Chapter 12


"Okay ka na ba talaga, Tonya? Hindi ka na sana pumasok pa at nagpahinga na lang sa bahay," payo sa akin ni Ate Eve na may bahid ng pag-aalala ang mukha. Nakatayo at nakasandal siya sa gilid ng mesa samantalang nakaupo naman ako sa silya.

"Okay na po ako, Ateng. Nakapagpahinga na naman ako kagabi. At saka alas onse na kaya ako nagpunta rito."

"Nakakaloka naman kasi. Bakit ka ba hinimatay kahapon? Ano ba ang sinabi ni Johnny sa iyo?"

Nagpakawala ako ng malalim na hininga. "Hindi na po niya naituloy. Hinimatay na kasi ako."

"Alam mo bang kinabahan ako nang bigla na lang tumawag rito si Johnny at sinabing hinimatay ka? Iniwan ko talaga si Brax para asikasuhin ang mga pasyente kasi kaaalis lang din ni Doc Jose para sa rounds niya."

"Napagod lang po ako at saka siguro sa matinding kaba na rin."

"Hmm. Paano 'yan ngayon? Naudlot pa tuloy iyong pangungumpisal sana ni Johnny sa iyo."

Binigyan ko lamang siya ng pilit na ngiti at iniba ang usapan.

"Mag-aalas dose na po ng tanghali. Kumain ka na, Ateng."

Napasulyap siya sa wall clock.

"Oo nga eh. Sasabay na ako kay Doc. Ikaw? Sure ka na ba na hindi ka na kakain? Sabay ka na sa amin."

"Hindi na po. Kumain na ako sa bahay."

Tumayo na siya nang maayos. "O siya sige. May pasyente pa naman si Doc sa loob kaya hihintayin ko muna."

Magkasabay ang pagbaling ng tingin namin ni Ate Eve sa matangkad na babaeng porener na kakapasok lang ng clinic. Isang blandinang unat na unat ang buhok at mukhang hindi naaarawan dahil sa mapusyaw na kulay ng balat. Ang sophisticated niya tingnan at mas lalo lang siyang tumangkad dahil sa suot na white heels.

Nilapitan niya kami sa may front desk. Klarong-klaro ko ang kulay asul na mga mata niya at ang mahahaba niyang pilikmata, pero sa tingin ko ay fake naman sa malapitan.

"Excuse me," anang babae. Nakasuot siya ng very fit na white dress na hanggang tuhod ang haba.

Dahil sa pansin kong nakanganga lamang si Ate Eve habang tinitingnan ang babae, halatang  na-starstruck yata dahil mukha kasing modelo, ako na lang ang nagsalita.

"How can we help you?"

Ngumiti siya. Pansin ko ang kanyang set of perfect white teeth. Na-emphasize siguro dahil sa liwanag na kulay ng kanyang balat.

"Is this where Dr. Braxton Peters work?"

Nahawa na ako sa ngiti niya kaya't ngumisi na rin ako. Buti na lang nakapagsipilyo ako nang maigi kaninang umaga.

"Oh. Yes. But he's currently inside the consultation room assisting the doctor."

"That's totally fine with me. I can wait."

"May we know who you are?" tanong ni Ate Eve nang mahanap na ang kanyang boses.

Binalingan siya ng tingin ng babae. "I'm his fiancee."

Magkasabay na napaawang ang mga labi namin ni Ate Eve. Magsasalita na sana akong muli nang biglang bumukas ang pinto ni Doc. Jose. Lumabas mula rito ang nakangiting si Braxton kasama ang batang pasyente.

Pansin namin ang pagkagulat niya nang makita ang babaeng nagsasabing fiancée kuno niya.

Marahan siyang lumapit sa mesa kung nasaan kami.

"Braxton," sambit ni girlalo.

"What are you doing here, Debbie?"

Malungkot siyang nginitian ni Debbie.

"I came here to see you. Aren't you even happy to see me?"

Para kaming nanunuod ng basketball ni Ate Eve habang halinhinang tinitingnan ang dalawa. Kulang na lang siguro ng popcorn.

"You weren't answering any of my calls so I have decided to come here all the way from the States," pagpapatuloy ni Debbie nang nanatili lang ang pagtitig ni Braxton sa kanya.

"Sorry. I was just kinda busy. Adjusting to things."

"Can we talk? Alone," giit ni Debbie habang mariin kaming tiningnan. Kaagad naman kaming nagpanggap ni Ate Eve na abala sa aming mga kuko.

Pagod na bumuntonghininga si Braxton at saka iminuwestra ang pinto palabas ng clinic. "Of course."

Nang makaalis na ang dalawa ay nagkatinginan kaming dalawa ni Ate Eve. Hindi nag-segundo ay pasimple kaming sabay na naglakad nang mabilis at tinungo ang pintuan kung saan lumabas ang dalawa. Mistulan kaming giraffe sa haba ng leeg habang sinisilip ang pag-alis nila. Dahil sa pagpasok ng isang pasyente ay umayos kami ni Ate Eve at bumalik na sa front desk.

Lumipas pa ang ilang segundo bago kami nakapagsalita.

"Wow. Mortal ba iyong babaeng iyon, Tonya? Kurutin mo nga ako at baka namalik-mata lang ako kanina."

Sinundot ko siya sa tagiliran.

"Aray! Mahabaging langit. Totoo nga iyong nakita ko."

"Gusto niyo ho bang ulitin ko para mas maging sure kayo?"

"Tumigil ka ngang bata ka. Ang sakit kaya. Pero bakit ang perpekto ng hulma niya?"

"Naku, Ateng. Sa tinagal-tagal na pagsasama natin dito, hindi pa po ba kayo nasanay sa magagandang mukha kagaya ko?"

Tinapik ako ni Ate Eve sa balikat.

"Alam mo na mahal kita, hija. Kaya lang, iba talaga ang ganda niya eh."

"Oo na po. Pero akalain mo iyon,  may fiancée pala si Doc Nurse? Hindi naman kasi talaga siya nagbabahagi tungkol sa buhay niya."

Napahimas si Ate Eve sa baba niya. "Sumagi na rin iyon sa isipan ko. Mukha at estado pa lang sa buhay ni Brax halatang may babae talaga na kakapit. Pero parang may kakaiba."

Natigilan ako dahil sa kuryosidad.

"Ano po ang ibig niyong sabihin?"

"Para kasing walang chemistry."

"Wow, Ateng ha. Paano niyo pa nasabi iyan eh wala rin po kayong Iove life?" pambabasag trip ko.

"Hija, sa dinami-rami ng naging karelasyon ko noon, kabisado ko na talaga kung ano ang hitchura ng mayroong chemistry. Wala akong nakita sa dalawang iyon."

Tumango-tango ako at nagkunwaring nag-iisip ng malalim.

"Pero may nakita po akong chemistry."

"Kanino? Sa dalawang iyon?"

"Hindi po. Sa inyong dalawa ni Dokey. Ayeee!"

Hinampas ni Ateng ang likod ko.

"Napakapilya mo talaga. Sige na at kakain na kami."

Nang makaalis na sina Ate Eve at Doc Jose ay umidlip muna ako sa kinauupuan ko. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatulog. Siguro nga ay maiksi lang dahil hindi naman ako nagkaroon ng panaginip. Nagising na lang ako nang maramdaman na may kumakalabit na sa balikat ko.

Unti-unti kong inangat ang ulo mula sa pagkakasampa nito sa mesa. Kalahati pa lang ng mga mata ko ang naibuka ko dahil sa bigat ng talukap.

"Wake up, sleephead. You're scaring off the patients," wika ni Braxton na may bitbit na patient's chart. Naupo siya sa katabi kong bakanteng silya.

Napatampal ako sa noo sabay singhot. "Naka-resume na tayo?"

"Yep. It's actually two pm now." Mabilisan na naman niyang binasa ang hawak na chart.

Kinusot ko ang mga mata at humikab. "Bakit hindi mo naman ako ginising?"

"I just did."

Umirap ako at nagtaray. Walang makakapigil sa akin dahil may regla ako.

"I mean an hour earlier!"

Tinanggal niya ang tingin sa binabasang chart at bumaling sa akin.

"You looked beat. You should be thankful I gave you mercy."

"Kung makapag I gave you mercy ka naman parang ikaw si Godness."

Nanliit ang mga mata niya habang nakatitig sa sulok ng labi ko. "You've got a drool on the side of your mouth."

Kaagad akong napaupo nang deretso at napatakip sa bibig gamit ang palad.

"Wala nga!"

Mahina siyang natawa.

"Just kidding. See? I made you alert and alive."

"Ang sama ah." Umupo na ako nang maayos at naghanap ng tiyempo para sa itatanong ko.

"Can I use the computer?" tanong niya.

"Sure. Go ahead." Tumayo na ako upang makapagpalit kami ng puwesto sa upuan.

"So, I didn't know that you have a fiancee," pagsisimula ko.

"I don't."

"Of course you have," madiin na pagpupumilit ko.

"Who told you that?" aniya na nasa monitor lang ang tingin.

"The woman who came here earlier. Debbie, right?"

"She's not my fiancee. Well.  . .not anymore."

Nanlaki ang mata ko. "Don't tell me you just broke up with her earlier!"

Natihil siya sa kapipindot sa keyboard at tiningnan ako.

"We've already broken up even when I was still in the States."

"Oooh. Got it! Were you being straightforward with her? You shouldn't leave her hanging, you know. It hurts. Be straightforward with her and stand by it."

Pinilitik niya ako sa noo. "Says the one who fainted after confessing."

Napahawak ako sa noo ko. "Aray ha!"

"Which part? The forehead or the words I said?"

"Pwede both?"

"Fix your hair," utos niya habang pinagmamasdan ang ulo ko na mukhang naging pugad na yata ng lawin.

"Akala ko ba I'm already perfect the way I look." Sinimangutan ko siya sabay ayos sa magulo kong buhok.

Tumayo siya at mas ginulo pa ito gamit ang kanyang kamay.

"Not this time."

"Sabi ko nga kay Jason, 'Mas mabuti iyan, Hon, feeling ko talaga dahil may potensyal ka naman kumpara sa iba.' Kasi, isipin mo iyon, Ma, ha three hundred silang nag-apply but siya lang ang natawagan for the initial interview!" pagdadaldal ni Ate Juliette. Kanina pa nito minomonopolya ang usapan. Nasa hapag kami at kumakain ng hapunan. Sa bahay ni Mudra ako umuwi.

Kung alam ko lang na darating si Ate, hinabol ko na sana ang sinakyan kong jeep kanina para makauwi pabalik ng boarding house. O hindi kaya'y hinablot ko na lang iyong bike ng batang babae kanina at nagpadyak na pabalik sa lungga ko para lang mailayo ang sarili sa kanya.

"Iyan ba ay legit na talaga, Julie? Alam mo naman na marami ng mga manloloko sa panahon ngayon," tanong ni Mudra sa kanya.

"Of course, Ma! Kilala niyo naman ang asawa ko. Hindi iyon basta-bastang naii-scam. And besides, magaling siyang nurse. Kaya siguro siya talaga ang napili. Kung skill at experience lang ang pag-uusapin aba'y talong-talo na ang iba sa kanya."

Dahil hindi ko na natiis ang lakas ng hangin na may kasamang delubyo ay sumabad na ako sa usapan.

"Hindi pa naman sure, Ate. Initial interview pa 'di ba? Marami pang pwedeng mangyari."

Sumimangot kaagad ang mukha niya nang maglipat ng tingin sa akin.

"Iyon na rin iyon, Tonya. Nakita ko pala sa facebook iyong bagong girlfriend ni Johnny. Ang ganda 'no?"

Napadiin ang pagtusok ko sa fried chicken. Alam na talaga ng bunot na 'to ang kryptonite ko.

"Keribells lang naman," nasabi ko na lang.

Nag-fake laugh pa ang kontrabida. Namayani na naman sa hapag ang tawa niya na tunog kambing the sinasakal.

"Huwag mong sabihing bitter ka, bunso. Alam mo, sama ka na lang sa'kin sa salon ko. Pa bob haircut ka, kagaya ko. Para fresh looking!"

"Ayokong maging mukhang lampaso kagaya mo," sagot ko.

"Ma!" singhap niya.

"Magsitigil na nga kayong dalawa. Para talaga kayong mga pusa at pusa kung magbangayan," kantiyaw ni Mudra.

" 'Di ba aso at pusa, Ma? Ba't kami naging pusa at pusa?" naguguluhan kong tanong.

"Dahil parehas kayong babae."

"Kain na nga lang tayo, Ma," si Ate.

"Bakit? Hindi ba iyon nakakatawa mga anak?"

Sabay kaming napakagat ni Ate ng isang buong hita ng fried chicken upang hindi na makapagsalita.

Matapos maghapunan ay naghugas na ako ng pinggan. Gustuhin ko mang sabihin na ginagawa ko ito dahil sa isa akong mabuti at dakilang anak pero hindi naman yata tama. Dahil ang totoo, natalo ako sa bato-bato pick namin ni Ate.

Nang nagawa ko na ang obligasyon ko ay pumasok na ako ng kuwarto upang magpahinga. Siyempre, hindi muna ako natulog at nang-stalk pa sa timeline ni Johnny na kadalasan kong ginagawa at nasali na siguro sa night routine ko. Kumirot na naman ang puso ko pagkakita sa bagong post niyang feeling loved with Jasmine Chi.

Napakamartyr ko talaga. Kahit na alam kong masakit ay tinitigan ko pa rin ang picture nilang dalawa. Napansin ko rin ang dami ng heart reaction. Ni-click ko ang comment section at binasa ang mga ito. Matapos maging sadista at saktan ang sarili ay inilagay ko na ang cellphone sa ilalim ng unan.

Humiga na ako sa malambot na kama at ipinikit ang mga mata. Feel na feel ko na ang moment ngunit mayroon akong naalala. Pucha! Hindi pa pala ako nakapag-toothbrush!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top