17-Scared

Dapat kong makausap si Leianne. Bukas, aabangan ko siya sa labas ng classroom ng 1-Emerald. Sana matyempuhan ko siya.

Pero anong sasabihin ko sa kanya?

Magso-sorry ako dahil kinurot ko siya sa pisngi noong huli kaming nagkita.

Sana tanggapin niya ang sorry ko.

At sana, sumabay na siya ulit sa amin.

☆☆☆

Halos hindi ako makatulog nang gabing iyon dahil sa kakaalala kay Leianne. Pumasok ako ng school kinabukasan at maghapon akong tensyonado. Di na naman sumabay si Leianne sa amin noong lunch break. Napag-usapan na naman namin siya.

"Nakausap mo na ba si Leianne?" Tanong ko kay Tammy.

"Di pa rin eh, sorry," malungkot na sagot ni Tammy. "Mukhang nilalayuan niya na tayo."

"I think may problema si Leianne," tugon ni Jabe. "Di ko pa siya gaano kilala, pero di naman siya siguro lalayo nang walang dahilan. Bearwin, baka may ginawa ka sa kanya."

"Baka ikaw may kasalanan eh!" Pinalo ni Tammy ang ibabaw ng lamesa sa canteen.

"Pwede secret lang natin to?" Nilapit ko ang ulo ko kina Jabe at Tammy.

"Kinurot ko siya sa mukha kasi inaasar ko lang naman." Napalugok ako at hinintay ang kanilang reactions.

As expected, nagulat sila.

"Ginawa mo iyon?!" Nanlaki ang mga mata ni Tammy.

"Whoa, damoves ka na talaga! Sabi ko na nga ba eh!" Napangisi si Jabe na para bang nababasa niya nasa isip ko.

"Eh natutuwa lang ako sa kanya that time," pagdadahilan ko.

"Luh, baka nga nagalit sa iyo!" Wika ni Jabe.

"Di pa nga ako nagso-sorry eh," matamlay kong sagot.

"Hoy, mag-sorry ka mamaya ah! Di ka namin tutulungan," payo ni Tammy.

"Please naman Tammy, ilapit mo ako sa kanya," pagmamakaawa ko.

"Hmp! Kung ako nga di ko nga siya nakakausap na masyado, ikaw pa? Basta, ikaw lalapit sa kanya!" Pinandilatan ako ni Tammy na para bang sinasabi niya, Bahala ka diyan!

"Okay, basta ako na lang gagawa," buntong-hininga ko.

Iyon ang naging kasunduan namin noong lunch: ako lalapit kay Leianne at hihingi ng sorry.

☆☆☆

Nang mag-dimissal time na, nagmamadali akong lumabas ng classroom at agad pinuntahan ang classroom ng 1-Emerald. Pasimple akong sumilip doon para hanapin si Leianne. Pero di ko siya nakita.

Naglakad-lakad ako sa hallway at inisip kung saan kaya siya pwedeng pumunta. Naisipan kong dumayo muna sa canteen, kung sakali na nandoon siya.

Pero nang pumasok ako sa canteen, wala si Leianne kahit ang anino niya.

Sa library kaya? Tanong ko sa sarili ko.

Bright idea. Bumalik ako sa main building ng high school at umakyat sa second floor kung saan matatagpuan ang high school library. Pumasok ako doon na kunwari may hinahanap akong libro. Nilakad ko ang lahat ng library sections at mga bookshelves. Sana nandito lang si Leianne.

Pero di ko pa rin siya nakita.

Saan kaya siya magsusuot? I-text ko na kaya sila Jabe at Tammy? Hindi, tawagan ko na lang.

Kinuha ko ang cellphone ko sa bag, pero laking malas ko, na-lowbatt na pala.

Oo nga pala, hahayaan ako nila Jabe at Tammy na ako ang lalapit sa kanya.

Naisipan kong akyatin ang 3rd floor ng high school building pati na rin ang 4th floor. Nilakad ko lahat ng hallway, sinilip ang mga classroom, at pati na rin ang mga comfort rooms. Nang tapos ko nang halughugin ang 3rd floor, sa 4th floor naman ako umakyat. Sa seniors' floor.

Teka, ano namang gagawin ni Leianne sa seniors' floor? Di kaya may secret boyfriend na siya na fourth year? Siguro kaya siya lumalayo sa amin, kasi ayaw niyang ipaalam sa amin na may boyfriend na siya! Tapos palagi silang tumatambay sa rooftop at nagiging sweet with each other.

Ang wild ng imagination ko. Naku, sana imagination ko lang iyong naiisip ko. Di naman ganoon si Leianne.

Nang makarating na ako sa seniors' floor, naabutan ko na wala na palang mga estudyante doon. Inakyat ko na ang rooftop, kung saan tumatambay ang mga fourth year students. Pero nang makarating ako doon, kasing-tahimik ito ng mga classrooms ng seniors.

Nagpalakad-lakad ako at nag-enjoy sa preskong ihip ng hangin. Tanaw na tanaw dito ang buong syudad, at manghang-mangha ako sa paligid. Muntik ko nang nalimutan na kailangan ko nang hanapin si Leianne.

Pero papalubog na ang araw. Past 5:30 na pala ng hapon. Baka umuwi na rin si Leianne.

Ayaw niya talagang pahanap sa akin.

Disappointed akong bumaba ng rooftop at dumaan sa mga fourth year classrooms. Naisipan kong mamasyal-masyal muna dito bago ako umuwi.

Ang eerie pala ng pakiramdam pag ikaw na lang ang naiwan sa high school building. Di naman sa takot akong makakita ng multo, pero kakaiba lang sa pakiramdam na naglalakad ka sa hallway at nababalot ka ng nakabibinging katahimikan.

Tulungan niyo ko...

Nagitla ako nang may narinig akong boses ng babae na nanggagaling somewhere. Di kaya gutom na ako or---

Tulungan niyo ko!

Narinig ko na naman ang boses na iyon. Baka may white lady din dito? Naku, makaalis na nga at nagha-hallucinate na ako dahil sa gutom at pagod!

TULUNGAN NIYO AKO!!!

Mas malakas na ang tinig ng babaeng iyon. Tapos, may narinig ako na kalampag ng matigas na bagay na para bang pinapalo ito.

TULONG! ILABAS NIYO KO DITO SA STORAGE ROOM!

Totoo pala naririnig ko! Storage room daw!

Agad akong tumakbo sa pinanggalingan ng boses at ingay, sa right wing. Nakita ko ang pinto ng storage room na may kandado na naka-hook.

TULUNGAN NIYO KO PLEASE!

Mas malakas na ang sigaw ng babae na naka-lock sa loob. Teka, pamilyar boses niya. At di siya multo!

"MISS, NASA LOOB KA?!" Malakas kong tanong.

"BEARWIN! AKO TO, SI LEIANNE!"

Leianne?

Nanlamig ang dugo ko nang marinig ko ito.

"Leianne, bakit ka nandiyan? Na-lock ka ba?" Nag-aalala kong tanong.

"ILABAS MO MUNA AKO, BEARWIN!" Mangiyak-ngiyak niyang sigaw.

"Naka-lock ang door sa labas, pero gagawa ako ng paraan."

"BILISAN MO!"

Narinig ko nang humagulgol si Leianne sa loob ng storage room. Imbis na magpa-apekto sa lungkot at awa, inisip ko kung paano babaklasin ang kandado para makalabas siya.

Nilapag ko ang backpack ko at kinuha ang ballpen ko. Baka pwede itong pambukas ng lock?

Naku, di matulis ang dulo nito.

Binalik ko ang ballpen ko at binuksan ang outer compartment ng bag ko. Baka nadala ko doon ang Swiss Knife ko. Pero sa kasamaang-palad, wala ito dito.

"BEARWIN?" Tanong ni Leianne mula sa loob.

"TEKA, TATAWAG NA AKO NG TULONG!" Sigaw ko sa kanya. "STEADY KA LANG DIYAN!"

"OKAY." Naririnig ko pa ang mga iyak ni Leianne.

Bumaba ako ng high school building at naisipang humanap ng janitor na tutulong sa akin na makalas ang kandado. Naisip kong puntahan si Kuya Dennis sa grade school building. Tumakbo ako papunta doon at buti na lang, nakasalubong ko siya na papauwi na.

"Bearwin, napadalaw ka!" Masaya niyang bati sa akin.

"Hi Kuya Dennis..." humahangos kong sagot. Huminga muna ako ng malalim. "Kuya Dennis, tulungan mo ako... may na-lock na estudyante sa storage room sa high school building, sa fourth floor. Si Leianne po iyon."

"Na-lock?!" Nagulat si Kuya Dennis sa kinuwento ko.

"Di ko rin po alam kung paano nangyari iyon, pero kailangan muna natin siyang ilabas doon," pag-aalala ko.

"Halika, puntahan na natin."

Tinakbo namin ang high school building at inakyat ang fourth floor. Nang nasa harap na kami ng storage room kung saan nandoon si Leianne, tinawag ko siya.

"LEIANNE, ANDITO SI KUYA DENNIS. ILALABAS KA NAMIN DIYAN!"

"BILISAN NIYO!" Iyak niya.

Una munang ginawa ni Kuya Dennis ay tinignan kung may susi siya na magkakasiya doon sa lock. Maliit lang naman na lock ito na naka-hook. Pinasok ni Kuya Dennis ang pinakamaliit niyang susi sa lock, at buti naman ay nabuksan agad ito.

Nang hinila na namin ang pintuan, agad tumambad sa amin si Leianne na pagang-paga ang mga mata at mukhang nanginginig sa takot. Magulo na rin ang nakatali niyang buhok, at nalukot pa ang kanyang uniporme. Di na rin siya nakasalamin.

"BEARWIN!"

Agad siyang napayakap sa akin paglabas niya. Iniyakan na niya ang balikat ko, at di ko na rin mapigilan na akbayan ko siya sa balikat niya.

"Anong nangyari sa iyo, Leianne?"

"KASI... SI... SI..." Pautal-utal niyang sagot.

"Hija, sinong gumawa niyan sa iyo?" Tanong ni Kuya Dennis?

Dinala na namin si Leianne sa janitor's office ng grade school kung saan pwede siyang makaupo. Habang naglalakad kami ay hindi siya bumitaw sa akin habang umiiyak. Nakaalalay ako sa balikat niya habang nakasandal ang ulo niya sa akin.

Nang makapasok na kami sa janitor's office, agad siyang binigyan ni Kuya Dennis ng isang basong tubig para kumalma siya. Nang makainom na si Leianne at nakahinga nang maluwag, nagsimula na siyang magkwento sa amin ng nangyari sa kanya.

"Ni-lock ako ni Leslie at ng friend niyang si Marla sa storage room."

"Huh?!" Napatingin ako kay Kuya Dennis, na mukhang gulat din.

"Ilang araw na rin akong binu-bully ni Leslie na gawin mga essays niya at ibang mga assignment. Nagsimula iyon nang ibahin ang seating arrangements namin after ng periodical exam. Nakaupo siya sa likod ko, tapos katabi ko ang friend niyang si Marla. New student lang iyon, pero friends na sila ni Leslie. Walang araw na di nila ako tinitigilan. Lagi nila ako hinihila tuwing breaks na gawin ang assignments nila sa library. Minsan tinataguan ko na lang kasi di na ako nakakakain ng lunch, kaya sa comfort room ako kumakain. Kung di sila nagpapagawa ng assignments sa akin, pinaparinggan nila ako sa klase. Sinasabi nila, sipsip ako sa mga teachers lalo na kay Sir Ivan, tapos pag di ako sumama sa kanila, babalingan nila si Tammy, at ipagkakalat na bf ko si Sir Ivan..."

Napayuko si Leianne at humikbi.

"May mga vandal na nga sa akin sa comfort rooms. Malandi raw ako at sipsip kay Sir Ivan..."

"Bakit di ito alam ni Tammy?" Tanong ko.

"Friend na niya kasi yung bago niyang seatmate, si Maika. Gustuhin ko man kausapin, di rin ako makalapit, kasi nga nagbanta si Leslie."

"Salbaheng bata iyon ah," komento ni Kuya Dennis. "Paano ka nakulong sa storage room?"

"Inaya na naman ako ni Leslie na gawin ang assignments niya after classes. Kinorner nila ako, tapos tumanggi ako. Kaya ayun, sinabunutan nila ako at kinaladkad sa storage room sa 4th floor, tapos kinulong nila ako gamit ang lock na nakasabit doon."

Humagulgol na naman si Leianne pagkatapos niyang magkwento.

"Bullying iyan! Mali ang ginagawa nila sa iyo, Leianne! Naku, maisumbong nga kay Ma'am Benitez," galit na sabi ni Kuya Dennis.

"Huwag na po!" Pagmamakaawa ni Leianne. "Sabi nila, lagot ako pag nagsumbong ako sa teacher o principal. Kaya nagpapanggap ako na may ginagawang mga assignments, pero ang totoo niyan, nagme-meet kami sa library para magawa mga assignments nila..." Nagpunas siya ng luha sa kaliwa niyang mata gamit ang likod ng kanyang kamay.

"Leianne, dapat di nila iyan ginagawa sa iyo. Mali ang mam-bully at magpa-bully," mahinahon na sabi ni Kuya Dennis.

"Ayoko magsumbong," naiiyak niyang sabi.

"Tama si Kuya Dennis," singit ko. "Kung ginagawa nila iyon para maging first honor si Leslie, mali ang paraan nila."

"Gawan na natin iyan ng incident report," mungkahi ni Kuya Dennis.

"Oo nga, mabuti pa."

Ngayon ko lang nalaman na ang seryoso ng tinig ko nang sinabi ko iyon.

Kahit tumatanggi na si Leianne, ginawan pa namin siya ng report based sa kwento niya ng pambubully at pagkaka-lock sa kanya nila Leslie Martin at Marla Samonte. Pagka-sign ko ng bond paper na may sulat-kamay ni Kuya Dennis, agad sinabi ni Leianne:

"Huwag niyo munang isumbong kina Ma'am Benitez at Ma'am Astor." Si Ma'am Astor pala ang adviser nila Leianne sa klase.

"Oh ano, hahayaan na lang natin sila na ganyanin ka?" Tanong ni Kuya Dennis.

"Di na muna ako papasok," mahina niyang sinabi.

In the end, pumayag naman siya na itago ang incident report na ginawa ni Kuya Dennis para sa kanya. Nangako siyang lalaban at magre-report lang siya pag di pa rin siya tinigilan nila Leslie.

Nagpaalam na kami kay Kuya Dennis na may halong pag-aalala.

☆☆☆

Pinayagan ko muna si Leianne na makapaghilamos at makapag-ayos ng buhok. Kinuha na rin namin ang bag niya na naiwan sa classroom. Umuwi kami na madilim na, at sabi ko sa kanya, idadahilan ko na lang na tinuruan niya akong gumawa ng assignment kaya ginabi kami.

"Sana hindi ako mahalata ni Papa," wika ni Leianne habang naglalakad kami pauwi.

"Di ka talaga papasok?" Tanong ko.

Umiling si Leianne. "Magpapagawa ako ng bagong salamin. Kunwari nalagpak ko lang. Binali kasi nila Leslie bago nila ako ikulong sa storage room. Di bale, astigmatism lang naman ito. Nakakakita pa ako kahit wala akong salamin."

"Malilintikan iyan si Leslie Martin sa akin," galit ko na binulong.

"Huwag ka nang lumaban, Bearwin. Ako na lang lulutas nito," wika ni Leianne.

"Ano, magpapa-bully ka na lang sa kanila? Lumaban ka!"

Sasagot na sana si Leianne nang may dumaan na jeepney na ito ang pinapatugtog:

Ikaw ang Diyos at hari ng iyong mundo

Matakot sila sa iyo...

"Huwag kang matakot na matulog mag-isa, kasama mo naman ako..."

Sinabayan ko ang kanta hanggang sa makalayo na ang jeep.

"Huwag kang matakot..."

Sinabayan na ako ni Leianne sa pagkanta.

"Huwag kang matakot... ooooohhh..."

"Salamat pala, Bearwin." Matamlay siyang ngumiti sa akin.

"Leianne, don't let them bring you down," paalala ko. "Jedi knight ka. Huwag kang papatalo."

Narinig niya ang salitang Jedi at napangiti na siya sa akin na abot hanggang tainga.

(To be continued)

A/N: Lines from the song "Huwag Kang Matakot" by Eraserheads.

Babala: huwag gayahin ang pambubully ni Leslie. Bad iyon! Bad siya! Don't worry, Leianne will get through this. ;)

Enjoying the story? Please vote and comment. Thank you na rin sa mga mag-a-add nito sa library nila!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top