Kabanata 9
A/N: You will love this chapter!
Bibitinin ko muna kayo dito ah, para next update yung pinaka-exciting part nito. ❤️
"Hannah!"
Sinalubong ko ng mainit na yakap ang pinakahihintay kong babae nang magkita kami sa lobby ng airport. Isang halik ang unang bati niya sa akin at kahit saglit lang ito, sapat na ang pagkakataong dumampi ang aming mga labi na kapwa nangungulila sa piling ng isa't-isa.
"Na-miss mo ako ah." Humalik ako sa kanyang noo at nakangiti siyang tumingala sa akin.
"Sulit ang paghihintay ko para makapiling kita."
"Talagang gumawa ng paraan ang kapalaran para tayo ay magkasama."
Nanatili kaming nakayakap at nakatitig sa isa't isa na may matamis na ngiti, hanggang sa narinig ko ang pagkalam ng sikmura ni Hannah.
"Ay," napaurong ito at natawa.
"Kumain muna tayo?" Pag-aaya ko.
"Nakatulog kasi ako noong flight, kaya di ako nakapag-merienda. Teka, libre mo ba?"
"Bakit hindi?" Kumindat ako at kinuha ko na ang kanyang kamay.
Kumain kami ng hapunan sa isang fast food chain sa loob ng airport. Kahit may kamahalan ang pagkain dahil parte ito ng airport, masaya kaming dalawa na nagsalo-salo ng hapunan. Ito ang unang beses na magkasama kaming kumain sa aming sariling bayan.
Pagkatapos ay inihatid ko si Hannah sa kanyang condo building na matatagpuan sa siyudad ng Makati. Dito na kami nagpaalam.
"Kailan mo ako aayain maghanapunan kasama ang pamilya mo?" Tanong niya sa akin.
"Libre mo ba?" Natawa ako habang ibinato ko ang tanong niya sa akin kanina.
"Ito naman!" Pinalo ni Hannah ang aking braso. "Siyempre, blow-out ko na sa iyong pamilya!"
"Basta, treat na lang nating dalawa sa kanila," suhestiyon ko. "Sa Sabado na natin gawin ang lunch ah?"
"Oo ba!"
"Mauna na ako."
Humalik ako sa noo ni Hannah at iniwan ko na siya sa lobby ng kanyang building. Lumabas ako at sumakay ng taxi pauwi.
Hanggang sa ako ay makatulog, nanatiling puno ng kaligayahan ang aking puso. Hindi na ako makapaghintay pa na tuluyan nang isagawa ang aking binabalak at ang tanong na matagal ko nang gustong sambitin sa kanyang harapan.
Sa katunayan nga, andoon na ang munting kahon sa ibabaw ng aking study desk. Ito ang aking regalo sa kanya, at sana ay marinig ko ang matamis niyang pagsang-ayon.
---
"Saya naman nito! Manlilibre si EJ sa atin!"
Puno ng kagalakan ang mukha ni Ate Marina habang nakaupo kami sa isang parihabang lamesa. Nasa isang Filipino restaurant kami ngayong Sabado ng tanghali para sa isang lunch date kasama si Hannah.
"Iba ang nagagawa ng pusong umiibig! Napapalibre tuloy!" Wagas na natawa si Papa.
"Treat ito nila EJ at ng kanyang girlfriend para sa ating lahat," ika ni Mama.
"Nagulat ako nang malaman kong may GF na pala si bunso! Pero nang makausap ko siya sa video call, in fairness, I like her!"
Magkatabi kami ngayon ni Ate Marina at nang nakangiti siyang tumango sa akin, napalagay na rin ang aking kalooban. Akala ko noong una ay magiging negatibo ang reaksyon ni Ate tungkol sa aming secret long-distance relationship.
"Salamat Ate, at suportado niyo kami," matipid akong ngumiti.
"Oo naman! Basta huwag kang magpapaiyak ng babae! Kung hindi, gulpi ang aabutin mo sa akin!"
Pabirong itinaas ni Ate ang kanyang kamao na akmang manununtok.
"Ate, di ako nananakit ng babae!" Pabiro akong napadila sa kanya.
"Easy ka lang, Marin!" Halakhak ni Papa.
"Mas Katipunera ka kaysa sa kapatid mo!" Wika ni Mama.
Mula sa lamesa ay nakita kong umilaw ang screen ng aking phone. Agad ko itong dinampot, tumayo mula sa kinauupuan, at sinagot ang tawag.
"Ah, nasa labas ka na? Sige, ayain na kita dito sa loob."
Tinapos ko ang tawag, binulsa ang aking phone, at nilingon ang aking pamilya. "Andito na si Hannah."
"Ay wow, bilis niya ah!" Napapalakpak si Ate Marina.
Dumiretso na ako papalabas ng restaurant at nakitang nakatayo si Hannah sa may lobby. Agad namutawi ang aking ngiti sa kanyang bihis ngayon: isang sky blue na off-shoulder dress at sandals. Nakalugay ang kanyang buhok at bahagya ang make-up sa kanyang marikit na mukha.
"Andito ka na pala."
"EJ!"
Agad siyang bumeso sa aking pisngi at saglit na yumakap. "Medyo kabado ako na makita sila in person."
Napansin ko ang kanyang pagkabalisa mula sa kanyang kinatatayuan. Mas humigpit ang hawak niya sa strap ng kanyang shoulder bag. Kinuha ko ang kanyang kamay at pinaloob ko ito sa aking mga palad, para maramdaman niya ang init ng aking presensiya.
"Don't worry, excited na silang makita ka, lalo na ang aking Ate." Di ko mapigilang ngumiti nang tumingala siya sa akin.
Buti ay ngumiti na rin ang dalaga at mukhang nawala na ang kanyang nerbyos mula kanina.
"Shall we go?"
Marahan kong kinuha ang kanyang braso at nilingkis ito sa akin. Magkasama na kaming nagtungo sa function room kung saan sabik na naghihintay ang aking pamilya.
Lihim akong nanalangin na sana maging maayos ang lahat, lalo na ang aking binabalak.
Agad kaming sinalubong ng aking mga magulang at Ate ng mga yakap, ngiti, at kumustahan. Ramdam ko na agad nang napalagay ang loob ni Hannah sa kanila, lalo na kay Ate Marina. Sa katunayan nga, nakapagitna si Hannah sa aming dalawa ni Ate at nag-uusap sila na para bang matagal na silang magkaibigan.
"Ay, may pasalubong ka pala sa amin! Naku, nag-abala ka pa, nahiya ako bigla!"
Nakatingin ngayon si Ate Marina sa isang lipstick tube na nasa kanyang mga kamay. Kakabigay lang ito ni Hannah sa kanya at abot-tainga ang kanyang ngiti.
"Kunwari ka pa, excited ka lang na madagdagan ang mga make-up mo sa bahay!" Biro ng aking ama. Sila rin ay may mga munting regalo mula sa aking nobya: isang fountain pen para kay Papa at lipstick din para kay Mama.
"Para po talaga iyan sa inyong lahat," magalang na sagot ni Hannah. "Excited po talaga ako na makilala ang pamilya ni EJ."
"Welcome to Jacinto Family!" Masiglang wika ni Mama sabay taas ng kanyang dalawang braso sa ere.
"Wow, parte na po ba ako dito?" Di-mapigilan ni Hannah ang kanyang ngiti.
"Yes, this early!" Ika ni Papa sa wikang English. "Paturo naman ng British accent diyan!"
Nagtawanan na kaming lahat at ilang sandali pa, nagsimula na ang aming pananghalian.
Mga lutong Pinoy ang inihain, na aming napag-usapan ni Hannah noong gumawa kami ng reservations at nagbayad para sa isang set meal. Sabay naming pinagsaluhan ang Kare-Kare, crispy pata, calamares, at pancit palabok. May kasama pa nga itong desserts na halo-halo at dalawang bandehado ng leche flan.
"Sobrang nabusog kami dito, anak!" Ika ni Papa sabay tayo. "Mukhang kailangan ko munang lumakad sa garden sa labas para matunawan!"
"Pa, huwag muna kayong umalis," pakiusap ko. Tumayo na rin ako mula sa aking kinauupuan at kinuha ang kamay ni Hannah. "Maari ka rin bang tumayo sa harapan ko?"
"Huh?" Kumunot ang noo ni Hannah. Ginawa na lang niya ang aking hiniling at nasa isang tabi kami ngayon na magkaharap.
"Ay, ay, teka, may naamoy ako!" Sambit ni Ate Marina. "Teka, alam ko na iyan!"
Natigilan si Papa na nakatayo sa kanyang pwesto, habang tumayo na rin si Mama at tumabi sa kanya. Samantala, lumapit naman si Ate Marina sa aking mga magulang at pabirong sumigaw ng, "Sobrang nabusog si bunso ah! Mukhang balak nang mag-propose!"
"Family, manahimik muna tayo para matuloy ko na ito at di na ako kabahan!" Tawa ko.
Mas bumilis ang tibok ng aking puso habang nakatitig sa mukha ng aking pinakamamahal na si Hannah. Napalugok ako at huminga nang malalim, sabay kuha ng munting kahon na nasa bulsa ng aking pantalon. Walang salita akong lumuhod sa isa kong tuhod sabay kuha ng kanyang malambot na kamay.
"EJ, sandali, ito na ba iyon?" Pigil ang ngiti ni Hannah sa akin.
"Ito na nga iyon, ang sandaling hinihintay nating dalawa."
Binuksan ko ang kahon sa kanyang harapan, na naglalaman ng isang pilak na singsing na napapalibutan ng Swarovski crystals. At doon ko na tinanong ang mga katagang matagal nang naipon sa aking dibdib at ngayon ay nagpumiglas na at nakawala.
"Hannah, maari ba kitang makasama habangbuhay? Will you marry me?"
Nakabibinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Halos hindi ako makahinga habang pilit na binabasa ang ekspresyon ng kanyang mukha, na para bang gusto niyang tumanggi at maiyak.
"Masyado yatang mabilis ang mga tagpo," tawa ni Hannah na may kasamang hikbi. "Pero alam natin na hindi na natin kayang ipagpaliban pa ito, kaya...YES! Oo, si, ne, oui, yes! I am marrying you, Emilio Jose Jacinto!" Sigaw niya.
Tinignan ko ang aking pamilya na nanonood sa tabi. Napatili sa galak si Ate Marina habang nagpalakpakan sila Mama at Papa. Tumayo na ako mula sa aking nakakangawit na pagluhod, marahan na kinuha ang singsing sa loob ng munting kahon, at isinuot na ito sa kanyang kaliwang palasingsingan. Nabitawan ko ang kahon nang biglang humalik sa akin si Hannah.
"Huwag dito! Bawal mag-momol!" Sigaw ni Ate Marina.
Tinapos na namin ang halik at mainit akong yumakap kay Hannah. Nilingon niya tuloy si Ate sabay wika ng "Strict pala family niyo!" Ngisi niya.
Unang lumapit sa amin sila Mama at Papa at pinalibutan nila kami sa isang mahigpit na yakap.
"Ipagdadasal ko kayo palagi," pangako ni Mama habang naluluha. "Malaki na talaga ang baby boy ko!" Ginusot niya ang aking buhok bilang paglalambing.
"Huwag niyo naman gawing mahal ang venue at catering! Kahit sa karinderya na lang oh!" Biro ni Papa.
"Hannah, okay lang ba sa iyo na simpleng kasal?" Bigla tuloy sumagi sa aking isipan ang mga gagastusin, lalo na kung dadalo ang ama ni Hannah, na isang may-kayang negosyante.
Kinurot ni Hannah ang aking pisngi habang nakayakap pa rin sa akin. "Ito naman, worried na agad! Simpleng seremonya lang ang gusto ko!"
"Hay, salamat!" Kunwari akong nagbuntong-hininga at nagtawanan na kaming lahat.
"Ako ang naiiyak." Ngayon ay si Ate Marina ang sumalubong sa amin ng isang yakap. "Hindi ko na pwedeng asarin si EJ, mas nauna pang ikakasal sa akin oh! Daya mo naman! Tanggap ko na, tatanda akong dalaga!"
"Di pa huli, gusto mo ipakilala kita sa mga foreigner kong ka-opisina?" Kindat ni Hannah sa kanya.
"Di na kailangan ng dating app!" Halakhak ni Papa.
"Ay sige, bet ko iyon, mga imported!" Tuluyan nang natawa si Ate Marina at napuno na ng kasiyahan ang buong paligid.
Nasa bisig ko pa rin si Hannah. Nagtagpo ang aming mga mata at pinagsaluhan ang isang ngiti, ang aming lenggwahe na kapwa kami lang ang nakakaunawa.
Hindi ko alam ang aming magiging mga bukas, ngunit ang alam ko, makakasama ko na siya na haharap sa mga hamon at kaligayahan ng aming buhay na pagsasaluhan.
(Bitinin ko muna kayo. Wedding chapter will be posted on December 28, 2021!)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top