- 20 -
"MAGANDANG umaga Rhodora! Alam mo ba kung anong okasyon kahapon?"
Malapad ang mga ngiti ni Lino nang batiin si Rhodora. Napansin niyang kumunot ang noo nito sa kanyang tanong. "Kaya po ba kayo umalis kahapon kasi may pinuntahan kayong kasiyahan?"
Umiling ang matanda. "Kaarawan kahapon ni Barom."
"Talaga po?" Bigla siyang nakadama ng sigla sa ibinalita nito. Ginalugad ng kanyang mga mata ang paligid, wala si Barom sa loob ng bahay.
"Nasaan po siya?"
"Narito lang 'yon kanina eh. Teka--" Napakamot ulo si Lino at sinubukang sumilip sa labas. "Nasaan kaya nagpunta ang batang 'yon?"
Sa isip isip ni Lino, alam na niya kaagad kung saan nagtungo ang binata. Malalim ang kanyang buntong hininga bago bumaling kay Rhodora. "Dito ka lang muna Rhodora. Hahanapin ko siya."
Marahang tumango si Rhodora. Napansin niya ang pagmamadali ni Lino. Medyo naninibago siya sa kilos ng dalawa. Sa sarili niyang perspektibo, may kakaibang ginagawa sina Lino at Barom. Hindi niya tuloy maiwasang mag-alala. Sino ba namang matino ang biglang mawawala kapag umaga at aalis nang hindi magpapaabiso? Doon pa lang, may pagdududa na si Rhodora. Hindi naman kasi ganoon ang mag-lolo. Bakit parang nararamdaman niyang may lihim na itinatago sa kanya?
"BAROM! Ano bang ginagawa mo? Bakit paulit-ulit ang pagtakbo mo sa kagubatan? Hindi ka ba nababahala? Maraming nagkalat na rebelde dito!"
Habol hiningang nahinto si Barom sa kanyang pagtakbo nang dahil sa boses ni Lino. Sinadya na nga niyang huwag magpaalam pero katulad nga ng inaasahan niya, susundan na naman siya nito.
"Pinapakiramdaman ko ang aking sarili. Napakabilis kong mapagod. Lino, paano na si Rhodora? Akala ko pa naman, lilipas din ang panghihina ko at lalakas akong muli."
Napaupo si Barom sa malaking troso na nakatumba sa gilid niya.
"At saan mo naman nakuha ang teoryang 'yan? Dapat nga nagpapahinga ka dahil alam mong mahina ka," pailing-iling na sabi ni Lino. "Kapag tuluyan kang humina, paano mo mababantayan ang mahal mo? Ikaw ang kanyang Angel De La Guardia," biglang pambubuyo ni Lino kay Barom na tanging pagpalatak ang naging reaksiyon.
"Anghel? Isa akong halimaw Lino. Alam mo 'yan. Nag-iisip pa ako ng hakbang kung paano ko siya maibabalik nang ligtas."
Pasadyang binitawan ni Lino ang kanyang baston. Pinagsalikop niya ang mga braso niya at sumama ang tingin sa binatang mukhang hapong-hapo. "Kung ibabalik mo siya sa nanay niya, para mo na rin siyang itinulak sa rumaragasang tren at makikita ng iyong mga mata kung paano siya bawian ng buhay. Napakagulo ng iyong pag-iisip Barom. Bahala ka, uuwi muna ako dahil nakakahalata na sa atin si Rhodora. Napapansin na niya ang paglabas labas natin nang hindi nagsasabi sa kanya. At isa pa, baka may masasamang loob na mapadpad malapit sa bahay natin. Ah basta, bahala ka na diyan."
Yumuko si Lino para damputin ang kanyang baston. Nang makuha na iyon, napangiwi naman siya at biglang humawak sa kanyang balakang. "Sumasakit na naman ang katawan ko, sinasabi ko na nga ba, hindi ko na kaya ang simpleng pagdampot ng bagay na nahuhulog. Kasalanan mo Barom kung bakit sumasakit ang tagiliran ko. Abala ka sa pagpapahinga ko!" pabirong angil ni Lino. Iniwan niya si Barom, wala na siyang pakialam kung balak talaga nitong magdrama sa kagubatan.
"Malaki ang epekto ng pag-ibig sa utak ng kahit sino, kaya nitong magpabaliw nang hindi inaasahan. Barom, isa kang baliw, baliw!" patuloy na paglilitanya ni Lino habang lumalakad palayo kay Barom.
DAHIL sa batid na ni Rhodora na kaarawan ni Barom kahapon, naisip niyang bilhan ito ng munting regalo. Natatandaan niyang may naitago pa siyang higit sa sampung piso dahil sa paglalako nila ni Barom ng gulay sa nayon. Nangingiti siyang kinuha ang naipong pera. Gumayak na siya at isinarado nang maigi ang mga bintana at pinto ng payak na tirahan. Nag-iwan siya ng sulat at inipit sa maliit na siwang ng bintana.
Ang susi naman, itinago niya sa isang paso ng mga halaman na nasa bakuran. Sinabi niya rin naman sa sulat kung saan niya tinago ang susi.
Hindi nawawala ang kanyang ngiti habang tinatahak ang daan papunta sa bayan, kahit alam niyang malayo pa ang lalakarin, hindi niya iyon alintana dahil nasasabik na siyang bumili ng regalo at ibigay kay Barom. Nasasabik na rin siyang makita ang reaksiyon nito sa oras na matanggap nito ang regalo.
"Siguro, bibilhan ko na lang siya ng bagong damit. Pero baka may makita akong sapatos, o kaya antipara. Ang hirap namang pumili! Parang gusto kong ibigay lahat sa kanya pero hindi naman sasapat ang pera ko!"
Patuloy ang paglilitanya ni Rhodora habang naglalakad. Mas nakakagaan ng pakiramdam ang isiping nakatagpo na siya ng mga taong tinatrato siyang mabuti, hindi katulad noon.
Malapit na siyang makarating sa daan kung saan mas mapapabilis ang pagdating niya sa bayan. Ngunit napahinto siya sa nakitang sumalubong sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ni Rhodora nang mapagtantong pamilyar ang taong sumalubong sa kanya. Ang pares ng mga mata nito ay matalim kung tumitig. Nakakuyom ang mga palad nito at mukhang may hindi magandang gagawin.
"Ginoong Fidel?"
Para siyang nakipaghabulan dahil sa bilis ng pagtibok ng kanyang puso. Papalapit na sa kanya si Fidel, at ang ipinagtataka niya, paano siya nito nahanap?
AN
Wow, #54 in werewolf (1/13/18), wala namang nagbabasa hahahaha. Pero salamat po haha. 😍
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top