Wala akong maibigay na sagot sa kanya. Maging ako ay hindi alam ang nangyayari.

"Uminom ka muna." Aniya sabay abot ng isang basong malamig na tubig sa akin na hindi ko naman alam kung saan nanggaling.

Sinubukan kong abutin ang tubig pero mabilis kong napigilan ang kamay ko. Nanginginig ako. Hindi ko alam kung bakit o maaaring alam ko pero ayaw ko pa ring aminin sa sarili ko.

At sa loob ng napakahabang panahon ay ngayon ko lang ulit nakita ang sarili ko na umiiyak sa sitwasyon na hindi ko alam ang dapat kong gawin. Pinunasan ko ang mukha ko ngunit mabilis ko ring itinago ang mukha ko sa mga palad ko. Hindi ko gustong umiyak na mayroong ibang tao sa harapan ko. Sa harapan pa talaga ni Tristan? Kung hindi lang ako nagpaiksi ng buhok ay tiyak na hindi ko kailangang magtago ng ganito.

Hinawakan ni Tristan ang kamay kong patuloy sa panginginig, tulad ng ginawa niya noong iniligtas niya ako sa lobby ay marahan niyang minasahe ang mga kamay ko para kumalma ako, kasunod niyon ay ang pag-abot niya sa akin ng panyo. Tinanggap ko ang inabot niyang panyo sa akin at dali-daling pinunasan ang sarili ko.

"Kainin mo muna ito." Usal niya sabay abot sa akin ng ice cream na binili namin kanina. "Ice cream makes everything better."

Hindi ko binigyang pansin ang inaabot sa akin ni Tristan. Kinapa ko ang cellphone ko para tawagan si Sohan. Nanginginig pa rin ang mga kamay ko ng hanapin ko ang pangalan niya sa phone ko. Hindi ko naman kasi alam. Wala akong alam. At kung hindi ko aalamin lalo akong maiiwan.

"Ikalma mo muna ang sarili mo." Paalala sa akin ni Tristan ngunit hindi ko magawang ikalma ang sarili ko.

Ipinagpatuloy ko ang pagtawag sa phone ni Sohan kahit hindi niya ako sinasagot. May nangyari talaga na hindi ko alam. Hindi ugali ni Sohan na hayaan akong mag-iwan ng napakaraming missed calls sa kanya.

Saglit na umangat ang paningin ko kay Tristan na inilapag na sa table namin ang milktea na siyang inorder namin. Binalik ko ang atensyon ko sa cellphone ko, ayaw pa rin sagutin ni Sohan ang mga tawag ko, samantalang isang ring pa lang ay sinasagot naman na niya agad ang cellphone niya.

"Baka makatulong ito sa pagkalma mo." Inilapit sa akin ni Tristan ang milktea ngunit ang ice cream na unti-unti ng natutunaw ang pinili kong kainin. "Nag-message nga pala sa akin si Xhera. About Sohan and Daffney..."

Tumigil ako sa pagkagat sa tinapay na may ice cream at pagdial ng cellphone ni Sohan dahil sa sinabi ni Tristan. "Tell me what happened, Tristan, please."

"Hindi umattend si Sohan sa laro niya. Kahit si Daffney wala sa cheer dancing kanina. In this case, posibleng may kinalaman si Daffney kung bakit naging ganoon si Sohan---"

Hindi pa nagagawang tapusin ni Tristan ang sinasabi niya nang tumayo ako at kuhain lahat ng mga gamit ko. Ayaw sagutin ni Sohan ang tawag ko kaya dinial ko ang account ni Daffney sa Plastizism pero naka-offline naman siya. "Sorry, kailangan kong makausap si Daffney." Saad ko at lalabas na sana ng milktea shop ng pigilan ako ni Tristan.

Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa braso ko.

"Sasamahan na kita."

"You're not obligated to come with me, Tristan. I'm sorry. Kakatapos lang ng race mo, mabuti pa magpahinga ka muna."

"Wala ka sa maayos na kondisyon kaya kita sasamahan." Aniya at wala na akong nagawa ng akayin niya ako palabas ng milktea shop.

Hindi ko alam kung saan ko dapat puntahan si Daffney. Mukhang alam naman ni Tristan kung saan namin dapat hanapin si Daffney kaya wala akong nagawa kung hindi ang magpatianod na lang sa kanya.

Muli kaming pumasok sa campus. Binitawan na niya ang braso ko at inalalayan ako papasok. Tumuloy kami sa building namin, sa classroom namin kung susumahin. Pagdating sa room ay tanging ang pintuan lang ng exit ang siyang nakabukas, sinenyasan ako ni Tristan na papasok ako sa loob at maghihintay na muna siya sa akin sa labas.

Dahan-dahan akong naglakad papasok at doon ko nakita si Daffney, nakaupo sa tabi ng bintana, suot-suot pa niya ang cheerleading costume niya. Lalapitan ko na sana siya at tatanungin kung may nangyari bang alitan sa kanilang dalawa ni Sohan pero napatigil ako ng marinig ko ang paghikbi niya.

Napatingin ako sa nagkalat na tissue sa sahig kung saan siya malapit na nakaupo, may ilang petals rin na nagkalat at hindi ko magawang matukoy kung anong bulaklak iyon.

Sa mga oras na iyon ay hindi ko alam kung tama pa bang lumapit ako sa kanya at siya ang tanungin.

Ako ang nagkaproblema kay Sohan. Nagbigay siya ng senyales na kailangan niya ako kanina ngunit hindi ko nagawang bigyan ng pansin iyon. Hindi rin naging maganda ang approach ko kay Sohan. Kasi akala ko ay pupwede kaming manatili kung ano kami, iyong kami na walang pinagtatalunan at puro kalokohan lang ang ginagawa.

"Nakausap mo si Daffney?" Bungad sa akin ni Tristan pagkalabas ko ng classroom.

Marahan akong umiling sa kanya.

Inangat ko ang paningin ko sa kanya, nakasandal siya sa pader habang sinisimsim ang milktea na binili namin. Bahagya akong napatitig sa kanya, kitang-kita ko ang pag-aalala sa mga mata niya habang sinasalubong ang tingin ko, ang mga daffodils sa mata niya ay matamlay rin ngayon na para bang anumang oras ay bubuhos ang ulan.

"Paano kung mawala sa akin si Sohan?" Biglang tanong ko kay Tristan na siyang ikinagulat niya.

Ibinaba niya ang pagkakahawak niya sa milktea niya at umalis sa pagkakasandal sa pader. "Kung isa mang libro si Sohan, paniguradong ikaw ang title niya." Ngiti niya sa akin at marahang pinisil ang pisngi ko.

Unti-unting nangunot ang noo ko habang nakatingin sa kanya. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.

"Ang gusto ko lang sabihin, mahalaga ka para kay Sohan. Hindi ka basta-basta iiwanan ‘nun. Palamigin mo muna ang sitwasyon saka mo siya kausapin mamaya. Frustrated lang si Sohan kanina huwag ka ng mag-isip ng kung anu-ano."

Sa hindi malamang dahilan ay tinulay ko ang distansyang namamagitan sa amin ni Tristan at niyakap siya ng napakahigpit. Balisang-balisa na ako at halos hindi maalis sa isipan ko iyong tingin na ibinato sa akin ni Sohan kanina. Natakot ako ng sobra. Natakot ako na baka iyong tanging tao na pinanghahawakan ko ay mawala pa sa akin.

Noong panahon na binitawan ko ang lahat ay tanging si Sohan lang ang nanatili sa tabi ko. Si Sohan na siyang tanging tao na handa kong gawin ang lahat para lamang hindi ko siya maiwala. Sa oras na mawala siya sa akin ay para ko na ring binitawan ang buhay ko.

"Magiging okay din ang lahat, nandito lang ako."

Naipikit ko lang ang mga mata ko at hinigpitan ang yakap kay Tristan. Wala akong inaasahan mula sa kanya, kung susumahin ay hindi ko binigyan ng pansin ang mga katagang iyon na siyang binitawan niya pero hindi ko maintindihan ang sarili ko, bakit may parte ko na umaasa na sana nga ay manatili siya sa tabi ko?

O maaaring nakikita ko lang ngayon si Sohan sa kanya kaya may parte ko na hinihiling na sana nga ay sinsero siya sa anumang binitawan niya.

──────⊱◈◈◈⊰──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top