Chapter 1
Death Anniversary ng pagnanasa ko kay crush sa araw na ito. Kahit naman sa totoo lang eh, hindi mamatay-matay ang kagagahan ko sa kanya. Wala akong magawa. Marupok eh.
Heto ako, nakahilata sa sahig na yari sa kahoy. Lumalaklak na naman ng beer na wala man lang kalamig-lamig. Nag-brownout kasi kaninang umaga.
"Panget ba ako?" tanong ko sa best friend kong baklang si Amore na mas marami pa yata ang buhok sa kili-kili kaysa sa kanyang ulo.
"No."
Mahina kong tinampal ang sariling dibdib gamit ang isang kamay.
"Kajalit-jalit ba ako?"
"Ner!"
"But why?!"
Inirapan ako ng bakla.
"Kasi, Tonya, wala namang kayo!"
"Awts! An ally has been slain."
Bigla na lang bumukas ang pinto ng tinutuluyan kong boarding house. Iniluwa nito ang kabarkada kong si Anding na may bitbit na supot. Kasama ang long time boyfriend niyang si Jeshu. Nakasuot na naman ng couple shirt ang dalawa na may nakaimprentang His at Hers. With arrows pa. Kaagad nilang hinubad ang suot na sapatos at inilatag ito sa gilid ng pintuan.
"Pasensya na na-late kami sa celebration— este depression pala," intrada ni Anding at naupo na rin sa sahig kasama namin. Pagkakuwan ay kinuha niya ang bagay na nasa loob ng supot na dala.
"Bakit kulay dilaw 'yan?" tanong ko nang mapansing kulay dilaw ang kandila niyang dala.
"Nagdilaw na tayo last year."
"Ha? Gano'n ba? Hayaan mo na," wika ni Anding na nagpalakas lang sa pag-iyak ko.
"Akin na nga bebeko, gagawan ko ng paraan," sabad ni Jeshu at pagkatapos ay pumanhik sa kusina.
Bumuntong-hininga si Anding at ibinaling ang halatang dismayadong tingin kay Amore.
"Pang-ilang bote na niya 'yan?"
"Pang-lima pa lang. Alam mo namang malakas ang alcohol tolerance ng babaitang iyan."
"Bakit niya sinaktan ang puso ko? Bakit?!" madramang daing ko bago deretsahang lumagok mula sa bote.
"Hindi talaga kayo para sa isa't-isa. Para talaga siya kay Jasmine," ani Anding.
"Saka akalain mo 'yon, pati pangalan ng bago niyang girlalo eh, mabango," sabad naman ni Amore.
Pinandilatan ko ang dalawa. "Bakit ko ba kayo mga kaibigan?! Saka, ginawa ko naman ang lahat para kay Johnny ko. Naging loyal ako sa kanya, ni hindi nga ako nagka-crush sa iba kahit papalit-palit na siya ng girlfriend."
Magkasabay na ngumiwi ang dalawa at pansin ko ang hindi pagiging kumbinsido ng kanilang hitchura.
"Oo na, nagka-crush ako sa iba pero kaunti lang naman iyon! Alam niyo ba kung ilang beses akong nag-wave sa kanya sa messenger? Sampo! Sampung beses!"
Magkasabay naman silang nagtaas ng kilay.
"Oo na! Dalawampo. Dalawampong beses!"
Patuloy pa rin sila sa pagtaas ng kilay.
"Fine! Thirty times! Grabe talaga kayo. Wala man lang tawad," iritableng pahayag ko.
Kumuha na rin si Anding ng isang bote at uminom pagkatapos ay inilapag niya ito at tiningnan ulit ako.
"Mag-move on ka na kasi diyan kay Johnny Bravo mo. Pa-fall iyon kaya hindi mo kasalanan ang mahulog talaga. Gusto mo bang tumanda kakahintay sa kanya?!"
"Ay grabe siya. Bente-tres pa lang naman ako. At saka pinaramdam din naman niya sa akin na like niya rin ako. Siya lang talaga ang pinipintig ng aking Heart Evangelista," giit ko at itinuro ang dibdib.
Totoo naman talaga. Si Johnny lang ang long time crush ko. Thirteen years old pa lang ako, humahanga na ako sa kanya. Kababata rin kasi namin siya sa probinsya. Unang nahulog ang loob ko sa kanya noon kasabay nang pagkahulog ng timba ko sa balon. Walang pag-aatubili at kaagad niya kasi itong sinisid. Kahit nga pag-ahon niya ay nagkalumot na siya, nasabi ko pa rin na 'Godness, he's the one'.
Sampung taon na kaming may relasyon sa aking imagination. Pero gumuho ang Mother Earth ko noong malamang may girlfriend na naman siyang bago. Umaasa kasi ako na ako naman, na sana ay moment ko na.
"Hanap ka na ng iba, beh. May ipapakilala ako sa'yong bagong fafa. Pramis! Magiging bet mo," masiglang suhestiyon ni Amore.
"Vakla, hindi naman kasi natuturuan ang puso," pag-angal ko.
"Aysus! Kung makapagsalita ka naman parang naging in a relationship kayo. Ni waveback nga hindi niya magawa."
Isang iglap lang ay binatukan ko ang bakla.
"Ito naman. 'Di na majokeyjokey!" reklamo niya sabay himas sa kanyang batok.
Bago pa man ako makasagot ay bumalik na si Jeshu mula sa kusina.
"Charaaa! Heto, itim na," wika niya habang hawak-hawak ang itim na ngang kandila. Bumalik na rin siya sa kanyang pwesto katabi ni Anding.
"Ano'ng ginawa mo? Paano iyan naging itim?" naguguluhan kong tanong.
"Pinahiran ko ng uling."
"Aww, napakatalino talaga ng bebeko!" tili ni Anding at naglaplapan na ang dalawa. Sa harap ko pa talaga.
"Okay! Tama na 'yan. Baka may gumapang pa na fetus sa sahig. Akin na 'yang candle nang masindihan ko," kantyaw ni Amore na nagpatigil sa dalawa.
Matapos maiabot ang kandila ay sinindihan na ito at itinirik sa gitna ng sahig.
Hudyat ito at tumayo na kaming tatlo. Umusog naman sa may bandang sulok si Jeshu. Pinalibutan namin ang nakatirik na kandila habang kanya-kanyang may bitbit na bote ng beer.
Sinimulan na ni Amore ang pag-chant na kada taon na naming ginagawa, na sa una ay biruan lang talaga hanggang sa tuluyan ng naging tradisyon.
"Ahmm. Ahmm. Para sa mga umaasa, na hindi naman talaga sila. Pero nagpakatanga. Sana matauhan na! Ahmm. Ahmm. Take it away Anding!"
Lumagok muna si Anding bago iginiling pababa ang katawan.
"Ahmm. Ahmm. Para sa mga pa-fall. Buti sana kung sa kama. Pero sa kanal naman pala. Sana magka-diarrhea! Ahmm. Ahmm. Take it away Tonya!"
Nilaklak ko ang isang bote ng beer na parang tubig lang at saka kumendeng-kendeng.
"Ahmm. Ahmm. Para sa mahal ng crush ko. Sana maimpakto! Ahmm. Ahmm."
Matapos ang orasyon ay sabay-sabay kaming pagod na napahiga sa sahig dahil na rin siguro sa kalasingan.
"Kailan niyo ba balak pumasok sa mental?" tanong ni Jeshu at tumabi na kay Anding.
"Kapag tumino na kami at mag-oopen gate na," pagbibiro ko na ikinatawa naman ni Amore.
"O maiba tayo, ready na ba kayo bukas?" pahingal na tanong ni Anding.
"Ano ba bukas?" sabi ko sabay kapa sa bote ng beer na nasa gilid. Wala pa ring tigil sa kaiinom. Feeling ko tuloy, may alon sa loob ng katawan ko.
"Beach time sa Bohol! Hindi mo minarkahan sa kalendaryo mo?" pagpapaalala ni Anding.
"Ayoko kasing madumihan si Dingdong Dantes!" tugon ko sabay turo sa pader kung saan nakadikit si fafa DD.
Inirapan ako ni Anding.
"Shunga! Sa cellphone mo. Memo, ganern."
"Alam mo namang tradisyunal ako, Lokaret. Ilang days nga tayo roon?"
Umusog siya at ipinatong ang ulo sa dibdib ng boyfriend na agad naman siyang hinalikan sa ulo. Hay. Nakakainggit talaga. Puro na lang kasi ako sana all sa social media.
"Two days lang. Alam mo namang ang mahal ng hotel per night. Mabuti na lang at nakatipid tayo ng kaunti sa plane ticket."
"Okeydokey."
Dinukot ko ang cellphone na nasa bulsa ng suot kong maong shorts.
"Ano'ng ginagawa mo?" singhal ni Anding sabay pukol sa akin ng mapagdudang tingin.
"Wala. Nagchachat lang ako kay mudra. Nangungumusta."
Nagulat na lang ako nang biglang nawala ang cellphone na hawak- hawak ko. Hinablot pala ni Anding! Kailan pa siya nakagapang papalapit sa hinihigaan ko? Nakakunot ang noo at nagpascroll-scroll pa ang Lokaret.
"Sabi ko na nga ba eh, nang-iistalk ka na naman kay Johnny Bravo! Impyernes, maganda ang bago niyang girlfriend."
"Hindi kaya. Marami lang naiturok na gluta kaya maputi," mabilis kong saway.
"Na-jejellybeans ka lang eh. Heart react ko na ba picture nilang dalawa?"
"Ew, angry react mo."
"Got it!"
"Huy gaga! Biro lang 'yon. Baka sabihan pa akong bitter. Akin na nga 'yan!"
Agad niya namang isinuli ang cellphone ko. Nagulantang na lang ako nang makitang ini-angry react talaga ng bruha ang post ni Johnny na picture kasama ang girlfriend niya.
Dali-dali ko itong pinalitan ng like react at pagkatapos ay tinitigan ko muna ang gwapong mukha ng maylabs ko. Dinouble tap ko talaga para lang mazoom in ang mukha niya. Hay, ang hopyamanipopcorn ko talaga. Nang kampante na akong pagpikit ko ay siya pa rin ang makikita ko, inilagay ko na sa bulsa ang cellphone.
"Buhay pa ba 'yang si Vakla?" tanong ni Anding.
Wala sa isip kong nilinga ang nakahilatang si Amore sa tabi ko.
"Ewan ko."
Sinulyapan niya ito.
"Tadyakan mo nga kung gumagalaw pa."
Tinadyakan ko nang mahina.
"Positive. Humihilik pa."
Magkasabay kaming mahinang natawa.
Nang makaalis na ang mga kaibigan ko ay dumeretso na ako ng higa sa kama na pinagtulungan lang naming itulak sa sulok kanina. Dahil sa kalasingan ay hindi na ako naghilamos pa. Wala rin namang kwenta dahil hindi niya naman ako nakikita. Charing lang! Tinatamad lang talaga ako.
Dahil sa ayaw ko namang bangungutin, napabalikwas ako nang bangon para magdasal kay Godness.
"Godness, matutulog na ako. Sana paggising ko bukas, mahal na ako ng taong mahal ko. At 'yong taong mahal niya, nawa'y sulutin ng iba. Charing lang! Heto na talaga, Godness. Sana ay hindi ako bangungutin. Tsupe bad dreams!
Nagmamahal sa taong hindi naman ako mahal,
Tonya."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top