VIII.

CHAPTER EIGHT

NATUTUWA ako sa meeting namin. Unang araw ko pa lang, pero nasubukan agad ang utak ko.

"Miss Guzman."

Napaigtad na naman ako nang tawagin ni Sir Jayden ang pangalan ko.

"Po?"

"What do you think is the problem with the previous covers of Shining Pages?"

Sa akin talaga nagtanong?

"Um..." Naalala ko 'yong nahawakan kong mga pocketbook mula sa shelf kanina. "Una sa lahat, may mga mambabasa na ayaw nilang nakakakita ng mga mukha o portrayer sa cover dahil nakakasira raw 'yon ng imahinasyon nila. Although, naging trademark na ng Shining Pages ang book covers nila para sa mga regular imprint, hindi ko maramdaman na personalized ang mga cover na 'yon. Halimbawa, may nabasa akong nobela na 'yong nasa cover, may hawak na ice cream iyong babae. Pero wala namang eksena na kumain ng ice cream ang mga tauhan sa kwento, anong iisipin ng reader? Lalo naman na ang writer. Malamang mapapakunot-noo siya kahit ga'no pa kaganda sa mata ang kulay at fonts."

Nakita kong tumango si Nikki.

"Hindi lang 'yon. Recycled din ang images. May higit sa dalawang writer ang pare-pareho ng portrayer sa book cover. Nagkakaiba lang ng kulay at pamagat. Iisipin ng reader at writer na tinitipid ng publishing company ang pabalat ng mga libro nila."

"Sadly, wala kaming control do'n," sabi ni Peachy. "Nag-aapruba lang kami ng titles, synopsis, at catchphrases."

"Siguro hindi naman kalabisan kung hingan natin ng inputs and suggestions ang mga writer ng naaaprubahang manuscript? Uso naman na ang minimalism ngayon. Kahit isang significant na bagay lang mula sa nobela na ang mailagay sa cover, pwede na." Hay, ang dami kong sinabi.

"May point naman si Pollen, sajang-nim," sabi ni Peachy. "Iyong mga publishing company na nagpu-publish ng local webnovels, pangmalakasan 'yong cover nila. Mas pricey ang mga libro nila, pero patok na patok. Pero siyempre, malaki ang ambag ng online presence ng mga writer n'on do'n."

"Let's see," sabi ni Sir Jayden. "I want you to pick up a couple of old novels and make cover drafts for approval. Can you have them ready by tomorrow?"

Bukas agad?

"G-O here will help you."

Kumaway at ngumiti sa akin si G-O na nakaupo sa tabi ni Madilyn na napapagitnaan namin.

"Haja."

"Kaya mo 'yan," bulong sa 'kin ni Peachy.

Ngumiti na lang ako.

"Sure, sajang-nim."

"UNANG araw mo pa lang sa trabaho, binigyan ka agad ng assignment ng boss mo?" tanong ni Tatay.

Nakaupo ako sa sofa pagkatapos ng hapunan. Nagbaon ako ng dalawang pocketbook at sinimulan kong basahin 'yon pag-uwi ko.

"Ayos lang, 'Tay. Pogi naman siya," sagot ko, sabay lipat ng pahina.

"O... Baka bukas, taken ka na. Ituloy mo lang 'yan, anak."

Hindi man lang tinanong ni Tatay kung may asawa na o wala ang bago kong boss. Ibang klase.

"Magdilang-anghel sana kayo, 'Tay," sabi ko na lang.

"Matulog ka na pagkatapos mo riyan."

"Sige po. Good night po."

"Good night, 'nak."

Umakyat na si Tatay sa taas.

Mayamaya pa, ibinaba ko ang pocketbook at kinusot-kusot ang mga mata ko. Napabuntong-hininga ako pagkatapos.

Muling bumalik sa alaala ko ang mga mata ni Sir Jayden. Gano'n lang ba talaga ang mga mata niya? Kung ano o sino man ang nagpalungkot sa kanya, mukhang mabigat ang naging epekto n'on sa kanya.

Kinuha ko ang phone ko at kinunan ng picture ang likuran ng pocketbook. Ipinadala ko iyon kay G-O sa messaging app pati ang ibang detalye sa book cover.

"MUKHANG puyat ka," sabi ni Diether nang mag-agahan na kami.

"Cute pa rin naman," napahikab na sagot ko.

"Naloko na," pakli niya.

"Binigyan agad ako ng assignment ni Boss, e. Mukhang hindi siya mahilig magsayang ng oras." Napalatak ako. "Mahirap bang i-please si Boss?"

"Hmm..." Napahimas sa baba niya si Diether. "Medyo. Ayaw niya ng hindi nasusunod bawat detalye ng ipinag-uutos niya. Bakit sa tingin mo, nagtagal ako bilang empleyado niya?" may pagmamayabang pang tanong niya.

"Dahil sinungaling ka?" walang gatol na tugon ko.

"Bastos 'to, a."

"O, ano na naman 'yan?" tanong ni Tatay nang pumasok na rin siya sa ng kusina.

"Nagawa ko na po ang kape n'yo, 'Tay," sabi ko naman.

"Bakit isang tasa lang 'to? Hindi ba kayo magkakapeng dalawa?" tanong ni Tatay pagkaupo niya.

"Sa opisina na lang po," sagot ko naman.

PAGKAHATID sa 'kin ni Diether, nakita ko agad si G-O na nakikipag-usap sa security guard sa lobby.

"O," manghang anas ko. "Ang aga mo, a." Tumingin ako kay Manong Guard. "Magandang umaga po."

"Sabi mo, huwag akong ma-late," sagot naman ni G-O at tumayo sukbit ang backpack niya. "Joheun achim, Pollen-a."

Bagong ligo naman siya, pero iyong mga mata niya, mukhang inaantok pa rin.

"Magaling," sabi ko na lang.

"Halika na. Gutom na 'ko." Napahawak pa siya sa tiyan niya at painosenteng ngumisi.

Sumunod ako sa kanya nang tumungo na siya sa hagdan.

"Hindi ka nag-almusal?"

"Hindi. Nagmadali ako kanina. Ayokong magalit ka sa 'kin kapag na-late ako nang isang minuto."

Napasimangot ako.

"Mangonsiyensiya ba?"

PAGDATING namin sa lounge, gumawa agad ako ng kape. Naupo naman si G-O at binuksan ang laptop niya.

"Matanong nga kita," sabi ko mula sa counter. "Ano pa ang pinagkaabahalan mo? Marami kang raket?"

"Kung kailan naman nangako akong hindi kita liligawan, saka ka naman naging interesado sa 'kin," sa halip ay sabi niya at pinalitaw ang dimple niya.

"Kinikilabutan ako. Itigil mo 'yan," nakangiwing pakli ko.

"Sinong type mo? Si Jayden-hyung?"

"Ha?" Saglit akong natigilan. "'Yong trabaho mo ang tinatanong ko, 'di ba?"

Nagkibit-balikat siya at ngumisi.

"Nagmo-model. Minsan, nagbebenta ng aliw kapag gipit na."

"Ano?" napalakas na bulalas ko.

"Nagbebenta ng aliw. Entertainer." Tumikhim siya. "Kumakanta ako minsan."

"Saan?"

"Sa banyo. Do'n ako pinupuntahan ng mga customer."

"Alam mo, magutom ka riyan."

"Sa bar. Ikaw naman." Bahagya siyang tumawa. "Kilala mo si Jace Lee?"

"Jace Lee? 'Yong international singer na si Jace Lee? Huwag mong sabihing magkaibigan kayo?"

"E, di huwag." Itinuon na niya ang tingin niya sa laptop.

Iniwan ko saglit ang nakasalang na kape at sinamahan siya sa mesa.

"Hindi nga?" sabi ko at nagtaas-baba ng kilay.

"Kapatid siya ni Jayden-hyung."

"Hmm?" Napakurap ako.

Kinuha ko ang cell phone sa bulsa ko at naghanap ng picture ni Jace Lee sa internet. Nanlalaki ang mga matang napatingin ako kay G-O.

"Dahil magkahawig sila, maniniwala ako sa 'yo."

"Kung pinapanood mo ang mga video niya, makikita mo 'kong pakalat-kalat minsan."

"Ah."

"Alam kong mas gwapo ako sa kanya, pero—"

"Mukhang okay na 'yong kape," sabi ko at tumayo bigla.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top