Kabanata 5

Isang malaking lihim ang aking tinatago ngayon. Kahit gaano ako kasabik tungkol dito ay di ko ito pwedeng basta ikwento.

Oo, nababaliw na kung totoo. Pero ang lihim na ito ang nagbigay ng sagot sa aking mga agam-agam. Ang lihim na ito ang nakatulong para mapanatag ang aking kalooban.

Hahanapin ko si Hannah. Ngunit ang problema, hindi ko alam ang kanyang buong pangalan. Napakaraming Hannah dito sa Pilipinas, kaya saan ako unang maghahagilap? Para itong naghahanap ng isang nalaglag na karayom sa damuhan.

Isa pa, hindi ko gaano natatandaan ang kanyang itsura. Sa aking mga panaginip ay naaaninag ko lang ang kanyang pigura at itim na buhok. Malabo ang kanyang mukha.

Sige na, nasisiraan na ako ng ulo. Sana di ako matuluyan na mahibang.

Nakatulog ako sa aking study desk isang hapon  habang gumagawa ng research work. Nagising na lang ako at natagpuan ang sarili na nakaupo sa isang bench.

Iminulat ko ang aking mga mata at bumungad sa akin ang isang flower arch sa ibabaw. Sa harapan ko ay may daanan na may brick floors patungo sa isang hardin sa dulo. Parang nasa Intramuros ako, kasi pamilyar ang itsura ng lugar. Minsan na akong nakadalo ng kasal dito at may hardin din sa likuran ng restaurant kung saan kami nag-reception.

Tumayo ako at nag-isip kung lalakad ba ako doon. Naramdaman ko ang locket watch sa aking bulsa at ito ang senyales na pumunta ako doon.

Por mi destino. Naisip ko na nasa loob ito ng kwintas na relos. Baka andito ang taong pagbibigyan ko.

Nang marating ko ang dulo, nahanap ko ang sarili na nakatitig sa isang babaeng nakatalikod. Nakatayo siya sa harapan ng isang malagong flower bush na may mga tanim na pulang Santan at pink na Gumamela.

Ang nasabing babae ay abot-likod ang itim na buhok at kulot ang mga dulo. Nakasuot siya ng white dress na sleeveless at may mga eyelets.

Napakagat ako ng labi para pigilan ang sarili na lumuha. Labis ang aking kagustuhan na lapitan ang babaeng ito. Di ko na napigilan ang sarili na lumakad paunti-unti patungo sa kanya. Nang makalapit, ang una kong ginawa ay yakapin siya mula sa likuran.

Hindi na ako nakapag-isip nang diretso sa aking ginawa. Gumalaw ang babae nang maramdaman niya ang init ng aking yakap at nang nilingon ako nito, una kong nakita nang malinaw at malapitan ang kanyang mukha.

Bakas ang pagkagulat sa kanyang malalaki at maamong mga mata. Perpekto ang arko ng kanyang mga kilay, na halata dahil sa make-up. Matangos ang kanyang ilong. Nakaawang ang kanyang mapupulang labi at sadyang makinis ang kanyang kutis, na naaayon sa kanyang maputing balat.

Akala ko ay sasampalin niya ako o kagagalitan, ngunit isang salita ang namutawi sa kanyang mga labi.

"Ilyong."

Tumigil ang pagtibok ng aking puso nang marinig ang pangalan. Alam ko sa akin niya ito sinambit.

"Como esta," ngiti ko sa kanya.

Sa mga sandaling ito, alam kong hindi ako si EJ o Emilio Jose Jacinto. May kung anong pwersa ang aking nararamdaman at lahat ng alaala ko sa aking nakaraang buhay ay nanumbalik. Pati na rin ang mga alala na kasama ang dalaga na si Hannah.

Kaharap ko ngayon ang babaeng aking hinahanap, si Hannah. Kinuha ko ang kanyang mga kamay at mahigpit itong hinawakan.

Labis ang aking pagnanais na hindi na siya pakawalan sa mga oras na ito. Ngunit alam kong hindi pa ngayon ang takdang panahon.

"Ako'y masaya na makita kang muli. Huwag kang mag-alala tungkol sa hinaharap. Hiniling ko sa Panginoon na parati kang gabayan".

Kusang-loob ko itong sinabi sa kanya. Maluha-luhang natawa ang dalaga.

"Bakit ka nagpakita? Lalo akong nangungulila sa iyo. Ito naman, alam mo kung gaano kasakit ang huli kong naging relasyon!"

Natawa ako sa kanyang reaksyon. Sa likod ng aking isipan, alam kong siya na ang sagot sa aking mga katanungan.

"Masakit ang iyong pinagdaanan, ngunit nalagpasan mo rin ito. Asahan mo na makakahanap ka rin ng kaligayahan."

Alam kong sinasabi ko ito bilang si "Ilyong" na kanyang nakilala. Bakas na ang mga luhang dumadaloy sa kanyang mga mata.

Kailangan ko nang umalis ngunit balang araw, tayo ay muling magkikita. Sa ibang pagkakataon, bilang ako, ang lalaki sa iyong nakaraan na magiging bahagi ng iyong kasalukuyan at makakasama sa hinaharap.

Ngumiti ako sa kanya nang walang imik at humalik sa kanyang noo. Kinuha ko ang pocket watch sa aking bulsa at ipinaloob ito sa kanyang mga kamay.

Pumikit ang dalaga at isang  matamis na ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi.

Naramdaman ko na lang na parang may humihigop na pwersa sa akin at mabilis akong naglaho sa harapan ng babae.

Naalimpungatan ako at nagising sa aking kinauupuan. Naramdaman ko na nakapatong ang aking ulo sa ibabaw ng mga libro na aking binabasa. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata habang inaangat ang aking ulo.

Hinimas ko ang aking batok, na nangawit sa aking naging pwesto. Naalala ko ang pocket watch at nang kinapa ko ang aking bulsa, wala na ito.

Totoo ang aming naging tagpo ng babaeng si Hannah. Nangyari ito sa pamamagitan ng isang panaginip. Mahirap ipaliwanag, nakamamangha.

Napatayo ako at napahawak sa aking noo. Ano bang nangyayari sa akin? Habang tulog ako ay naglakbay ako kung saan?

Inalala ko ang mga detalye ng aking panaginip. May mukha na si Hannah pero di ko alam ang kanyang apelyido.

Nakita ko ang aking mobile phone na nakapatong sa may side table sa may kama. Kinuha ko ito, inactivate ang data connection, at nag-search sa Google.

Wedding reception today+Intramuros restaurants

May bumungad agad na search result. Isang restaurant at nakalagay ang pangalan ng mag-asawa:

Reception party for Samuel Dominguez and Amanda Alvarez, 4pm-6pm

Nag-click ako sa website at buti na lang ay may naka-upload nang mga larawan.

Karamihan ay photos ng bride at groom habang nasa table nila at ang wedding dance. Ngunit may mga kuha rin ng guests sa tables.

May pumukaw ng aking atensyon. May solo na photo ng isa sa mga wedding guests na babae at kulot ang dulo ng mga buhok.

Nag-click ako dito. Malapitan ang kuha. Di siya nakatingin sa camera ngunit parang pinapanood niya ang bagong kasal at nakangiti siya dito.

Nang makita ko ang kanyang mukha, hindi na ako makagalaw sa aking kinauupuan sa kama.

Ito ang babae sa aking panaginip kanina lang.

May label sa ilalim ng photo.

Hannah Umbrebueno, maid-of-honor, happily watching the wedding dance of her best friend Amanda/Mady together with her now-husband, Samuel

Hannah Umbrebueno.

Nahanap ko na siya.

The mysterious girl finally had a name to her face.

Nabitawan ko ang aking mobile phone at tuluyan na akong naluha.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top