Chapter 34
Months passed when my morning sickness was getting worse. I think I really have to go to the clinic to check my status. Hindi ko na rin alam kung ilang buwan na ba ang dinadala ko. Unti-unti na nga ring lumalaki ang tiyan ko.
Kasalukuyan akong nasa banyo at dumuduwal. Nakakaramdam na rin ako ng sobrang pagkahilo na kaunting kibot ay parang matutumba. Sapat naman ako sa pagkain dahil palagi akong nilulutuan ni Danica ng masusustansya. Madalas pa nga niyang sundin ang mga gusto ko.
Nagmumog na ako at pinunasan ng tubig ang bibig tsaka ako lumabas ng pintuan. Laking gulat ko nang makita ko si Derrick na naroon na puno ng pag-aalala.
"Miss Velasco, am I seeing it right? Kailan pa?" Nakakunot ang noo niya. "Si Jhon Rey Carpio ba ang ama?"
Nawalan ako ng hininga nang banggitin niya ang pangalang iyon. Iniwasan ko siya at naglakad na ako pabalik sa kwarto ko para ayusin ang mga gamit ko. Mayamaya lang ay darating na sila Neil at Rey kasama ng mga bata at magsisimula na ang pagtuturo ko sa kanila.
"Miss Velasco!" Hinawakan niya ang braso ko dahilan para mapatigil ako sa paglakad. "Are you pregnant? Kaya ka ba sumusuka kanina sa banyo? At kaya ba parang lumalaki ang tiyan mo? Akala ko ay nagkakalaman ka lang."
Napabuntong-hininga ako. "Derrick, hindi na mahalaga kung buntis ako. Huwag mo na rin sanang ipaalam ito kay dad. Ayokong malaman ng kahit na sino na buntis ako bukod sa inyo."
"P-pero Miss Velasco—"
"Derrick, nakikiusap ako. Ayokong maulit ang lahat. Nasaksihan mo ang lahat ng nangyari sa akin. Kapag nalaman ito ni dad, baka pilitin niya na naman akong magpakasal kay Jhon Rey. Ayoko nang makasira pa sa pagmamahalan nilang dalawa ni Quency. Sapat nang ako ang nasasaktan. Kaya ko naman, eh. Nandito kayo para sa akin. Narito naman si Joshen sa akin. Please, tulungan mo akong ilihim ito sa pamilya ko. Ayokong mawala ulit sa akin ang anak ko." Nanubig ang mga mata ko. Pilit kong pinipigilan ang mga pagluha at pilit ko ring pinatatatag ang loob ko.
"Kung gano'n, kailangan nating pumunta sa doctor para mapacheck-up ka. Para alam natin kung maselan ba ang pagbubuntis mo at makasigurado tayong hindi siya mawawala."
Tumango na lamang ako. "Maraming salamat, Derrick. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka. Salamat sa mga pagtulong mo sa akin. Babawi ako sa 'yo, pangako."
Nagpaalam muna kami kay Danica na kasalukuyang nagluluto sa kusina. Nakasalubong din namin si Rey at Neil kasama ang dumadaming bilang ng mga bata sa may gate.
"Rey, Neil, kayo na muna ang bahala sa mga bata. Sasaglit lang kami sa clinic," wika ni Derrick.
"Clinic?" tanong ni Rey.
"Oo, ipatitingin ko lang si Miss Velasco. Hindi niyo naman kasi nabanggit sa akin na buntis pala siya."
Nagkatinginan si Rey at Neil. "S-sorry, akala namin ay alam mo." Kapwa sila nagkamot ng batok. Napasulyap naman ako kay Neil na kakaiba ang paraan ng pagtingin sa akin. Nakakunot ang mga noo nito na para bang may gustong sabihin.
"Sige, mag-ingat kayo."
"Babalik din kami agad!" huling hirit ko bago kami tuluyang umalis para pumunta sa doctor.
*****
"You are twenty-two weeks pregnant, Miss Velasco," balita sa amin ng doctor. Lumakas ang pintig ng puso ko. "As I can see, wala namang problema sa pagbubuntis mo. Panatilihin mo lang kumain ng masusustansyang pagkain at maglakad-lakad ka tuwing umaga."
Nabunutan ako ng tinik sa loob nang marinig ko iyon sa kaniya. Napatingin ako kay Derrick na taimtim na nakikinig sa doctor. Tila ba kinakabisado niya lahat ng bilin sa akin.
"Maraming salamat, Doctor Paraiso. Pasensya na kayo sa biglaan naming pagbisita. Babalik kami rito para sa susunod niyang check-up."
"Oo, next week, ilalagay ko kayo sa schedule for ultrasound para malaman niyo na ang gender ng magiging anak ninyo."
Nalaglag ang panga ko. A-anak namin?
Muli akong napalingon kay Derrick at nakita ko rin sa mukha niya ang pagkagulat. Nangangali kung itatama niya ba ang doctor.
"Naku, Doctor Paraiso, nagkakama—" Hinawakan ko ang kamay niya tsaka ako umiling. Sumulyap ako kay Doctor Paraiso. "O-opo, Doc. Babalik po kami. Maraming salamat po sa tulong ninyo."
"Wala iyon."
Lumabas na kaming dalawa ni Derrick sa clinic ni Doctor Paraiso na narito sa bayan. Papara na sana ako ng trycicle nang pigilan ako ni Derrick.
"Sandali, tutal narito na tayo sa bayan, dumaan na muna tayo sa palengke."
"Palengke? Bakit?" tanong ko habang nakatingin sa kaniya. Napansin kong hindi niya matagalan ang pagtitig sa mga mata ko.
"B-bibili tayo ng gulay at prutas, Miss Velasco."
"O-okay."
Magkasama kami ni Derrick na naglakad papunta sa palengke. It was my first time being in there. I was really shocked as in culture-shock.
"Anong gusto mong prutas?" tanong niya sa akin.
"Hmm... grapes."
"Okay." Hinarap ni Derrick ang isang lalaki. "Magkano ho sa ubas?"
"Three fifty ang kilo," sagot ng tindero.
"Three hundred na lang, dalawang kilo ang bibilhin ko."
Napanganga ako sa sinabi ni Derrick. Sinusubukan niya bang tumawad?
"Oh, sige." Napahanga ako ni Derrick nang mabili niya ang gusto ko sa murang halaga. Ganito ba talaga sa palengke?
Bumili pa kami ng kung ano-ano at nakasunod lang ako sa kaniya. May binili pa nga siyang magic pillow na mainam daw para hindi ako mahirapang matulog.
"Miss Velasco, bibili lang ako ng isda. Medyo malansa na kasi sa lugar na 'yon dahil sa mga karne," sambit ni Derrick habang tinuturo ang pwesto kung saan may nakikita akong nagtitinda ng mga sariwang karne. "Dito ka na lang muna. Malakas kasi ang pang-amoy ng buntis kaya baka hindi mo magustuhan. Hintayin mo na lang ako rito."
"O-okay," pagsangayon ko.
"Mabilis lang ako!" dagdag pa niya. Bilib naman ako sa kaniya. Hindi naman niya kailangang gawin itong lahat para sa akin pero kung asikasuhin niya ako ay parang ako si dad. Hindi ko nga siya inuutusan, pero ginagawa niya itong lahat para sa akin.
Iniikot ko na lamang ang paningin ko sa paligid. Paisa-isa akong humakbang para silipin ang ilang paninda para malibang ako habang hinihintay si Derrick.
"Ate." Napatingin ako sa batang humihila ng laylayan ng bestida ko. "May nagpapabigay po sa inyo."
Kumunot ang noo ko nang makita ko ang hawak niya—isang keychain. "H-ha? Kanino raw galing?"
"Doon po sa lalaki." May itinuro siya pero wala namang tao roon. Agad akong kinilabutan. May nakikita ba siya na hindi ko nakikita? "Hala! Nawala na si kuya! Basta! Ibigay ko raw po sa inyo 'yan! Advance happy birthday po, ate!"
Mabilis siyang tumakbo palayo sa akin at iniwan niya sa akin ang isang cute na puppy keychain. Namintana ang luha sa mga mata ko nang maalala kong nalalapit na nga pala ang birthday ko. Ni hindi ko na nga tanda kung ilang taon na ba ako. Hindi ko na rin alam ang araw o ang petsa.
Muli kong pinagmasdan ang palawit na ibinigay sa akin ng bata. Mabilis na tumibok ang puso ko nang makitang kamukha iyon ng stuff toy ko na minsang ibinigay sa akin ni Jhon Rey noon. Hindi lang basta keychain ang hawak ko dahil mukha itong mamahalin. Anong ibig sabihin nito?
"Miss Velasco, ano 'yang hawak mo?"
"Derrick, nand'yan ka na pala. Wala ito. Binigay lang nung bata kanina. Tapos ka na ba sa mga pinamili mo? Uuwi na ba tayo?"
"Oo, uuwi na tayo. Naalala kong hinihintay ka nga pala ng mga bata sa bahay."
"Oo nga pala! Nawala na rin ang bagay na iyon sa isip ko. Halika na! Umuwi na tayo!"
Mabilis naman kaming nakarating sa bahay sakay ng trycicle. At katulad ng nakagawian, sinalubong ko ang mga bata na may ngiti sa mga labi. Maging ang araw ko'y nabubuo kapag nakikita ko sila.
"Sa Sabado ay magkakaroon tayo ng exam. Ang magkakaroon ng pinakamataas na marka ay bibigyan ko ng espesyal na regalo," wika ko na nagpakinang sa kanilang mga mata. Tila ba hindi nila alintana na bibigyan ko sila ng exam, hindi sila namomroblema at kapwa nae-excite dahil sa nabanggit kong regalo.
"Kaya galingan niyo, mga bata!" singit ni Danica habang may dalang pagkain na meryenda para sa mga ito. "Alam niyo ba na sa susunod na linggo ay magiging masarap ang mga pagkaing ihahanda ko?"
"Bakit po, Miss Sungit este Miss Beautiful?"
"Dahil birthday na ni Teacher May!"
Agad na nagsilingunan sa akin ang mga bata. "Birthday mo, Teacher May? Ilang taon ka na?"
"Oo nga po, Teacher May! Bakit hindi mo po sinabi sa amin kaagad? Para nakapaghanda kami ng regalo para sa 'yo!"
"Naku, hindi ko kailangan ng regalo. Sapat nang makita ko kayo na kumpleto. Kita niyo? Ang dami-dami niyo na. Nasa tatlungpu na kayo. Para na kayong isang section."
"Dahil po iyan sa inyo, Teacher May! Maraming salamat po at tinuturuan niyo po kami!" Isa-isa naman nila akong niyakap. "Maswerte po ang magiging baby ninyo dahil may mabuti siyang ina na mapagmahal sa katulad naming mga bata."
Tumulo ang luha ko habang sinasalo ang kanilang maiinit na yakap. Napatingin na lamang ako kay Danica na naluluha na rin. Si Neil at Rey naman ay naroon sa sulok na nanonood sa amin. Napansin ko ang kakaibang tingin sa akin ni Neil. Noong nakaraan ko pa siya napapansing ganoon na para bang may gustong sabihin sa akin. Kapag nagkakatagpo kami ng mga mata, kung hindi niya ako titigan, madalas ay mabilis niyang iniiwas ang tingin niya sa akin.
*****
Hindi ko namalayan ang panahon at dumating na nga ang araw ng birthday ko. Kapwa sila abala at ako naman ay narito lang sa kwarto at hindi nila pinalalabas. Naghahanda raw sila para sa akin.
Gusto ko mang tumulong ay hindi ko nagawa. Nililibang ko na lang tuloy ang ang sarili ko. Nahagip ng mga mata ko ang keychain na ibinigay sa akin ng bata roon sa palengke. Kinuha ko iyon at pinagmasdan. Napakunot ang noo ko nang may mapansing isang parang button. Akmang pipindutin ko na ito nang may kumatok sa pinto.
"May, si Neil 'to. Pwede ba kitang makausap?"
Binitiwan ko ang keychain at pumunta sa pinto para salubungin ang balisang mukha ni Neil. Nagtataka ako nang mabilis siyang pumasok sa kwarto ko at hinila rin ako papasok. Luminga-linga pa siya bago isinara ang pinto.
"May, may kailangan kang malaman."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top