26-Disappointed

"Bearwin! Hintayin mo kami!"

Dinig ko sa likuran ko ang mga sigaw nila Jabe at Tammy habang hinahabol nila ako papalabas ng high school building. Di ko napansin na nagtatakbo na ako papunta sa school garden. Ito ay pagkatapos kong makitang pumayag si Leianne na maging prom date si Ralph Hernandez.

Balot ako ng sama ng loob. Di ko pinansin ang dalawa kong kaibigan, hanggang sa naupo sila sa tabi ko sa may benches; si Jabe sa kaliwa at ang pinsan kong si Tammy sa kanan.

"Ang torpe ko talaga! Naunahan tuloy ako!" Napayuko ako habang nakatakip ang mga kamay ko sa mukha ko.

"Sana binilisan natin kanina," mahinang tugon ni Jabe. "Sorry tol."

"Di ko kayo sinisisi," sagot naman ni Tammy. "Ang totoo niyan, tatawagin ko sana si Leianne pagka-dismissal para ayain ko sa iyo, pero bago ko pa nagawa iyon, tinawag siya agad ng isa naming kaklase tapos hinatak siya sa gitna ng classroom kung saan nakatayo doon si Ralph. Doon na-reveal na siya ang secret admirer ni Leianne."

Lalong sumama loob ko pagkatapos kong marinig ang kwento mula kay Tammy. "Siguro sila na iyan sa puntong ito," bigla kong nasabi.

"Di pa naman! May chance ka pa!" Sabi ni Tammy.

"Alam mo naman mga nangyayari sa mga prom date pagkatapos ng prom. Yung iba, nagiging sila talaga. Di ko siya masisisi kung gusto niya talaga si Ralph," diin ko. Pumasok ulit sa isipan ko ang ngiti niya habang yakap niya si Ralph.

"Sa bagay, di natin kontrolado si Leianne," sang-ayon ni Tammy sa akin.

"Hala, ayaw niyo na siyang kaibigan?" Gulat na tanong ni Jabe.

"Di naman sa ayaw. Pero tignan mo si Bearwin, nasasaktan na dahil sa kanya," wika ni Tammy.

"Di muna ako sasabay sa inyo hanggang sa mag-prom," sabi ko. "Ayoko na munang makasama si Leianne."

"Ano, magpapaka-loner ka?! Di iyan sagot sa problema mo!" Pinalo ako ni Tammy sa likod. Di na ako nag-react, kasi wala ako sa wisyo na patulan siya.

"Hayaan mo muna si Bearwin. Ako na muna sasama sa kanya. Ikaw, bantayan mo si Leianne," bilin ni Jabe. "Sabihin mo na lang sa kanya, busy kami ni Bearwin sa mga lessons kasi magre-remedial ako kuno sa Math kung bagsak ako sa fourth quarter."

Nag-isip si Tammy. "Okay na excuse iyan ah, Jabe. Sige, let off some steam muna si Bearwin," pagpayag niya. "Magkikita pa rin naman tayo after classes. Si Leianne, malayong sumabay ulit sa atin."

Iyon ang napagkasunduan naming tatlo. Kakain kami ni Jabe na kaming dalawa lang na kunwari ay nagre-review, habang si Tammy ay sasama kay Leianne. Masama loob ko ng mga oras na iyon na nagkakalayo na kaming dalawa, pero mas gusto ko na iyon kaysa naman kasama ko siya at mabigat ang damdamin ko sa kanya.

Siya nga pala, nangako rin si Tammy sa akin na di niya ikukwento kay Leianne ang pinag-usapan namin, pati ang totoong damdamin ko sa kanya. Sabi ng pinsan ko, mas maganda kung ako na ang magsasabi pag dumating ang tamang oras.

***

Kalat na sa batch namin na magka-date sila Leianne at Ralph sa prom. Ang daming kinikilig sa kanilang dalawa habang may iba naman na nagseselos kay Leianne dahil siya ang napili ni Ralph. Instant resident love team ang dalawa, at ngayon pa lang, may mga nagmumungkahi na sila ang gawing Prom Prince at Princess. Sa seniors kasi pinipili ang Prom King at Prom Queen.

"Narinig mo ba mga usap-usapan? Si Leianne ang candidate for Prom Princess," kaswal na kwento ni Jabe habang nagtatanghalian kami sa malapit na karinderya. Talagang nagpapakalayo kami kay Leianne para di niya kami mapansin.

"Maganda iyon. Pwede naman siya na Prom Princess," matamlay kong sagot habang kumakain ng beef steak.

"Asarin natin at si Jillian Jose ang i-nominate natin na Prom Princess," natatawang alok ni Jabe.

"Di na siya popular mula nang mag-break sila ni David Damian. Sana si Marla na lang ang i-nominate mo." Andun pa rin sa amin ang dating nang-away kay Leianne noong first year kami, pero iba na ang buhay niya. Member siya ng cheerleading team at Dance Club. Talagang nilubayan na niya si Leianne.

Natawa si Jabe sa sinabi ko. "Oo nga no, para magkaribal ulit sila!" Napatigil siya ng tawa na para bang may bigla siyang naalala. "Parang iba na si Leianne ngayon. Wala na siyang pakialam kung makasabay niya tayo or hindi. Ang totoo niyan, napapasama na siya ngayon sa grupo ng staffers ng school paper. Sila ni Ralph nagdadala ng popularity ng grupo nila. Kaya ang daming gusto na maging bida sila sa Prom."

Tahimik kaming kumain ni Jabe hanggang sa matapos ang lunch namin. Bumalik kami sa school at papunta na ng classroom nang hinatak ako ni Jabe sa likuran niya. "Tol, gumilid ka muna." Nilakad niya ako sa isang corridor. Magtatanong na sana ako kung bakit nang makita kong dumaan ang official loveteam ng batch namin.

Nakangiti sa isa't isa sila Ralph at Leianne habang nag-uusap. At sa gilid nila at nakatago ang mga kamay nila na magkahawak.

Di man lang nila napansin na nagtago kami sa likod ng pintuan ng nakabukas na Home Economics Room habang masaya silang dumaan sa amin.

"Kung ako sa iyo, isusumbong ko iyan si Leianne kay Mang Ramon sa restawran," sagot ni Jabe. "Alam niya kaya iyan? Kumekerengkeng na anak niya, oh."

"Hayaan na natin siya ang magkwento sa tatay niya. Barkada lang niya tayo. Wala na tayong pakialam kung kanino niya gusto ma-in love," wika ko.

Bakit kaya si Ralph Hernandez ang nagustuhan niya? Kung naunahan ko ba si Ralph sa pag-aalok ng date sa kanya sa prom, mag-iiba kaya ang ihip ng hangin?

At kung kasing-gwapo ko kaya si Ralph, magugustuhan kaya ako ni Leianne?

***

"Ano, wala kayong mga date sa prom? Baka mainggit kayo sa mga nag-i-slow dancing na couples!"

Iyon ang biro sa amin ni Daddy. Nagpunta si Tammy sa bahay namin para sunduin ako. Sabay kaming pupunta sa school kung saan gaganapin ang prom night, sa school gym.

"Okay lang iyon Tito!" Natatawang sagot ni Tammy. "May mga friends ako sa klase namin na wala rin mga date. Sa kanila ako sasama."

"Eh paano naman ang anak kong si Bearwin? Mukhang wala siyang naayang maka-date. Sana si Leianne na lang." Hindi mapigilan ni Daddy ang kanyang ngiting abot hanggang-tainga nang mabanggit niya si Leianne.

"Kasi po..." Napatingin sa akin si Tammy.

Hindi ako makasagot. Anong idadahilan ko? Bakit pa kasi pinaalala sa akin ito?

"Ah, hayaan mo na. May next year pa kayong prom. Baka pwedeng humabol. Sige, ingat kayo papunta sa school!"

"Alis na po kami Tito!"

"Bye dad!"

Lumabas na kami ni Tammy ng bahay at sumakay na sa kotse niya. Maingat na sumakay si Tammy habang hila ang laylayan ng kanyang mint-green na halter gown. Naka-loose hairbun ang buhok niya at lalo tuloy lumabas ang ganda niya. Laking pagtataka ko, bakit kaya wala siyang ka-date sa prom sa ganda niyang ito?

"Sayang wala kang ka-date, Tammy," bigla kong nasabi.

"Naku, okay lang iyan! I turned down someone who was asking me out, kasi mayabang siya. Ang nalulungkot ako, di mo kasama si Leianne. You should see her! Inaya ko siya sa suking beauty parlor ni Mama at doon ko siya pinaayos. Pati gown niya, ako ang pumili," pagmamayabang niya.

Pinilit kong ngumiti. "Buti di mo siya pinabayaan." Naiinis ako na kay Ralph siya nagpaganda.

"Kinulit nga niya ako tungkol sa iyo, kung kumusta ka ka raw. Sabi ko, tinutulungan mo si Jabe sa Math lessons niya kaya di kayo nakakasabay sa amin tuwing lunch. Kaya kami munang dalawa. Don't worry di pa niya nahahalata na medyo distansya ka muna sa kanya."

"Busy kasi kay Ralph kaya ganoon," kutya ko.

"Huwag ka nang magselos diyan!" Pinalo ni Tammy ang balikat ko. "Sayang ang coat and tie pati hairgel mo! Sabi nga ni Tito, may next year pa naman. Malay mo, siya na ang date mo!"

Di na ako makaimik. Gusto kong paniwalaan ang posibilidad na iyon. Pero paano kung may posibilidad din na mag-iba na ang lahat pagkatapos ng gabing ito sa prom?

Alam ko selfish ako. Pero mukhang kailangan nang tanggapin ngayon pa lang na di mangyayari ang gusto ng puso ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top