II.
CHAPTER TWO
NAKALIMUTAN ko agad ang pagod ko sa biyahe nang maamoy ko ang sinabawang tangigue. Marami ang niluto ni Tatay kahit tatatlo lang naman pala kami ang kakain.
Bumili rin siya ng cake at inihaw na manok. Si Diether ang takam na takam. Akala mo, siya ang matagal nang hindi nakita ang tatay niya, e.
"Masarap po," sabi ko pagkahigop ko pa lang ng sabaw.
"Dinamihan ko talaga 'yan para sa 'yo. Alam kong magugustuhan mo 'yan dahil paborito 'yan ni Paulina."
Napaisip tuloy ako.
Sa dekadang nagkahiwalay sila ni Nanay, hindi man lang niya 'to nakalimutan?
Tumayo ako.
"Sandali lang po."
Lumabas ako ng kusina at binuksan ang maleta ko na naiwan sa sala. Kinuha ko ang limang pack ng kape na tig-isang kilo.
"Pasensiya na po at ito lang ang nagkasya sa maleta ko."
Mabilis na tumayo si Diether at kinuha sa akin ang mga bitbit ko kahit ngumunguya pa siya.
"Anak, nag-abala ka pa."
"Ang bango naman nito."
"Sa taniman n'yo ba 'to galing?" tanong ni Tatay.
"Opo."
May isang ektaryang taniman ng kape si Mating. Iyon ang ginawa niyang alay kay Nanay nang yayain niya itong magpakasal. Lupa pa lang 'yon noon. Matapos ang mahigit dalawampung taon, napalago na nila.
"Igawa ko raw kayo ng kape pagdating ko, bilin ni Nanay," sabi ko nang bumalik ako sa upuan ko.
Hindi napigilang mapangiti ni Tatay.
"Mabuti na lang, napunta sa mabuting tao ang nanay mo. Ilan nga uli ang mga kapatid mo?"
"Dalawa po. Parehong nag-aaral pa."
"Bente y nuwebe ka na, anak, ano? Wala ka pa bang balak na mag-asawa?"
"Uunahin ko po munang maghanap ng trabaho," sabi ko at pumunit ng manok.
"Magpahinga ka muna kaya? Hindi ka naman magugutom dito kahit isang taon kang hindi magtrabaho."
Umiling ako.
"Hindi naman ako nagpunta rito dahil sawa na 'kong magtrabaho. Gusto ko pa ring magamit ang pinag-aralan ko."
"Pwede sana kitang ireto rito kay Diether dahil kilala ko naman ang mokong na 'to. Kaya lang, halos lahat yata ng babae rito, nasyota na niya at pinaiyak."
"Grabe naman kayo, Bossing," reklamo ni Diether. "Pihikan ho ako, ha. Hindi lang halata."
Natawa ako nang bahagya. May hitsura naman si Diether. Kaya lang mukhang loko-loko.
Totropahin.
"Ano nga palang trabaho ang hanap mo?" tanong ni Diether sa 'kin.
"Kahit ano."
"Nagtuturo ka dati, 'di ba, anak?"
Tumingin ako kay Tatay at tumango.
"English instructor ako sa senior high at college. Kaya lang, nakakapagod din. Parang hindi sulit ang bayad. Ang pangit pa ng sistema. Sinubukan kong magpaalam kay Nanay na mangingibang bansa, pero ayaw niya akong payagan sa edad kong 'to. Pero ayos lang sa kanyang nandito ako. Basta raw hindi ako sobrang malayo."
"English instructor?" Napahimas sa baba niya si Diether. "Katunog ng editor, a. Alam mo, 'yong boss ko, naghahanap ng editorial assistant."
Bumagal ang pagnguya ko.
"Talaga?"
"Siya ang namamahala sa publishing company ng mommy niya. Ang totoo, napilitan lang siyang saluhin 'yon kasi ayaw ng mommy niya na tuluyang magsara. Pero kapag naging stable na raw, ipapaubaya na rin niya sa iba. Mag-apply ka kaya?"
"Ano ka ba naman, Diether? Kararating lang ng anak ko, o," saway naman ni Tatay.
"Baka lang naman interesado siya, Bossing."
"Anong pinu-publish nila?"
"Mga nobela."
Nanlaki ang mga mata ko.
"Anong pangalan ng publishing company?"
"Kkumeui Chaek Publishing. Pamilyar ka? Hindi 'yan 'yong orihinal na pangalan niya. Nag-rebrand sila. Pero dati silang Shining Pages."
"O!" Namilog ang mga mata ko. "Pamilyar nga sila. Sila 'yong publishing company na nirereklamo dati na hakot lang nang hakot ng mga writer, pero hindi naman inilalabas ang mga libro. Grabe, gusto pa nila ng comeback?"
Natawa si Diether.
"Ewan ko ba sa boss ko at pinipilit pa niyang salbahin. Parang mas madaling pakawalan na lang ang kompanyang 'yon kaysa itama ang mga pagkakamali."
Hindi ko mapigilang ngumiwi.
"Bakit ko nga pala gugustuhing magtrabaho sa gano'ng kompanya? Walang respeto sa mga manunulat na nagpapakahirap gumawa ng akda."
"Rebranding nga. Hindi lang basta lilinisin ng boss ko ang imahe ng dating publishing company. Gagawin niya 'tong bagong..." Napapitik ng daliri niya si Diether. "Katauhan. At naniniwala akong magagawa niya 'yon."
"Sabi mo, e."
"Pwede ba, tama na muna 'yan?" singit ni Tatay. "Huwag n'yong pinaghihintay ang grasya."
"Opo, 'Tay," sabi ko at ibinaling ang tingin ko sa pinggan. Pero bigla uli akong napatingin kay Diether. "E, ikaw? Anong posisyon mo ro'n?"
"Ako? Driver niya 'ko. Minsan, bodyguard. Pero feeling ko, ako lang ang kaibigan ni Boss. Wala kasi siyang social life."
"Kain na," sabi na naman ni Tatay, bahagya nang nanlalaki ang mga mata.
PAGKATAPOS kumain, umakyat na ako sa magiging kwarto ko. May maliit na veranda dito kung saan pwede akong magkape at tumambay habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw.
Huminga ako nang malalim.
Hindi na rin naman masama. Pero... magtatagal kaya ako rito?
Tinawagan ko si Nanay. Ilang ring lang at sumagot agad siya.
"'Nak! Kumusta?"
"'Nay, kararating ko lang kanina. Wala namang nangyaring aberya."
"Maganda ba riyan? Anong sabi ng tatay mo?"
"Okay naman," napakibit-balikat na sagot ko. "Mukhang pinaghandaan nga ni Tatay ang pagdating ko."
"Mukhang magugustuhan mo nga riyan. Sige, magpahinga ka na. Tumawag ka lang sa 'kin kung may problema, ha?"
"Nami-miss ko na kayo kaagad. Tuwang-tuwa siguro si Mating na wala na ako riyan."
Natawa naman nang malakas si Nanay.
"Sira ka talaga. Ayaw nga niyang alisin ko ang mga mata ko sa cell phone at baka tumawag ka. Hindi ka pa niya kayang kausapin kasi naiiyak pa siya."
Natawa naman ako.
"Dalawin n'yo 'ko rito kung may pagkakataon. Maganda rito."
"Sige ba. Tiyak magugustuhan ng mga kapatid mo 'yan. Pahinga ka na riyan. Pakasaya ka, anak."
Matapos ang tawag, inilabas ko muna ang mga gamit ko sa maleta, at inilagay ang mga damit ko sa cabinet. Pagkatapos, bumaba uli ako sa kusina dahil nangako akong igagawa ko ng kape si Tatay.
Paborito ko ang kape namin. Bukod sa masarap talaga ito, ito ang bumuhay at nagpaaral sa amin ng mga kapatid ko kahit noong hindi ko pa nakikilala si Tatay. Ang sarap siguro kapag nakarating ang kape namin sa ibang bahagi ng probinsiya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top