- 31 -

"DOBLEHIN niyo ang seguridad sa mansiyon!"
Umingay na naman ang buong mansiyon ng mga Logroso dahil sa maawtoridad at nakasisindak na boses ni Don Sebastian nang mag-utos sa kanyang mga tao. Nakakunot noo lang ang unico hijo niyang si Fidel nang lapitan siya nito.
"Ngayon ko lang narinig ang nakaksindak na tinig mula sa inyo papa," may halong pang-uuyam na bungad ni Fidel. Kung hindi dahil sa negosyo, baka may nakaaway na naman sa malaking pasugalan ang ama kaya ito nagngingitngit.

"Nakatanggap ako ng banta sa buhay ko Fidel." Nagtagis ang bagang ng don.
"Banta? Kanino galing? May ideya kayo?," naalarmang tanong ni Fidel. Noon pa man, kahit may kabuktutang ginawa ang pamilya niya sa mga mahihirap, wala pang nakagawa ng ganoong pananakot sa kanyang ama. Malakas ang impluwensya ni Don Sebastian at kaya nitong paikutin lahat ng nasa paligid nito sa pamamagitan ng salapi.

"May natatandaan ba kayong nakaalitan ninyo, Pa?"

Umiling ang don. "Sa dami ng may galit sakin, wala na akong ideya kung sino ang pangahas na magbigay ng pagbabanta gamit ang bato na binalutan ng papel at may nakasulat na papatayin ako at idadamay ang anak ko." Kumuyom ang mga kamay ni Don Sebastian.

"Huwag muna kayong sumama sa pangangampanya ng mga kumpare niyo sa halalan. At huwag muna kayong lumabas," suhestiyon ni Fidel. Naalarma rin siya sa binalita ng ama.
"Sa tingin ko rin, ipagpaliban na lang muna ang kasal niyo ni Rhodora." Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng don at saka kumuha ng isang bote ng mamahaling alak.
"Papa, iyan ang hindi maaaring ipagpaliban. Hindi na nga ako makatulog sa kaiisip ng kasal eh." Nagtaas ang tono ng pananalita ni Fidel. "Anak, ang kasal kapag naganap na, wala nang atrasan pa. Hindi mo pa nga nakikilala ang babaeng 'yon. Maganda siya at 'yon lang ang alam mong bagay tungkol sa kanya. Nahihibang ka na yata. At anong gagawin mo sa kanya kapag nagsawa ka na? Napakabata mo pa para magpakasal."

Umiling siya sa nilabi ng ama. Bigla siyang nagtaka sa pagpapakita ng malasakit ni Don Sebastian patungkol sa mga desisyon niya sa buhay. "Ang mahalaga, mabakuran ko si Rhodora. Sa ganoong paraan, wala nang makakalapit pa sa kanyang ibang lalaki," tiim bagang sagot niya rito.

"Kahit pa ang taong lobo na sinasabi mo? Anak, marami pang bagay na dapat tayong pagtuunan ng pansin. Masyado kang mapusok." Tama naman ang don. Mapusok siya sa anumang bagay at hindi siya tumatanggap ng kabiguan noon pa man. Palibhasa, ipinanganak siyang may gintong kutsara sa bibig kaya nakatatak na sa isip niya na anumang naisin niya ay madali niyang makuha.

"Kahit hindi kayo dumalo sa kasal ko, ayos lang. Magtago na lang kayo, hindi ko ipagpapaliban ang kasal namin." Sinamaan ni Fidel ang itinapon niyang tingin sa kanyang ama na lubhang nadismaya sa kanyang sinabi.

--

MAINGAT na pumasok si Rhodora sa loob ng kanilang bahay. Sa bintana na naman siya dumaan dahil ilang gabi na siyang tumatakas upang makipagtagpo kay Barom sa napag-usapan nilang tagpuan. Tuwing madaling araw siya bumabalik at iyon din ang oras na pansamantala silang naghihiwalay ng landas.

Tulog pa ang kuya Homer at Nanay Minda. Mabuti na lang at hindi ako nakagawa ng ingay.

Bumalik siya sa sariling papag at nakatulog na rin makalipas ng isang minuto. Wala siyang kamalay-malay na nakasilip sa kanyang silid si Homer.
Puno ng pangambang pinagmasdan ni Homer si Rhodora at lumapit siya sa papag na kinaroroonan nito. Ngayon, malaya niyang napagmasdan ang kagandahan ng dalaga. Natagpuan niya ang sarili na naaaliw sa nakikita ng kanyang mata.

Sino ba namang lalaki ang di ka mamahalin? Sana ako na lang ang lalaking kinatatagpo mo, sana ako na lang ang palagi mong kausap at sana ngitian mo rin ako kagaya ng ngiting ibinibigay mo sa kanya.

Kinumutan niya si Rhodora at hinalikan sa noo habang nahihimbing ito.
'Mahal na mahal kita.'

Pansamantalang ibinaling niya sa bintana ang tingin. May bahagi ng kanyang pagkatao ang lumilikha ng teorya habang iniisip ang lalaking kasama ni Rhodora na dahilan ng pagtakas nito tuwing gabi.

Paano kung siya ang taong lobo na sinasabi ni Fidel?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top