Kabanata 6

Hannah Umbrebueno.

Hindi na umalis ang kanyang pangalan sa aking isipan magmula nang makita ko siya sa aking panaginip.

Salamat sa website na iyon, kung saan nakapaskil ang mga larawan sa isang kasal, ay tuluyan nang natuldukan ang aking mga haka-haka at katanungan.

Sinubukan ko siyang hanapin sa mga social media websites. May isang account na tumugma sa kanya, ngunit hindi ko kayang magpadala sa kanya ng mensahe para lang sabihin na napaginipan ko siya at nasa kanya ang aking locket watch.

Baka isipin niyang ako ay isang stalker na nais lang guluhin ang kanyang mapayapang pamumuhay.

Siguro sa ngayon, huwag na lang muna.

Basta alam ko, totoo ang mga nakamamangha at di-mapaliwanag na mga pangyayari nito lang.

---

Lumipas ang isang taon na sinusubukan kong mabuhay nang normal. Madalas akong mabagabag ng aking mga naiisip tungkol kay Hannah, ang aking posibleng previous life, at ang bigat sa dibdib na hindi maalis-alis kahit anong aking gawin.

Mawawala lang ang lahat ng ito kung magkikita kami ni Hannah nang personal. Doon ko lang makukumpirma kung totoo ang lahat ng aking pinagdaanan.

Totoo rin na nagmamahal ako sa isang babaeng hindi ko pa nakikilala. At handa akong tanggapin kung panaginip lang ang lahat. Sa kabaliktaran, kung totoo man na itinadhana kaming dalawa, abot-langit ang aking pasasalamat.

"EJ, mag-iingat ka sa London ah?"

"Opo, Ma."

Ngayon ay hinatid ako ng aking mga magulang sa airport. Ako ang napiling ipadala ng aking unibersidad para sa isang malaking one-week conference ng mga historyador at researchers mula sa Southeast Asia at Europe. Nakita ko ito bilang magandang oportunidad na matuto at higit sa lahat, na huwag munang masyadong mag-isip tungkol kay Hannah.

"Kumain ka nang mabuti doon ah?" Hinawakan ni Mama ang aking pisngi at yumakap ako sa kanya.

"Mommy naman, babalik din agad si Emilio sa atin! Malay mo may uwi na siyang asawa!" Natawa si Papa sa naiisip.

"Baby boy pa iyan!" Tutol ng aking ina. Nagpalis siya ng namumuong mga luha at sinabi, "First time kasi mawawala si EJ sa piling natin, kaya ngayon pa lang, nami-miss ko na siya!"

"Uuwi pa iyang binatang iyan! Maraming pasalubong kamo!" Inakbayan ni Papa si Mama at pareho silang ngumiti sa akin.

"Basta lagi kang magsusuot ng coat mo. Autumn na doon, maginaw daw," paalala ni Mama.

"No worries po. Tutuloy na po ako sa departure area. Magkikita pa naman tayo, huwag na kayong mag-alala!"

Yumakap ako kina Mama at Papa at hinila na ang aking trolley bag.

"Bye EJ!" Si Papa.

"Mag-iingat ka ah!" Ika ni Mama.

Ngumiti ako sa kanila sa huling sandali at nagsimula nang lumakad papalayo habang kumakaway. Dumiretso ako sa departure area kung saan maghihintay pa ako ng tatlong oras bago ang aking flight.

Nakaupo ako sa isang metal bench at tahimik na umiinom ng kape habang nakikinig ng musika sa aking earphones. Alam kong mas labis ang pag-aalala ni Mama kaysa kay Papa, lalo na first time kong pupunta abroad. Pero mas excited ako sa mga posibilidad na makita ang iba't ibang tanawin gaya ng Big Ben at London Eye.

Isa itong panibagong adventure na aking mararanasan, kahit alam kong boring ang magiging conference.

Sumakay na ako ng eroplano at doon ay nagsimula na ang aking biyahe. Fourteen hours ang flight mula Manila hanggang London, na may layover in-between sa Hong Kong. Ang ginawa ko lang naman ay natulog, kumain sa isang fast food sa Hong Kong International Airport, sumakay ulit ng eroplano, at nanood ng pelikula sa aking upuan. Nakatulugan ko ito at nang magising ako, nakalapag na pala kami sa Heathrow Airport.

Bumaba kami ng mga pasahero at nagtungo sa baggage counter para makuha ang aming mga bagahe. Lumakad ako sa isang sulok kung saan naghihintay ang ibang mga delegates ng conference. Karamihan sa aking mga kasama ay taga-Southeast Asia: Malaysia, Singapore, Indonesia, Hong Kong, at Thailand. Ako ang kaisa-isang delegate mula Pilipinas.

Kaya ako ang napili dahil ayon kay Sir Randy, maganda ang aking work at academic records, pati na rin ang aking inspiring story kuno tungkol sa pagkakagising ko sa isang three-month na coma.

"Hey, I've read about you on the news." May tumapik sa aking balikat at nang lumingon ako, isa itong binatang naka-salamin. Suot niya ang isang dark blue hoodie, jeans, sneakers, at mukhang nasa edad sa pagitan ng bente singko at trenta.

"Hi, wait, what news?" Tanong ko.

"You were that guy from the Philippines who woke up from a three-month coma," ngiti nito.

"Oh, that? Yes, that's me. I'm Emilio Jose Jacinto." Nakipagkamay ako sa binata at nagpakilala siya bilang si Leonard Chen na taga-Singapore.

"So glad you get to be with us," sabi ng isang babaeng kanina pa nakikinig sa amin. "You're an inspiration! Imagine, you made it to Singapore and Hong Kong news!"

"That's crazy!" Totoo ang ngiting sumilip sa aking mga labi.

"Not everyone gets to wake up from a coma," ika ni Leonard.

Not everyone gets to be in a coma, experience their past life in the present, and meet the love of their lives while in it, lihim kong naisip. I smiled at the thought.

"The bus is here, it's gonna take us to the hotel," paanyaya ng babaeng kasama namin.

Bente kaming sumakay ng bus na nagdala sa hotel na aming tutuluyan hanggang matapos ang conference. Nang makarating kami sa hotel, nagpaalam muna ako kay Leonard Chen at sa babae naming kasama na si Cindy.

Sa lobby muna kami nagkumpulan, kung saan may nag-orient sa amin tungkol sa schedule ng events. Kinabukasan ang unang araw ng conference at magkikita kaming lahat dito bandang alas-otso ng umaga. May bus na susundo sa amin na dadalhin kami sa venue. Ganito ang magiging schedule ng tatlong araw. Sa fourth at fifth day ay parehong libre at may optional city tour kung saan pwede kaming sumama.

"Come with us, Emilio," pagyayaya ng babaeng si Cindy.

"Thank you, but I already have plans to go around the city by myself," magalang kong pagtanggi.

Parang umasim ang mukha ni Cindy nang marinig ang aking pahayag. Ngunit agad siyang ngumiti na parang wala lang ito sa kanya. "Take care, okay? Too bad, we won't get to be with you!"

Sa tabi niya ay nakita kong pabirong siniko ni Leonard si Cindy sa may tagliran. Umirap ito sa dalaga na para bang alam niya ang kanyang pahiwatig.

Buti ay natapos na ang aming diskusyon. Naghiwalay na kami at nauna kaming sumakay ni Leonard sa elevator kasama ang tatlo pang lalaki. Bago magsara ang elevator, sumilip sa amin si Cindy sabay bigkas ng "Bye Emilio!" Nakita ko ang kumikinang niyang ngiti at tumango na lang ako na walang ekspresyon.

Buti na lang ay agad nang sumarado ang pintuan. Nagsimula nang umakyat ang elevator at pagdating sa fifth floor, lumabas ang tatlong lalaki na aming kasama.

"That girl seems interested in you," komento ni Leonard nang kami na lang dalawa ang naiwan sa elevator.

"I know!" Tuluyan na akong natawa sa aming natunghayan. "But I'm not here to find a girlfriend!"

"She should know that. So much for being called Emiliow!" Tawa ni Leonard habang ginagaya niya ang pagbigkas ni Cindy sa aking pangalan.

Lumabas na kami sa seventh floor ng hotel. Sa kaliwa't kanan ay mayroon mga hilera ng rooms at nang tumingala ako, may crystal chandelier sa kisame. Ang sahig ay natatakpan ng red carpet. Simple man tignan ngunit engrande pa rin ang dating.

"See you around, Mr. Jacinto." Ngumiti sa akin si Leonard Chen bago kami maghiwalay ng daan.

"Surely," sagot ko. "Is your room located at the next wing?" Ang corridor sa kanan ang aking tinutukoy.

"Yes, at the east wing. Room 577." Kumapit si Leonard sa kanyang trolley bag. "Get some rest. Let's all meet tomorrow at the lobby. Don't worry, I'll hide you from Cindy!"

Natawa kami pareho. Tumango si Leonard sa akin at ganoon din ang ginawa ko sa kanya bilang pamamaalam. Naglakad na siya sa may kanang bahagi ng aming floor at ako naman ay tumuloy na sa aking assigned room sa may west wing, ang Room 567.

Namangha ako nang makapasok sa aking kwarto. May king-sized bed sa gitna na napapalibutan ng puting kobre kama at comforters. Dalawang malalaking unan ang nasa ulunan at may red lining ito sa gilid na may logo ng hotel. Sa gilid ng kama ay may side table kung saan may nakapatong na lampshade at mga guide books tungkol sa siyudad ng London.

Inilapag ko ang aking bagahe sa sahig na may green carpet at gumala muna para tignan ang buong kwarto. May terrace sa aking kanan na natatakpan ng puting kurtina. Sa harapan ng kama ay may HD TV at mini fridge sa ibaba nito. Nang yumuko ako at sumilip sa loob ng fridge, may laman itong tatlong bottled water, isang chocolate bar, at tatlong berdeng cans ng beer.

Sa may kaliwang bahagi ng TV ay isang pintuan na sliding. Hinila ko ito at ito pala ay isang toilet and bath. May nakasabit nang tuwalya at mga maliliit na toiletries: shampoo, body wash, sabon, at isang toothbrush and toothpaste set.

Pinuntahan ko ang terrace at lumabas muna doon. Ngumiti ako nang matanaw ko ang kabuuan ng London skyline. Naaninag ko sa malayo ang London Eye na ferris wheel at nasabik sa posibilidad na sasakay ako doon, pero wala si Cindy. Isasali ko na sa aking itinerary ang pag-iwas sa kanya.

Pagkatapos magpahinga at langhapin ang sariwang hangin mula sa labas ay pumasok na ako ng aking kwarto. Nag-shower ako saglit, nagbihis ng mas komportableng damit na makapal na sweatshirt at jogging pants (dahil malamig ang aircon sa kwarto). Humilata ako sa napakalambot na kama at ngumiti sa sarili sabay yakap sa isang unan.

Susulitin ko ang pamamalagi dito at magbubuhay-hari muna ako bago sumabak sa aking layunin sa susunod na tatlong araw: ang conference na kailangan kong seryosohin.

Naidlip ako at muli akong may napaginipan.

Naglalakad ako malapit sa Big Ben at may bus stop akong nadaanan. Naramdaman kong may nasagi ang aking paa nang ako ay humakbang. Nang yumuko ako, may pinulot ako sa sahig at binigay sa isang babae na nasa aking tabi.

Nakita ko ang kamay ng babae na kinuha ang isang gintong bagay na nasa aking kamay.

Nang matanto ko na ito pala ay ang aking locket watch, agad kong tiningnan ang babae sa aking harapan.

Naputol ang panaginip at naalimpungatan ako mula sa aking kinahihigan.

Ngunit imbes na kabahan o maguluhan, isa lang ang posibilidad na tumatakbo sa aking isipan.

Maaring nandito ang aking hinahanap na si Hannah.

O baka pinaglalaruan na naman ako ng aking isipan.

Dasal ko na sana ay magkatotoo ang aking lihim na ninanais. Ang makita nang personal ang isang babaeng di alam ang aking pagkatao. Ang isang babae na tatapos sa aking mga agam-agam at magbibigay ng katahimikan sa unos na hindi na umaalis sa aking gunita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top