- 34 -

NAKALIGTAS man si Rhodora mula sa sunog sa mansiyon ng mga Logroso, hindi pa rin siya mapanatag sa oras na iyon. Napakabilis ng pangyayari para sa kanya dahil mabilis siyang naitakas ng taong lobo na sumagip sa kanya. Natagpuan niya ang sarili sa masukal na kagubatan.

Hinanap ng kanyang mga mata ang taong lobo. Malakas ang hinala niyang si Barom iyon. "Barom..."
Pigil hininga si Rhodora nang papalapit ang lobong iyon. Hinihintay na lamang niya ang pagbabagong anyo nito.

Pero imbis si Barom ang makita, naging magandang dalaga ang taong lobo at doon na nagsimulang mamuo ang maraming palaisipan sa kanya. Ikinapatda niya ang nasaksihan. Hinayaan na lamang niyang lapitan siya nito.
"Rhodora.." Napakalamyos ng tinig ng babae. Maihahalintulad ito sa diwata na kahit sino ay kayang akitin sa natural nitong alindog.

"Bakit mo ako kilala?," takang tanong niya. Mas lalong lumapit ang babae. Kumurba ang ngiti sa mga labi ng babaeng kaharap ni Rhodora at dumoble pa ang ganda nito sa pagkakangiti. "Kilala na kita noon pa."

"P-paano?"

"Habang sinusubaybayan ka ni Barom, nakasubaybay rin ako sa kanya."

"Dahil kalahi ka niya?"

"Hindi naman talaga kami magkauri dahil normal na tao noon si Barom
Pero nang dahil sakin, naging lobo siyang kagaya ko."

"Dahil nabiktima mo siya?"

"Oo. At ako nga rin pala ang nagligtas sa'yo noong muntik kang kunin ng lalaking pakakasalan mo."

Inalala ni Rhodora ang engkwentrong naganap. "Ang akala ko, si Barom iyon."

"Hindi alam ni Barom ang nangyari sa'yo noon dahil pansamantalang nawala ang kapangyarihan niya."

"Bakit nawala?"

"Dahil senyales iyon ng paglakas pa ng kapangyarihang mayroon siya. Alam na rin niya ang nangyari sa'yo ngayon. Pero sinabi ko sa kanya na ako muna ang bahala. Sa totoo lang, masama ang loob niya dahil hindi mo man lang sinabi na pumayag ka nang magpakasal sa iba kahit ilang gabi na kayong nagkikita nang patago."

Hindi maibibigay ni Rhodora ang buong tiwala sa mga sinabi ng babaeng kaharap. Paano na lang kung nagsisinungaling pala ito? Ngunit may bahagi sa mga isinatinig nito ang posibleng totoo, na masama ang loob ni Barom.
Hindi siya makasagot dahil bigla siyang nakonsensiya sa di pagsasabi kay Barom ng pagsang-ayon niya sa pagpapakasal niya kay Fidel.
"Ako nga pala si Huella," wika ng babae. Napaangat ang tingin ni Rhodora sa dalagang iyon matapos na magpakilala sa kanya.

"Rhodora, hindi na ako magpapaligoy ligoy pa. Si Barom, matagal na siyang hinahanap ng isang taong may matinding galit sa kanya, si Tiburcio na matalik niyang kaibigan." Rumehistro ang pangamba kay Huella sa kalagitnaan ng pagsasalaysay.

"At si Tiburcio, isa na siyang matagumpay na doktor at nagtuturo rin sa unibersidad sa Maynila. Narito na siya sa Estrella," pagpapatuloy niya.

"Paanong nalalaman mo kung nasaan ang taong 'yon?," tanong ni Rhodora dala ng kanyang pagkamangha at halong takot sa tinuran ni Huella.

"Simula nang traydorin niya ako, sinikap kong mahanap siya gamit ang abilidad na taglay ko. Ang pandinig, pang-amoy, bilis at talas ng paningin ko ay triple pa kumpara kay Barom."

"Paano ka niya tinraydor?"

"Matapos kung biktimahin si Barom, ipinagkalat niya sa bayan ang tungkol sa taong lobo. Natunton ng taong bayan ang tirahan ko at sinunog iyon. Nagtiwala pa naman ako kay Tiburcio na hindi niya ibubulgar ang lihim ko. At dahil doon, nagalit ang pinuno ng mga taong lobo sa akin. Sinisi niya ako dahil marami nang nakaalam tungkol sa aming lahi. Sinabi ng pinuno na isang pagsubok lamang ang sinabi niya na maghanap ako ng lalaking magiging biktima ko. Naging pangahas ako at tinuring niyang paglabag sa aming batas ang aking nagawa."

Awtomatikong nanlaki ang mga mata ni Rhodora. Hindi niya lubos maisip na nangyayari pala sa totoong buhay ang mga kuwentong barrio o urban legend na nababasa lamang niya sa komiks. Napasinghap siya at pilit na pinoproseso sa utak ang mga pinagtapat ni Huella. Ngunit sumasagi pa rin sa isip niya si Homer at ang Nanay Minda.

"Ligtas naman sila Rhodora kaya wala ka nang dapat pang ipangamba." Ngumiti si Huella tanda ng pagsisiguro niyang hindi na dapat pang mag-alala si Rhodora sa magulang at kapatid nito.

"Bakit alam mo kung anong iniisip ko?"

"Isa nga pala sa kakayahan ng mga tulad namin ang magbasa ng isip ng kahit sino. Bukod pa roon, kaya rin naming magpagaling ng karamdaman."

"Kung ganoon, si Barom--"

"Matagal na niyang alam ang mga naiisip mo noon pa man. Bago mo pa aminin ang lahat, alam na niyang may gusto ka sa kanya. Pero kaming mga lobo, nasa amin na kung babasahin namin ang isip ng tao o hindi."

Bahagyang napangiti si Rhodora sa bahaging iyon pero hindi tuluyang maalis ang kanyang pangamba.
"Kapag magtagal pa si Barom dito sa mundo, lalo siyang manganganib pati na ang ibang kalahi niya." Dumilim ang mayuming mukha ni Huella.

"Paano siya maliligtas?"
Nawala sa wisyo si Rhodora dahil mas tumindi ang takot niya para kay Barom.

"Kailangan mo siyang layuan. Hangga't maaari, dumistansiya ka na. Si Homer, estudyante siya ni Tiburcio at anumang oras. Matutunton nila si Barom. Kung inaakala mong mapagkakatiwalaan ang kuya mo, nagkakamali ka."

Hindi na nakayanan pa ni Rhodora na pigilan ang kinikimkim niyang luha. Isa sa mga pinagkakatiwalaan niya si Homer pero daig pa niya ang sinaksak nang paulit-ulit nang malaman iyon kay Huella. "Hindi naman masama si kuya Homer para gawin 'yon eh," pilit na pagpapaniwala niya sa sarili.

"Hindi siya masamang tao. Pero may espesyal na pagtatangi siya sa'yo Rhodora. Alam na niya ang lihim na pagkikita niyo ni Barom. Nagseselos siya kapag nakikita niyang masaya kayo ni Barom. Kahit pa nagseselos siya, napilitan siya noon pa man na pumayag sa alok ni Tiburcio dahil pinangakuhan siya nito ng salapi kapag nahanap ang taong lobo."

Impit ang hikbi ni Rhodora at napayuko na lamang. Hindi na makatarungan ang mga pagsubok na nararanasan niya hanggang ngayon. At napaisip siya, mahal ba siya ng Diyos na lumikha ng lahat? Kung oo, bakit kailangang pagdaanan niya ito?

"Rhodora, sana sundin mo ang hiling ko. Para sa kabutihan mo at para na rin kay Barom," pakiusap ni Huella.

"Pero. Huella, hindi ko kakayaning mawala siya sakin."

Napasinghap na lang si Huella at tiningnan siya ng may halong simpatya. "Kayanin mo, ngayon pa lang nais ko nang ipabatid na hindi kayo nararapat para na magsama."

Lalong nadurog ang puso ni Rhodora. Lalong lumakas ang kanyang pagpalahaw at nakatunghay lang sa kanya si Huella. "Paalam muna Rhodora. Kung mapgpakita man sa'yo si Barom, itulak mo na siya palayo."

Sa isang kisapmata, biglang naglaho sa kanyang harapan si Huella. Naiwan siya nitong luhaan sa gitna ng kagubatan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top