Chapter 3

"YES!! HINDI AKO MAGPAPAKALBO!!" sigaw ng isang babae na hindi ko malaman kung saan nanggaling.

"Sino yun?" tanong ko habang palinga-linga sa paligid. "Gabing-gabi na, nag-iingay pa."

"Wala yun. Pasok ka," sabi niya na nilakihan ang pagkabukas ng gate nila.

Walang alinlangan naman akong pumasok at sinundan siya papasok sa bahay nila.

"Ma! Pa! Halika!" tawag niya sa magulang niya nang makapasok kami. "Uhmm... sige mau–"

"Anak?" anang ng isang boses. Napalingon kami at nakita namin ang isang babae na sa tingin ko ay ang kanyang ina na hawak ang bibig at halos mangiyak-ngiyak. "Paano mo nagawa sa amin ito?!"

"Ha? Ma, anong pinagsasabi mo?" tanong ni Zafyra na nagtataka. Napakunot na rin ang noo ko sa inaakto ng nanay niya.

"Anak, naman! Saan kami nagkulang?! Sabihin mo! Saan?!" sigaw nito na umiiyak na ngayon. Nilapitan siya ni Zafyra at planong aluin pero tinabig nito ang kamay ni Zafyra.

"Ano bang kaguluhan ito?" tanong naman ng isang lalaki na kababa lang na sa tingin ko ay ang ama ni Zafyra.

"Si Zafy," saad ng ina ni Zafyra. Nanlaki lang ang mata ng ama niya nang makita ako.

"Zafy, anak, Bakit?" tanong ng tatay niya. Nagulat naman ako nang bigla na lang akong sinugod at hinawakan ang kwelyo ng damit ko. "Panindigan mo ang anak ko! Napakarami pa naming pangarap para sa kanya pero sinira mo!"

"Pa! Saglit! Ano ba?!" sigaw ni Zafyra na pilit tinatanggal ang pagkahawak ng ama sa kwelyo ng damit ko. "Ano bang problema niyo?!"

"Anak naman! Bakit ka nagpabuntis?" sabi ng ina ni Zafyra at saka nanlaki ang mata naming pareho.

"Hindi ako buntis!" sabi ni Zafyra bago napabagsak sa sahig dahil sa sobrang tawa. Medyo natatawa-tawa na rin ako habang pinagmamasdan ang mukha ng kaniyang mga magulang. "Ang OA niyo! Hahaha!"

"Eh, sino ba kasi 'to?!" tanong ng tatay niya sa kanya na dinuro pa ako.

"Kumatok po kasi siya sa gate natin. Uupa daw siya. Ang OA ng mga tao dito! Hahaha!" sabi niya na natatawa ulit.

"Bakit kasi hindi mo sinabi agad?" Tanong ng nanay ni Zafyra sa kanya.

"Nag-assume po kasi kayo agad, eh kaya ayun," sagot niya na medyo nakarecover na mula sa pagkatawa.

"Halika na nga, hijo. Iwan mo na yung baliw kong anak diyan!" sabi ng tatay ni Zafyra. Tinignan naman siya ng masama ni Zafyra at tinawanan lang siya ng ama.

"Ano ngang pangalan mo ulit, hijo?" Tanong ng nanay ni Zafyra habang paupo kami sa dining table nila.

"Night po," sagot ko at napatango-tango lang ang mag-asawa.

"Pagpasensyahan mo na si Zafy ah! May kabaliwan ring taglay 'yang kaisa-isang anak naming 'yan," sabi ng nanay ni Zafyra sa akin.

"Ako pa talaga ang baliw. Wow, ah! Sinong OA na inakalang buntis ako dahil may kasama akong lalaki?" sabi ni Zafyra at natawa lang ang kanyang ina.

"Kulang ka lang sa matamis, anak. Pampakalma," sabi ng tatay niya at saka siya inabutan ng chocolate. Nagliwanag naman ang mukha ni Zafyra at sinimulang kainin yun.

Napabuntong hininga na lang ako dahil nakakainggit ang pamilya na mayroon si Zafyra.

"Gaano ba kalaking kwarto ang rerentahan mo, Night?" Tanong ng nanay ni Zafyra sa akin.

"Yung pinakamaliit lang po siguro. Yung pang-isahan lang po sana," sabi ko at napatango-tango naman ito.

"Magkano nga ulit yun, Zafy?" tanong ng nanay niya sa kanya.

"Uhmm... 3,500 per month. Libre kuryente, tubig, at pa-connect sa wifi," sabi niya na busy pa rin sa pagkain ng chocolate.

"Okay lang po ba kung bukas na yung unang payment ko?" tanong ko sa nanay ni Zafyra at um-oo naman siya.

"Zafy, 'nak, hatid mo si Night sa kwarto niya," utos ng papa ni Zafyra sa kanya.

"Hindi ka ba natatakot para sa akin, pa? Lalaki siya at ihahatid ko siya sa kwarto niya. Nag-iisip ka pa ba?" saad ni Zafyra at binatukan lang siya ng tatay niya. "Pa naman!"

"Wala naman paniguradong gagawing masama sayo si Night," sagot nito at inirapan lang siya ni Zafyra. "Kung may gawin man siyang masama sayo, sumigaw ka lang," bulong ng tatay niya sa kanya na rinig na rinig ko naman.

Ang jajudgemental naman nitong mga 'to! Babaero ako pero hindi naman ako rapist!

Tumayo lang si Zafyra at naglakad papunta sa hagdan. Sinundan ko lang siya hanggang sa makarating kami sa isang pintuan. Binuksan niya iyon at tumambad sa akin ang isang kwarto na halos walang kalaman-laman. May bed frame naman pero parang walang matress.

"Saglit lang ah! Papakuha ko lang kay papa yung matress," sabi niya na parang nabasa ang laman ng isip ko at naglakad palayo.

Pumasok naman ako sa loob ng kwarto at tinignan ang bawat sulok. Malayo siya sa kwarto ko pero okay na siguro 'to. Sa ngayon ay kailangan ko lang makalayo.

Napabuntong-hininga na lang ako bago naglakad papunta sa upuan sa gilid ng kwarto. Basta na lang akong sumalampak doon at sinubukan magpakakomportable.

Hindi ko namalayan na habang naghihintay ay nakatulog na ako sa sobrang pagod.

❁ ・ ❁ ・❁

"P*ta!" malakas na mura ko nang magising ako sa pagring ng telepono ko. Inis akong naupo ng maayos at minasahe ang leeg ko. Bakit ba ako nakatulog sa upuan?! Wala man lang ding gumising sa akin!

Una kong napansin ang kama. Maayos na siya at may mattress na, hindi tulad kagabi na bed frame pa lang ang naroon. Hinablot ko ang cellphone ko mula sa study table katabi ng upuan. Napailing-iling ako nang makitang si Morgon ang tumatawag. "Oh?" pagsagot ko.

"Rise and shine, fafi Night! Musta tulog? Okay ba? Nagshare ba kayo ng kama ni Zafyra kagabi?" sunod-sunod na pag-uusisa niya. Napakalakas ng boses! Mas lalo pa yatang sumakit ang ulo ko dahil sa kanya.

"G*go! Walang nangyaring ganun," depensa ko.

"Sayang!" sabi niya at inismiran ko lang siya.

"Maliligo pa ako. Ibaba mo na," utos ko.

"Pasilip naman," biro niya.

"Kadiri ka!" sigaw ko bago ipinatay ang tawag. Binato ko ang cellphone ko sa kama bago minasahe ang sentido.

Hindi rin nagtagal at pumasok na ako sa banyo para maligo. Hindi ako gaano nagtagal dahil baka malate pa ako kapag masyado kong binuhos ang oras sa paliligo. Matapos nun ay nagbihis na ako at humarap sa salamin para magsuklay at maglagay ng wax sa buhok ko.

"Iba ka talaga, Night! Mas fresh ka pa sa umaga," sabi ko na kinakausap ang sarili sa salamin habang nagsespray ng pabango. Nang matapos ay kinuha ko ang bag ko at lumabas na ng kwarto. Saktong pagkalabas na pagkalabas ko ay bumungad sa akin si Zafyra na kakababa lang ng hagdanan.

Nakauniform na rin siya tulad ko at nakabraid sa itaas ang mahaba niyang buhok.

"Oh, nakatulog ka ba ng maayos?" tanong niya.

"Ayos naman. Masakit lang yung leeg ko, nangawit eh," sagot ko na inistretch ang leeg ko.

Di na siya sumagot at sa halip ay nanguna maglakad. Sumunod ako sa kanya. Nagulat ang mama niya nang makita kaming sabay na naglalakad.

"Oh, parehas pala kayo ng eskwelahan?" gulat na tanong ng mama niya. "Magkakilala ba kayo?"

"Hindi, mama. Sa ibang strand ata siya, eh," sagot ni Zafyra. "Di ba?" baling niya sa akin.

"Ah, opo. ABM po ako kaya di po kami nagkikita sa school," sagot ko na nakatingin sa mama niya.

"Oh, siya, Night, sabayan mo na kami magbreakfast dito bago kayo pumasok ng school," pag-aaya ng mama ni Zafyra sa akin.

Napatitig ako sa mga pagkain na nakahain sa mesa. Lahat yun ay masasarap kaso nakaramdam ako bigla ng hiya. Sa totoo lang ay wala talaga akong plano magbreakfast.

"Nako, huwag na po, okay lang," tanggi ko.

"Sige na, maupo ka na dito," pamimilit ng mama ni Zafyra. Kinuha pa ang kamay ko at iginiya papunta sa dining table.

Naupo na rin si Zafyra sa harap ko at sinimulan na ang pagkain.

"Ah, Night," tawag sa akin ng mama ni Zafyra habang nasa kalagitnaan kami ng pagkain.

Tinignan ko siya. "Ano po yun?" tanong ko.

"Sa iyo ba yung kotse na nasa labas ng bahay?" tanong niya.

"Ah, opo. Sa akin po yun," sagot ko.

"Mukhang mamahalin ang sasakyan mo, hijo ah!" manghang sambit niya. "Nagulat ako kanina na may sasakyan sa labas, akala ko kung kanino, sa iyo pala! Sabagay, mukha namang may kaya kang bata ka."

"Mama," suway ni Zafyra sa kanya. Mahina naman akong natawa.

"Oh, bakit? Hindi lang ako makapaniwala kasi ngayon lang ako nakakita ng ganoong sasakyan, tapos ang may-ari ay kasing edad mo pa," sabi ng mama ni Zafyra sa kanya. Tipid akong ngumiti. Kung tutuusin, mas mahal pa ang sasakyan ko talaga kaysa sa ginagamit ko ngayon.

"Ah, Night, pwede bang humingi ng pabor?" tanong sa akin ng mama ni Zafyra. "Pwede mo bang isabay papasok si Zafy? Para hindi na siya magcommute."

"Mama!" suway na naman ni Zafy sa ina. "Hindi na! Magcocommute na lang ako!"

"Sure po," nakangiting sagot ko. "Isasabay ko na po si Zafy sa akin."

"Nako, salamat, hijo!" tuwang-tuwang aniya ng mama ni Zafy.

"Mama, sabing huwag na, eh!" pagmamaktol ni Zafy.

"Huwag ka nang umangal, Zafy dahil hindi kita bibigyan ng pera pangcommute mo ngayon," sabi ng mama niya sa kanya.

"Yung first payment ko po pala, mamaya na lang pagkauwi ko from school. Dadaan po muna ako sa bangko para kumuha ng pera," wika ko.

"Walang problema, Night!" pagpayag ng mama ni Zafy.

"Mama, di ka nag-aalala na tatakbuhan tayo niyan?" tanong ni Zafy sa nanay niya. Palihim ko naman siyang inismiran.

"Ano ka ba naman, Zafy! Hindi naman tayo tatakbuhan niyan ni Night. Sure ako dun," sagot ng nanay niya sa kanya.

"Same school lang naman tayo, Zafy. Hindi kita matatakasan," sabi ko.

"Siguraduhin mo lang!" pagbabanta niya. Pareho naman kaming natawa ng mama niya.

Nagpatuloy lang kami sa pagkain matapos nun. Nang matapos ay sabay kaming lumabas ni Zafy at ng mama niya.

"Mag-ingat kayo papasok, ah! Salamat uli, Night!" sabi ng mama ni Zafy.

"No problem po," nakangiti kong sagot.

"Oh, siya, pumasok na kayo at baka ma-late pa kayo! Mag-ingat, ah! Mag-aral ng mabuti!" paalam niya sa amin. Hinalikan niya ang pisngi ni Zafy at kumaway sa akin bago pumasok sa loob ng bahay nila.

"Tara na," aya ko kay Zafy.

Nanguna siya ulit sa paglalakad. Pinindot ko naman ang alarm para mabuksan ang sasakyan. Akmang bubuksan niya ang pintuan sa likod nang sinabi kong, "Bakit diyan ka uupo? Ano ako, driver mo?"

Napailing-iling ako. "Dito ka sa shotgun seat," sabi ko na binuksan ang pintuan sa shotgun seat. Walang ano-anong umupo siya doon at pinagsarahan ko na siya ng pinto. Umikot naman ako papunta sa driver's seat.

Agad kong binuksan ang makina at pinaandar. Walang nagsalita sa amin sa buong byahe. Diretso lang ang tingin ko sa daan at iniiwasan na tignan siya. Napakaawkward! Hindi ko rin naman alam kung anong sasabihin dahil hindi nga kami close.

Nakarating din kami agad sa school. Pagkaparadang-pagkaparada ko sa sasakyan ay akmang lalabas na agad siya.

"Salamat," sabi niya bago buksan ang pintuan.

"Saan pala tayo magkikita mamaya?" tanong ko at natigilan siya sa akmang pagbaba.

"A-anong– Bakit?!" gulat niyang tanong.

Napakunot ang noo ko. "Sabay tayong uuwi, di ba? Kasi di ka binigyan ng pera pangcommute," sagot ko.

"Hindi na! Kaya ko na!" tanggi niya.

"Sige na, I insist. Baka magalit pa sa akin mama mo kapag pinabayaan kita," sabi ko at bumuntong-hininga siya.

"Fine," pagsuko niya bago tuluyang bumaba. Natawa naman ako bago bumaba at nilock ang kotse.

"Dito na lang sa parking ulit mamaya, ah!" sabi ko na sinasabayan siya maglakad.

"Sige, si–"

"Zafy!" tawag ng isang babae sa kanya. Parehas namin siya nilingon. Nanlaki ang mata nung babae at napahawak sa bibig.

"Fafi Night!" tawag ni Morgon mula sa likuran. Napapikit na lang ako sa inis.

"Bakit sabay kayo pumasok?!" malakas na tanong nung kaibigan ni Zafy.

Nagpapalit-palit naman ng tingin sa amin si Morgon. Napahawak pa sa dibdib bago sumigaw ng, "Ipinagpapalit mo na ba ako?!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top