V.
CHAPTER FIVE
POLLEN
MAY NADATNAN akong tatlong babae na nagtatawanan pagpasok ko sa loob ng opisina. Pero natigil sila nang makita nila 'ko.
"Yes?" Tumayo mula sa mesa niya ang isa na may maiksing buhok at bangs. Balingkinitan siya at nasa limang talampakan lang yata ang tangkad. Mukha siyang palaban, pero palangiti naman.
"Mag-a-apply sana akong assistant. Ni-refer ako ni Diether."
Naglaho ang mga ngiti ng babae.
"Ni Diether?" Nilingon niya ang dalawang kasamahan. "Kaano-ano ka niya?" tanong uli niya nang ibalik niya ang tingin sa 'kin. "Girlfriend? Nililigawan?" Tumaas ang kilay niya.
Muntik na akong matawa.
"Hindi, a," sagot ko.
Mukha siyang nakahinga nang maluwag.
"Mabuti naman. Wala kang kinabukasan do'n. Ako nga pala si Peachy." Iniabot niya ang kamay sa 'kin. "Welcome. Matanggap ka sana."
"Ah, salamat." Tinanggap ko ang kamay niya. "Ako si Pollen. 'Nice to meet you."
"Habang wala pa si Boss, pwede kang maghintay ro'n sa lounge."
"Salamat. Pwede ba 'kong makigamit ng coffee maker?"
"Oo naman."
Itinuro lang ni Peachy ang lounge sa kabilang bahagi ng opisina. Wala 'yong pinto. Nakita ko agad ang mint green na interior n'on.
Inilabas ko ang baon kong kape sa ziplock bag at inamoy. Ang bango talaga.
Magkape man ako o hindi, lagi akong merong dala nito sa bag ko. Ang kape ang isa sa pinakagusto kong amoy sa mundo. Kapag stressed ako noon sa trabaho, singhutin ko lang ito, gumagaan na agad ang loob ko. Kung isa akong adik, ang kape ang droga ko.
Dumeretso na ako sa counter.
Maganda rito sa lounge. Maaliwalas ang paligid at maganda ang ilaw. Sa isang sulok, may malaking shelf na abot hanggang kisame na punong-puno ng mga paperback novel. Sa kabila naman, merong malaking flatscreen TV at speaker. Dito naman sa kinatatayuan ko sa counter, may mga tsitsirya, instant noodles, at kung ano pang pantawid gutom. Meron ding chiller ng mga inumin dito. Kamuntik ko nang makalimutan ang repustasyon nitong publishing company. Pero sabi nga pala ni Diether, nagre-rebrand na sila.
"Ano 'yong mabangong 'yon?"
Ilang sandali pa ay sumulpot ang tatlo sa lounge.
"Ang bango naman."
Lumapit sila sa counter.
"Pahingi kami. Ako nga pala si Nikki."
Morena si Nikki at alon-alon ang buhok. Tingin ko, ilang taon lang ang tanda nila sa 'kin. Maliban dito kay Peachy. Mukha siyang bata.
"Ako naman si Madilyn." Chubby si Madilyn at morena rin.
"Gusto n'yo?" alok ko sa kanila.
"Marami pa ba?" nakangusong tanong ni Nikki.
"Oo naman. Sa inyo na muna 'to. Mukhang wala pa naman 'yong boss. Sabi kasi ni Diether, igawa ko raw ng kape."
Napatalon silang tatlo.
"Alam mo, sana magtagal ka," sabi ni Peachy.
"Ha? Hindi pa naman ako natatanggap," sabi ko at bahagyang natawa.
Nagkatinginan silang tatlo.
"Kasi wala masyadong nag-a-apply rito sa taas ng qualifications ni Saja-nim," kwento ni Nikki.
"'Sajang-nim' ang tawag namin kay Boss Jayden, pero kung kami-kami lang, 'saja-nim' ang tawag namin sa kanya. 'Lion' ang ibig sabihin n'on sa Korean," si Peachy.
"Salbahe ba siya?" tanong ko. Nag-alangan ako bigla.
"Hindi." Agad na umiling si Peachy. "Hindi siya salbahe, pero mukha rin siyang hindi mabiro. Tingin pa lang niya, parang inilulugar ka na."
"Gwapo si Boss Jayden, pero hindi ko kayang makipagtitigan sa kanya," sabi naman ni Madilyn. "Kung 'yong iba, nakakatunaw tumitig, siya, nakakapulbos. Saka may asawa na 'ko, sorry na lang siya."
"May mga na-hire na rin dito noong nakaraan na hindi na tumuloy. Sabi pa nga n'ong isa, mukha raw psychopath si Boss." Tumaas ang kilay ni Nikki. "'Yon pala, nasobrahan sa panonood ng Korean drama. Hello, mag-iisang taon na namin siyang boss pero wala naman kaming nababalitaang mga s-in-alvage na katawan sa tabi-tabi."
"Gano'n ba?" sabi ko.
Mukhang hindi pala ordinaryong kompanya itong in-apply-an ko.
PUMWESTO sina Peachy sa mesa malapit sa pinto.
"Salamat, Pollen," nakangiti nilang sabi nang ilapag ko ang mga mug nila.
"Barista ka ba dati?" tanong ni Nikki.
"Hindi. English instructor ako dati. Iyon lang ang naging trabaho ko simula nang maka-graduate ako. Pero may maliit kaming coffee farm. Natuto lang ako sa nanay ko."
Iyong dalawa kong kapatid na sina Petal at Leaf, parehong Hospitality Management ang kurso nila kaya sila ang may alam sa gano'n.
"Galing sa farm n'yo 'tong kape?"
"Oo," nagmamalaking sagot ko.
Inamoy muna ni Peachy ang kape bago ininom.
"Ang sarap naman." Sumenyas siya ng thumbs-up sa 'kin.
"Ang perfect," sabi ni Nikki.
"Bukas ulit, ha," biro naman ni Madilyn.
Napangiti lang ako.
"May kape pa ba?"
Napatingin ako sa biglang pumasok.
"G-O," tawag ng tatlo.
Ngumiti sa akin ang lalaking kararating lang. Matangkad siya, may dimple, at kulay-pink ang buhok. Bagay sa kanya ang suot niyang denim jacket. Napakagwapo at maaliwalas ang mukha.
"Ah, G-O, si Pollen, nag-a-apply na assistant ni Sajang-nim," pakilala ni Peachy. "Pollen, si G-O, cover designer at layout artist pero part-time lang. Kaibigan siya ng nakababatang kapatid ni Boss Jayden."
"Annyeong. G-O Jeong." Inilahad niya ang kamay niya sa 'kin.
Ah. Taga-Goryeo pero nagta-Tagalog.
"Hi. Pollen." Tinanggap ko naman ang kamay niya. "May kape pa para sa 'yo. Sandali lang."
"Thank you." Agad siyang umupo sa tabi ni Peachy.
Nang maubos ang unang kapeng ginawa ko ay nagsalang ako uli. Mayamaya pa, napatingin ako sa labas ng lounge nang may makita akong pumasok.
Isang lalaking matangkad, itim ang buhok, parang labanos sa puti... at singkit ang mga mata. Parang bumagal ang oras nang mapatitig ako sa kanya. Tumingin siya sa gawi ko at nagkatinginan kami.
At kahit nakalampas na siya at naglaho ay nakatingin pa rin ako sa pinanggalingan niya.
Anong klaseng mga mata 'yon? Ang lungkot naman.
Mayamaya pa ay lumitaw naman si Diether sa dinaanan ng lalaki kanina. Sumenyas siya na parang umiinom.
"Kape," basa ko sa galaw ng mga labi niya.
Nanlaki ang mga mata ko. 'Yong lalaking dumaan... 'yon na ba ang boss ng publishing company na 'to?
Tumango agad ako at saka napabuga ng hangin. Lagot. Wala na ngang atrasan 'to.
"Dumating na si Saja-nim, 'no?" tanong ni Peachy.
Tumango uli ako.
"Magtrabaho na tayo."
Sabay na tumayo ang tatlo at binitbit ang mga tasa nila.
"Pollen, galingan mo, ha. Thank you uli sa kape," sabi ni Nikki.
"Good luck, Pollen. Kaya mo 'yan. Si Boss lang 'yan," sabi naman ni Madilyn.
"Basta, Pollen, huwag kang magkakamaling tawagin siyang 'saja-nim,' ha? Sajang-nim 'yon, sajang-nim," paalala naman ni Peachy.
Gusto ko pa sanang humingi ng saklolo sa kanila, pero iniwan na nila 'ko. Maliban kay G-O na chill na chill pa rin. Akala mo, tagapagmana, e.
"Huwag kang kabahan," sabi niya sa 'kin.
Alanganin akong ngumiti.
Pollen Guzman
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top