Ang Simula
SIMULA
Sabi nila, “Love moves in mysterious way”.
Tanong ko naman…
‘‘May paa ba si Love kaya nakakagawa siya ng kilos?”
Tama naman ang tanong ko, ‘di ba? Papaano niya nagagawa ‘yon kung hindi naman natin siya nakikita? At kung wala siyang mga body parts?
“Wala, pero may kakayahan siyang baguhin ang isang tao sa isang iglap lamang,” paliwanag sa akin ni Mama.
“Isang iglap? Teka, isa bang Diyos si Love kaya nababago niya ang isang tao nang gano’n-gano’n lang?” naguguluhan ko pa ring tanong sa kaniya.
Natawa siya nang bahagya sa tanong kong iyon. Marahan niya namang iniling ang kaniyang ulo ‘tsaka nagpatuloy sa kaniyang paliwanag.
“Nope. Hindi siya Diyos, pero sa Diyos natin natutunan kung papaano nga ba ang umibig. Hindi man natin nakikita ang pag-ibig kagaya Niya, pero nararamdaman naman natin ito.”
Nang matapos niyang sinabi iyon, tinuro niya ang aking puso.
Kakaiba ang tibok na nararamdaman ko rito. Tibok na ngayon ko lang naramdaman. Hinarap ko si Mama, at ngumiti sa kaniya. “Balang araw, I want to fall in love with a man who knows God with all his heart.”
Ngunit, ang paalala sa akin ni Papa…
“Anak, bata ka pa, kaya hindi mo pa maiintindihan ang mga bagay na ‘yan tungkol sa pag-ibig. Balang araw, pag nasa tamang edad ka na, kusa mong mararamdaman ang nais naming ipaalam sa’yo tungkol sa mahiwagang pag-ibig na ‘yan.”
Kailan ko ba narinig ang mga ‘yon? Oo tama, no’ng nasa grade 7 pa ako. Twelve years old, gano’n ako ka bata. Pero ang lahat ng mga narinig kong iyon ay hindi naging sapat para hindi ko kwestyunin ang pag-ibig. No’ng namulat na ako tungkol do’n, nalaman ko na lang na ang love ay mapanakit. ‘Yong papasayahin ka nito sa simula, pero sa bandang huli… lulunurin ka lang ng iyong luha ‘pag pinasok mo ito.
Bakit ko nga ba iyon nasabi?
Dahil iyon ang pinaramdam sa akin ng ex ko at ni papa. Kaya ayon, simula no’n takot na akong masaktan at maiwang muli.
Pero habang lumalaki ang edad ko, ito naman ang tanong na kadalasan kong naririnig sa kaibigan ko.
“Papaano kung ma-inlove ka ulit?”
And guess what? Ito ang lagi kong itunutugon sa kaniya. “Kung mangyayari man iyon, gusto ko sa tamang tao na.”
Mangyayari kaya? Ako, mapupunta sa tamang tao? Paano?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top