Chapter 3
PUMINTIG NANG MATINDI ANG sentido ni Carlos nang magmulat siya. Katulad ng sa hangover ang sakit pero siyempre, malabo iyon dahil bawal sa kaniyang uminom at kontra ang alkohol sa medication niya.
Umungol siya at hinaltak ang kumot hanggang matakpan niyon ang kaniyang mukha. Inis na idiniin niya ang ulo sa unan, pinagagalitan ang sarili dahil kinalimutan niyang sarhan ang blinds ng bintana. Masyado tuloy maliwanag.
He was dead tired when he got back to his hotel the previous night. Naubos ang lakas niya dahil din sa init ng panahon. Well, sabi ng driver ng taxi na nasakyan niya, malamig na raw pero siyempre, sanay siya sa niyebe sa Chicago. Matinding init para sa kaniya ang klima sa Pilipinas.
Gusto man niyang gumapang na para makahiga at makapahinga dahil hanggang doon na lang ang kakayanin ng lakas niya, hindi naman pwede. His leg throbbed with pain. Masyadong na-stress sa paghabol niya kay Suzannah. Hindi siya makakatulog kung hindi siya iinom ng gamot. At hindi pwedeng walang laman ang tiyan niya dahil sisikmurain siya sa lakas ng epekto ng tableta.
Mabuti na lang naroon pa ang dinner roll na naipuslit niya mula pa sa eroplano. Iyon na ang naging hapunan niya. Masyado pa matatagalan kung tatawag siya ng room service. Kung may room service pa nga ng dis-oras.
'Langya. Iilang araw pa lang na wala siyang Mary Jo, mamamatay na yata siya. Masyado na siyang nasanay na may ibang nag-aasikaso ng mga non-work related stuff sa buhay niya, dinaig pa niya ang isang paslit sa kawalan ng pag-asang alagaan ang sarili niya.
Umungol siya, umikot sa pagkakahiga at ipinailalim ang kumikirot na ulo sa malamig na unan. Dinama niya ang haplos ng malambot at makinis na tela. Hinayaan ang ginhawang dulot niyon na maibsan ang sakit. Inaasahan niyang makatulog pa nang kaunti bago niya kailangan nang bumangon may ibang gusto ang kaniyang sikmura.
It made a scary growling sound, like a starved tiger.
Ugh.
Ipagbabalewala sana niya ang gutom dahil dama pa rin niya ang antok, pero habang nagpipilit siyang muling maidlip, tumitindi rin ang paghapdi ng tiyan niya. Sa wakas, sumuko siya. Inililis niya ang kumot (salamat na lang naka-adjust na ang mga mata niya sa liwanag) at inabot ang relong nakapatong sa side table.
Alas sais, basa niya sa dial.
Shit naman, o, napamura siya sa isip.
He hadn't been asleep long. Lagpas ala una na ng madaling araw nang makatulog siya. Although usually, he could survive on five hours of sleep. But he was tired. And jetlagged still.
As if naman may iba pa siyang option ng mga sandaling iyon.
Nagpo-protesta ang mga kalamnan at buto-buto niyang hinila niya ang sarili patayo. Kinuha niya ang menu na nakapatong sa ibabaw ng mini-ref at matapos itawag sa room service ang napiling agahan, nagtungo siya sa banyo para makapag-shower.
Eksaktong naisuot niya ang pantalon nang tumunog ang doorbell. Sinundan iyon ng mahinang pagkatok at ng boses ng isang babae.
"Room service."
Pinatuloy niya ang waitress dala ang tray ng pagkain. Hindi na lang niya napansin nang hagurin siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa, halos lumuwa pa ang mga mata.
"Thank you." Matipid ang ngiting iginawad niya rito habang iniaabot ang pinirmahang resibo kasama ang nakatiklop na isandaang pisong papel.
"Enjoy your breakfast, Sir."
Kunot ang noong tinitigan niya ito nang ilang saglit bago tinanong sa mahinang boses. "Are you okay?"
"Yes, Sir." Nakamulagat itong tumugon, bakas ang gulat sa mukha.
Bahagya lang siyang napailing, at saka tumango bago itinulak pasara ang pinto. He could have sworn the girl had something in her eye the way she was blinking furiously.
Isinuot muna niya ang t-shirt na nakalatag sa kama bago siya naupo sa harap ng mesa. Nagsalin siya ng kape. Pikit ang mga matang sinamyo ang bango niyon at hindi pa man, naramdaman niya na ang pagkabuhay ng kaniyang dugo. Matapos timplahan iyon ng isang kutsaritang puting asukal, hinigop niya ang mainit na likido.
Hindi niya napigilan ang mapaungol nang humagod iyon sa kaniyang lalamunan. Wala talagang katumbas ang lasa ng kapeng barako. Hindi dahil napakasarap niyon para sa kaniya, pero may kalakip na magagandang alaala ang timpla niyon.
Suzannah's mom used to prepare the best barako brew he'd ever tasted. Taon na ang binilang mula noong huli siyang makatikim ng kapeng iyon pero matingkad pa rin sa isip niya ang mga umagang magkaharap sila ng dalaga sa komedor sa bahay nito at nagsasalo sa agahan.
Pareho silang may klase ng alas diyes ng umaga tuwing Miyerkules at Sabado. Nagsimula ang nakagawian nila nang minsang napaaga siya ng sundo rito kung kaya't naimbitahan siyang mag-almusal doon.
Nagpaligsahan sila ni Suzannah sa dami ng naubos na pan de sal na pinalamanan ng butter o peanut butter bago isawsaw sa kapeng pinatamis ng isang kutsaritang asukal. After that morning, Wednesdays and Saturdays always began that way.
Carlos cradled the warm cup between his hands, his wistful gaze straying to the open window. Ilang umaga na ba niya pinangarap ang maulit ang gayon? Mga umagang pilit niyang binubuhay habang nagtitiyaga sa instant 3-in-1 kasabay ng energy bar o jerky, depende kung ano'ng supply nila sa field.
Umiling siya at saka humugot ng malalim ng buntong-hininga.
Tama na ang pagmumuni-muni. Oras na para kumilos. Sigurado siyang kaya pa niyang matunton ang lumang address ni Suzannah kasehodang may mga pagbabago sa daraanan. Unless may kalamidad na nagpaguho o nanlimas ng lugar ng mga ito, likely naroon pa rin ang mga ito. Kung hindi man kasama pa rin si Suzannah, tiyak niyang matatagpuan niya ang mga magulang nito.
Malaki ang iginaan ng pakiramdam niya sa nabuong plano. Mas masigla na siyang kumain, at kung nakarinig siya ng tugtugin na medyo upbeat ang tempo, baka sumayaw siya. Ni hindi rin siya apektado ng nakakabagot na traffic mula Malate hanggang Makati. Hanggang narating niya nga ang bahay na hindi pa rin nagbabago ng hitsura sa naaalala niya.
For a split second, parang gusto niyang habulin ang taxi na naghatid sa kaniya roon para magpabalik na lang sa hotel pero mabilis din niyang pinagalitan ang sarili sa karuwagan.
Nandito ka na, ano? Ngayon ka pa ba uurong?
Heart pounding, he pressed the doorbell button. Pigil ang hiningang naghintay siya ng pagtugon at napatalon siya sa gulat nang pumihit ang trangka. Muntik pa siyang mabuwal nang sumilip sa awang ng gate ang isang pamilyar na mukha.
Pamilyar pero hindi ang kaniyang inaasahan.
"Tita Leni?"
Kumunot ang noo nito sa pagsino sa kaniya. Napalunok siya bago huminga nang malalim.
"Tita, si ano po...si Carlos po ako, 'yung dating..." Hindi niya nakuhang tapusin ang sinasabi dahil napabulalas na ito.
"Ay, susmaryosep!" Hinawi nito nang mas malawak ang pintuan at tinapik siya nito sa dibdib. "Kumusta ka na? Bakit ngayon ka lang napadalaw?"
Ibinuka niya ang bibig para sumagot pero nagulat siya nang inabot na siya ng babae at hinatak palapit.
"Halika, tuloy ka."
Muntik na siyang mabuwal. Mabuti at naitukod niya ang kamay niya sa hamba ng pintuan. It had been a long time ago, but his injured leg had never been the same. It had remained weak.
Come to think of it, he had never been the same since...
"Ay, naku, sorry ha?" Napatutop ang mga kamay nito, malinaw na napahiya sa ginawa. "Pasensiya ka na, na-excite lang ako."
"Okay lang po, Tita," nginitian niya ito. "Okay lang po ako. Pasensiya na po kung 'di ko kayo napapasyalan mula noong umalis ako."
"Oy, Carlos." Sumilip mula sa likuran ng babae si Henry, ang asawa nito at ama ni Suzannah. Hindi ito lubusang lumapit pero tumayo ito sa harap niya at kunot ang noong pinagmasdan siya. "Aba't ang tagal mong nawala ah. Ikaw ba talaga 'yan?"
Itinaas niya ang kamay para haplusin ang mga pisnging nakatago sa makapal na tubo ng balbas.
"Medyo namayat lang ho, at saka tumanda na rin," pasimpleng hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na nakalaylay sa kaniyang noo at tumutusok sa kaniyang mga mata.
"Halika at doon tayo sa loob," muling paanyaya ni Tita Leni. "Nag-almusal ka na ba?"
Nanatili pa rin siyang nakatayo roon, puno ng pag-aalanganin. "Kumain po ako bago umalis ng hotel. Nagbakasakali lang ako kung dito pa rin nakatira si Suzannah."
"Ahh," tumango ito. "May apartment siya sa New Manila. Doon na sila nakatira ng mga bata, siguro magsa-sampung taon na. Kapag weekend, pumapasyal sila rito."
Mga bata?
"Gano'n po ba?" Lumunok siya. Parang bigla siyang nahirapan huminga sa 'di maipaliwanag na bikig sa kaniyang lalamunan.
Kumurap ang kausap. Napalingon sa asawa. Nakita niya ang pag-uusap ng mga mata ng mga ito at kinabahan siya dahil baka kung ano'ng sabihin ng mga ito tungkol sa kaniyang pakay.
"Huwebes ngayon," muling nagsalita si Tita Leni. "May paboritong coffee shop si Suzie malapit sa apartment nila. Laging nando'n 'yun ng ganitong araw at oras."
Bahagyang nakahinga siya nang maluwag.
"If you don't mind po, pupuntahan ko na lang po si Suzie doon," nagsimula siyang magpaalam. "Pasensiya na po kung 'di ko kayo mapagbigyan ngayon. Maybe next time po."
"Dito ka na ba ulit sa Pilipinas?"
"Eh, hindi po," umiling siya. "I'm just visiting. Pero matagal-tagal pa po bago ako bumalik ng US."
Kapwa tumango ang dalawang nakatatanda. Saka bumuntong-hininga si Tito Henry.
"O siya, kung balak mo puntahan si Suzie..." Iniabot nito ang kamay sa kaniya.
Kung nasa Amerika siya at hindi Pilipino ang kaharap, makikipagkamay lang siya rito. Pero dahil sa nakasanayan at kinalakhan, idinampi niya sa noo ang likod ng palad nito.
"It's nice to see you both again, Tito, Tita," nagmano rin siya sa babae. "Ipapa-message ko na lang po kayo kay Suzie kapag nagkita na kami."
Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nagtiis sa traffic mula Makati hanggang Quezon City, isama pa ang pagtitiis niya sa mainit na interior ng nasakyang taxi. Masyadong maraming nangyayari sa isip niya para mapagtuunan pa ng pansin ang paligid at ang oras. Nagulat pa siya tuloy nang magsalita ang taxi driver.
"Sir, 'yan ba 'yung pupuntahan mo?" Itinuro nito ang isang mukhang lumang bahay na may karatulang nagsasaad ng pangalan nito.
Dreams Cafe. Malamang iyon na nga. Sabi rin sa Waze app na gamit niya, "arrived" na raw siya sa kaniyang destinasyon.
"Oo, pakitabi na lang diyan," aniya habang bumubunot ng wallet.
Binayaran niya ang driver (nagtaka siya kung paanong lagpas tatlong daang piso ang nasa metro pero di na siya nakipagtalo) at umibis ng sasakyan.
Pinigilan niyang mapaungol nang magreklamo ang mga kasu-kasuan sa pag-unat. Itinukod niya ang hawak na baston at saka tinuunan iyon para makatayo nang tuwid. Nang makuha ang balanse, sinimulan niyang lumakad papuntang entrance. Iginala niya ang tingin sa salaming bintana, sinisipat nang mabuti ang mga customer na nakaupo sa loob.
Sa bawat hakbang niya papalapit sa pintuan, bawat maraanan ng mga matang mukha na maaaring pamilyar, bumibigat at bumibilis din ang pagkabog ng dibdib niya. Hanggang nang dumako ang tingin niya sa isang malayong sulok ng restaurant at masilayan ang mukhang matagal niyang inasam na makita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top