Chapter 5
"Aray!" sigaw ni Zafy nang itulak ko siya palayo sa akin.
Agad akong tumayo at pinagpagan ang sarili ko. Medyo nanginginig pa rin ako dahil sa pangyayari.
"Ang bigat mo!" reklamo ko habang sinusubukang hanapin yung switch ng ilaw.
Tumayo naman siya at binuksan na yung ilaw sa kusina.
"Bakit ka ba kasi tumatakbo? Asan yung multo?" tanong niya habang palinga-linga sa paligid.
"Ikaw!" turo ko sa kanya.
"Ako? Anong ako?" takang tanong niya.
"Akala ko multo ka! Bakit ba kasi may face mask ka pa, tapos puti pa!"
"Duh? Skin care?" sagot niya bago ako inirapan.
"Bakit kasi di mo binuksan yung ilaw?" tanong ko.
"Bakit hindi mo binuksan eh ikaw yung nauna dito?" pagbabalik niya ng tanong sa akin.
Binuksan ko na sana kung nakita ko, di ba?
"Eh hindi ko makita yung switch, eh! Ang puti kasi ng mukha mo akala ko white lady!" reklamo ko.
"Excuse me, hindi ko kasalanan na duwag ka," sabi ko bago naglakad papuntang ref para mag refill ng water jug niya.
"Hoy! Hindi ako duwag!" malakas na tanggi ko.
Natawa siya. "Ah, kaya pala namumutla ka pa rin hanggang ngayon," nakangising saad niya.
Nagulat ako sa sinabi niya. "Diyan ka na nga!" sabi ko at tumalikod na para iwan siya doon. Handa na akong lumabas nang may naisip akong kalokohan. "Casper!" tawag ko sa kanya.
"Anong Casper?" takang tanong niya.
"The friendly ghost," sagot ko sabay tawa ng malakas bago tuluyang lumabas ng kusina.
Dumiretso ako sa kwarto ko at agad na nahiga. "Napakatalino mo talaga, Night! Kamukhang-kamukha niya talaga si Casper," puri ko sa sarili bago ipinikit ang aking mata at natulog na ulit.
❁ ・ ❁ ・❁
"Good morning, Night! Kain ka na," masiglang bati ng mama ni Zafy sa akin nang lumabas ako ng kwarto. Nginitian ko naman siya at naupo na sa harap ni Zafy.
Tuloy-tuloy lang siya sa pagkain at hindi ako pinapansin. "Good morning, Casper," bati ko sa kanya. Tinignan niya lang ako ng masama.
Kumuha na ako ng pagkain matapos nun. "Mukhang close na kayo ng anak ko, ah!" puna ng nanay niya.
"Medyo lang naman po," sagot ko sabay mahinang natawa.
"Night, hijo, huwag ka sana magalit sa akin pero pwede ba humingi ulit ng pabor?" tanong ng nanay ni Zafy.
"Ma, nakakahiya ka!" suway ni Zafy sa ina.
"Mukhang okay lang naman kay Night, 'di ba?" baling sa akin ng mama niya.
Hindi.
"Aba, syempre naman po," pagsisinungaling ko.
"Ang bait talaga na bata! Sasamahan mo lang naman mamalengke si Zafy," sabi ng mama niya.
"Sige po," pagpayag ko.
"Salamat, Night," nakangiting saad ng mama ni Zafy. Tumango lang ako bago ipinagpatuloy ang pagkain.
Matapos kumain ay tumulong ako sa pagliligpit ng pinagkainan. Nag-abot ng listahan ang mama ni Zafy sa kanya at pinaalis na kami para maabutan pa daw namin ang magagandang tinda.
Itinuro sa akin ni Zafy ang daan papunta sa palengke at pasalamat na lang ako sa Diyos dahil pagkarating ay may mapaparkingan doon.
Nang makapark ako ay agaran kaming bumaba at naglakad papasok sa palengke. Nalula ako sa dami ng tao.
"Sumunod ka lang sakin," sabi ni Zafy.
"Yes, boss," sagot ko na sumaludo pa. Una naming pinuntahan yung stall ng parang mga condiments. Bumili lang siya doon ng mantika, sinigang mix, at asin.
Sunod naming pinuntahan yung stall ng mga isda. "Hi, Ate Linda!" bati ni Zafy dun sa tindera ng isda. Close sila, ah!
"Zafyra! Ang tagal mo rin hindi nagawi dito. Kamusta?" pangangamusta nung tindera sa kanya.
"Okay lang po. Naging busy lang sa school," sagot niya dito.
Napatango-tango ang tindera bago napunta ang tingin sa akin. Nginitian ako nito bago ibinaling ulit ang tingin kay Zafy. "Nobyo mo?" tanong nito.
Nanlaki naman ang mata namin parehas. "Nako, hindi po!" tanggi ni Zafy.
"Talaga? Sayang naman! Bagay pa naman sana kayo," saad nung tindera. "Kay gwapong bata, oh!" dagdag niya at napangisi ako. Tinignan naman ako ni Zafy at inirapan.
"Bagong houseboy namin siya, Ate Linda," sabi ni Zafy. Tinignan ko siya ng masama. Nginang babae 'to! Ang gwapo-gwapo ko para maging houseboy!
"Bili ka nga ng gulay doon," utos niya sa akin na itinuro ang stall ng mga gulay. Inabot niya ang listahan at pera bago ako itinulak papunta doon.
Tarantadang babae yun, ah! Inutus-utusan ba naman ako! Hindi ko siya bayaran ng upa dyan, eh!
Inis akong pumunta sa gulayan. Tinignan ko muna ang listahan. Kailangan daw ng sibuyas, kamatis, siling haba, labanos, okra, sitaw, at kangkong.
"Ang dami naman!" reklamo ko bago tignan ang mga gulay na nasa harapan ko. Tinignan ko ulit ang listahan at ang mga gulay na nasa harapan ko. Putris naman! Alin ba dito? Hindi naman kasi ako mahilig kumain ng gulay!
"Uhmm... excuse me? Kailangan mo tulong?" tanong ng isang babae sa gilid ko. Tinignan ko siya at nawala ang inis ko dahil nabighani ako sa ganda niya.
Maayos na nakaclip ang mahaba niyang buhok. Wala siyang kamakeup-makeup sa mukha pero napakaganda at fresh tignan. Ang puti at ang kinis rin. Talagang nakakapagtaka na sa ganda niyang yun ay namamalengke siya.
"Ah, oo. Nahihirapan kasi ako hanapin yung mga nandito. Baka rin kasi pangit yung mapili kong gulay," pag-eexplain ko.
"Tapos naman na ako mamili kaya tutulungan na kita," nakangiting sagot niya at kinuha sa akin ang listahan. Inabutan ko na rin siya ng pera. Nakatingin lang ako sa kanya habang namimili siya ng gulay. Napakaganda niya talaga at napakahinhin. Ganito talaga yung mga tipo ko, yung mga mala-Maria Clara.
"Ito na, oh," aniya habang inaabot sa akin ang plastik ng mga gulay.
"Salamat. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka," banat ko at natawa naman siya. Napakacute!
"Night," pagpapakilala ko sabay lahad ng kamay.
"Jen," sabi niya at kinuha ang kamay ko.
"Free ka ba bukas?" walang alinlangang tanong ko. Agad niyang binitawan ang kamay ko at natawa.
"Sorry, Night pero may boyfriend na kasi ako, eh," sagot niya at parang pinagsakluban ako ng langit at lupa.
"Ah, ganun ba? Hehe! Salamat ulit. Sige, goodluck sa inyo. Walang forever," sunod-sunod na saad ko. Tinawanan niya lang ako bago nagpaalam at umalis na.
"Ano?" sabi ni Zafy na nasa gilid ko na pala. Halos mapatalon ako dahil sa gulat. "Landi pa, noh?!" asar niya bago tatawa-tawang naunang maglakad palabas ng palengke.
❁ ・ ❁ ・❁
Agad kaming nakabalik ni Zafy sa kanila. Pagkapark na pagkapark ay tinulungan ko siya bitbitin ang mga pinamili.
"Ma! Nandito na kami!" tawag ni Zafy nang makapasok kami sa bahay nila.
"Ang bilis niyo naman atang makabalik?" sabi ng mama niya na kakalabas lang ng kusina.
"Tinulungan ako ni Night mamalengke kaya mabilis lang," sagot ni Zafy.
"Ganun ba? Nako, maraming salamat, Night, hijo ah!" nakangiting saad ng mama ni Zafy.
"No problem po," nakangiti ring sagot ko.
"Siya, akin na yang mga pinamili niyo para madala na sa kusina," sabi ng mama ni Zafy sabay lapit sa akin para kuhanin yung mga dala ko.
Nanguna na siya sa paglalakad papuntang kusina. Tinignan ko naman si Zafy na mukhang inis na inis dahil mga dala ko lang ang kinuha ng mama niya. Inis na lang niyang sinundan ito.
Naglakad naman ako papunta sa kwarto ko para makaligo at makapagbihis dahil ang pawis at ang dumi ko na pala. Kaya siguro ayaw sakin ni Jen. Ano ba yan!
"Bakit kaya walang epekto sa kanya mga pagpapacute ko? Hindi hamak naman na mas gwapo naman siguro ako sa boyfriend niya. Bwisit naman!" pagkausap ko sa sarili habang naalala ang pangrereject sa akin kanina.
Napagdesisyunan ko na lang na lumabas ng kwarto at magpunta sa labas. Tamang muni-muni lang naman. Nakakasawa naman kasi sa kwarto buong araw.
"Night! Halika dito!" tawag sa akin ni Zafy mula sa kusina. Agad ko siyang nilingon at nilapitan.
"Bakit?" tanong ko nang makalapit.
"Tulungan mo ko dito magluto, dali," utos niya.
"Ayoko nga!" tanggi ko.
"Dali na, para mas mabilis! Makikikain ka lang naman samin, edi tumulong ka na!" sumbat niya.
"Wow! Makasumbat ka naman parang di kayo ang nag-aalok sakin kumain!" inis kong sambit.
"Sige na, please?" pamimilit niya na magkahawak pa ang dalawang kamay. "Kailangan luto na yung pagkain bago dumating si mama, kundi lagot ako!" pagpapaawa niya.
Bumuntong-hininga ako. "Oo na!" pagsuko ko. "Ano bang gagawin?"
"Uhmm, eto!" sabi niya sabay abot ng container na may Tilapia. "Prituhin mo nalang 'to. Ako na sa Sinigang."
"Sus. Easy. Yan lang pala, eh. Akin na!" pagmamayabang ko bago hinablot ang container ng Tilapia.
Nakalagay na sa stove nila yung pan kaya binuksan ko na lang yung stove at hinintay na maging mainit yung kawali bago naglagay ng mantika. Hinintay ko maging medyo mainit yung mantika bago inilagay yung tilapia.
"Ouch!" sambit ko nang bigla na lang ako matalsikan ng mantika.
"Bakit?" tanong ni Zafy.
"Natalsikan ako ng mantika, eh!" reklamo ko.
Tinignan naman niya yung niluluto ko. "Hindi naman eh, OA ka lang," sabi niya at napaismid ako.
Itinuloy ko na lang ang pagpiprito. Okay pa naman. Tumatalsik-talsik kaunti pero hindi tulad ng kanina.
Nagkamali naman ako nang akala ko ay okay na ang lahat dahil nagalit na naman yung mantika at nagtatalsik ng malakas. Napaatras ako dahil natatalsikan na naman ako ng mantika. Naghanap ako ng pwedeng pagsangga at buti na lang nakakita ako ng payong.
Agad ko 'tong binuksan at ginawang shield. Ang hirap pala magluto ng isda! Ayaw ko pa kainin dati. Sorry na, Manang! Patawarin mo ako!
"Ano ba?!" angil ni Zafy nang hindi ko mamalayang natamaan ko na pala siya nung payong.
"Tumatalsik, eh! Ang sakit!" reklamo ko habang inaabot ng spatula yung isda dahil kailangan mabaliktad na yun. Nagulat naman ako nang matalsikan na naman ang kamay ko.
"Pano mo makikita yung niluluto mo kung may ganiyan ka diyan?!" sabi ni Zafy na nakaturo sa payong.
"Eh kesa naman matalsikan ako? Aww!" bwelta ko bago matalsikan na naman yung kamay ko!
"Ano ba yan, Night! Parang mantika lang eh!" sabi ni Zafy. "Isara mo na 'yang payong! Para ka namang tanga eh!" tatawa-tawa niyang saad.
"Huwag mo nga kong tawanan! Ikaw kaya matalsikan?" reklamo ko.
"Masusunog yung Tilapia diyan sa ginagawa mo eh! Tabi nga diyan!" sabi niya na tinabig ako at kinuha sa akin ang spatula. Ibinaliktad na niya yung isda para maluto yung kabilang side. Umatras naman ako habang nakahawak pa rin sa payong.
"Kalalaking tao, takot sa multo at mantika? Tsk tsk," iiling-iling na aniya.
"Ang yabang mo!" sigaw ko sa kanya.
"Ayyy!!" sigaw niya bago umatras dahil sa pagputok ng mantika. Napasigaw din naman ako dahil sa gulat. Malakas naman siyang tumawa nang makita ang reaksyon ko. Aba, p*nyeta! Ingudngod ko yung mukhang niyang kamukha ni Casper sa kawali, eh!
"Ang saya saya mong pinagtitripan ako eh, noh?" inis na tanong ko.
"Isara mo na 'yang payong!" utos niya. Sinunod ko naman at binalik na yung payong sa pinanggalingan nito. Tinignan ko pa ulit yung payong at may mga talsik-talsik siya ng mantika. "Dun ka na nga! Maraming salamat sa tulong!" sarkastikong aniya.
"You're welcome!" sarkastiko ko ring saad, hindi nagpapatalo. Lumabas naman ako at dumiretso sa kwarto ko.
Tinignan ko yung braso ko at nakita ang mga namumulang marka na nakuha ko mula sa talsik ng mantika. Pumasok naman ako sa banyo at lininis ang sarili.
Bwisit na babaeng yun! Kung alam ko lang na makikipagdigma ako sa kumukulong mantika, hindi na sana ako tumulong!
❁ ・ ❁ ・❁
"Anak, pagkatapos pala natin kumain, linisin mo yung sala. Ang alikabok na, eh," utos ng mama ni Zafy. Nasa hapag-kainan ulit kami at kumakain ng tanghalian.
"Sige, ma," pagsang-ayon ni Zafy.
"Patulong ka dito kay Night," dagdag ng mama niya. Ayos rin 'tong nanay ni Casper the friendly ghost, eh! Abuso, mader, ah!
"Ma, ang dami na nating pinagawa kay Night. Nakakahiya na," bulong ni Zafy na rinig ko pa rin.
"Pasensya na, Night. Pagod ka na ba?" tanong sa akin ng mama ni Zafy.
Gusto kong sabihing oo kaso kakainin naman ako ng konsensya kaya nginitian ko na lang siya at sinabing, "Hindi naman po."
"Ayun naman pala, Zafy, eh!" sabi ng nanay niya at sinanggi siya. Bumuntong-hininga na lang si Zafy.
Matapos kumain ay ganun nga ang nangyari. Si Zafy ang nagwalis at nagpunas ng sahig pati na rin ang nagpalit ng sapin nung sofa.
Ako naman ang nagdust at nagpunas ng mga muebles nila doon. Palagi akong nauubo at nadidikit na sa akin yung alikabok. Nagsisisi ako na naligo ako dahil mukhang kailangan ko na naman maligo ulit. Namiss ko bigla si Manang at ang mga kasambahay namin. Napakalaid back ng buhay ko sa bahay namin.
Hay, Night! Huwag ka nang malungkot dyan. Mas okay na yung ganito kaysa kay Tiya ka manirahan.
Buong oras na naglilinis kami doon ay hindi kami nagkibuan. Mukhang pinanindigan ni Casper ang pagiging multo dahil napakatahimik niya ngayon.
Napalingon lang ako sa kanya nang makita ko siyang may bitbit na maliit na ladder. Tutulungan ko na dapat kaso mukhang kaya na niya. Umakyat siya doon at sinimulan palitan yung mga kurtina nila.
Busy ako sa kakapunas ng bigla ko siya marinig na sumigaw.
"Ano ba yun?" tanong ko na binalingan siya. Hindi niya ako sinagot at sa halip ay nagpapapadyak lang dun. Uga na ng uga yung ladder na tinutungtungan niya.
Agad-agad naman akong tumakbo papalapit nang makitang parang nawawalan na siya ng balanse.
"AHHH!!!" sigaw niya nang tuluyan na siyang mahulog. Buti na lang ay nasalo ko kaagad siya bago pa siya bumagsak sa sahig.
Napakapit siya ng mahigpit sa batok ko. "Ano ba kasi yun? Hindi ka kasi nag-iingat!" sita ko. Hindi siya sumagot kaya tinignan ko siya.
Nakatingin lang siya sa akin nang parang nagulat. Kumunot ang noo ko dahil naguluhan ako sa itsura niya.
"A-ano kasi..." utal-utal niyang sambit. Saka ko lang napansin ang posisyon namin ngayon.
Nag-init ang mukha ko at nag-iwas ako ng tingin nang marealize na buhat-buhat ko siya kung paano buhatin ng mga groom yung bride nila kapag bagong kasal!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top