- 36 -

TAONG kasalukuyan...

"Nasaan ba kasi si Mama? Diyos ko Rona at Macy! Bakit hindi niyo naman binantayan ang lola niyo!"
Natataranta na si Gemma sa kaiisip kung saan maaaring hanapin ang nanay niyang si Rhodora. Naging busy kasi siya sa pag-aayos ng lumang bahay at walang sinuman sa kanila ang nakakitang lumabas ang matanda.

"Tita, naririto lang 'yon si Lola. Sure ako," segunda ni Macy. "Nakita ko siya kanina lang nasa library sa taas. Alam niyo naman 'yon si Lola, ang hilig magbasa ng kung anu-anong libro at naikuwento niyang narito daw ang ilan sa paborito niyang babasahin eh."

"Diyos ko! Samahan niyo nga ako sa labas. Nag-aalala ako kay Mama, may sakit pa naman siya." Nagsuot ng jacket si Gemma bago siya lumabas dala ang flashlight. Sumunod naman sa kanya ang anak at pamangkin. Sumama na rin ang asawa niya sa paghahanap. Napadpad sila sa gubat, ngunit hindi pa rin nila nakikita si Rhodora.

"Diyos ko, nasaan ka na ba, 'ma?"

"Lola Rhodora?"

"Lola?"

Inabot na sila ng mahigit sampung minuto sa paglilibot. Medyo natatakot na silang lahat dahil baka may ahas sa gubat na iyon o kaya nama'y mayroong mabangis na hayop.

Ngunit sa di kalayuan, anino ng isang lalaki ang umagaw sa kanilang pansin at may buhat itong tao. "Ma, nakikita mo ba kung anong nakikita ko?," tanong ni Rona habang naniningkit ang mga mata para masipat niyang mabuti ang kanyang tinutukoy.

"May papalapit sa atin. Sino kaya ang buhat niya?" ani Gemma.


--

NAIUWING ligtas si Rhodora sa tulong ng di kilalang lalaki na sa tingin ni Gemma ay nasa tatlumpong taong gulang ang edad kung pagbabasehan ang itsura nito. Iyon din ang lalaking nakasalubong nila sa gubat. Laking pasasalamat nila dahil natagpuan si Rhodora ng lalaking iyon. Kung hindi siguro nito nakita si Rhodora, baka lumala ang karamdaman nito dahil sa lamig ng klima sa lugar.

"Sir, hindi mo na kailangang bantayan pa si Lola. Okay na po, kami na ang magpapa-check up sa kanya," wika ni Rona sa lalaki nang pumasok siya sa silid ng kanyang lola. Pinasadahan niya ng tingin ang lalaking iyon. Mukhang artista at walang maipipintas sa kabuuan nito. Bahagya siyang nakaramdam ng kilig. Paano ba naman kasi, may nai-imagine siyang leading actor sa napanood niyang werewolf series habang nakikita ang lalaki. Puwede rin niyang maikumpara ito sa sikat na thai o korean actor, basta. Perfect, iyon ang adjective na babagay para sa binatang estranghero.

"Okay lang. Doktor ako kaya alam ko ang gagawin. Sa totoo lang, alam ko na ang sakit ng lola niyo." Lalong kinilig si Rona sa maganda at baritonong boses ng lalaki na kahit hindi pa kumakanta ay parang nanghaharana na ang dating kung pakikinggan.

Ah, bakit pati ang boses niya perfect?

"Saan ba kayo galing? Hula ko ay taga Maynila kayo," turan ng lalaki. "Opo taga-Maynila nga po kami," sagot naman ni Rona.

"Hindi maganda ang health condition ng lola niyo pero bumiyahe pa rin siya sa malayong lugar. Paano kung lumala ang sakit niya sa puso? Bilang apo, sana hinayaan niyo na lang siya na manatili sa bahay niyo at magpagaling," may himig panenermong paliwanag ng lalaki bago bumuntong hininga.

Wow, concern na concern si kuya pogi. At ang galing, alam niyang may sakit na ganoon si Lola. Pogi na, magaling pa, sabagay doktor siya. Wow, hintayin mo lang ako kuya, pag graduate ko, aasawahin kita.

Napangiwi si Rona matapos niyang iwaksi ang kung anu-anong pumasok sa kanyang isipan. "Sir, ewan ko ba. Nagulat na lang nga kami dahil ilang linggo kaming kinukulit ni Lola na umuwi kami dito. Sabi niya, na-miss pa niya ang mga libro niya. Eh puwede namang kunin na lang namin dito at iuwi sa Maynila. Ah, basta. Siguro ganyan talaga pag matanda na. Pero kahit ganoon, mahal na mahal namin 'yan si Lola Dora. Sabi niya samin, study before anything else. Marami siyang pangarap sa buhay na gusto niyang kami na lang ang tumupad para sa kanya. Frustrated kasi siya sa maraming bagay pero she's the best for us!" pagmamalaking kuwento ni Rona. "Sorry Sir, ang dami kong naikuwento."

Tipid na ngumiti ang lalaki. Lalong na-overwhelm sa kilig si Rona. Taob ang isang batalyon ng lalaking crush niya sa eskwelahan at pati sa mga dramang napapanood niya dahil sa lalaking kausap. "Ayos lang. At least you're just being honest."

"Sige Sir. Kukunin ko lang po ang kape para sa inyo. Ano nga po palang name niyo?," curious na tanong ni Rona. Excited siyang malaman ang pangalan nito at kung bagay naman ba sa mukha nito at personality.

Dinukot ng lalaki ang identification card nito sa bulsa at ipinakita iyon kay Rona. "Greg Hernandez, ang ganda naman po ng pangalan niyo," bulalas ni Rona dahil sa sudden amazement. Isa ngang doktor ang lalaking ito base sa ipinakitang ID.

"Thanks Sir. Lalabas lang po ako saglit."

Pagkalabas ni Rona sa silid ay agad na hinanap niya ang pinsan na nasa salas.

"Macy!" nakatiling aniya. "Ano? Alam ko na, 'yong guwapong tagapagligtas 'yan ni Lola," nakairap na tugon ni Macy. Makailang saglit naman ay bumungisngis na rin siya. "Ang guwapo!"

Naghagikhikan sila ng tawa. "Oo. Havey di ba? Sana may ganoong lalaki rin na magligtas sakin. Like O M G!" pagsang-ayon ni Rona.

Nakaagaw pansin sa mas nakatatanda ang kanilang tawa at paraan ng pag-uusap. "Oy, ano 'yan? Ang babata pa, lumalandi na," sabad ni Rafael na nakatatandang kapatid ni Rona.

"Heh! Parang di ka naman nagka-crush. Masama ba 'yon? Doktor nga pala siya kuya," pairap na pangangatwiran ni Rona.

"Inggit ka lang, ang guwapo kasi niya," panggagatong naman ni Macy. "Ano 'yang bangayan ninyo huh?" paninita naman ng tatay nina Rona at Rafael na si Fred.

"Wala lang pa. Away ng mga isip bata lang," pabirong sagot ni Rafael. "Rafael, halika nga muna. Ikaw na lang ang mag-abot nito sa lalaking nasa taas. Iyong lalaki na nagdala sa lola mo rito."
Tumalima naman siya sa utos ng ina.




"MISTER, sorry naabala ka pa namin. Sa tingin ko okay lang naman ang mama ko. Baka kasi may mahalaga ka pang gagawin at malalim na rin ang gabi. Maraming salamat talaga sa tulong mo."
Napaalis ang tingin ng lalaki kay Rhodora nang pumasok sa loob ng silid ang anak nitong si Gemma at nagdala pa ng makakain. "Ayos lang po. Hindi na sana kayo nag-abala pa," nahihiyang tugon niya.

"Ah. Mister, sabi ng anak kong si Rona, isa kang doktor. Nalaman mo kasi kung anong sakit ni Mama at pinakita mo pa sa anak ko ang ID mo. At ang pangalan mo ay Greg?"

Kumurba ang ngiti sa manipis na labi ng lalaki. "Opo. Actually, handa akong gamutin si Lola nang libre. Matagal na rin ako sa lugar na ito, ginagamit ko na lang ang profession ko para sa pagkakawang-gawa."

"Pero kalabisan naman kung hindi kami magbabayad. May pambayad--"

"I already insisted na huwag nang bayaran. Okay lang po talaga sakin."

"Wow! Eh paano ka nakakakuha ng sahod mo kung nanggagamot ka ng libre?," tanong ni Gemma. Bibihira lang sa mundong ito ang gumagawa ng pagkakawang-gawa kaya nama'y namangha siya sa paliwanag ni Greg.

"Mayroon naman akong negosyo dito sa Estrella kaya may pinagkukunan pa rin ako ng kabuhayan."

Napatango na lang si Gemma. Hindi naman siguro gagawa nang masama si Greg dahil sa pagpapakita nito ng malasakit sa kapwa. "Maam, maari ko bang malaman ang pangalan niyo? Pasensiya na kung parang ini-interrogate ko kayo." Naging pormal ang tinig ni Greg.

"Hindi pa naman tayo nagpapalitan ng mga tanong at sagot kaya hindi pa ito maituturing na interrogation," paliwanag ni Gemma na nahawa na rin sa pagngiti ng guwapong kausap. "Well, ako nga pala si Gemma Remulles, nasa late 40's na ako." Nakipagkamay siya nang sabihin ang kanyang ngalan.

"Wala namang interesting sa buhay ko. Pero sa buhay ni Mama Rhodora, napakarami." Bumakas ang sinseridad ni Gemma. Napansin niyang kumunot ang noo ng kausap niya dahil sa biglang pagbabago ng kanyang reaksiyon. "Doc Greg. Okay lang ba kung magkuwento ako? Nagsasawa na ang mga anak ko sa kuwento ko tungkol sa lola nila kaya sa ibang tao naman ako  magkukuwento. Hihinaan ko na lang ang boses ko dahil baka maantala ang tulog ni Mama." Sinulyapan niya ang kanyang inang nahihimbing.

"Okay lang. I love hearing true to life stories," nakangiting sagot ni Greg.

"Si Mama, napakarami na niyang sinakripisyo para sa aming magkakapatid. Naalala ko pa noong fifteen years old ako. Ginapang niya kami sa hirap at pinag-aral. Battered wife ang mama ko. Si papa kasi noong nabubuhay pa siya, lagi siyang nagseselos kahit wala namang dapat ikaselos. Siguro dahil maganda si Mama. Okay naman sila noon, kaso habang tumatagal, naging matabang ang pasasama nila. Ewan ko ba, gusto kong kamuhian si papa noon pero di ko naman magawa dahil tatay ko siya."
Hindi nakaligtas sa paningin ni Greg ang pagpipigil ng luha ni Gemma. Nakaramdam siya ng urge na magtanong pa tungkol sa buhay ng matandang sinagip niya.

"Anong pangalan ng napangasawa ng mama mo? I mean, anong pangalan ng tatay mo?," kinakabahang tanong niya. Hindi niya alam kung bakit biglang umusbong ang kaba sa kanyang dibdib.

"Homer ang pangalan niya, Homer Remulles."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top