- 21 -
"Kumusta ka na Rhodora? Hindi mo ba alam na ilang gabi akong hindi nakatulog nang dahil sa kaiisip sa'yo?"
Nagpakawala ng mala-demonyong halakhak si Fidel habang papalapit siya kay Rhodora. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata ng dalaga kaya ganoon na lang ang kumpiyansa niya na kunin ito.
"Kahit ilang hakbang pa ang gawin mo palayo sakin, mahahabol ka pa rin kita at ng mga tauhan ko. Akin ka lang Rhodora, walang ibang maaaring umangkin sa'yo." Mapagbanta ang tinig ni Fidel. Habang paatras ang lakad ni Rhodora ay siya namang paglakad pasulong ni Fidel. Sumenyas siya. Iyon ang hudyat na lumabas na ang mga tauhan ni Fidel na kagitla-gitla dahil na rin sa mga armado ito.
"P-paano mo ako nahanap?," tanong ni Rhodora. Natagpuan niya ang sarili na pinalilibutan ng mga tauhan ni Fidel. Ang isa sa mga 'yon ay nahagip na ang kanyang braso. Gusto niyang sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig dahil sa takot.
"May nakakita sa iyo noon sa bayan ng Marcelino. Ipinakalat ko ang larawan mo at tiyempong may nakakilala sa iyo at dito ka raw matatagpuan. Pumabor naman ang tadhana sakin at 'eto, nakasalubong pa kita." Nakangisi pa rin si Fidel at hinawakan niya nang mariin ang braso ni Rhodora, saka ito hinapit. Narinig pa niya ang mahinang pagdaing ng dalaga dahil sa sakit ng pagkakahawak niya sa braso nito.
"Pakiusap. Hayaan mo na akong mamuhay nang masaya. Ginoong Fidel, maawa ka."
Hindi nagpatinag si Fidel sa pagluha ni Rhodora, hindi man lang siya nakaramdam ng pagkahabag sa dalaga. Ang nasa isip niya lamang ay kung paano mapapadali ang sapilitang pagpapakasal nito sa kanya. Isang obsesyon kung ituturing ang nararamdaman ni Fidel para kay Rhodora. Hindi na siya makapaghintay na maangkin ito kaya nama'y hinila niya ito habang naglalakad na sila. Nasa likod naman ang mga tauhan upang magbantay sa paligid at masigurong walang nakakita sa kanilang tagpo.
"Tama na. Pakiusap, masaya na ako dito," nagtatangis na pakiusap ni Rhodora. Nagpumilit siyang makawala kay Fidel ngunit sa pagpupumilit niya, mas lalong nagiging mariin ang paghawak nito sa kanyang braso, parang balak siyang balian ng buto kahit anong oras na gustuhin nito.
"Bakit? May minamahal ka na ba? May iba nang nakaangkin sa'yo?" angil ni Fidel. Napabuga ito ng hangin at itinulak si Rhodora kaya nasubsob ito sa lupa. Kinuha niya ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang at tinutukan si Rhodora para mas lalo itong matakot sa kanya. "Sumagot ka!"
Walang salitang namutawi sa dalaga. Ang tanging magagawa lang sa ngayon ni Rhodora ay ang magdasal na sana ay hindi siya patayin ni Fidel at sana ay iligtas siya ni Barom at Lolo Lino. Ngunit paano kaya malalaman ng mga ito ang kalagayan niya? Sa kabilang banda ay nakaramdam siya ng pagsisisi dahil umalis siya sa kanilang tirahan. Kung hindi niya naisip na pumunta ng bayan, di sana siya nalagay sa alanganin.
Narinig niya ang pagkasa ng baril ni Fidel. Doon na kusang kumuyom ang kanyang mga palad at kahit nag-aalinlangan, kailangan na niyang magsalita para sa kanyang kaligtasan. "Hindi mo ako pag-aari!"
Lalong lumakas ang pagpalahaw ni Rhodora. Muli na naman siyang hinablot ni Fidel at humawak ito sa mahaba niyang buhok at nagsimula na naman itong kaladkarin siya. "Pag-aari na kita dahil may utang ang pamilya mo sakin!" asik ni Fidel. Wala itong pakialam kahit nasasaktan si Rhodora. Mas nangingibabaw sa puso nito ang galit at ang katotohanang mayroong posibilidad na may ibang minamahal ang dalagang kinahuhumalingan.
"Ginoong Fidel..."
Napabitiw si Fidel kay Rhodora dahil sa boses ng isa sa kanyang mga tauhan. Nilingon niya ito at rumehistro sa tauhan ang takot habang nakatingin sa isang direksyon. "Ano?"
"M-may... Halimaw!"
Natataranta na pati ang kasamahan nito. Itinuro pa nito ang kinaroroonan ng tinutukoy na nilalang. "Tonto! Nahihibang ka na ba? Kung ano man 'yang nakita mo, barilin mo!" singhal ni Fidel. "Ano pang hinihintay mo? Bakit hindi mo lapitan?"
Nanginginig ang kamay ng isa sa kanyang tauhan habang lumalapit sa direksyon na tinutukoy nito. "Duwag ka ba? Gusto mo ikaw na lang ang barilin ko!"
Mas lalo itong natatakot sa boses ni Fidel. Tumatagaktak ang pawis nito nang tuluyang makarating sa pakay nitong lugar, kung saan nakita ang kakaibang nilalang.
"Nawala na. Isa siyang tao pero makapal ang balahibo sa katawan. Para siyang lobo na kalahating tao."
Nagtawanan ang mga kasamahan nito pati na rin si Fidel. "Hunghang!"
Pailing-iling na sinundan ni Fidel ang kanyang tauhan. Lumipas ang dalawang minuto, wala namang kakaibang nilalang na nagpakita. Nanlisik ang mga mata niya nang balingan ang kanyang tauhan. "Nasaan? Wala naman di ba? Wala kang silbi!"
Tumalikod na si Fidel at nilisan na ang tauhan. Ngunit sa isang iglap, nakarinig sila ng malakas na huni ng isang mabangis na hayop. Parang huni iyon ng isang lobo na mailap sa kagubatan. Napatakbo na ang tauhan ni Fidel at nabitawan ang hawak nitong baril.
Pumalatak si Fidel at nilapitan ang natitira pa niyang tauhan. "Ano? Titingnan niyo lang? Bakit hindi niyo silipin kung anong hayop ba ang kinatatakutan ng kasamahan niyo?"
Wala silang nagawa kundi sumunod sa kagustuhan ng kanilang amo. Ang sumunod na pangyayari ay kagitla-gitla at hindi inaasahan. Isang kalahating tao at lobo ang aatake sa kanila. Makakapal ang balahibo at matatalas ang kuko nito, halos tugma sa paglalarawan ng tauhan ni Fidel kanina. Napaatras silang lahat. Tinutukan nila ng baril ang nilalang na iyon. Umalingawngaw ang malakas ng putok ng baril ngunit hindi natinag sa pag-atake ang halimaw. Kitang-kita ni Rhodora kung paano sakmalin ng matatalas na kuko ng halimaw na iyon ang mga tauhan ni Fidel. Walang humpay ang pagsisigaw niya habang nasasaksihan ang hindi kapani-paniwalang eksena sa kanyang harapan. Nagkagula-gulanit ang damit ng mga tauhan ni Fidel. Si Fidel naman ay napatakbo na rin sa takot at naiwanan si Rhodora na kasalukuyang nagtatago sa likod ng puno ng bakawan.
Nawala na sa kanyang paningin ang halimaw dahil tumakbo ito nang napakabilis. Lumabas si Rhodora sa kanyang kinatataguan. Sinuri niya kung buhay pa ang mga taong inatake ng halimaw. Nagtamo ang mga ito ng maraming sugat at nawalan ng malay. Akala niya'y nalagutan na ng hininga ang kaawa-awang mga tauhan na iniwanan ni Fidel. Mabuti na lang at hindi nito tinuluyan ang mga lalaking armado. Humihinga pa naman ang mga ito ngunit duguan na. Hindi niya masikmura ang mga nakikita kaya napagpasyahan niyang lisanin ang lugar na iyon. Babalik na lamang siya sa tirahan ni Barom. Sana hindi na siya masundan pa ni Fidel. Hindi pa rin humihinto ang pagbuhos ng luha sa kanyang mga mata. Napakarumi na niyang tingnan at magulo na rin ang kanyang buhok dahil sa pagsabunot ni Fidel habang kinakaladkad siya kanina. Iwinawaksi niya sa kanyang isip ang halimaw na itinuring niyang nagsagip sa kanya laban kay Fidel. Pero mas lalo lang niyang naiisip iyon. Kinalilimutan niya ang sakit ng katawan at pagod sa pagtakbo, ang mahalaga'y hindi siya masundan ng kahit sino. Ang pagkapatid niya sa nakausling ugat ng malaking puno ang nagpahinto sa kanyang pagtakbo. Napakislot siya sa sakit ng kanyang paang napatid. Pinilit niyang tumayo at sinikap na tumayong muli ngunit nabigo siyang gawin iyon.
Lalo siyang napaiyak, hindi dahil sa sakit ng katawan kundi dahil sa napakaraming gumagambala sa kanyang isip. Bakit may mga taong kagaya ni Fidel? Kung kailan masaya na siya kay Barom, bigla namang magpapakita ito at manggugulo. Hindi na yata siya tinatantanan ng sumpa ng kamalasan sa buhay. Nawawalan siya ng pag-asa. Kailangan niya ng tulong ngunit sino ang tutulong sa kanya?
Sana dumating sina Lolo at Barom. Sana alam nila ang nangyayari sakin.
Dininig kaagad ng Diyos ang kanyang hiling. Nakikita niyang papalapit ang mag-lolo para siya ay saklolohan. Tumayo siya at akmang sasalubong sa mga ito ngunit dahil sa panghihina, nawalan siya ng malay at humandusay sa lupa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top