Kabanata 17
Emilio! Kunin mo ako dito! Tulungan mo ako!
Naalimpungatan ako mula sa aking pagkakatulog. Naramdaman ko ang pagkamulat ng aking inaantok na diwa. Unti-unti kong binuksan ang mabibigat na talukap ng aking mga mata.
Hannah, napaginipan kita. Narinig ko ang iyong boses mula sa kadiliman. Takot at pangamba ang bumabalot, hindi kita maaninag. Hinihingi mo ang aking tulong.
Bumangon ako at ibinaon ko ang mukha sa aking mga palad. Sumambit ako ng isang dasal na sana ay matagpuan na si Hannah sa lalong madaling panahon. Kung nandito man siya ngayon sa nakaraan, sa panahon ng Amerikano, sana ay ituro ng kapalaran kung saan siya tinago at makuha ko siya mula sa kung sino man ang dumakip sa kanya.
Huminga ako nang malalim at pinatatag ang aking kalooban. Dapat ay harapin ko ang pagsubok na ito. Hindi ako babalik sa panahon naming dalawa kung wala si Hannah.
Ginawa ko ang aking nakagawian tuwing umaga, pero sa ibang panahon. Pagkatapos ng kinse minutos, bihis na ako at lumabas sa nasabing kwarto. Suot ko ulit ang damit ko kahapon, pero naglagay na ako ng sumbrero sa aking ulo.
Pagkalabas ko sa quarters, agad kong nasalubong si Lieutenant Craig Daniels.
"Emilio! Good morning!" Magiliw niyang bati.
"Good morning too, Lieutenant," matipid kong ngiti.
"Ready for tonight's trip to the mountains?" bulong niya.
"Yes."
"Good, just see you at the meeting spot. For now, feel free to roam around the town the whole day."
"Surely. Goodbye!"
Naghiwalay na kami ng landas ni Lieutenant.
Nagtungo ako sa may fountain sa plaza at naupo doon sa gilid ng fountain. Naramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura, senyales na kailangan ko nang kumain ng agahan. Buti na lang ay may munting kainan sa kabilang dako ng kalye.
Lumakad ako doon at natuwa nang malaman kong kapihan pala ito. Naamoy ko ang aroma ng bagong lutong tinapay pati na rin ang bagong giling na kape. Naupo ako sa isang sulok at tinanggal ko ang aking sumbrero. May lumapit sa akin, at tinanong kung ano ang aking nais kainin.
Binanggit ko na gusto ko yung bagong lutong tinapay at isang tasa ng kape. Tumango ito, umalis, at bumalik siya na dala ang aking hinihiling: isang platito na may tatlong piraso ng pandesal, may isang maliit na hiwa ng mantikilya na may kasamang pampahid nito sa tinapay, at isang tasa ng umuusok na kape.
"Gracias," wika ko.
Ngumiti ang binata at iniwan na niya ako mag-isa.
Tahimik akong nag-agahan. Kahit mapayapa ang kapihan na ito, wala masyadong mga tao, at napapalibutan ng mga munting paintings ng mga bukid na nakasabit sa dingding, hindi ako iniwan ng aking mga alalahanin tungkol kay Hannah.
Nabusog man ako, ngunit mas lalong nanaig ang gutom ng aking isipan na masagot ang aking mga katanungan.
Kung may kumuha kay Hannah, anong pakay nito at bakit?
Bakit sa nakaraan pa ako (o kami) napunta? Maiintindihan ko pa kung sa modernong panahon ito, dahil anak ng mayamang negosyante si Hannah.
At may kinalaman ba ang lahat ng pangyayari tungkol sa aking nakaraang pagkatao?
Buong araw lang akong namalagi sa bayan. Buti ay may natagpuan akong munting aklatan, kung saan muna ako nagpalipas ng oras. May tahimik na sulok doon at dito ko ginugol ang aking mga aklat na nakita sa wikang Ingles. Ang isang libro ay tungkol sa kasaysayan ng Amerika at ang isa naman ay kopya ng The Adventures of Tom Sawyer ni Mark Twain.
Nangalahati ako sa nasabing nobela hanggang sa nilapitan ako ng tagapamahala ng aklatan.
Alas-singko y media na ng hapon at magsasarado na sila. Pinasalamatan ko ang mabuting matandang lalaki na ito, at nangako na babalik ako kung may oras man.
Napadaan ako sa simbahan pagkatapos at pumasok para lumuhod at manalangin. Inalay ko ang aming misyon mamayang gabi at hiniling na makabalik na kami ni Hannah sa pangkasalukuyang panahon (na nasa hinaharap ngayong nasa nakaraan na ako).
Tumayo ako at papaalis na sana nang may isang pari na dumaan sa aking gilid. Naka-abito ito na kulay brown at nang madaanan namin ang isa't isa, narinig ko ang katagang:
"May dumating na bisita dito."
Ako ay natigilan sa paglalakad. Lumingon sa akin ang prayle, na parang may katandaan na rin. Kulay puti ang kanyang buhok, may mga guhit na sa kanyang noo, ngunit bakas pa rin ang kinang sa mga mata niyang asul.
"Buenas dias, Padre," magalang kong bati.
Ngumiti ito at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"May dumating din dito ilang taon na ang nagdaan, at sinasabing nakapaglakbay siya sa hinaharap. Ang binatang iyon ay isang hukbong Pilipino na aking ginamot at kusa na lang nawala na parang bula. Nakabalik man ito pagkatapos ng mahiwaga niyang paglalakbay, ngunit agad din itong namatay."
Malalim na huminga si Padre at nagpatuloy. "Ngayon, nararamdaman ko na kasing-hiwaga mo ang binatang iyon. Mula sa iyong mga mata, ay nakikita ko ang kanyang presensiya."
"Padre... hindi ko alam kung maniniwala ka, ngunit... galing din ako sa hinaharap. Hindi ko rin maipaliwanag ang lahat ng nangyari sa akin ngayon lang."
"May mga bagay nga na mahirap paniwalaan. Ngunit habang pinagmamasdan kita sa iyong panalangin, binigyan din kita ng dasal, na sana ay matupad ang ninanais ng iyong puso."
Hindi ko mapigilang maluha sa mga kataga ng prayleng ito. Lahing Kastila man siya, ngunit dama ko ang kanyang sinceridad. "Sana nga po, Padre. Makaalis na ako dito na kasama ko siya, ang aking iniirog."
"May awa ang nasa itaas para sa iyong panalangin."
Tumango ako bilang pasasalamat. At dito ko naalala ang tungkol sa mangkukulam daw na naninirahan sa kabundukan.
"Padre, totoo po ba ang balita na may mangkukulam dito sa bayan?"
Natawa ang nasabing prayle. "Iyon ang sabi ng mga tao dito sa Poblacion. Totoo man o hindi, darating sa ayos ang lahat. Iyon na lang ang aking pinanghahawakan."
"Gracias, Padre."
Binendisyunan ako ng prayle. "Nawa'y maging matagumpay ka sa iyong binabalak... Emilio."
"Paano niyo nalaman ang aking ngalan?" Gulat kong tinanong.
"Iyon ang pangalang pumasok sa aking isipan," tawa ni Padre. "Humayo ka na, hijo. Kasama ka ng aking mga dasal."
Ngumiti ako sa prayle sa huling pagkakataon at lumabas ng simbahan na mas kalmado ang diwa at kalooban.
Bumalik ako sa aking quarters at pumasok sa kwartong tinutuluyan para kumuha ng salapi, na siyang pinahiram muna sa akin ni Lieutenant Daniels. Binulsa ko muna ito at nagpasyang balikan ang kapihan kung saan ako kumain ng agahan kaninang umaga.
Sinalubong ako ng binatang nagbigay sa akin ng pandesal at kape. Tinanong ko muna kung may mga pagkain ba sila na pang-hapunan. Natawa ang binata sa akin at sinabing may mga luto sila na ulam, gaya ng paella, morcon, at adobo. May pista raw sa katabing bayan at nagpaluto dito ang isang may-kayang ginang, at ito ang mga natirang luto.
"Isa ngang plato ng paella at isang basong tubig," hiling ko.
"Intiende, senyor," tumango ang binata. "Aba, mukha po kayong miyembro ng buena familia!" Namamangha niyang komento.
"Oo nga eh," pabiro kong wika. "Aabangan ko ang pinagmamalaki niyong paella."
Masayang umalis ang binatang servidor. Bumalik ito na may dalang de-kahoy na tray, kung saan nakalagay ang paella at isang basong tubig.
"Masarap po iyan, sana magustuhan niyo po!"
"Mukha nga! Salamat po!" tugon ko.
Umalis na ang binata at nagsimula na akong maghapunan. Hindi ako nadismaya sa paella nila. Puno ito ng mga sangkap gaya ng chicken strips, Chorizo de Bilbao, hipon, sibuyas, at bawang. Matingkad ang malambot na kanin dahil sa kulay kahel na saffron. Tunay ngang pinagtuunan ng oras at pagod ang lutuing ito, hindi kagaya ng mga paella o ibang lutong Pinoy na makikita mo sa karamihan sa mga restaurants sa makabagong panahon.
Buti na lang ay marami ang servings ng paella. Busog na busog ako pagkatapos ng aking hapunan, at handa na ako sa aming magiging paglalakbay sa kabundukan. Uminom ako ng aking tubig, tumayo, at nagpaalam sa serbidor.
"Adios, amigo!" Masaya kong sinabi. "Ang paella ay delicioso!"
"Swerte niyo po at kayo ang napadaan dito ngayong gabi," ngiti ng binata sa akin. "Adios, senyor!"
Isinuot ko ang sumbrero sa aking ulo at lumabas na ng kapihan. Nagtungo muna ako sa quarters para gumamit ng palikuran. Pagkatapos, ay dumiretso na ako sa panciteria ni Aling Mameng.
Namalagi muna ako sa likuran nito. Buti na lang ay walang tao dito, dahil abala ang lahat na kumakain o nagluluto sa loob ng panciteria.
Ilang sandali pa ay nakita kong papalakad na si Ismael patungo sa aking kinatatayuan. Hawak niya ang isang gasera sa kanyang kanang kamay.
"Kakarating niyo lang po, Senyor Emilio?" bulong niya.
"Oo, halos magkasabay lang tayo," sagot ko.
Napatingin ako sa kanyang baywang, kung saan may nakataling itak sa kaliwa niya. "Sayang, wala akong dalang kahit ano kung kailangan ko man ipagtanggol ang aking sarili."
Kinapa ko ang locket watch na nakatago sa loob ng aking kasuotan. Hindi ko alam kung anong silbi nito sa ngayon, pwera na lang sa ideya na baka matulungan kami nito ni Hannah.
"Huwag po kayong mag-alala, kasama niyo ako at si Senyor Kra-ig," mahinahon niyang tugon.
"Sana nga makababa tayo nang buhay mula sa bundok na iyan," sambit ko.
"Hello men!"
Napalingon kami sa pinanggalingan ng boses ni Lieutenant Craig Daniels. May dala rin siyang lampara at nang makalapit ito sa amin, bihis na bihis siya na parang sundalo na sasabak sa labanan. May nakasabit pa nga na rifle sa likuran nito.
"Glad to be bringing my trusty rifle with me," ngiti niya. "Are we ready?"
"Yes, sir!" Natawa ako nang mapalakas ang aking boses.
"Humayo na tayo," pag-aaya ni Senyor Ismael.
Ang nasabing cabeza ang naging gabay namin papalabas ng bayan. Inabot kami ng mga kinse o bente minutos hanggang sa makarating kami sa paanan ng pinakamalapit na bundok sa Poblacion. Bumungad sa amin ang isang madilim na kagubatan na kabi-kabila ang mga puno. Tumingala ako sa madilim na kalangitan, at buti na lang ay bilog ang buwan ngayong gabi.
"It's a full moon tonight. I hope that the witch won't do any rituals," komento ni Lieutenant Daniels habang nakatingala sa direksyon ng buwan.
Napalugok ako nang maalala ko na may kahulugan ang bilog na buwan sa mga mahiwagang bagay, gaya ng mga werewolves o bampira na nagiging mas makapangyarihan.
"Mabuti ay nakapagpahinga muna tayo," hinihingal na sinambit ni Senyor Ismael. Itinaas niya ang lampara at tinutok ito sa malayong landas na nasa harapan namin. "Sa tingin ko, mukhang kailangan natin na lakarin ang kagubatan hanggang sa maabot natin ang pinakadulo nito."
"We will have to walk towards the end of this forest," paliwanag ko kay Lieutenant Daniels sa wikang Ingles.
"That's not a problem for me," sagot ni Lieutenant. "But what if there's nothing to see at the end of this place?"
Magsasalita na sana ako nang may narinig kaming ungol ng aso. Kahit nanggagaling ito sa malayo at di-masabing parte ng kagubatan, natigilan kaming lahat. Lumakas ang kaba sa aking dibdib at biglang napakapit sa aking braso si Senyor Ismael.
"Saan kaya nanggagaling iyon?" Takot na tanong ng butihing cabeza.
"Lakarin na natin ang kagubatan," wika ko.
Naunang maglakad sa amin si Senyor Ismael, habang kaming dalawa ni Lieutenant ang nakasunod sa kanya. Nasa kalagitnaan na kami ng kagubatan nang kapwa kami may naaninag na bubong ng isang kubo.
"Sandali, may nakita akong kubo." Itinuon ko ang paningin, at kapwa nakita rin ito nila Lieutenant Daniels at Senyor Ismael.
"There's someone living in the mountains," bulong ni Lieutenant. "So, the witch might be a true story all this time."
Narinig ulit namin ang alulong ng aso sa malayo. Ramdam ko ang pagtayo ng aking mga balahibo sa braso, at ang lamig ng hangin na bumabalot sa paligid. Napayakap tuloy ako sa sarili at may sasabihin sana nang may narinig kaming sigaw ng isang babae.
"Goodness!" takot na winika ni Lieutenant. "There's someone here! Let's go there!"
Siya na mismo ang tumakbo sa direksyon ng sigaw, habang sumunod kami ni Senyor Ismael. Hindi na namin alintana ang masukal na daanan. Iniwasan namin ang mga batong malalaki at ang mga halaman na tumutubo sa lupa, at tinuloy namin ang pagtakbo.
Narating na namin ang kubo. Namangha ako na may kalakihan ang bahay kubo na ito. Halatang dito itinayo sa loob ng gubat. May munting ilaw na nanggagaling mula sa loob. Mas lumamig pa ang hangin dito at mas nanaig ang kaba sa aking kalooban.
"What now?" tanong ni Lieutenant Daniels.
"Let's go inside," suhestyon ko.
"Emilio!"
Nanigas ang aking likuran nang marinig ko ang sigaw na iyon. Kilalang-kilala ko ang boses na iyon.
Itinapat ni Senyor Ismael ang lampara, at doon ko naaninag kung sino ang nandoon.
"Emilio, tulong!"
"Hannah!"
Tumakbo ako sa isang matayog na puno kung saan nakatali ang aking pinakamamahal na asawa. Nakapagpos ito dito, magulo ang mahabang buhok, at nakasuot na ng baro't saya.
"Andito na ako, irog! Sandali, tatanggalin na kita diyan, tulong naman!"
Agad na lumapit si Senyor Ismael at pinakawalan si Hannah gamit ang kanyang itak. Nang makaalpas na ito mula sa kanyang pagkakagapos, agad kaming nagyakapan.
"Ano bang nangyari, paano ka napunta dito?" nagtataka kong tanong.
Sasagot na sana si Hannah nang may boses ng babae na bumasag sa katahimikan.
"Sa wakas, andito na ang aking pinakahihintay na bisita."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top