- 12 -
Dalawang pares ng mga mata ang nakatingin kay Rhodora nang makarating siya sa labas ng munting bahay. Nakatunghay sa kanya si Barom na kaagad siyang nilapitan.
"Nakatulog ka ba nang maayos?"
Napamaang siya sa tanong nito. Marahan siyang tumango.
"Sige, mauuna na ako sa'yo Rhodora."
Napakunot noo siya nang umalis si Barom sa harap niya at naiwang nakanganga si Lino na napahinto sa pagwawalis ng bakuran.
"Barom, wala ka namang pasok ngayong araw di ba? saan ka pupunta?"
Napahinto ang yapak nito dahil sa tanong ni Lino.
"Basta, may gagawin lamang ako. Mahalagang bagay." Sa sagot na iyon, wala man lang silang nakitang pagngiti.
Hinayaan na lamang ni Rhodora at Lino ang pag-alis ni Barom. Napanguso na lang si Rhodora at pumasok sa loob.
"Rhodora, alam ko kung saan pupunta 'yang si Barom."
Kaagad siyang napalingon kay Lino. Tila nagkaroon siya ng interes na alamin kung saan pupunta ang binata.
"Saan po ba?"
"Sa bayan. gusto mong sumama sakin? Doon din naman ang punta ko mamaya."
Bigla siyang napangiti sa suhestiyon ng matanda.
IGINALA ni Rhodora ang paningin niya sa isang palengke na maraming gamit na puwedeng bilhin. Namangha siya sa nakikita ng mga mata niya. Iyon kasi ang unang pagkakataon na makapunta siya sa ganoong lugar. Nakikita niya ang mga batang masaya kasama ang mga magulang nilang ipinagbibili sila ng masasarap na pagkain. Hindi niya maiwasang mainggit, mabuti pa ang mga batang iyon, naranasan ang pagmamahal ng magulang.
Nagitla siya at panandaliang naupo sa may bakanteng bangko. Hinihintay niya si Lino na nagpaalam lang na may bibilhin at pinaghihintay lamang siya nito kahit saglit.
Napangiti siya sa nakita niyang paninda, sa kabilang bangketa, may tsokolate kasi doon at sorbetes. Napukaw ng mga pagkain ang atensiyon niya kaya naman napatayo siya sa kinauupuan at lumapit sa tindera.
"Magkano po ang isang sorbetes?," tanong niya.
"dalawang piso hija," sagot naman ng tindera. Kinapa niya ang bulsa at sa kasawiang palad, napagtanto niyang wala pala siyang pera kahit na isang kusing.
Matabang ang kanyang ngiti na umalis na lamang sa harap ng tindera.
"Alis kayo diyan!"
Tila mapagbanta at natatarantang boses ang umagaw ng kanilang atensiyon. May gumagawa pala ng isang gusali sa tabi ng bangketa na kinaroroonan ni Rhodora. Napatingin sila paitaas kung saan nanggaling ang boses.
Tumalima ang nasa paligid niya ngunit hindi siya kaagad nakakilos nang mapansin niyang naalarma na ang mga tao at naghihiyawan. Isang malaking kahoy na ginagamit sa paggawa ng gusali ang pabagsak sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nahulog na ang kahoy na materyales. Natanggalan na yata siya ng kaluluwa dahil sa kabang nararamdaman. Pero mas ikinagulat niyang hindi siya nasaktan, may isang lalaki na maagap siyang nayakap at ito ang natamaan ng kahoy.
Napaangat ang kanyang tingin. Natamaan ito sa ulo pero laking gulat niya nang wala man lang siyang nakitang dugo.
Nilamon na siya ng mas matinding kaba nang makumpirma kung sino ang lalaking sumagip ng buhay niya, si Barom.
Para silang nag-uusap sa pagtatama ng kanilang mga mata.
'Bakit ganoon? Parang hindi siya nasaktan?'
Naputol ang tinginan nina Barom at Rhodora dahil sa pagsulpot ng mga tao at pinalibutan na sila.
"Hijo, magpagamot ka. Mabigat na kahoy ang tumama sa'yo!," natatarantang sabi ng matandang babae na kabilang sa mga nakiusyoso.
"Sandali, tumabi kayo. Dadalhin namin siya sa pagamutan!" sabi pa ng lalaki na isa sa mga gumagawa ng gusali.
"Ayos lang po ako."
Umarteng nasaktan si Barom para hindi magtaka si Rhodora. Ipinaling niya ang tingin sa kahoy na bumagsak at napailing siya.
"Nasaktan ka ba?," tanong niya kay Rhodora na marahang napatango.
Hinawakan niya ang kamay ng dalaga at sinimulang lumisan sa nag-uumpukang tao. Sa dinaraanan nila, naroon si Lino at napailing.
'Hindi mo dapat dinala dito si Rhodora, Lino.'
--
"MADADAAN lang ito sa kaunting hilot Barom at mawawala na ang sakit."
Alam ni Lino na walang naramdamang sakit si Barom sa pagkakahulog ng kahoy sa ulo at bandang likuran nito pero umaarte lamang siya na ginagamot niya ito.
"Salamat po lolo," sambit ni Barom sa malumanay na tinig. Nakatunghay rin sa kanya si Rhodora na lubhang nag-alala sa kanya.
"Magpahinga ka na lang. Ako muna ang maghahanap buhay. Maiwan muna ko kayong dalawa."
Nanatiling walang kibuan sina Barom at Rhodora nang iwanan sila ni Lino.
Sa ngayon, nais lamang ni Rhodora na mabantayan si Barom dahil muli na naman nitong iniligtas ang buhay niya. Pero sa kabilang banda, napapaisip siya kung bakit lagi na lang siyang tinutulungan nito? Ano nga bang ibig sabihin?
'Ito lang ang pagkakataon na makapagpasalamat ako sa'yo Barom. Ilang ulit mo na akong tinulungan.'
Naiwaksi niya ang mga iniisip dahil nagtama na namang muli ang mga mata nila ni Barom. Umiwas siya ng tingin, hindi niya maintindihan ang sarili kapag nangyayari iyon. Parang sumisikdo ang puso niya at nasusunog ang kanyang pisngi.
Bukod pa doon, ayaw na niyang mawala ito sa kanyang paningin. Ganoon ang senyales ng pag-ibig ayon sa nabasa niyang libro.
"Salamat Barom. Hindi ko alam kung paano ako makakabayad sa mga ginawa mong pagligtas sa buhay ko."
Marami pa sana siyang nais sabihin ngunit napasinghap siya at nag-aalangan kung itutuloy pa ba ang pagsasalita.
Siya na ang sumuko sa pakikipagtitigan. Isa pang mahabang buntong hininga ang pinakawalan niya bago magpatuloy sa nais sabihin.
"Barom, sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasang protektahan gaya ng ginawa mo. Kulang pa talaga ang pasasalamat para makaganti ako sa kabutihan mo."
Puno ng sinseridad ang kanyang sinabi ngunit parang balewala iyon kay Barom. Napasinghap din ito at nakikita ni Rhodora ang pagrehistro ng seryoso nitong anyo na tila hindi ikinatutuwa ang kanyang sinabi.
"Iyon na ang huling pagkakataong ililigtas kita Rhodora. Ayoko nang makita ka pa. Puro kamalasan lang ang hatid mo."
Ikinapatda ni Rhodora ang narinig niya mula may Barom. Awtomatikong nangilid ang luha sa kanyang mata at parang pinipiga sa sakit ang kanyang puso. Ang mga sinabi ni Barom ay naging hudyat sa kanya upang umalis kahit kumakagat na ang dilim.
AN:
Long time no update. Salamat sa naghihintay kung mayroon man. Writing makes the stress go away. Nalimutan kong may dagok ako sa work ngayon hahaha share ko lang. Saka forever ko talagang nami-miss ang Cclown (kpop group hihihi) halata naman kasi sila ang portrayers sa mga story ko. Isang member (Maru) na lang ang kulang hahaha. charrr.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top