- 24 -
NAKASILONG sina Lino at Barom sa ilalim ng punong bakawan na nasa kalagitnaan na ng gubat. Tangan nila ang iilang gamit na naimpake at hindi pa rin nawawala sa kanilang isip ang engkwentro nila ni Fidel. Magbubukang liwayway na rin pala. Bumuga ng hangin si Lino habang nakatuon ang atensiyon niya kay Barom na bumalik na sa pagiging normal na tao ang anyo. Pansin niya ang lungkot sa mga mata nito habang pinagmamasdan si Rhodora na mahimbing pa rin ang tulog.
"Barom, tila may sagot na sa tanong natin. Siguro, nagpabalik ng dati mong abilidad ang matinding galit na naramdaman mo nang makita mo si Fidel na sinasaktan si Rhodora."
Napalingon naman sa kanya si Barom at paulit-ulit na napalunok. Isang bato ang hawak nito at ihinagis sa malayo.
"Ayoko nang maging ganito," malamig na sagot ni Barom. Inalis niya pansamantala ang atensiyon kay Rhodora at napahikbi. "Bakit hindi na lang ako mabuhay nang naaayon sa kagustuhan ko?"
Tila anumang oras, mawawalan siya ng lakas dahil sa matinding kabiguan. "May dahilan ang lahat kung bakit hindi nangyayari ang mga bagay na gusto natin sa buhay. Sa likod ng dahilang iyon, may plano naman ang Maykapal. Hindi Niya tayo pababayaan."
Napailing si Barom at tila hindi sumang-ayon sa sinabi ng matalik niyang kaibigan. "Gusto niya bang hindi ako sumaya? Naging mabuti naman ako sa mundong ibabaw! Noong normal pa ang buhay ko bilang tao, naging mapagparaya at mapagpakumbaba ako! Pero bakit gan'on? Bakit niya kinuha ang mga magulang ko? Bakit nainggit pa rin sakin si Tiburcio kaya niya ako tinraydor? Lino, bakit? Napakaraming bakit na gusto kong mabigyan ng kasagutan noon pa man! At bakit hindi na lang ako mamatay? Bakit nakakulong pa rin ako sa sumpang ito?"
Sa paglilitanya ni Barom ng kanyang hinanakit, umagos na ang ga-baldeng luha sa kanyang mga mata. Nasasaktan para sa kanya si Lino habang pinagmamasdan siyang nagkakaganoon.
Bumuntong hininga naman ito at tinapik ang kanyang likuran. "Ganyan din naman ang tanong ko noon, hindi tayo nagkakalayo ng sitwasyon Barom. Noong hindi pa kita nakikilala, naisip kong mag-isa na lang ako sa buhay. Noong hinusgahan ako ng madla dahil sa maling paniniwala nila sa kakayahan ko, akala ko pa nga ay wala na akong magiging kaibigan. Naalala mo ba ang aso kong si Mutya? Siya na lang ang kaibigan ko pero nawala rin siya at nang dumating ka, nabuhayan ako ng pag-asa Barom. Sana naman maisip mong nandito pa naman ako at hindi ka iniwanan, pinagtiyagaan kita." Hindi na rin napigilan ni Lino ang pagluha habang inaalo si Barom. Sa kabila ng paghikbi, sumilay naman ang bahagyang ngiti sa labi ni Barom dahil sa muling pagpapaalala sa kanya ni Lino ng nakaraan.
"Hindi ko makakalimutan lahat Lino, pasensiya ka na. Labis lang talaga akong nalulungkot sa buhay kong ito." Tinapik din niya ang balikat ng kaibigan. "Ikaw ang nagturo sakin kung paano mag-asal tao sa kabila ng pagiging asal hayup ko dahil sa pagkagat sakin ng isang lobo."
"Mabuti na lang at hindi mo pa nakakalimutan. Basta itaga mo ito sa iyong kukote Barom, sarili mo ang iyong pinakamatinding kalaban at kailangan mong sumabay sa agos ng buhay. Kapag hinayaan mong tangayin ka ng agos sa maling direksyon, iyon na ang hudyat ng pagkatalo mo laban sa iyong sarili."
Biglang lumapad ang ngiti ni Barom. "Nakatatak na 'yon sa isip ko. Kailangan na siguro nating magpahinga kahit saglit. Hindi naman tayo matutunton sa lugar na ito di ba?"
"Sige. Kailangan nating magbawi ng lakas."
--
KAHIT magkaharap na sina Barom, Lino at Rhodora ay hindi agad sila makaimik sa isa't isa. Pinagmasdan ni Lino ang itsura ng dalawang kasamahan. Namumugto ang mga mata nito marahil sa magdamang na kakaiyak at si Barom naman, tila walang emosyon ang mukha habang ipinaling sa ibang direksyon ang tingin.
"Kagaya nga ng sinabi ko Rhodora, magpapaliwanag kami." Pinutol na rin ni Lino ang katahimikang namamagitan sa kanilang tatlo.
Napasinghap si Rhodora bago tingnan si Barom. Bigla siyang napatango. "Opo Lolo, kailangan ko nga ng paliwanag niyo," malungkot niyang tugon. Normal na ulit ang anyo ni Barom. Kahit natuklasan na niya ang pagbabagong anyo nito kagabi, hindi niya magawang magalit nang husto.
"Naiiba si Barom. Siguro naiisip mong nagsinungaling kami sa'yo dahil tinago namin ito. Ayaw lang namin na matakot ka Rhodora."
Walang namutawing sagot kay Rhodora. Pakiramdam niya ay lalong bibigat pa ang pakiramdam niya kapag patuloy niyang marinig ang iba pang detalye tungkol kay Barom. Pinagpag niya ang suot na damit bago tumayo.
"Hindi na po ako interesadong malaman pa. Siguro po, mas maganda kung bumalik na lang ako samin. Pasensiya na po sa abalang nagawa ko."
Parang pinipiga ang puso ni Barom nang marinig ang sinabi ni Rhodora. Nagsimula na itong lumisan at batid niyang walang alam si Rhodora kung paano makababalik sa Estrella ngunit nararamdaman niyang umiiwas lang ito dahil na rin sa pagkabigla.
Napabuntong-hininga si Barom habang sinusundan ng tingin si Rhodora sa paglakad nito palayo. Tanging pag-iling ang reaksiyon ni Lino.
"Ayaw na niya sakin, Lino." Pinigilan niya ang luhang nagbabadya. Kahit nagbalik na ang lakas at abilidad niya bilang isang lobo, parang nahigop lahat iyon dahil sa paglayo ng kanyang minamahal.
"Sigurado ka? Nabasa mo ba ang isip niya?," malungkot na tanong ni Lino.
"Bakit ko babasahin ang isip niya? Sa kilos pa lang, alam ko nang hindi na niya ako gusto."
"Pero hahayaan mo na lang ang sarili mong layuan ka niya? Sarili mo lang ang sinasaktan mo."
Mapakla ang ngiti ni Barom at sandaling napaisip sa linabi ni Lino.
"Paano kung ipagtabuyan niya ako?"
"Di mo pa nga nasusubukang habulin siya eh."
"Natatakot ako Lino."
"Natakot din naman si Rhodora. Pareho lang kayo."
Kumunot ang kanyang noo. Nakuha naman niya ang punto ng kaibigang si Lino. Ngumiti ito sa kanya. "Sundan mo si Rhodora. Ipaglaban mo ang pag-ibig mo sa kanya."
"Oo, gagawin ko!"
Gamit ang kanyang kakayahan bilang isang taong lobo, mabilis siyang nakatakbo at natunton niya kaagad ang kinaroroonan ni Rhodora. Nadudurog ang buo niyang pagkatao habang pinagmamasdan ang pagluha nito. Nais niyang patahanin ang dalaga ngunit hindi pa rin nawawala ang pangamba niya sa magiging reaksiyon nito kapag muli siyang nakita.
"Rhodora.."
Napahinto si Rhodora nang dahil sa malamyos na tinig ni Barom. Nag-aalangan man siyang lingunin ito, ginawa na lang niya dahil binubulong ng puso niya na dapat niyang masilayan pa ang binata.
"Kakaiba ka nga talaga, nagawa mo akong sundan kaagad. Ngayon ko lang naisip, kaya mo ako nailigtas dahil kakaiba ka nga. Nakalundag ka ng mataas noong tinakas mo ako sa mansiyon ni Fidel, nahanap mo ako sa bahay aliwan at siguro, ikaw din ang nagligtas sakin noong may nagtangkang manamantala sakin."
Parang naitulos siya sa kinatatayuan. Pinilit niyang ngumiti sa harap ni Barom habang pinapahid ang kanyang luha.
"At dahil kakaiba ka, hindi tayo nababagay. Kailangan na nating magkalayo. Babalik ako sa Estrella, sasabihin ko sa kanila na hindi ka totoo. Paalam na Barom."
Napailing si Barom at nilapitan niya si Rhodora. Hahawakan niya sana ang kamay ni Rhodora ngunit umiwas na naman ito sa kanya. "Rhodora, bakit ka ganyan?"
Awtomatikong tumalikod siya kay Barom. Hindi niya matagalang makita ang mukha nito. Lalo siyang nasasaktan. "Hindi ko alam. Pero ang alam ko, hindi nila dapat malaman ang tungkol sa'yo. Hayaan mo na akong bumalik samin. Ayokong saktan ka nila. Kasi... Barom, mahal kita. Hindi naman nabawasan ang pagmamahal ko sa'yo kahit alam ko na ang lahat."
Alam niyang naririnig pa rin ni Barom ang mga hikbi niya kahit na mahina iyon.
"Naiintindihan ko, pero kapag kinasal ka na, iyon na ang hudyat na hindi na tayo dapat pang magkita."
Naramdaman niya ang pagyakap ni Barom habang nakatalikod siya rito. Sa ganoong sitwasyon niya nararamdaman ang kaligtasan. "Hindi ako magpapakasal. Basta, ayoko ring makasal kay Fidel."
"Salamat Rhodora, ihahatid na lang kita sa inyo, malayo ang Estrella. Kung kailangan mo ako, mabilis akong darating. Kahit malayo ka, maririnig pa rin kita."
AN
Closer to finale. Thanks
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top