VI.
CHAPTER SIX
"AKIN NA," sabi ni Diether pagpasok niya ng lounge.
"Heto na." Bahagya kong iniisod ang tasa sa counter.
"'Yong resumé mo?"
"Heto." Kinuha ko 'yon sa tabi ng coffee maker.
"Sige. Babalikan na lang kita mamaya kapag handa na siyang interview-hin ka."
Tumango ako.
"Salamat."
Napalingon si Diether kay G-O matapos niyang kunin ang kape at resumé ko.
"Huwag mong liligawan 'to, ha," sabi niya.
Ngumiti naman si G-O.
"Ne. Arasseo," sagot nito.
"Abutsikik." Umalis na si Diether.
"Samahan mo 'ko," sabi ni G-O sa 'kin.
Lumapit naman ako kasi hindi naman pwedeng doon na lang ako sa counter.
"Boyfriend mo si Diether-hyung?" tanong niya pag-upo ko sa tapat niya.
"Hindi."
"Buti naman. Hindi kayo bagay."
Natawa ako.
"Ilang taon ka na?"
"Twenty-nine," sagot ko naman.
"Oh? Talaga? Anong buwan ka ipinanganak?"
"August."
"Gano'n ba? Mas matanda lang pala ako sa 'yo ng tatlong buwan. Pero huwag kang mahihiya sa 'kin, ha. Sabihin mo lang kung nahihirapan ka rito."
"Babaero ka ba?" hindi napigilang tanong ko.
Halatang nagulat siya sa tanong ko. Pero ngumiti siya at umiling.
"Hindi, a. Pero lapitin ng mga babae, oo. Hindi ko sila sinasadyang saktan, pero hindi ko pwedeng tanggapin nang sabay-sabay ang mga puso nila. Hindi ako octopus."
Nagdududa ko siyang tiningnan.
Bumuntong-hininga si G-O. "Sige. Dahil para mo na 'kong kuya, hindi kita liligawan para hindi ka mailang sa 'kin. Okay ba 'yon?"
"Madali kang kausap," manghang sabi ko.
Malapad siyang ngumiti.
"Galingan mo, ha. Para madalas na tayong magkita."
Ilang babae na kaya ang napaiyak ng engot na 'to?
"ANG TIGAS ng ulo mo, sinabi nang huwag mo siyang liligawan," sabi ni Diether nang bumalik siya sa lounge.
"Hindi niya 'ko type, hyung," sabi naman ni G-O. "Ang bata mong naging ama, ha."
"Hoy." Pinamaywangan ito ni Diether sandali bago bumaling sa 'kin. "Halika na. Tawag ka na ni Boss."
"Fighting," sabi naman ni G-O sa 'kin habang nakakuyom ang kamao niya.
Alanganin naman akong ngumiti at saka tumayo.
"Nakilala mo na ba ang mga editor dito?" tanong ni Diether nang mapadaan kami sa cubicle ng mga editor.
"Oo."
Napatingin ako kina Peachy. Nakangiti sila sa 'kin. Ngumiti rin ako kahit kinakabahan.
"Galingan mo," sabi naman ni Peachy at pagkatapos ay umirap kay Diether.
Nang tumingin naman ako kay Diether ay gumanti siya ng simangot.
"Ano 'yon?" pabulong kong tanong nang makalampas na kami.
"Galit ako sa mangkukulam," sagot naman niya. Nang nasa pinto na kami ay bigla niyang hinampas ang mga balikat ko.
"Ara—"
"Boss," tawag niya at ngumiti.
Mula sa binabasa ay nag-angat ng tingin ang lalaking nakita ko kanina. Hayan na naman ang mga mata niya. Napalunok ako nang wala sa oras.
Umayos siya ng upo at iminwestra ang bakanteng upuan sa tapat ng mesa niya. Grabe, wala naman siyang sinasabi pero nanginginig na agad ang tuhod ko. Parang ayokong tumuloy.
"Dali na," bulong sa 'kin ni Diether at bahagya akong itinulak.
"Mamaya ka sa 'kin," nakangitngit na sabi ko nang lingunin ko siya.
Ngumiti si Diether at sinenyasan akong pumasok na.
Huminga ako nang malalim at naglakad papalapit sa mesa ng boss.
"Good morning," bati ko.
"Please have a seat."
Nagulat ako sa boses niya. Buo pero hindi bilog. Maganda at lalaking-lalaki.
"Thank you," tugon ko at naupo.
Ang resumé ko pala ang binabasa niya. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Parang nakalimutan ko kung paano huminga.
"Miss Guzman."
Napaigtad ako nang tawagin niya ang pangalan ko. Maging siya ay parang nagulat din.
"I-I'm sorry for that," sabi ko. Nasobrahan ba 'ko sa kape?
"It says here that you are a part-time model."
Namilog ang mga mata ko.
"Ha? Ako? Model?"
"Yes." Kumunot ang noo niya nang sumulyap sa resumé ko.
Napatili ako sa isip ko. Maling resumé 'yong na-print ng batang bungol sa computer shop! Sinabi ko na ngang nasa Resumé na folder!
Naglolokohan lang kami ni Autumn nang inilagay ko ang part-time model sa resumé ko dahil ako ang nagsusuot ng mga damit na ibinibenta niya. Pero model lang ako mula baywang hanggang paa.
"Please ignore that, sir," sabi ko sa pinapormal na tono.
"Do you have any idea about publishing?"
"It's business. You make the writers and the readers' dream come true. And you also crush them."
Napatitig siya sa 'kin.
"What made you say that?"
"Kasi nagbago na ang panahon, sir. Dati, imina-market n'yo pa ang libro para bumenta. Ngayon, ang hanap n'yo, 'yong may market na para sigurado ang benta. Wala akong masyadong alam sa mga business strategy n'yo dahil iba-iba naman ang mga negosyante. Pero sana, huwag n'yo namang iparamdam sa mga writer na ang halaga nila ay base sa bilang ng followers nila. Kung hindi n'yo ilalabas ang mga akda ng mga kinuha n'yong writer, i-terminate n'yo na lang ang mga kontrata nila at ibalik ang copyright sa kanila na binili n'yo lang naman sa kakarampot na halaga." Huminga ako nang malalim. "Hindi ko po kayo sinususumbatan, sir, ha."
Bumuntong-hinga siya at tumango. "You also seem to know the history of this company."
"Sino naman po kasing hindi makakakilala sa kompanyang 'to? Halos lahat ng writer na kilala ko, pangarap mapabilang dito. Pero mukhang hindi na kayo gaya ng dati."
"You know that there are no perfect companies, right, Miss Guzman?"
Napilitan akong tumango. Oo, wala ngang perpektong kompanya, pero iyong iba kasi, sumusobra na! Hmp!
"For almost a year, we are in the process of rebranding, and it isn't easy. The previous owner left an... unflattering mess. I wish it had been easy to let this company go. I get your resentment as a reader. And they're valid."
Hindi siya nagalit? Tanggap niya?
"I might need your inputs while we go through this process. Can you help the company make readers realize that it's still worth reading physical books?"
Bahagyang umawang ang mga labi ko.
"H-hmm?"
"Why did you apply in this company in the first place?"
Dahil sabi ni Diether?
Dahil gusto kong maglabas ng sama ng loob?
Napabuga ako ng hangin.
"Because you need me. Sir," seryosong sabi ko.
Ilang sandali ring nakatitig lang kami sa isa't isa.
"Right," sabi niya pagkuwan. "I need you."
Sa kompanya o sa buhay mo?
Nagbaba ako ng tingin para pigilan ang ngisi ko. Charot. Siyempre, sa kompanya, ano.
Tumuwid ako ng upo at tumikhim.
"Sandali, sir..." Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ko. "Ibig po bang sabihin nito, tanggap na 'ko?"
"Yes."
Araw-araw ko nang makikita ang gwapong mukha pero malungkot na mga mata ng taong 'to?
"T-thank you, sir."
"Today's your first day. Peachy will teach you about your job."
Tumayo ako at yumukod. Bigla akong na-excite.
"I'll do my best, sir. Thank you very much."
Tumango lang siya.
"Please take this on your way out. I'll call you when I need you." Iniabot niya ang ininuman niyang tasa sa akin.
Pormal ang mukhang tinanggap ko 'yon.
"Yes, sir."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top