Chapter Nine

"Ito na 'yong project. Ito na 'yon? Talagang magbebenta tayo ng libro?"

Tiningala ni Rafael ang patong patong na libro sa shelf ng isang aklatan sa Tutuban. Dito unang nagtrabaho si Divina noon at pagmamay-ari ni Mang Gori ang bookshop na iyon.

"Oo. At least, magbebenta ka lang ng libro, hindi magbabasa ng libro para gumawa ng research paper," pakli naman ni Divina. Gumamit siya ng hagdan para maabot ang mga libro sa shelf na hindi niya maabot. Hindi na siya kinakabahan sa pagtungtong dahil iyon din naman ang hagdan na gamit niya kapag nagtatrabaho. Alam niyang lahat ng bagay sa lugar na ginagalawan niya sa loob ng nobela ay kapareho lang din sa realidad na nakagisnan niya.

"Hindi ka ba natatakot?" concerned na tanong ni Rafael nang makita kung paano binabalanse ni Divina ang sarili habang kinukuha ang mga pakay na libro.

Maingat naman si Divina sa pag-akyat baba at hindi man lang siya humingi ng tulong kay Rafael.

"Ako na lang ang kukuha ng mga libro. Sabihin mo lang kung anong klase," alok naman ni Rafael. Hindi naman siya manhid para pagmasdan lang si Divina na nahihirapan. Siya naman ang lalaki kaya aware siya na mas akma sa kanya na gumawa ng bagay na may kabigatan.

"Kaya ko na," kampanteng sagot ni Divina. Bigla nga lang siyang nabahing dahil sa alikabok hangga't sa nawalan siya ng balanse. Mabuti na lang at maagap siyang nasalo ni Rafael. Napaibabaw siya rito at tumapon ang ilang libro na hawak niya sa sahig. Napabahing din si Rafael dahil sa maalikabok na libro ngunit hindi pa rin sila nagkakalayo ni Divina. Ramdam nila ang hininga ng bawat isa at wala man lang ni isa sa kanila ang nagkusang bumali ng tingin.

Then suddenly, Divina came back to her senses. Dapat walang nangyaring gano'n. Wala siyang naisulat na gano'ng scene. Maingat niyang inilayo ang sarili kay Rafael habang bumabahing pa rin.

"Kung pinayagan mo lang sana ako na tulungan ka," pakli naman ni Rafael sabay pagpag sa hoodie jacket niya nang makatayo.

"Sige, ikaw na ang kumuha," napipilitang tugon naman ni Divina. Kumakabog pa rin ang dibdib niya dahil sa hindi inaasahang moment niya kay Rafael, na hiniling din naman niyang mangyari noon.

'Kung parang mabilis na ang development, ibig sabihin ba nito, mapapadali lang ang pagtatapos ng kwento namin dito? Maaayos na kaya agad ang buhay niya sa reality?'

Maingat na umakyat agad si Rafael pagkaayos pa lamang niya ng hagdan. Isang lumang radyo ang pumukaw sa kanyang atensyon imbis na mga libro na dapat niyang kunin.

"May ganito rin si Lolo Paeng," banggit ni Rafael, na para bang nawala na ang bitterness niya para sa kanyang lolo sa mga sandaling iyon. He never thought that an object would rekindle his good memories with his grandfather. He smiled a bit.

"Try nga natin kung gagana pa," mungkahi ni Divina. Naalala niya na iyon din ang radyo na ginagamit noon ni Mang Gori. Akala pa nga niya, naitapon na iyon sa basurahan. Pinindot ni Divina ang open button ng radyo at bumungad agad ang kantang "That's The Way It Is" ni Celine Dion.

Sinabayan ni Divina ang kantang iyon kahit wala naman siya sa tono. Naging hanggang tainga ang ngiti ni Rafael.

"Hindi ka dapat masali sa choir," biro ng binata.

"Kaya nga nag-writer na lang ako kasi bukod sa wala akong ganda, wala pa akong talent," bitter na sagot naman ni Divina at hindi na ngumiti kahit mas umaawit na ang puso niya ngayon. Paboritong-paborito niya ang kantang naririnig nilang dalawa na nagawan pa nga niya ng essay.

"Nabasa ko sa journal mo ang tungkol sa pagro-romanticize ng buhay," banggit pa nga ni Rafael.

"Nagbabasa ka rin pala," sarcastic na pakli ni Divina.

"Pero may point ka. Pero sa panahon natin, they view romanticizing of struggles a sign of slavery," sabi naman ni Rafael.

"Simple lang, bago ka makarating sa taas, kailangan mo munang manggaling sa ibaba," sagot ni Divina. "Perspective ko lang 'yon dahil wala naman akong golden spoon. Unlike you."

"Hindi naman kami gano'n kayaman, mga sakto lang," paglilinaw naman ni Rafael. "Pero hindi ko ide-deny na naging komportable talaga ang buhay ko. Saka nahirapan din naman ako sa career ko bago ako umangat."

"Hindi mo naman kasalanan 'yon," giit naman ni Divina.

"Pero feeling ko, minsan nga nagiging privileged ako. Nakakalimutan ko na hindi naman lahat kapareho ko," apologetic na turan ni Rafael. Ngayon lang siya tinatablan ng hiya at hindi lumandas sa isip niya na si Divina lang pala ang kasagutan para matauhan siya kahit papaano.

"Hindi minsan, palagi kaya," pagtatama naman ni Divina saka umiling si Rafael at bahagyang natawa.

"Pero ikaw ba, paano mo binu-view 'yong kanta? Sino kaya 'yong nagsasalita? Si God ba talaga? Is he even real?" biglang pagkwestyon ni Rafael.

"Somehow, feeling ko gospel or worship song siya. Hindi nga lang ganun ka-obvious gaya ng "Fly Like A Bird" ni Mariah Carey na binanggit niya ang Lord. Hindi ko pa hinahanap kung about nga kay lord 'to. It could be a point of view ng kaibigan na concerned lang," panimula naman ni Divina.

"Ironically, mas marami pa ring naniniwala sa pag-ibig kaysa sa Diyos," pakli naman ni Rafael.

"Ikaw, alin sa dalawa ang paniniwalaan mo?"

Saglit na napaisip si Rafael. "I don't know. Hindi ko pa alam ang totoong pag-ibig kahit sabi mo nga sa journal mo, hindi lang naman iyon in a romantic way. Maging mabuti ka nga lang sa kapwa, pagmamahal na 'yon—as for you."

"Kasi kung naniniwala ka sa pag-ibig, naniniwala ka rin sa Diyos," makahulugan na sagot naman ni Divina. She could justify it easily.

"Because?"

"God is love. Sabi pa nga ng Catholic priest, at born again pastor na kilala ko, pinaka-immediate na utos ng Diyos sa bawat tao ay ang magmahal. Dahil kung marunong kang magmahal, hindi ka mananakit, hindi ka papatay, hindi ka magsisinungaling at magpapatawad ka," paliwanag ni Divina.

"So sa tingin mo, hindi pa ako marunong magmahal dahil hindi ko pa kayang magpatawad?" clueless na tanong pa ni Rafael.

"Ikaw lang naman ang makakasagot nyan. Alam mo kung kailan ka magpapatawad, hindi mo naman kayang pilitin ang sarili mo tungkol sa bagay na 'yon. Balik na lang tayo sa pagro-romanticize ng buhay." At last, nakangiti na si Divina. Wala rin sa hinagap niya na ang oras na dapat ay ginugugol nila ni Rafael sa pag-aayos ng libro, ay mauuwi lang sa makabuluhang diskurso. Mas lalong gumagaan ang puso niya. Mas lalo niyang nadarama ang pagiging 'main character' nilang dalawa ng binata.

"Sa first line pa lang na "I can read your mind, and I know your story..." baka si God yung nagsasalita. Tapos sa chorus parang ini-imply dito na kahit gustuhin mo yung isang bagay, hindi mo siya makukuha nang madali. Kaya nga maraming nagro-romanticize ng buhay nila minsan, kahit ako. Parang nagiging matatag ako through thinking na baka may plano si lord. Or kung agnostic ka, tumatatag ka sa motivation ng mga taong nasa paligid mo."

"As I'm getting older, naisip ko na parang wala naman palang masama kung i-romanticize natin yung hirap na pinagdaraanan natin. Baka ito yung daan para mas tumatag kasi sa bandang huli, kahit makuha mo na yung gusto mo, ikaw pa rin naman ang mag-isang nakakaalam ng struggle mo at kung paano mo nalampasan. We are self-made in different ways."

"You must be a good friend, Vina." Rafael beamed. Para siyang kumikinang na gem sa harap ni Divina dahil sa binitawan niyang compliment. Their conversation is indeed wholesome. Unti-unti na nilang pinakikilala ang isa't isa dahil sa pagpapalitan nila ng kuro kuro.

"Vina?" Hindi maikaila ni Divina na pumalakpak ang tainga niya sa pagbibigay sa kanya ni Rafael ng nickname. Kilala kasi siya sa SBU bilang Divi o kaya Divi Soraya. Tinatawag lang din naman siya sa apelyido ng mga propesor. Pakiwari niya, espesyal na siyang tao dahil si Rafael lang ang tumawag nang gano'n sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top