IV.

CHAPTER FOUR

NANG dumating ang tanghali, tinawagan ako ni Diether. Nakasalampak ako sa kawayang sahig ng kubo dahil sa pagod. May mga kaliskis ng isda ang pantalon ko.

Hinubad ko ang isang gwantes kong suot para sagutin ang tawag niya.

"O, bakit?" sabi ko.

"Nakausap ko na si Boss. Pwede ka raw mag-apply rito," masayang balita niya.

Nanulis ang nguso ko.

"Ang bilis naman."

"Siyempre, ang dami niyang ginagawa rito. Kailangan niya ng assistant sa lalong madaling panahon. Magdala ka lang ng resumé mo bukas."

"Bukas agad?"

"Pagsisisihan mo kapag pinalampas mo ang pagkakataong 'to, sinasabi ko sa 'yo."

"Oo na. Sige na. Salamat sa pag-inform. Saan nga pala ako pwedeng magpa-print ng resumé rito?"

"Paglampas mo sa mga seafood restaurant, sa unahan, may makikita kang computer shop diyan. Kaya mo na 'yan."

"Oo. Sige. Kuha ko na."

"Mag-usap na lang tayo mamaya pag-uwi ko."

"Si Diether ba 'yon?" tanong ni Tatay nang matapos ang tawag.

"Opo. Pwede na raw akong mag-apply sa pinagtatrabahuan niya."

"E, di mabuti. Sunggaban mo na."

Tumayo ako at napangiwi. Ang sakit ng katawan ko. Para akong 80 anyos.

"Mas malaki ang tsansa mong makahanap ng nobyo ro'n."

Bahagyang umasim ang mukha ko.

"Mas gusto ko pong yumaman."

"Kailan ka huling nag-boyfriend?"

Mariing naglapat ang mga labi ko.

"Tatlong taon na po." Sa totoo lang, ayoko nang maalala pa 'yon.

"Bakit hindi kayo nagkatuluyan?"

"Mahabang kwento," sabi ko at bumuntong-hininga.

Tumango si Tatay.

"Mananghalian na tayo. Nakapagluto na 'ko." Binalingan ni Tatay ang mga naroon na nagpapahinga. "Tara na. Kumain na tayo."

HINIRAM ko ang bisikleta ni Tatay kinahapunan at hinanap ang sinasabing computer shop ni Diether. Hindi naman na masama ang lugar na 'to. Maraming kainan. May bilihan din ng mga gulay, prutas, at karne. Isang sakay lang din ang ospital at tindahan.

Maaga pa pero may mga nakatambay na agad sa seawall. May dala silang mga motorsiklo, bisikleta, at sasakyan. Iyong iba, may dala pang alak at pulutan.

Bigla kong na-miss si Autumn. Sinuportahan naman niya itong desisyon ko na lumipat, pero iba pa rin iyong may pamilyar kang mukhang nakikita sa araw-araw. Kaso, may pamilya na siya at may pinagkakaabalahan.

Nahanap ko agad ang computer shop na nasa tabi lang ng kalsada. Kakaunti lang ang mga unit doon at okupado halos lahat. Karamihan, mga binatilyo na hindi mo alam kung pumapasok pa ba o sinadyang lumiban sa klase para lang tumambay rito.

Lumapit ako sa binatilyong nakaupo sa server. May nakasalpak na headphones sa ulo nito at mukhang busy sa paglalaro.

"Bata, magpapa-print ng resumé," sabi ko at sumandal sa counter.

"Ano 'yon, Miss?" tanong niya habang nasa computer pa rin nakatutok.

"Magpapa—" Dumukwang ako at tinanggal ang headphones niya. "...print ng resumé."

Katulad na katulad siya ng mga estudyante ko dati. Sarap pingutin.

Bahagya siyang sumimangot at napilitang i-pause ang laro niya. Iniabot ko naman ang dala kong flashdrive. Tahimik niya itong iniabot at isinaksak sa laptop.

"Ano pong file name?" tanong niya.

"Guzman-Pollen-underscore-resumé. Nasa loob lang ng Resumé na folder."

"Ilang copies po?"

Tumingin ako sa kalsada. Sa susunod, susubukan ko namang magbisikleta nang mas malayo dahil sementado ang daan.

"Isa lang," sagot ko. "Pakilagay na lang sa brown envelope. Salamat."

"OKAY NA ang resumé mo?" tanong ni Diether. Dumeretso agad siya sa bahay pagkauwi niya galing trabaho.

"Okay na," sagot ko naman.

"Sige. Magsasaing na 'ko." Tumuloy siya sa kusina.

Gulat na napasunod ako ng tingin sa kanya.

"Talaga?" tanong ko at sinundan siya.

"Gulat 'yan?" hindi tumitinging sabi niya.

Napasunod ako. "Anak ka ni Tatay sa labas, 'no?"

"Ano?" Nanlalaki ang mga matang napalingon siya sa 'kin.

"Hindi. Hindi tayo magkamukha," bawi ko.

"Pero parang pangalawang ama na rin naman ang turing ko kay Boss Renz."

"Ayos. Hindi mo 'ko pwedeng ligawan. Para na tayong magkapatid, e."

Inirapan niya ako. "'Ganda mo, a."

"Well..." Nagkibit-balikat ako at umismid.

"IHAHATID muna kita sa opisina, 'tapos susunduin ko si Boss sa condo niya. Kailangan, pagdating niya, naigawa mo na siya ng kape para lumaki ang tsansa mong matanggap," sabi sa 'kin ni Diether habang nagsusuot ako ng helmet. "Mababait naman ang mga tao ro'n. Magtanong ka lang kung may kailangan ka. Sabihin mo lang, magkakilala tayo."

"Malakas ka ro'n?" nagdududang tanong ko.

"Oo, heartthrob ako ro'n."

"Sinungaling."

"'Yong resumé mo?"

"Nandito." Iminuwestra ko ang envelope na nakaipit sa kilikili ko.

"Halika na." Sumakay na siya sa scooter niya.

Lumingon muna ako kay Tatay.

"Aalis na ho kami, 'Tay."

"Ingat kayo, anak. Galingan mo, ha," nakangiting sabi ni Tatay.

"Opo naman."

"'Oy, Diether, ingatan mo 'yang anak ko. Nag-iisa lang 'yan."

"Pa'no n'yo ho nalaman na pagtatangkaan ko ang buhay niya?" tanong naman ni Diether.

Hinampas ko siya sa likod bago ako sumampa.

"Hindi pa paid ang insurance ko, tarantado ka."

ITIM na polo shirt, maong na pantalon, at puting rubber shoes lang ang suot ko. Sabi ni Diether, hindi naman strikto sa dresscode ang publishing company, basta desente lang.

Ibinaba niya ako sa main entrance ng commercial building.

"Umakyat ka sa second floor. Hanapin mo 'yong lounge sa editorial department. May pantry ro'n. 'Yong kape ni Boss, ha."

"Oo na," sagot ko habang hinuhubad ang helmet ko. "Ano palang gusto niyang timpla ng kape?"

Saglit na napaisip si Diether.

"Ikaw na ang bahala. Kahit ano. Basta kape."

"Pwede lang ba 'yon?"

***

"SINONG magtitimpla ng kape ni Saja-nim ngayon?" tanong ni Peachy sa mga kasamahan niyang editor.

Nagkatinginan sina Nikki at Madilyn.

"Sino ba ang nagtimpla kahapon?" tanong ni Nikki.

"Ako," sagot ni Peachy.

"Ikaw naman, Madilyn. Ako na lang ang magtitimpla bukas."

"Sige, pero kalahating tasa na lang," sagot ni Madilyn at nagkatawanan silang tatlo. "Sayang sa tubig. Parang tinitikman lang naman niya."

Dahil wala pang permanenteng assistant ang boss nila, salitan silang mga editor sa pagtitimpla ng kape at paggawa ng iniuutos nito. Gusto nitong may kape na agad sa mesa nito pagdating nito, pero hindi naman nito iyon inuubos. Hindi naman nila malaman kung ano ang timplang gusto nito dahil hindi naman ito nagsasabi. Pero hindi rin naman ito nagagalit kaya hindi nila alam kung bakit hindi nito nauubos ang kapeng tinitimpla nila.

Natigil ang tawanan nila at napatingin sa pinto nang may biglang pumasok.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top