Divina's Diary Page One

** Divina's diary **

Page One

Year 2010

Alarm clock talaga namin ang sigaw ng nanay namin na may kasama pang sermon at laging sinasabi na wala kaming silbi na magkakapatid dahil hindi kami gumising ng alas-sais ng umaga tulad niya. Kasalanan ba namin na hindi namin kayang gumising nang gano'n kaaga? Bukod pa roon, Sabado iyon, at walang pasok.

Bilang panganay at labindalawang taong gulang pa lamang, hindi ako mangmang sa mga nangyayari, partikular na sa aming pamilya. Kahapon, narinig ko na nag-aaway sila ng tatay ko dahil hindi sapat ang kita ng tatay para sa araw na iyon. Malapit na kasi ang due ng mga bayarin. Narinig ko rin na may bago na namang inutangan si mama para masustentuhan ang araw-araw na pangangailangan namin. Kami na lang ang naging emotional punching bag. Palaging may cold war sila sa bahay. Hindi ba nila na-realize na pareho lang ito ng away na may sigawan? At least kapag may sigawan, pati mga nakababata kong kapatid, malalaman din nila ang problema. Pero ako ang panganay, ako muna ang dapat maka-figure out ng lahat.

May mga pagkakataon na inirerekomenda ni Papa na mag-file sila ng annulment ni Mama at ipadala na lang kami ng mga kapatid ko sa probinsiya. By the way, jeepney driver ang Papa ko at housewife naman si Mama. Nagigising si Papa tuwing alas-tres ng madaling araw at umuuwi sa bahay ng alas-sais ng gabi. Bata pa ako noon, at hindi ko pa na-realize na lubhang nakakapagod ang magmaneho maghapon na pagkatapos ay uuwi para lang masigawan ng kanyang asawa, ng mama ko, tungkol sa kakulangan ng kita.

Si Mama naman, may mga side hustle para makatulong sa pamilya—nagtitinda siya ng kahit ano, basta legal tapos hands on na sa pag-alaaga sa'min. Madalas din na sumasama ako sa kanya sa Tutuban para magtinda. Partida, taga Quezon City pa kami. Nakakapagod naman talaga 'yon, pananahimik at pagsunod na lang ang ambag namin sa bahay para hindi na kami makadagdag pa sa problema nila na alam ko, hindi naman nila ginusto.

Bigla ko na lang naisip na dapat gumising ako nang mas maaga kaysa kay Mama sa darating na Lunes. Gusto kong malaman kung ano ang tunay na problema, maliban sa pera, siyempre. Siguro, kaming magkakapatid na pasanin nila ang talagang problema. Nagising naman ako nang mas maaga kaysa kanila, eksakto ala una ng madaling araw. Gusto kong makita kung paano nagsisimula ang umaga ng mga magulang ko tuwing nakabibingi ang katahimikan sa madaling araw.

Matiyaga akong naghintay hanggang dumating ang alas dos ng madaling araw. Nang lumabas sila, nagtago ako sa ilalim ng mesa. Sobrang aga pa lang pero halatang sawà na sila sa isa't isa. Naririnig ko pa ang pagdadabog ni Mama habang inaasikaso si Papa. Si Papa naman ay inaantok pa at hindi interesadong magmaneho, marahil kulang pa sa tulog.

Pagkatapos no'n, bigla na lang akong lumitaw, kaya't pareho silang nagulat. Tinanong ako ni Papa, "Bakit gising ka na? Bakit ka nandyan?"

Lumapit din si Mama sa akin, na talagang nag-aalala. Baka nag-alala sila na masaksihan ko kung paano sila magtalo. Tumango lamang ako. Pumatak na rin ang luha ko at niyakap sila.

"Sana huwag po kayong maghiwalay dahil lang sa problema natin sa pera. Handa akong huminto sa pag-aaral. Handa po akong magtrabaho."

Niyakap nila ako at pinatong-patong ang kanilang mga kamay sa aking likuran upang mabigyan ako ng kaginhawaan. Humingi rin sila ng tawad.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top