Kabanata 12
May masasaya mang mga araw sa aming dalawa, may mga panahon din na nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan at tampuhan.
"Wala ka bang balak matulog, irog?"
Ito ang tanong ko kay Hannah nang maabutan ko siya sa aming dining table isang gabi. Nakaharap siya sa kanyang laptop at mukhang abala sa mga presentation slides na kanyang inaayos.
"May pitch kami bukas para sa isang major client," sagot ni Hannah sabay inat ng mga braso.
"Makakapaghintay iyan. Tignan mo ang oras, halos hatinggabi na." Sinulyapan ko ang wall clock sa may kitchen.
"Matatapos na ako, EJ," hikab ni Hannah.
Lumapit ako sa kanya at napayakap. "Mula nang ma-promote ka bilang manager ng team niyo, mas naging abala ka kaysa dati."
"Marami kasing ginagawa eh," dahilan niya. "Lalo na ngayon, we can't afford to lose this pitch."
"Sa totoo lang, napapansin ko na di na tayo sabay nahihiga sa kama," ika ko. "Sa dalawang taon natin ng pagsasama, ngayon lang kita nakita na sobrang busy at halos wala na sa oras kung matulog pati ang pag-uwi."
Nanigas si Hannah sa kanyang pwesto habang napalayo ako sa kanya. Lumingon siya sa akin na masama ang tingin.
"Ginagawa ko lang ito para sa kinabukasan natin," buntong-hininga niya. "Paano 'pag nagka-baby tayo isang araw?"
"Walang masama sa pagiging masipag sa trabaho, pero iyang ginagawa mo, halos magpakamatay ka na sa kakatrabaho," mariin kong sinabi. "Hindi mo ba napapansin ang sarili mo? Namumugto na ang mga mata mo at nangangayayat ka na. Mukhang di ka kumakain sa oras kapag nasa opisina ka."
"EJ, nasa digital marketing at advertising firm ako, normal lang ito sa amin na magpuyat at magpakasubsob sa trabaho," rason nito. "Manager ako at dapat kong magawa ang aking trabaho nang maayos."
"Maayos nga trabaho mo, pero sarili mo napapabayaan mo. Pati ang relasyon natin."
Binalot kami ng nakabibinging katahimikan. Tumayo si Hannah sa kanyang pwesto at sinabing:
"Alam mo, kung wala kang magandang sasabihin, mauna ka na. Susunod na ako sa kama."
"Hannah, concerned lang ako sa iyo bilang asawa mo."
"Hindi mo yata ako naiintindihan," giit niya. "Kailangan kong patunayan ang sarili ko doon sa kumpanya namin. I have to show that I'm worthy of being their manager pati na rin ang compensation na binibigay nila sa akin."
"Ah, kailangan mo ng pera nila kaya ka nagpapakapagod," singhal ko.
"Siyempre, kailangan natin ng pera! Lalo na ako ang mas mataas ang sahod kaysa sa iyo!" Sigaw niya.
Natigilan ako sa aking narinig. Gusto ko siyang sampalin pero pinigilan ko ang sarili.
"Kailangan bang sabihin mo iyan?" Tanong ko. "Issue pala sa iyo ang sahod ko sa university! Porke't di six-digits gaya sa iyo, di pa rin sapat sa iyo, sa atin?"
Walang patutunguhan ang usapang ito.
Tinalikuran ko siya at naglakad na papalayo. Di ko siya nilingon nang sabihin niyang, "Sorry, EJ!"
Bumalik ako sa higaan na mabigat ang kalooban. Ayoko siyang lingunin kahit narinig ko ang isang munting hikbi mula sa kanya.
Kaya pala siya nagpapakasubsob sa trabaho, dahil mas mataas ang kinikita niya kumpara sa akin? Dahil mababa ang tingin niya sa trabaho ko bilang isa sa mga head researchers ng unibersidad?
Aba, naging mayabang na porke't na-promote. Hindi ba niya makita na dapat din siyang magpahinga para rin sa sarili niya?
Walang masamang maging masipag sa trabaho pero sa ginagawa niyang iyon, halos kainin na ang buong araw at gabi niya sa kanyang ginagawa.
Napayakap ako sa aking unan at pinilit makatulog, ngunit ayaw akong dalawin ng tulog.
Labis akong nag-aalala para sa aking asawa. At labis din akong nasaktan sa kanyang sinabi tungkol sa aming mga trabaho.
Bakit naging isyu ang pera sa kanya? Bakit kailangan niyang idiin sa akin na mas mataas ang sahod niya?
Aanhin mo mataas na sahod kung ang kapalit nito ay ang kalusugan mo at ang relasyon mo sa iyong asawa?
Nasaan ang Hannah na una kong nakilala?
---
Nagising ako kinaumagahan at inaantok na bumangon. Maghahanda pa ako para sa trabaho.
Una kong napansin na parang hindi humiga si Hannah sa aking tabi kagabi. Hindi man lang nagalaw ang kanyang unan at kumot.
Lumabas ako ng kwarto para siya ay hanapin. Maayos ulit ang lamesa at dito ko naramdaman na umalis na pala ang aking asawa.
Pumasok ako sa bathroom at dito ko naamoy ang aroma ng shampoo at sabon. Mukhang kakagamit lang din ng shower head dahil may mga patak pa ito ng tubig. Basa rin ang tiles sa sahig.
Naglakad ako patungo sa ref para maghanda ng agahan. Wala kasing hinain si Hannah kahit ano.
Di na bale, milk at cereals na lang.
Kinuha ko ang gatas sa ref at ang kahon ng cereals sa may pantry. Nagtimpla na rin ako ng isang tasang kape.
Umupo ako sa dining table at habang kumakain, ramdam ko ang napakabigat na katahimikan sa buong condo.
Di man lang nag-iwan ng note ang aking asawa para sabihin na mauuna na siya. Ginagawa niya iyon dati, hanggang sa ma-promote ito sa trabaho.
Siguro nagpapalipas lang ng init ng ulo. Sana magkabati rin kami. Sana maisip niya na hindi issue sa akin ang kanyang kinikita, hanggang sa mabanggit niya ito.
Gusto ko lang siya na makasama pa nang mas matagal, kahit na busy ito sa trabaho. Gusto ko lang na alagaan ang sarili niya gaya ng pag-aalaga ko sa kanya.
Hindi naman labis ang hinihiling ko.
Pumasok ako sa trabaho na mabigat pa rin ang kalooban. Pilit kong hindi ito inisip at ginawa ko na lang ang aking mga gawain hanggang sa oras na ng uwian.
Naisipan kong tignan ang aking phone, baka napatawag siya o may private message.
Sa aking pagkadismaya, wala man lang itong mensahe o missed call.
Umuwi ako at pagod na napaupo sa sofa. Napapikit ako at labis na nagsisi sa aking satsat sa kanya kagabi.
Dapat siguro mas inunawa ko siya imbes na maging nagger.
Naisipan ko na ipagluto siya ng hapunan, baka sakali na gumaan ang kanyang kalooban sa akin.
Kimchi rice na may chopped luncheon meat ang aking hinain. Nabanggit niya sa akin minsan na gusto niya ng Korean-themed meal.
Napangiti ako nang hinain ko ang aking luto. Pinigilan ko ang sarili na huwag muna itong kainin, pero isang oras ang lumipas, at nagsimula na akong maghapunan nang mag-isa.
Alas-syete hanggang alas-otso ng gabi. Wala pa rin paramdam si Hannah. Nagsimula na akong mag-alala.
Huwag mong sabihin sa opisina na siya matutulog.
Naisipan kong tawagan ang kanyang Ate Krystal.
"Ano, hindi pa umuuwi si Hannah?" Tanong nito sa kabilang linya. "Nag-away ba kayo?"
"Misunderstanding lang, pero kaya naman pag-usapan," magalang kong tugon. "Nais ko lang tanungin, baka diyan tumuloy sa inyo."
"Nagme-message naman siya kung dumadaan siya dito. Sadly, wala naman siyang kinukwento sa akin. Relax ka lang, baka may company dinner sila," kalmadong sagot ni Krystal. "Subukan kong tawagan tapos balikan kita."
"Salamat Krystal," maluwag na akong nakahinga.
Nagpalipas muna ako ng oras na nanonood ng videos hanggang sa tumawag ulit si Krystal.
"EJ, I tried calling Hannah. It's weird, wala siyang signal."
Ramdam ko ang pag-aalala ni Krystal.
"Inaway mo ba?" Tanong nito. "Mukhang may di kayo sinasabi sa akin."
"Hindi ko siya sinaktan at pinagwikaan nang masama," kalmado kong sagot.
"Hmmm... Pero weird pa rin. Parang naka-off phone niya o walang signal. Kahit ang social media niya, di nagpapakita na online siya."
"Si Mady, try mo na tawagan. Yung kaibigan niya," suhestiyon ko.
Gumawa ng group call si Krystal sa Messenger at buti na lang ay online si Mady.
"Huh, ano, nawawala si Hannah?" Pagtataka nito.
"Wala siyang signal sa socmeds niya, at sinubukan ko na rin tawagan," paliwanag ni Krystal.
Nanahimik si Mady sa kabilang linya. "Oo nga, di siya online."
"Baka tumuloy diyan sa inyo?" Tanong ko.
"Wa...wala," pagtanggi ni Mady. "Teka, naisip niyo na bang puntahan sa office niya?"
"Oo nga noh," wika ko. "Pero baka sarado na."
"Di ba may kotse siya?" Si Mady.
"I think we should go there," tugon ni Krystal. "EJ, I'll drive over to your condo."
"Sige, magbibihis lang ako."
"Sana maayos lang siya," ika ni Mady. "Huwag mo kasing aawayin, baka naghanap na ng iba."
"Grabe ka, girl!" Natawa si Krystal. "Di siya ganoon. Pero minsan sa akin nagsasabi ng sama ng loob."
"Sige, maiwan ko na kayo, bye," pamamaalam ni Mady.
"I'll head over," pangako ni Krystal sa akin.
Tinapos ko na ang voice call at nagbihis na para makapaghanda.
Agad na dumating si Krystal at sumakay na ako sa kanyang kotse. Habang nasa biyahe, naikwento ko ang naging usapan namin kagabi ng aking asawa.
"Ang sa akin lang naman, magpahinga siya. Di dahilan mataas na sahod para pagurin niya ang sarili," ika ko.
"I know!" Pagsang-ayon ni Krystal habang nagmamaneho. "Pero totoo yung puyat at pagod sa mga ad agencies, kahit digital agency pa. May mga clients kasi na sobrang demanding. Sa totoo nga, I just passed my resignation letter," ngisi nito.
"Na-stress ka rin?"
"Oo, mukhang magiging freelancer na lang ako or part-time consultant. Sa mall nila Daddy ako magsisimula," tawa niya.
"Mayaman naman kayo," biro ko.
Tuluyan nang natawa si Krystal. "Mas marami kaming problema kaysa sa mga ordinaryong nilalang. How to make money, keep money, make more money. Hay, kaya di rin kami nakakapagbakasyon at around the world trips!"
"May sense naman sinabi mo," tumango ako.
"We're here," wika ni Krystal nang makarating na kami sa building ng kumpanya ni Hannah.
Dumungaw siya sa may guard na nasa carpark at pinakita ang kanyang ID.
"Napansin niyo bang lumabas si Ma'am Hannah Jacinto gamit ang kanyang sasakyan?"
"Ah, si Ma'am Hannah ba?" Sagot ng guard. "Ang totoo niyan, mukhang di lumabas ang kanyang kotse magmula kaninang umaga. Pumasok pa siya dito at nag-hello sa akin gaya ng nakagawian niya."
"Check lang namin sasakyan niya. Kapatid niya ako at kasama ko ang kanyang asawa."
Buti ay pinapasok kami ng guard. Dumiretso kami sa third deck kung saan daw nandoon ang kotse ni Hannah.
Sa gitna pumuwesto si Krystal at agad itong bumaba ng kotse habang sumunod naman ako.
Naglakad kami papunta sa grey na Honda ni Hannah na agad naming namataan sa may gilid. Ako ang nagturo sa kanya dito.
Gumala si Krystal sa paligid ng kotse.
"Ang weird," bulong niya. "Andiyan handbag niya sa loob oh."
Sumilip ako sa may bintana at nagulat nang makita ko ang pula niyang handbag sa may passenger seat.
"Everything is in order, walang sign ng break-in," obserbasyon ni Krystal. "Walang susi sa may ilalim ng manibela."
Ginalaw niya ang pintuan. "Naka-lock ang loob, oh. Weird talaga. Saan kaya siya nagpunta at di na bumalik? Dala niya ang susi ng sasakyan, anong dahilan niya to go elsewhere?"
"Tumawag na tayo ng pulis at magpa-blotter. Ayokong mag-isip ng masama, ngunit mukhang kailangan na nating gawin ito," sagot ko.
Kumuha ng mga litrato si Krystal gamit ang kanyang iPhone at sumakay na kami sa kotse niya pagkatapos. Bumalik kami sa may guard at humingi ng tulong para sa CCTV footage sa may kotse ni Hannah.
Nangako ang guard na tutulong sa aming imbestigasyon.
Natapos ang gabi sa police station, at nai-file na ang aming hinaing.
Missing person case na si Hannah Raine Umbrebueno-Jacinto.
Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung may mangyari man na di kanais-nais sa kanya.
Kahit si Krystal ay hindi mapakali. Pero agree kaming lahat na kakaiba ang kanyang pagkawala, dahil walang bakas ng panlalaban sa loob ng kanyang sasakyan.
"Maayos din ito, EJ, matulog ka na," wika ni Krystal nang inuwi na niya ako sa aming condo.
"Salamat, mag-ingat ka pauwi."
Umalis na si Krystal at naiwan akong nag-iisa at puno ng pangamba.
Diyos ko, ibalik niyo ang aking asawa na buhay at nasa maayos na kalagayan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top