- 6 -
Muling ibinalik ng lalaki ang balabal na hinawi ni Rhodora. Walang pasabing hinawakan niya muli ang kamay ng dalaga at nagpatuloy silang maglakad sa masukal na kagubatan.
Kahit hindi kilala ni Rhodora ang lalaking ito, nararamdaman naman niyang ligtas siya. Hindi nakaawang ang mga bibig niya nang lalong humigpit ang hawak nito sa kanyang mga kamay. Ramdam niya ang init ng mga palad nito na mas lalong nagpapasidhi ng kakaibang atraksyong nararamdaman niya sa estranghero.
"Maraming salamat po sa tulong. Gusto ko sanang malaman kung paano mo nagawang lumundag nang ganoon kataas?"
Biglang binitiwan ng lalaki ang kamay ni Rhodora at luminga-linga sa paligid.
"Huwag kang maingay," utos nito sa malumanay na tinig.
Hinapit siya nito para magtago sa talahiban.
"Huwag kang maingay," bulong nito. Inulit lang kung ano ang sinabi nito kanina. Maganda ang tinig ng lalaki, sa hinuha ni Rhodora, maihahalintulad ang tinig nito sa isang mamamahayag sa radyo.
Makailang saglit pa ay may tunog ng makina ng sasakyan silang narinig na paniguradong malapit lang sa kinaroroonan nila.
"Hindi maaaring matunton ng mga sundalo ang balwarte natin. Kailangang magmatyag ang iba pang kasapi. Sumangguni tayo sa ating komander bago kumilos."
Napailing na lamang ang lalaki, walang ibang naririnig si Rhodora bukod sa ingay na dala ng sasakyan. Isa lang ang kutob niya, malapit na yata sila sa pugad ng mga rebeldeng kumakalaban sa gobyerno o ang tinatawag na New People's Army.
Tila nasigurado naman ng lalaki na nakalayo na ang sasakyan.
Lumabas siya sa pinagtataguan at sinenyasan pa niya si Rhodora kaya naman sumunod na ito sa kanya.
"Nakaalis na sila."
"Ang mga rebelde iyon, tama ba ako?"
Tumango ang lalaki.
"Isa ka ba sa kanila?"
"Hindi. Pero kakaiba ako sa lahat," malamig na turan nito kay Rhodora.
Ipinagpatuloy nila ang paglalakad. Mahigit isang oras na pala nilang tinatahak ang daan. Habang tumatagal, lalo lamang napapahanga si Rhodora sa kasama niya ngayon. Nakahawak ang kamay nito sa kanya, hindi niya maintindihan kung bakit napakagaan ng loob niya rito at hindi man lang siya nakakadama ng takot kahit na hindi niya kilala kung sino ito. Ngayon niya lang napagtantong may ibang tao pa palang magmamalasakit sa kanya bukod kay Homer na tinuturing niyang tunay na kapatid.
"Napapagod ka ba? Bubuhatin na lamang kita."
Napahinto sa paglalakad ang estranghero.
Umiling si Rhodora.
"Hindi. Ayos lang ako, gusto ko sanang malaman ang pangalan mo? At kung bakit mo ako niligtas kanina?"
Wala siyang nakuhang kasagutan. May mawawala ba sa lalaking ito kung sasabihin nito ang pangalan?
"Bubuhatin na lamang kita."
Mabilis pa sa alas kwatro, pinasan siya ng lalaki na para bang isa siyang kaban ng bigas.
"Sandali, ibaba mo ak---"
Parang naging bingi ito dahil hindi naman ito tumalima sa pakiusap niya.
'Bakit ganito? Bakit pakiwari ko ay nagugustuhan ko ang nangyayari? Na tinutulungan niya ako kahit hindi ko alam ang dahilan?'
Dinagsa siya ng maraming palaisipan. Hangga't sa bumagsak na ang talukab ng kanyang mga mata.
---
'PARANG isang panaginip,
Nang mga mata'y aking ipikit
Nakikita ko pa rin ang iyong ngiting mapang-akit
At ang ningning ng bituing marikit.
Huwag ka nang mangamba
Makikita mo rin ang pag-asa
Tumigil na sa pagluha
minamahal kong diwata.'
Napabuga ng malalim na buntong hininga si Barom habang maiging nakamasid kay Rhodora na kasalukuyang mahimbing ang tulog. Ikinumot niya rito ang suot niyang balabal.
Bahagya siyang napangiti. Ngayon niya napatunayang mas malakas siya dahil nagawa na niyang magpakita sa dalagang matagal na niyang sinusubaybayan.
'Ikaw at ako,
Magkaiba ang ating mundo
Ngunit hindi ako susuko
Na makuha ang iyong puso.'
May tula siyang binabasa sa isang papel. Isinilid niya iyon nang maulinigan ang pagtilaok ng manok.
"Malapit nang mag-umaga Rhodora. Umalis man ako ngayon, babalikan pa rin kita."
--
"HOMER, napapansin naming masyado kang seryoso sa pag-aaral. Bakit hindi mo kami samahang manood ng pelikula ni Fernando Poe Jr.? Alam mo ba 'yung Lo Waist Gang?"
Napalingon na lamang si Homer sa pinanggalingan ng tinig. Iyon pala ang kaklase niyang si Tasyo na kasama niya rin sa tinutuluyang dormitoryo sa Maynila.
Gumanti ng ngiti si Homer. "Wala yata akong panahon na manood ng pelikula, at isa pa Tasyo, hindi naman ako tagahanga ni Fernando Poe Jr., sino ba kasi iyon?," tanong niya sabay kamot sa ulo.
"Palibhasa puro libro lang ang binabasa mo. Kamukha mo nga siya eh," pabirong saad pa ni Tasyo.
"May lumang komiks na ipinamimigay ang kakilala ko, napagsawaan na niya ang obra ni Mars Ravelo. Kaysa anayin na lang, ibibigay niya sa akin. Gusto mo ng isa?"
Muling lumapad ang ngiti ni Homer. Naalala niya pala, nabanggit niya kay Tasyo na naghahanap siya ng komiks at kung ano pang babasahin para ipadala kay Rhodora. Sa katunayan, lubos na rin ang pangungulila niya rito at sa kanyang Inay Minda. Tanging sa telegrama lang ang komunikasyon nila.
"Sige. Maraming salamat."
"Maiba tayo, di ba taga Estrella ka?"
"Oo. Bakit?"
"May mga haka-hakang may taong lobo raw sa inyo. Totoo ba iyon? Sa probinsyang pinagmulan ko, may mga tikbalang daw."
Napakunot ang noo ni Homer. "Hindi ako naniniwala sa ganyan, ang mga kakaibang nilalang ay likha lamang ng ating isipan. Mas naniniwala ako sa kapangyarihan ng siyensiya kaya nga ginusto kong kunin ang kursong medisina."
"Ah ganun ba? Dahil sa nabasa kong may kinalaman sa taong lobo, nanaliksik ako. May artikulo sa lumang pahayagan akong nabasa."
Inilabas ni Tasyo ang pahayagan.
"Nakasaad diyan ang katangian ng mga taong lobo. Pero nakalagay din diyan na mayroong kaisa-isa mula sa kanilang angkan ang namumuhay dito sa Pilipinas."
Napatikhim si Homer.
"May naalala lang ako, may sinabi ang guro natin na may matagal nang pinaghahanap na taong lobo para sa isang masusing eksperimento. Mukhang totoo nga."
"Oh? Ano kumbinsido ka na?"
A/N
Salamat po sa interes niyonh basahin ito. Hindi nga po ito HisFic. :)
Love you ❤❤
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top