VII.

CHAPTER SEVEN

PIGIL ang ngiti ko nang lumabas ako ng opisina ni Sir Jayden. Agad lumapit ang tatlo sa 'kin. Excited sila. Ang akala ko, tatanungin nila 'ko kung natanggap ba ako. Pero ang laman ng tasang hawak ko ang una nilang tiningnan.

"Hala, naubos niya," napasinghap na sabi ni Nikki.

"Oo nga. Simot na simot," sabi naman ni Madilyn.

"A-ang alin?" nagtatakang tanong ko.

"Tanggap ka na, 'no?" tanong naman ni Peachy.

Nalilitong tumango ako.

"Oo, pero anong..."

"Ikaw na talaga, Pollen. Congrats." Napahagikhik si Peachy. "Hindi na natin kailangang magturuan kung sino ang magtitimpla ng kape ni Sajang-nim."

"Oo nga," sang-ayon nina Nikki at Madilyn.

"Binabati ka namin, Pollen," sabi pa ni Nikki. "To be fair, masarap naman talaga ang ginawa mong kape kaya hindi nakapagtatakang naubos ni Sajang-nim."

"Salamat. Sana magtagal ako. Tulungan n'yo 'kong gawing maayos ang trabaho ko."

"Sige. Kaming bahala sa 'yo." Kumindat si Peachy.

Napangiti ako.

"Dadalhin ko muna sa pantry 'to."

Nadatnan ko si Diether na kumakain ng cup noodles. Nandoon pa rin si G-O.

"Kumusta?" tanong niya.

"Okay na," pakibit-balikat kong sagot.

Napatingin siya sa tasang hawak ko.

"Naubos ni Boss ang kape niya?"

Tumango-tango ako.

"Himala."

Napakunot-noo ako.

"Anong meron?"

Nagkatinginan sina Diether at G-O.

"Neoeui keopi neomu masisseo."

Ano raw?

"English, please."

"Sabi ko, cute ka." Nagtaas-baba ng kilay si G-O.

"Sabi ko, English." Dinala ko na ang tasa sa lababo sa likod ng counter.

Pinagmasdan ko ang tasa na ginamit ni Sir Jayden. Bakit kaya parang big deal sa kanila na naubos niya ang kape niya?

"MARAMI kaming editors dati, pero isa-isa kaming nag-quit no'ng magbago na nang tuluyan ang sistema. Iyong natira, mga mas bata at baguhan pero mukhang hindi naman alam ang ginagawa nila," kwento ni Peachy. "Kaming tatlo ang bumalik sa opisina. Iyong iba, nag-a-outsource na lang. Iyong isang senior editor naman namin, nasa ibang kompanya na."

"Anong nagpabalik sa inyo?" tanong ko naman.

"Ang pogi kasi ni Sajang-nim. Tingnan mo naman." Bahagyang napanguso si Peachy nang tumingin sa direksiyon ng opisina ni Sir Jayden.

Natawa ako.

"Ayaw na sana namin, e," sabi naman ni Nikki mula sa mesa niya. "Kaso, kinilala ni Sajang-nim ang mga tao sa likod ng bawat lumalabas na libro at kung ga'no kahalaga ang papel ng mga editor sa pagpapaganda ng mga akda ng bawat manunulat." Inilagay niya ang mga kamay sa tapat ng dibdib niya at bumuntong-hininga. "Gusto niyang bumalik lahat ng mga beteranong editor. Kaya heto kami. Kaso, gustuhin mang bumalik ng iba, nakahanap na sila ng bagong kompanya."

Sabay silang napatingin sa mga laptop nila nang mag-beep iyon.

"May meeting daw tayo mamayang alas-tres," sabi ni Peachy. "Ibigay mo sa 'kin ang Konek ID mo para maidagdag kita sa groupchat natin. O kaya gumawa ka muna kung wala ka pa."

"Sige." Inisod ko palapit ang laptop sa 'kin.

"Bale ngayon, ituturo ko muna sa 'yo kung pa'no kami nagla-layout ng manuscript. Pero unahin mo na muna 'yan. Mabilis lang naman 'yan."

"Salamat!"

Ang tiyaga ni Peachy sa 'kin. Bakit kaya nasabi ni Diether na mangkukulam siya?

"Anong meron sa inyo ni Diether?"

Matalim niya akong tiningnan.

"Wala," walang gatol na sagot niya.

"Pasensiya na sa tanong ko," sabi ko naman at alanganing ngumiti.

"Wala 'yon." Magiliw na uli siyang nakangiti sa 'kin.

"HETO ang company card. Dapat by twelve noon, nandito na ang lunch natin. Kasama na riyan 'yong kay Sajang-nim."

Napatitig ako sa card na inilagay ni Madilyn sa kamay ko.

"Mag-shawarma rice tayo ngayon," mungkahi ni Nikki.

"Uy, bet," sabi naman ni Peachy.

"Nililibre ni Boss lahat ng department?" manghang tanong ko.

"Tayo lang. Kasi 'yong responsibilidad sa accounting at HR, siya rin ang gumagawa. Mukhang wala pa siyang balak mag-asawa any time soon."

"Ah."

"Wala pa siyang girlfriend."

"Ha?" napamaang na sabi ko.

"Baka lang gusto mong itanong at nahihiya ka lang." Nginisihan ako ni Peachy.

"Gusto kong magtagal sa trabaho," sabi ko naman. "Pati ba si Diether isasama ko?"

"Oo, pero pakisabi sa resto na dagdagan ng lason 'yong kanya."

"Iba rin kayong magmahalang dalawa."

"Sinabi mo pa," nakaismid na pasakalye niya. "Kimbap naman kay Boss. Okay na siya ro'n. Ah, huwag mong kalimutan. Sa Pandalamon app ka um-order. Maraming discounts diyan."

"Sige."

SA LOUNGE uli kami nananghalian. Si Sajang-nim naman, doon sa opisina niya kumain. Sinamahan siya ni Diether. Nang matapos kaming kumain, nanood sila ng TV habang ako, tiningnan ko naman ang mga naka-display na libro sa malaking shelf.

Sa totoo lang, malaki ang naging ambag ng Shining Pages sa buhay ko. No'ng high school ako, madalas kaming nag-iipit ng mga kaklase ko ng mga pocketbook sa textbook para lang hinid mahuli at makumpiska. 'Tapos, palitan kami kapag tapos nang magbasa.

Kaso ng lang, hindi na sila katulad ng dati.

Humugot ako ng dalawang pocketbook sa mga shelf. Napakunot-noo ako nang makita ko ang book covers.

NAPASUNOD ang tingin ko kay Sir Jayden nang tuloy-tuloy siyang pumasok sa silid ng department ni G-O na nagsilbi ring conference room tuwing may meeting. (Hindi lang si G-O ang cover artist pero siya lang ang madalas mag-report sa opisina kahit may iba pa itong trabaho.)

Grabe. Kahit walang sabihin si Sajang-nim, makukuha niya ang atensiyon ng kahit sino.

"Ako muna ang magre-record ng minutes ng meeting ngayon," pabulong na sabi sa 'kin ni Peachy habang binubuksan niya ang laptop niya. "Sa ngayon, enjoy-in mo muna ang pagtitig kay Sajang-nim. Biro lang."

Mariin ko na lang na pinaglapat ang mga labi ko.

"Good afternoon, everyone," umpisa ni Sir Jayden. Tumayo siya sa gitna at namulsa. "We have already secured a booth for the upcoming international book fair."

Napahagikhik sina Peachy, Nikki, at Madilyn.

"Wow, exciting!"

"Nakaka-miss dumalo ng book fair," ani Nikki.

"We're back!" sabi naman ni Madilyn at nag-high five ang mga ito.

"Peachy, what happened during our last meeting?"

"Um, last time, we came up with new names for our imprints." Sa akin nakatingin si Peachy habang sinasabi iyon. "Ginagawa na nina G-O ang logos at ready na dapat ang mga 'yon sa katapusan ng buwan. Para sa Young Adult at Fantasy categories, Collywoobles. Sa New Adult at Romance naman, Vanilla Heart. Sa matured and erotic category, T&T which stands for Tickles & Tingles."

Tumango si Sir Jayden.

"Thank you. This afternoon, we are going to discuss about the possible changes in our book specifications and raw materials to meet the market preference." Tumikhim siya at umupo sa kabisera ng mahabang mesa.

Hindi ko na naman mapigilang pagdikitin ang mga labi ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top