Kabanata 8
"Hindi ako makapaniwala. Sana hindi ako nananaginip."
"Gising na gising tayo pareho, at totoo ang ating naging tagpo. Kaya nasa iyo ang locket watch na iyan."
Pinagmasdan ko ang kwintas na relos na nasa kamay ngayon ng dalagang si Hannah. Kasalukuyan kaming magkatabi sa isang bench sa Victoria Tower Gardens South, na malapit lang sa lokasyon ng Big Ben. Nagpasya namin na doon magtungo para maayos kaming makapag-usap.
"May kakaibang nangyari ilang taon na ang nakararaan," panimula ni Hannah. "Ako lang ang nakaaalam nito kasama ng aking matalik na kaibigan na si Mady. Ang hirap ipaliwanag, pero totoo ang lahat ng mga kaganapan. Nakilala ko ang isang tao na nakapaglakbay sa pagitan ng panahon at oras at umibig kami sa isa't isa. Ngunit kailangan niyang bumalik sa kanyang panahon para ipagpatuloy ang kanyang adhikain para sa bayan."
Napapikit ako at muling dumagsa ang pira-pirasong mga alaala at mga eksena mula sa aking mga panaginip. "Minsan akong nabuhay bilang siya," bulong ko. Naramdaman ko ang kamay ni Hannah na pumaibabaw sa aking sariling kamay. Minulat ko ang aking mga mata at napatitig ako sa kanya. "At ngayon bumalik ulit ako, bilang si Emilio Jose Jacinto."
"Paano mo nasabi na ikaw talaga iyon? I mean, right when I met you a while ago, I knew it was you." Maluha-luhang ngumiti si Hannah. "Pero gusto ko pa rin makasigurado."
"Mula pagkabata, napapaginipan ko ang aking previous life bilang ang nasabing Katipunero," panimula ko. "Pwera biro! At noong bente uno anyos ako, na-hit and run ako ng isang drunk driver habang tumatawid. Na-comatose ako nang tatlong buwan at nang magising ako, naalala ko ang pangalan mo na Hannah at ang naging tagpo natin sa may Manila Bay."
Natulala si Hannah sa akin. Parang gusto niyang umimik pero di niya ito magawa.
"Bukod pa diyan, napapaginipan ko rin ang past life ko bilang si Jacinto, pati ang tagpo niya sa ilalim ng isang puno kasama ang isang dalaga. Nagpapaalamanan sila at hindi na muling magkikita pa. Alam mo, pakiramdam ko ikaw rin ang babaeng iyon."
"Whoa," bulong ni Hannah sa sarili.
"Kung may nakakarinig sa atin, iisipin nilang nasisiraan tayo pareho," tawa ko.
"Tugma lahat ng kwento mo sa mga alaala ko," ika ni Hannah. "Nangyari ang tagpong iyon four years ago."
"Four years na mula nang ako ay na-comatose at nagising mula doon. Ibig sabihin, nang wala akong malay, doon nangyari ang mga mahiwagang tagpo, ang time travel at ang lahat ng mga ganap."
Napakagat-labi si Hannah ngunit di na niya mapigilan ang kanyang sarili. Tuluyan nang umapaw ang kanyang mga luha. Pinasandal ko siya sa aking balikat para maibuhos niya sa akin ang lahat ng mga damdaming kanyang tinitimpi.
"Nagkaroon ako ng nobyo bago kita makilala, ngunit sa kasamaang-palad ay naghiwalay kami. Anak ako sa labas ng isang mayamang negosyante at di ako matanggap ng ina ng binatang iyon," pagtangis niya.
"Tanggap kita bilang ikaw, ngayon pa lang," katiyakan ko sa kanya. "Hindi na kita pakakawalan pa."
"Huwag ka nang umalis sa aking tabi magmula ngayon," hiling niya.
Hinalikan ko ang gilid ng kanyang ulo at nakangiti akong sumilay sa kanya.
"Magmula ngayon, tutuparin na natin ang nakatakda para sa isa't isa."
"Pero paano iyan, uuwi ka ulit sa Pilipinas, tapos dito ako nagtatrabaho?" Pag-aalala ni Hannah sabay angat ng tingin sa akin.
"Long-distance relationship tayo," natawa ako. "May video call naman at private message. Bahala na, hangga't nandito ako, let's know each other better."
---
Sa sumunod na dalawang araw, magkasama lang kami palagi ni Hannah. Nag-emergency leave kuno siya sa kanyang trabaho para lang ako ay makasama. Dinala niya ako sa iba't ibang parte ng London para mamasyal at kumain. At siyempre, sumakay kaming dalawa sa London Eye, kung saan tanaw ang kagandahan ng buong siyudad.
"Ngayon na ang last day mo dito," wika ni Hannah. Malayo ang kanyang tingin, at nauunawaan ko kung bakit. Parang naiisip na namin ang aming magiging kinabukasan pagkatapos ng dalawang araw na kami ay magkasama.
"Ito pa lang ang simula, kaya huwag kang mag-alala."
Magkatabi kami ngayon sa loob ng ferris wheel carriage habang mabagal itong umiikot. Dumating na ang gabi at tanaw ko na ang mga munting ilaw na kumukutitap mula sa mga buildings na nagbibigay ng liwanag sa buong London.
Napatitig ako kay Hannah at walang namagitan na salita sa aming dalawa. Marahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin at segundo lang ang tinagal nang magtagpo ang aming mga labi sa isang halik.
Kung gaano ito kabilis nangyari ay agad din itong natapos. Si Hannah ang unang lumayo at isang munting ngiti ang sagot niya sa akin. Bakas sa kanyang mukha ang pamumula at naramdaman ko na rin ang pag-init ng aking mga pisngi.
"We sealed the deal." Pinilit kong magpakapormal ngunit ang kalooban ko ay nagwawala sa kaba at kagalakan sa aming naging unang halik.
"Wala ka nang kawala!"
Nagtawanan kami ni Hannah at nang makababa na kami mula sa London Eye, magkahawak-kamay na kaming naglalakad, na para bang matagal na ang aming relasyon na kanina lang nakumpirma.
Inihatid ako ni Hannah sa airport kinabukasan at nangako kaming itutuloy na namin ang aming nasimulan, kahit magkaiba pa ng time zones at lugar. Nalulungkot man kami sa aming paghihiwalay ay mas dama pa rin namin ang kasabikan ng lahat ng posibilidad na pwedeng mangyari. Isang mainit na yakap ang pabaon niya sa akin bago ako umalis.
"Tatawag ka kapag nasa Pilipinas ka na," paalala ni Hannah.
"Hindi ko malilimutan iyan."
Nakangiti akong tumingin sa kanya habang nakayakap siya sa akin. Nagkaroon na ako ngayon ng lakas ng loob na humalik sa kanya, at pinatagal namin ito.
"Mami-miss kita," wika ko nang matapos na namin ang halik.
"Iisipin ko na ngayon na may mga bukas na naghihintay na magkasama tayong dalawa," tugon ni Hannah sabay hawak sa aking pisngi.
Umalis na kami sa aming pagkakayakap. Kumaway ako kay Hannah at naglakad ako patungo sa departure area nang hindi siya nililingon. Baka hindi ko kayanin na umalis kapag nakita ko ang kanyang mukha.
Seven hours ahead pala ang Manila sa London: kapag alas-tres na ng hapon ay alas-otso naman ng umaga sa kanila. Kaya kapag oras ng merienda sa aking pinagtatrabahuhan ay doon kami nagvi-videocall ni Hannah bago siya pumasok ng opisina ng alas-nueve ng umaga tuwing weekdays. Kapag weekend naman ay inaabot ako hanggang hatinggabi para lang sa aming pag-uusap.
Isang taong nagpatuloy ang ganitong set-up. Minsan ay may tampuhan din ngunit agad itong nareresolba.
"EJ, diyan na ako magtatrabaho. Magkakaroon ng branch diyan ang aming international company, at ako ang isa sa mga managers na ipapadala diyan."
Kasing-liwanag ng sikat ng araw ang ngiti ni Hannah mula sa maliit na screen sa aking mobile phone.
"Talaga?" Hindi ako makapaniwala sa balitang ito. "Alam na ni Tita?" Tinutukoy ko ang ina ni Hannah na sa UK din nagtatrabaho. Nakilala ko na siya isang beses at buti na lang ay pasado ako sa kanya.
"Oo! Don't worry, may condo unit akong tutuluyan. Mas makakapag-date na tayo!" Galak niyang sagot.
"Kaya nga eh. Pero di ka pa kilala ng aking mga magulang," ika ko.
"Ano kamo, di ka man lang nagkwento sa kanila tungkol sa atin?" Nanlaki ang mga mata ni Hannah nang malaman niya ito. "Napaka-secretive mo pala!"
"Paano ba naman, lagi akong nagkukulong sa kwarto o nasa labas kapag nag-uusap tayo," ngisi ko. "Nahihiya akong sabihin na may girlfriend na ako."
"Sus, kunwari ka pa!" Tawa ni Hannah habang nanliliit ako sa aking kinauupuan sa may study desk. "Basta, ipakilala mo na ako ah! Ang laki mo na, mahiyain ka pa rin!"
"First time ko eh," nahihiya kong sagot.
Tumayo ako at lumabas ng kwarto na hawak pa rin ang aking mobile phone. Pinuntahan ko sa dining room ang aking mga magulang.
"Ma, Pa, may gustong kumausap sa inyo," panimula ko.
Agad na napatingin sila Mama at Papa sa akin, at nang itinapat ko sa kanila ang aking mobile phone, nagulat sila. Iniangat ni Papa ang kanyang salamin habang napanganga si Mama.
"Hello po, girlfriend ako ni EJ sa London," ika ni Hannah habang dinig ang kanyang boses sa buong dining room mula sa phone audio.
"Ano, may girlfriend ka na?!" Kumunot ang noo ni Mama sa akin. "Tapos di ka nagkukwento?!"
"Relax Ma, binata na ang anak natin!" Galak na natawa si Papa sabay tingin sa screen. "Hija, anong pangalan mo?"
"Hannah Umbrebueno po, Sir."
"Ikaw ba yung nakilala ni EJ sa London?"
"Opo, one year na kaming magkarelasyon."
"Finally!" Napadaop ng mga kamay si Papa at ang kanyang sigaw ay katumbas ng isang taong nanalo sa Lotto.
"Parang ang bilis naman yata! So ibig sabihin, matagal na kayong long-distance relationship?" Pag-uusisa ni Mama.
"Yes po, ayaw lang po magsalita ng anak ninyo!" Natawa si Hannah.
"Kailan ang kasal?" Excited na tanong ni Papa.
"Ang bilis naman! Maghunus-dili ka!" Pinalo ni Mama ang braso ni Papa at napuno ang buong dining room ng tawanan.
"Uuwi na po ako diyan sa Pilipinas dahil magkakaroon ng branch ang aming kompanya diyan," kwento ni Hannah. "Sana payagan niyo kami na mag-date at ako ay magpapakilala sa inyo."
"Kanino ka bang anak?" Tanong ni Mama.
"Sa nanay ko po! Mula Norway ay dito na rin siya nagtatrabaho."
"Sinong ama mo? Maari bang malaman?"
Nanahimik si Hannah sa kabilang linya. Lumapit ako sa aking mga magulang at tumango sa screen, na para bang binibigyan siya ng lakas ng loob. Minsan na niyang naikwento sa akin ang kanyang family background.
"Ang ama ko ay isang mayamang negosyante. Anak po ako sa labas."
Nanahimik ang buong paligid, ngunit si Mama ang naunang nagsalita.
"Naku, walang kaso sa amin iyon! Mukhang mabuti kang tao at masaya ang aming unico hijo dahil sa iyo." Nakangiting lumingon si Mama sa akin.
Napabuntong-hininga ako. Nag-usap pa sila at masayang namaalam si Hannah sa amin.
"See you very soon!" Ngiti ni Papa sa screen.
"Basta aantayin namin ang pag-uwi mo! At huwag ka ma-conscious sa pagkatao mo, simpleng pamilya lang kami at tanggap ka na namin, basta aalagaan mo si EJ!" Paalala ni Mama.
"Salamat po! Bye po! Bye EJ!"
"Bye Hannah!" Sabay naming winika.
Nang matapos na ang video call, naupo ako sa lamesa kasama nila Mama at Papa.
"Thank you for being honest with us." Si Papa.
"Anytime po," magalang kong sagot.
"Mukha ngang sosyal ang girlfriend mo, hijo. Pero approved siya sa akin!"
Sa wakas ay nawala na ang aking pagka-tensyonado mula kanina. Yumakap sa akin si Mama at nakisali na rin si Papa.
A/N:
(Banner photo of London Eye by Marco Chilese from Unsplash)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top