- 2 -
Sa bayan ng Estrella, 1955
"PUMUSLIT ka na naman ng babasahin Rhodora? Walang hiya ka talaga! Hindi mo ba natatandaan ang sinabi kong hindi ka mag-aaral kahit gustuhin mo? Kasi isa kang malas sa buhay ko!"
Hindi nakalagpas sa paningin ni Rhodora ang pahina ng isang komiks na naging pira-piraso sa pagkapunit ng kanyang nanay-nanayan na si Minda. Si Rhodora ay naulilang anak ng mag-asawang nasawi noong maganap ang ikalawang digmaang pandaigdig. Sampung taong gulang na siya ngunit hindi pa rin siya natututong bumasa at matindi rin ang pagnanais niyang makatungtong ng paaralan kagaya na lamang ng ibang kabataang kasing edad niya kaya kapag natapos na ang inuutos sa kanya ni Minda ay palihim siyang naghahanap ng kahit anong babasahin para mag-aral kung paano bumasa.
"Paumanhin inay," naluluhang sambit niya kay Minda. Hindi man lang niya nakikita ang awa sa mga mata ng ginang sa halip ay hinablot nito ang buhok niya at ginupit-gupit.
"Nay, tama na po!," pagmamakaawa niya habang pasabunot ang paghawak sa kanyang buhok. Alam na niya ang mangyayari, kakalbuhin na naman siya nito para hindi makalabas ng bahay.
"Ambisyosa! Dispalinghado naman ang utak mo! Hindi mangyayari ang ambisyon mong makapag-aral dahil kapag sumapit na ang ikalabinwalong kaarawan mo, ipakakasal kita sa mayamang lalaki at nang hindi na ako maging mahirap! Malas ka Rhodora! Dapat tinapon na lang kita at hindi na kinupkop pa noong ipinakiusap ka ng isang matanda sa akin!"
Ang malakas na boses ni Minda ang nangibabaw kasabay ng pag-iyak ni Rhodora sa loob ng maliit nilang kubo.
"Nay! Tama na 'yan!"
Kaagad namang inilayo ni Homer si Rhodora sa kanyang ina na nagniningas sa galit. Kung hindi niya naabutan nang maagap ang pangyayaring iyon, tuluyan nang nakalbo ang buhok ni Rhodora.
"Nay! Tama na! Nasasaktan si Rhodora sa ginagawa niyo!," asik ni Homer sa kanyang Inay Minda.
"Homer! Huwag kang makialam dito! Doon ka sa kuwarto mo at mag-aral!"
"Inay, sumusobra na kayo! Hindi na tama ang ginagawa niyo kay Rhodora! Kahit naman ampon siya, may damdamin siya at nasasaktan!," katwiran pa ni Homer.
Tila nag-init ang pisngi ni Minda sa tinuran ng anak. Nagawaran niya ito ng magkabilang sampal.
"Wala kang karapatang sagutin ako ng pabalang dahil nanay mo ako Homer at ako ang tumutustos sa pag-aaral mo simula nang mamatay ang tatay mo dahil sa kagagawan ni Rhodora!"
"Aksidente ang pagkamatay ni itay! Hindi iyon kagustuhan ni Rhodora!"
"Aksidente? Ang mapatay siya ng bandido dahil sa paghahanap niya kay Rhodora sa masukal na kagubatan? Pinag-aral kita Homer para maging matalino at hindi maging bobo kagaya na lang ng batang 'yan!," singhal ni Minda sabay ng kanyang pagturo kay Rhodora.
"Bahala kayo sa buhay niyo! Makaalis nga muna dito!"
Padabog na isinara ni Minda ang pinto ng kanilang kubo. Naiwan niyang humihikbi sina Homer at Rhodora. Si Homer ay mas matanda ng tatlong taon kay Rhodora at kasalukuyang nasa unang taon ng mataas na paaralan. Siya ang naging tagapagtanggol ni Rhodora sa tuwing sinasaktan ito ng kanyang ina.
"Tumahan ka na Rhodora, hindi naman ganoon kapangit ang buhok mo kahit nagupitan na ni Inay, nagugutom ka na ba? May dala akong mais at kamote na natira sa baon ko kanina. Paghatian muna natin."
Nakangiting inilabas ni Homer sa bag ang pagkain at iniabot iyon kay Rhodora. Pagkaabot ni Rhodora ay kaagad niyang kinain ang ibinigay ni Homer. Dumaan na kasi ang maghapon at walang laman ang kanyang sikmura.
"Kawawa naman ang kapatid ko, hayaan mo bukas ibibili kita ng maraming kendi para hindi ka na rin magsawa sa kamote at mais."
Nginitian niya si Rhodora. Masyado siyang nag-aalala para rito noon pa man.
"Dahil pinunit ni Inay ang babasahin mo, may nahingi akong komiks sa kaklase ko, kaso tungkol ito sa mga bampira at taong lobo, hindi katulad ng gusto mong komiks na patungkol sa pag-ibig at katatawanan."
Nakita ni Homer ang ningning ng mga mata ni Rhodora nang ilahad niya ang mga komiks.
"Pero bago mo basahin yan, gusto mo bang ibahagi ko ang pinag-aralan namin kanina sa siyensya at matematika?"
Marahang tumango si Rhodora kaya naman binuklat na ni Homer ang kwaderno.
Kapag wala ang kanyang ina, iyon lang ang pagkakataon niya upang maturuan si Rhodora. Sa abot ng kanyang makakaya, tutulungan niya ang batang itinuring niyang kapatid at hindi rin lingid sa kanyang kaalaman, higit pa sa kapatid ang turing niya kay Rhodora. May nararamdaman na rin siyang espesyal na pagtatangi rito sa kabila ng mura niyang edad.
Dalawang taon na ang nakalipas simula nang mamatay ang ama ni Homer at si Rhodora ang sinisisi ni Minda magpahanggang ngayon.
---
MULA sa kalayuan ay tanaw ni Barom ang lalaking humahangos at may tinatawag na pangalan.
"Rhodora! Nasaan ka? Anak!"
Nasa tuktok na siya ng bundok at malalim na ang gabi ngunit malinaw ang kanyang paningin at matalas ang kanyang pandinig. Isa siyang mortal noon na nakagat ng isang makapangyarihang lobo. Ang mga kamag-anak niyang mortal ay namatay matapos ang digmaan. Wala siyang ibang pinagkatiwalaan bukod kay Lino, ang matandang salamangkero na nakakita kung paano siya lapain ng lobo noon. Kasalukuyan siyang nagdiriwang ng ika-tatlumpu't tatlong taon niya bilang imortal.
"Lino, may naririnig akong tinig ng lalaking umiiyak mula sa kagubatan na naging kuta ng mga rebelde. May tinatawag siyang pangalan."
Napabuga ng hangin si Lino.
"Anong gagawin mo Barom? Tutulungan mo ba? Noong huli kong pagkakatanda, kamuntikan ka nang madakip dahil nangialam ka sa alitan ng mga rebelde at sundalo. Mabuti na lang at hindi ka nila nasundan pa."
"Sa ilang taon kong nabubuhay bilang imortal na may katangian ng lobo, natitiyak ko namang nakokontrol ko ang aking sarili at nagiging maingat ako sa lahat ng bagay."
"Nahahabag ako sa lalaki, tingin ko ay hinahanap niya ang kanyang anak."
"Ikaw ang bahala Barom, hindi mo pa yata kilala ang mga ordinaryong tao. Kapag nakita ka nila, ituturing ka nilang salot. Kaya heto ako, isang salamangkero at may kakayahang higit sa kakayahan nila, hinusgahan at tinawag na mangkukulam. Sana maisip mo yan Barom."
Tumango naman si Barom. "Naiintindihan ko Lino, ngunit hindi talaga maalis sa akin ang pagkakaroon ng habag sa mga tao."
Napaigtad siya nang marinig ang mas malakas pang tinig ng lalaki sa gubat kasabay ng mga yabag ng tao at may isa pang kumakasa ng baril.
"Mapapahamak ang taong iyon Lino. Sandali, hahanapin ko siya!"
Tanging pag-iling ang nagawa ni Lino nang makita niya kung gaano kabilis ang takbo ni Barom papunta sa nagmamay-ari ng tinig na naririnig nito.
Malapit na sanang matunton ni Barom ang direksyon ng lalaki ngunit umagaw sa kanyang atensyon ang isa pang tinig na pagma-may ari ng batang babae.
"Kung totoo man na nandirito ang mga rebelde, pakiusap kapag makita niyo ako, patayin niyo na lang ako para hindi na magalit pa sa akin ang nanay ko! At kung totoo man ang mga aswang o maligno, kainin niyo na lang ako.."
Nahabag siya sa narinig na sinabi ng bata habang ito ay umiiyak.
Palapit ng palapit sa kinaroroonan niya ang yabag ng higit pa sa dalawang tao. Bakit parang papalapit sa kanya? Kaagad siyang tumakbo at hinanap ang batang babae.
"Iyon na yata ang sundalo! Dali!"
Narinig niyang utos ng isang hindi kilalang tao.
Mabilis pa sa isang kurap siyang nakaalis sa kinaroroonan. Nahanap niya ang batang umiiyak. Dahan dahan niyang nilapitan ito at hindi niya mabakas sa mga mata nito ang takot habang siya ay papalapit.
"A-ayos ka lang ba , bata?," tanong ni Barom.
"Isa ka bang rebelde? Bampira o aswang?"
Tanging anino lang ang nakikita ni Rhodora sa nagtanong sa kanya na isang lalaki.
"Patayin mo na ako, pakiusap.."
Napatayo si Rhodora at lumapit sa anino.
Hangga't sa nakarinig sila ng tunog ng isang baril, sa sobrang nerbiyos na naramdaman ni Rhodora nang marinig iyon ay nawalan siya ng malay.
A/N: pasensiya na sa pagtatagalog ko. Maunawaan niyo sana ahaha. 😂😂
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top