Kabanata 18

Napalingon kami sa pinanggalingan ng tinig. Isang babae ang papalapit sa amin.

Hindi ko makita ang kanyang itsura ngunit nang makalapit na ito, isa pala siyang mestiza. Pawang nasa edad bente singko pataas o kaya naman ay di hihigit sa trenta'y singko anyos.

Magulo ang kanyang nakapuyod na buhok, suot niya ang isang itim na blusa at saya, at may hawak siyang itak sa kanyang kanang kamay.

May naiiwang bakas ng kagandahan sa kanyang malalim na mga mata at matangos na ilong, ngunit di matatanggi na mas nangibabaw sa kanyang mukha at pagkatao ang poot sa kanyang mga mata, ang nakakuyom na kanyang panga, at ang mahigpit na paghawak niya sa kanyang itak.

"Whoa, lady, what's the problem?" Kaswal na tinanong ni Lieutenant Daniels dito. Ngunit di lang siya pinansin ng babae at sa halip, tumayo ito sa harapan namin ni Hannah. Mas lalong humigpit ang aking pagkakayakap sa aking asawa.

Isang mapangutyang ngiti ang gumihit sa kanyang mga labi. "Sa wakas, nandito na ang magsing-irog, at makukumpleto na ang aking ritwal ngayong kabilugan ng buwan!" Napahalakhak ito.

"Iwan mo kaming dalawa kung ayaw mong mapahamak ka," pagbabanta ko dito.

Napaurong sila Senyor Ismael at Lieutenant Daniels. Nagpatuloy sa pagsasalita ang babae.

"Dahil sa aking kakayahan na makapaglakbay sa pagitan ng mga panahon, nakuha ko ang iyong maybahay para ikaw naman ang mapunta dito," ngiti ng babae. Hinigit niya ako mula sa pagkakayakap kay Hannah at hinawakan niya ako sa aking pangitaas.

"Uunahin ko ang binatang ito. Pagkatapos, ang kanyang asawa. Ang pagdanak ng kanilang dugo ang magbibigay sa akin ng kapangyarihan para maging tagahawak ng panahon at oras! Maisasakatuparan ko na rin ang aking binabalak na maghasik ng lagim! Bawat panahon na aking pupuntahan ay magkakaroon ng hinanakit at delubyo!"

Isang nakakakilabot na halakhak ang pumuno sa buong lugar. Umismid na lang ako sa bruha at sinabing, "Hindi ka magtatagumpay sa iyong binabalak."

"Hindi niyo ako mapipigilan!" Sigaw niya. Tumingin siya kay Senyor Ismael at Lieutenant Daniels. "Kung hindi niyo nais mapahamak ang buong bayan, iwan niyo na kaming tatlo dito! Ang mag-asawang ito ang aking alay kapalit ng katahimikan ng inyong bayan!"

"Labag iyan sa batas, senyora!" Nag-aalalang sinambit ni Senyor Ismael.

Matapang na lumapit si Lieutenant Daniels at sa isang iglap, sinipa niya ang binti ng babae. Agad akong nakawala sa kanya at tumakbo ako papunta kay Hannah, na siyang yumakap sa akin.

"You're a bad woman," tugon ni Lieutenant sa babae, na hawak na niya sa magkabilang braso para di ito makagalaw. "Mali iyan pumatay ng tao," dagdag pa niya sa nauutal na pananagalog.

"Hijo de p*ta, sundalong 'Kano, ano bang binabalak mo?" Nagpupimiglas ang babae, ngunit mas hinigpitan pa ni Daniels ang kanyang hawak dito.

"If you're a witch, mangkukulam, stop that!" sigaw ni Lieutenant Daniels. "That's very wrong!"

"Wala kang pakialam! Lahat kayo, walang pakialam sa aking nararamdaman at pinagdaanan!" sigaw ng babae.

"Paparating ang taong bayan!" Tinuro ni Senyor Ismael ang dulo ng kagubatan gamit ang hawak niyang lampara.

Napanganga ako sa aking nakita. Isang batalyon ng mga tao ang papalapit nang papalapit sa amin. May mga hawak silang sulo na iniilawan ng nagbabagang apoy sa ibabaw nito. Karamihan sa kanila ay mga kalalakihan na naninirahan sa Poblacion. May mga hawak na itak ang iba, at mas kinagulat ko pa na may mga kasama silang sundalong Amerikano. Mayroon din mga matandang babae na sumama sa kumpulan.

"Andito sila!" Sigaw ng isang binata.

"Lieutenant! We know you're here in the mountains!"

Lumapit sa kanya ang isa niyang tauhan. Naglabas ito ng isang posas, at kinuha ito ni Lieutenant Daniels para ikulong ang mga kamay ng babae na kanina pa niya hawak.

"Kneel down, lady," mariin niyang utos sa babae. Ginawa ito ng babae sabay wika ng mga mura sa salitang Espanyol.

"Totoo nga! Totoo ang mangkukulam!" Sigaw ng binata na kanilang pinuno.

"Anong gagawin natin?!" tanong pa ng isa.


"Sunugin!" sigaw nilang lahat.

Napatabi kami ni Hannah sa gilid habang nagkakagulo na ang lahat. Nakita kong pinigilan sila ni Senyor Ismael pero walang nagawa ang ginoo tungkol dito. Kahit sila Lieutenant Daniels at ang ibang sundalong Amerikano ay di malaman ang gagawin.

Pinalibutan ng taong bayan ang nakaluhod na babae. May dalawang lalaki na kapwa bumuhat dito at tinali na siya sa puno kung saan nakatali kanina si Hannah.

"Sunugin ang mangkukulam!" sigaw ng mga tao na nag-aalimpuyo ang galit.

"Sunugin!"

Nagpupumiglas at nagwawala ang babaeng nakagapos na sa puno. Lahat na yata ng mura ay lumabas sa kanyang bibig, at mas napasigaw pa siya nang may lumapit sa kanyang lalaking may hawak na sulo.

"Sunugin! Sunugin! Ingatan natin ang ating bayan!" Sigaw ng mga tao.

"Silence!" Biglang napasigaw si Lieutenant Daniels. "Silencio!"

Natigilan ang galit na taong bayan at napatingin lahat kay Lieutenant Daniels.

"Keep your calm, people! Do you think your anger will solve this?" Malakas niyang tanong sa kanila.

"Sabi ni Lieutenant Kra-ig, sa palagay niyo ba, mareresolba ng galit ang problema niyo sa kanya?" tanong ni Senyor Ismael.

"Aba, malaking problema ka sa bayan namin, Senyora Medea!" Dinuro siya ng isang matandang babae. "Magmula nang tumuntong ka dito, namamatayan na kami ng mga alagang manok at kung ano-ano ang nangyayari, mula sa mga sakit at tagtuyot! Halos di ka na nga lumalabas diyan sa lungga mo dito sa bundok! Tapos ngayon, may balak ka pang pumatay ng isang inosenteng dalaga?!"


"Sunugin na natin iyan!" sigaw pa ng isang ginang.

"Calm down! Calmate!" galit na sigaw ni Lieutenant Daniels.

"Ikaw pa kumakampi sa babaeng iyan?" tanong ng binata na may hawak na sulo at balak nang sunugin ang babaeng mangkukulam na si Medea.

"No, it's not that," sagot ni Lieutenant. Napabuntong-hininga ito at sumagot sa pautal-utal na Tagalog.

"Sa Bibliya, may babaeng makasalanan... na balak batuhin ng mga taong bayan. Ngunit... sabi ni Cristo... ang sinuman... na walang sala sa inyo... ang unang bumato sa kanya. Wala sa atin... ang walang sala... gaya na lang ng mangkukulam. Hindi... solusyon... ang pagpatay sa kanya... para maging maayos ang lahat."

Nanahimik ang buong paligid sa sinabi ni Lieutenant. Hindi ako makapaniwala na ganito pala ang kanyang kalooban.

"Emilio, natatakot pa rin ako," bulong ni Hannah.

"Hindi ka na mapapahamak," hinalikan ko ang kanyang noo.

Narinig namin ang hikbi ng mangkukulam na nakagapos sa may puno. Itinuon namin ang aming paningin sa kanya, at nagsimula na siyang magsalita.

"Patawarin niyo ako, kung nagdala ako ng gulo dito sa inyong bayan," kagat-labi niya sabay hikbi. "Isa akong dayo mula sa bansang Espanya. Sampung taon na ako nandito sa Pilipinas. At ako nga ay isang mangkukulam."

"Sinasabi ko na nga ba! Kaya dapat siyang puksain!" Sigaw ng isa sa mga taong-bayan.

"Calmate! Pakinggan muna natin siya!" Sumigaw si Lieutenant Daniels.

Nang muling nanahimik ang mga tao, ipinagpatuloy ng mangkukulam ang kanyang kwento.

"Gumagawa ako ng mga lason at gayuma, para sa mga kaaway o kung sino ang nais mong paibigin. May naging asawa ako sa Espanya, at nang malaman ko na ako ay kanyang kinaliwa, nilason ko siya at ang kanyang kerida. Tumakas ako lulan ng isang barko, at nakarating ako dito, kung saan ko pinagpatuloy ang aking nakagawiang pangkukulam. Dumaan ang ilan pang taon, may lumapit sa akin na sundalong Espanyol, at pagmamay-ari pala niya ang isang punyal na aking binendisyunan noong ako ay nasa Espanya pa. Inulit ko ang dasal dito, at nalaman ko na lang na pinangsaksak pala ito sa isang rebeldeng Pilipino. Walang sinuman ang namamatay mula sa saksak nito. Kaya nang malaman ko na ang rebeldeng Pilipino na ito ay di namatay mula sa punyal, labis ko itong kinagalit."

Naghabol muna ng hininga ang mangkukulam na si Medea, at nagpatuloy.

"Natuto rin akong maglakbay sa ibang panahon gamit ang isang dasal at inumin na aking ginawa. Balak kong hanapin ang katauhan ng rebeldeng iyon na di namatay sa aking punyal. Nang malaman ko na may asawa ito, siya na muna ang aking dinakip, para magpunta dito ang katauhan ng nasabing rebelde."

"Kaya pala kinidnap mo ako!" Galit na sinigaw ni Hannah. "Walang hiya ka!"


Nagbulong-bulungan na ang mga tao. Sumenyas si Lieutenant Daniels para tumahimik sila, at buti ay sumunod ang mga ito.

"Walang hiya nga ako," sumang-ayon ang mangkukulam. "Ako, si Medea de Lucio, ay isang walang-hiyang babae. Pumapayag na ako na masunog dito sa punong ito para sa ikatatahimik ninyong lahat."

"No," tumanggi si Lieutenant Daniels. "No. You can still change."

Lahat ay nakatingin na kay Lieutenant at sa pagtanggi nito na patayin ang nasabing mangkukulam.

"Pwede pang magbago kung nanaisin mo," ika ni Lieutenant.

"Nakapatay ako dati, ang aking asawa sa Espanya. Mabigat na kasalanan ito," sagot niya.

"I've read about him once in an English newspaper," pahayag ni Daniels. "It was in the US newspapers, as an odd case. He was able to survive the poisoning, together with his mistress. Eleazar Saavedra was his name, right? He said his witch of a wife poisoned him."


"Siya iyon!" Sigaw ni Medea. "Nakatakas siya?"

"Yes, but his own mistress killed him instead out of jealousy. What he did to you returned to him, even worse," sagot ni Lieutenant Daniels.

Isinalin ko sa wikang Tagalog ang sinabi ni Lieutenant, at nang marinig ito ng taong bayan, namangha sila.

"Mukhang binibigyan siya ng Panginoon ng pangalawang pagkakataon."

"Diyos na mismo nagpatawad sa kanya."


"Siguro iwan na natin siya na mabuhay nang mapayapa dito sa kabundukan."

"Release her!" utos ni Lieutenant Daniels. Agad na lumapit si Senyor Ismael para pakawalan si Medea sa pagkakagapos. Tinanggal na rin ang posas sa kanyang mga kamay na kanina pa nakatali sa kanyang likuran.

Napaluhod si Medea at tuluyan nang humagulgol. Lumapit sa kanya si Lieutenant Daniels at binalot niya ito sa isang mainit na yakap.


"Patawarin ninyo ako. Magmula ngayon...iiwan ko na ang pagiging mangkukulam," pagtangis nito.

Nagpalakpakan ang mga tao. Umalis si Medea sa pagkakayakap ni Lieutenant Daniels at lumapit sa aming dalawa ni Hannah.

"Patawarin ninyo ako sa aking nagawang kasalanan, mga manlalakbay mula sa hinaharap."

"Okay na tayo ah? Huwag nang sad girl," ismid ni Hannah dito. Natawa ako sa reaksyon ng aking asawa at sinagot si Medea.

"Sana, magmula ngayon, ay magbagong-buhay ka na," wika ko. "Utang mo kay Lieutenant ang iyong pangalawang pagkakataon."

Napangiti na lang si Medea, at sa mga oras na ito, nawala na ang galit at hinanakit na parte ng kanyang pagkatao.

Matiwasay na natapos ang gabing iyon sa bundok. Unti-unti nang umalis ang mga taong bayan at naiwan kami nila Hannah, Senyor Ismael, at Lieutenant Daniels. Kami na ang kumausap kay Medea at tumulong sa kanya na sunugin ang lahat ng kagamitan niya sa pangkukulam.

Magkatabi kaming natulog ni Hannah sa quarters na aking tinutuluyan. Kinabukasan, sinundo namin si Medea mula sa kabundukan at dinala sa simbahan para mangumpisal sa prayle.

Dito namin naramdaman ang pagbabago ng kanyang katauhan.

Nanatili pa kami ni Hannah ng ilang araw dito sa nakaraan. Dito namin nilubos ang aming pagsasama at pagbawi sa kanya. Ika nga niya, gusto muna niyang magbakasyon dito sa nakaraan, at pumayag na ako sa kanyang nais. Parang wala lang din sa mga taong bayan na galing kami sa hinaharap. Sa katunayan nga, bisita ang trato nila sa amin. Binigyan pa nga nila kami ng mga damit, matatamis na merienda, at kape bilang welcome.

Kay daming nangyari sa mga panahong iyon.

Tuluyan nang tinalikuran ni Medea de Lucio ang pangkukulam. Sa halip, nagsimula na siyang magtanim ng mga gulay sa kanyang bakuran. Nagkaroon na rin siya ng sariling pwesto sa talipapa kung saan siya nagbebenta ng mga gulay na ampalaya, kalabasa, kamatis, at sitaw. Binigyan muna siya ni Senyor Ismael ng kapital para makatanggap ng mga gulay na pwede ibenta mula sa isang supplier, dahil nagsisimula pa lang siya na magtanim.

"Good day, milady," bati ni Lieutenant Daniels nang makita si Medea sa kanyang pwesto. Nagpasama ang sundalo sa aming dalawa ni Hannah.

"Buenas dias, Lieutenant."

Malawak ang ngiti ni Medea nang kunin ni Lieutenant Daniels ang kanyang kamay para halikan ito.

"Mukhang nagkakamabutihan sila," bulong ni Hannah.

"You look fine this morning," hindi mapigilan ni Lieutenant ang kanyang ngiti.

"Thank you, gracias." Bakas ang pamumula sa pisngi ni Medea sabay ngiti niya.

Hindi maikakaila na mas lalong namukadkad ang kanyang natatagong kagandahan. May lahing Kastila ito, at kita na ngayon ang kinis ng kanyang kutis at ang matangos niyang ilong. Nakapuyod na ang kanyang mahabang buhok at bagay sa kanya ang simpleng puting kamisa at kulay rosas na saya na may mga guhit sa laylayan.

"If you like, may I take you out for dinner?" Alok ni Lieutenant Daniels. "Emilio here knows a place, in fact, he has already reserved it for us."

"May inilaan na kaming lugar para sa inyo kung saan kayo maghahapunan," tugon ko kay Medea.

"Si! Sasama ako sa iyo, Lieutenant!"

"I'll fetch you at your home. Goodbye for now, see you tonight."

"Paalam po, Lieutenant Daniels!"


Ngumiti si Medea at nang makaalis kami, bumulong sa akin si Lieutenant.

"How do I do this, Emilio? It's been ages since I last went out with a woman."


"Ninenerbyos ka pala, Sir!" Natawa si Hannah.

"Easy, we've got this. Just go to the kapihan and enjoy tonight!" tugon ko kay Lieutenant Daniels.

Aba, nakatulong kami na magbagong buhay ang isang mangkukulam, at nagkaroon pa siya ng potensyal na buhay pag-ibig.

Dahil nakapaglakbay kami ni Hannah sa nakaraan, natutong lumablyp ang isang dating mangkukulam at isang sundalong Amerikano.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top