I.

CHAPTER ONE

POLLEN

SABI ng nanay ko, buksan ko raw ang mga pakpak ko at lumipad nang mas malayo. Kaya heto ako ngayon, literal na mas malayo sa kanila.

Mas maganda raw kasi sa lungsod. Mas maraming oportunidad na darating sa harap ko.

Hindi ko pa alam kung ano 'yon dahil ang nakikita ko pa lang ay ang nakakasilaw na liwanag ng araw na tumatama sa dagat, mga magkakaibigan na nakatambay sa may sea wall, mga taong nagsisimula pa lang magbilad ng mga tuyo, at may iba naman na hinahango na. Sumasama ang amoy ng mga tuyo sa hangin. May naaamoy rin akong talaba.

Sa likuran ko ay ang magkakatabing seafood restaurants. Mas masaya siguro ang lugar na 'to tuwing gabi. Habang sakay ako ng traysikel kanina, nakita ko sa arko ng barangay na 'to na sila ang seafood capital nitong siyudad.

Kinakausap ako ng driver kanina habang nasa biyahe. Nahalata raw niyang dayo lang ako. Sabi niya, subukan ko rin daw bisitahin ang mangrove forest dito kasama ang boyfriend ko. Pagkatapos nagbiro pa siya. Sa halagang bente pesos daw, iyong ibang magkasintahan, may motel na.

Medyo tarantado si Manong, pero mukhang hindi rin naman siya nagsisinungaling.

Nagpababa ako sa traysikel nang makita ko ang mga kabahayan sa unahan ko. Hindi naman ganoon kalayo kaya naisipan kong maglakad-lakad na lang. Gusto kong makapag-isip-isip. Tama ba 'tong ginagawa ko? Tama bang sinunod ko ang payo ni Nanay?

May isang bahagi sa utak ko ang gustong umatras.

Naningkit ang mga mata ko nang mamataan ko ang isang lalaki na hinihingal habang mabilis na pumapadyak sa bisikleta niya. Para siyang hinahabol o may hinahabol, ewan ko sa kanya. Saktong nakakunot ang noo ko nang magkatinginan kaming dalawa.

Nagkibit-balikat na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad habang hila-hila ang maleta ko.

Ang init pa rin ng mga ganitong oras. Nakalimutan ko man lang magdala ng payong. Sana kayanin pa ng sunscreen ko.

"Miss," tawag ng boses-lalaking hinihingal.

"Ay, seahorse mo!" napapisik na anas ko.

Nang lumingon ako, nasa likuran ko na ang lalaking nagbibisikleta kani-kanina lang at mukhang mas pagod na siya.

"Kuya, huwag ka namang nanggugulat nang ganyan!" pasitang sabi ko, pero hindi naman ako galit.

"P-pasensiya na..." Mariin siyang napalunok.

Hindi ko alam kung maaawa ako sa kanya o matatakot.

"Huwag mo naman akong tawaging 'kuya.' Treinta y dos pa lang ako. Grabe ka." Tumigil muna siya para habulin ang paghinga niya.

Pati tuloy ako, parang hinihingal din.

"Ikaw ba si Pollen? Iyong unica hija ni Boss Florencio?"

"Kilala mo ang tatay ko?" nagdududang tanong ko.

"Oo. Pinasundo ka niya sa 'kin kasi baka maligaw ka raw." Kumunot ang noo niya. "Bakit ka ba naglalakad? Sana nagpahatid ka na lang sa traysikel. Kilala naman si Boss ng mga tao rito."

Nag-isip ako ng sagot.

"Wala lang," sabi ko, sabay kibit-balikat.

Saglit siyang napanganga.

"Ako nga pala si Diether," pakilala niya. Nakangiti na siya sa akin ngayon.

"Ocampo?" Showbiz crush ng nanay ko 'yon, e.

"Torrecampo. Muntik mo nang makuha." Bumungisngis siya.

"Nasa'n ang tatay ko?"

"Nasa bahay niya. Ipinagluluto ka. Alam daw kasi niyang gugutumin ka pagdating mo, e."

Nagpatuloy ako sa paglalakad.

"Malayo pa ba tayo?" tanong ko.

"Hindi naman masyado."

Napasulyap ako kay Diether nang bumaba siya sa bisikleta niya.

"Malapit siguro kayo ng tatay mo," sabi pa niya.

"Hindi masyado," walang gatol na sagot ko. "Huling beses ko siyang nakita, fourth year high school ako. Mga halos isa at kalahating dekada na rin."

Noon ko lang din nalaman na buhay pala siya. Nagkahiwalay sila ng nanay ko, hindi alam ni Nanay na buntis na pala siya sa akin. Siya naman, nangibang bansa.

Anim na taong gulang na ako nang magpakasal si Nanay sa tatay ng mga nakababata kong kapatid ngayon—si Mating.

Iba ang relasyon namin ni Mating. Hindi ko siya natutuhang tawaging 'tatay' kasi ang turing ko sa kanya noon, kaedad ko lang. Malakas ang loob niya noon na manligaw kay Nanay at wala siyang pakialam kung may sabit na.

Sabi pa niya, kay Nanay lang daw tinamaan nang malakas ang puso niya. Kaya kahit maraming kontra dahil tingin ng iba sa nanay ko ay disgrasyada, hindi siya nakinig at sinunod ang sigaw ng puso niya.

Sa totoo lang, si Mating ang isa sa pinakamagandang nangyari sa buhay namin ni Nanay.

"Sabi ni Boss, wala ka pa raw asawa," narinig kong sabi ni Diether habang nakatingin lang ako sa langit sa unahan.

"Meron. Lumingon ka."

"Ha? Nasa—wala naman, e!"

Kasalanan ko pang uto-uto ka?

NORMAL na bahay ng mga may-kaya lang ang bahay ng tatay ko. Nasa itaas ito ng pampang kung saan maraming mga bangkang nakahilera. May mga nakikita pa akong mga bangkang pabalik-balik sa dagat.

Ang sarap siguro ng buhay ng tatay ko. Kaya lang, nakapagtatakang hindi siya nag-asawa at nagpamilya.

Sabi ng nanay ko, habulin daw ang tatay ko ng mga babae noong kabataan nila. Nagbabanda raw kasi. Kaya rin nga siguro hindi sila nagkatuluyan kasi sakit sa ulo ang mga bandista. Pero sabi ni Nanay, hindi naman daw babaero ang tatay ko. Talaga lang magkaiba sila ng prayoridad sa buhay. Kaso, dumating ako.

"Diether, ang ganda naman ng kasama mo," bati ng isang mamang nakatambay sa traysikel sa may kalsada. "Iyan na ba ang anak ni Florencio?"

"Oo, Mang Pedring. Sayang wala siyang pasalubong sa inyo."

Muntik na akong matawa. Pero si Mang Pedring, napahalakhak kahit kulang-kulang na ang mga ngipin niya.

"Tarantado ka talaga."

Nginitian ko si Mang Pedring.

"Magandang hapon po."

"Magandang hapon din, Inday."

Iniwan lang ni Diether ang bike niya sa labas at kinuha sa akin ang maleta ko.

"Bossing!" tawag niya pagpasok na pagpasok namin. "Nandito na ang prinsesa n'yo!"

"Talaga? Sandali lang—aray, aray! Ano ba 'yan? Pambihirang tangigue naman."

Lumukso ang puso ko. Boses nga iyon ng tatay ko.

Nagmamadali siyang lumabas mula ng kusina. May suot pa siyang apron habang winiwisik-wisik ang isang kamay niya.

Napaso ba siya?

"Anak," tawag niya.

Napalunok ako.

"'Tay."

"Kumusta ang biyahe mo? Hindi ka ba nahirapan?"

"Ayos lang naman po."

"Lumaki ka ba?" Nilapitan niya ako. "Parang hindi."

May kaunting puti na ang buhok ng tatay ko at may kalakihan na rin ang tiyan niya. Simple lang siyang manamit, pero makikita ang hilig niya sa mga branded.

Hindi ako nakakilos nang yakapin niya ako nang mahigpit.

"Sa wakas, makakasama na rin kita nang matagal, anak," sabi niya sa garalgal na boses.

Nangilid ang luha sa mga mata ko, pero naudlot iyon nang makita ko si Diether na sumisinghot-singhot sa isang tabi.

"Alam mo, agaw-eksena ka," sita ni Tatay sa kanya.

Tumayo nang tuwid si Diether.

"Anong makakain, Bossing?" napangising tanong niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top