3-Library

Recess at lunch break ang pinakapaboritong period ng mga estudyante. Kwentuhan, kainan, at mag-relax; ito ang tatlong bagay na gusto ko, bukod sa pangongopya ng assignment kay Jabe. Oo na, tamad na kung tamad.

Habang nagtatagal ang school year ay may napapansin ako tuwing break time: hindi ko nakikita ang kaklase naming si Leianne, kahit anino niya, sa canteen. Sa classroom lang namin siya nakikita, at pagkatapos, ay nawawala na siya sa aming paningin. Saan kaya siya nagpupunta tuwing recess at lunch? Ano iyon, di siya kumakain?

Mahirap siyang biktimahin bilang isang target.

☆☆☆

Minsan, isang lunch break, ay nagpunta ako sa library para humiram ng libro. May assignment kasi ako sa last period, at absent si Jabe para pagkopyahan ko ng assignment. So ako lang ang gagawa nito. Siguro mabuti ngang humiram ng libro kaysa mangopya, for a change.

Pumasok ako sa library na minsan ko lang dalawin, at agad pinuntahan ang Filipino section. Nahanap ko ang librong kailangan para sa Filipino assignment. Naglakad ako sa librarian's desk para i-out ito.
Nang natatakan na ang library card ay akma na sanang lalabas ako, nang marinig ko ang usapan sa may kalapit na library pantry (di ko alam may pantry pala sa loob ng library). Nagulat ako nang makita ko si Leianne Avila na kumakain kasama si Ma'am Mitchie, ang assistant librarian.

Lumapit ako sa katabing bookshelf para pakinggan ko ang usapan nila nang di ako makikita.

"Mahilig ka pala sa Star Wars!" Natutuwang sabi ni Ma'am Mitchie kay Leianne.

"Oo nga po. Buti may Star Wars books kayo dito," masayang sagot ni Leianne. "Pwede ko po mahiram ang Queen Amidala's journal?"

"Oo naman! Ibibigay ko na ito sa iyo ngayon, gusto mo?"

"Thank you po Ma'am Mitchie!"

Iyon lang ang napakinggan ko sa usapan nila Leianne at ng assistant librarian. Lumabas ako ng library ng may bagong nalalaman:

Mahilig pala sa Star Wars si Leianne. At ngayon ko lang siya narinig na nagsasalita at nakikipagusap na para bang normal lang siya na bata.

Hindi kasi nagsasalita si Leianne sa klase. Para siyang may sariling mundo na ayaw mapansin. Sumasagot naman siya pag tinatawag ng titser sa recitation, pero ang hina ng boses niya. Weird.

Teka, isa pang pinagtatakahan ko: Kay Princess Leia kaya siya pinangalan?

Oy, napanood ko naman ang Star Wars kasama ang daddy ko. Sa DVD, noong summer, nag-marathon kami hanggang sa pinagalitan na kami ni mama, kasi masyado kaming napupuyat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top