PROLOGO


Hindi pangkaraniwan ang gabi. Walang buwan. Walang mga bituin. Wala ang tunog na likha ng mga panggabing hayop. Mistulang isang pangitain. Tila ba bumisita si Kamatayan at tinakasan ng buhay ang lahat na nasa barrio ng Naboctot.

Maliban sa isa.

Maririnig mula sa isang maliit na kubo ang mahihinang boses— hindi mawari kung sila ba'y umaawit, tumatangis o umuusal ng dasal. Lalakas. Hihina. Magsasabay hanggang may maiiwang isa. Tila isang ritmo. 

"...Dangugon samong pangapudan. Ika na ugos kan mga anito. Tawi ining lawas, saro pang kusog para sa kawas..."

Sa malamlam na liwanag na nagmumula sa lampara, makikita sa loob ang iba-ibang imahe na nililok sa yantok at mga botelya na naglalaman ng sari-saring halamang gamot na maayos na nakasalansan sa bawat estante. Para ring may sariling buhay, sumasayaw, sa bawat pagkisap ng mitsa ng apoy.

Makikita sa gitna ang isang matandang babae. Kilala siya sa tawag na Apo. Nakatingala ang kanyang mukha sa kisame, nakapikit ang mata at malayang sumasayad sa papag ang abuhin niyang buhok. Patuloy sa pag-usal ng mga salita ang nanunuyo niyang mga labi. Nakabukas ang kanyang mga palad at braso na parang nagaanyaya na yumakap sa kanya.

Kasama niya sa gitna ang lima pang mga babae, nakaharap paikot at nakaakto ng kapareho ng sa kanya. Nakatingala pa rin sa itaas, naghawak-hawak sila ng kamay at nagsimulang gumalaw ang kanilang mga katawan pakaliwa at pakanan. Isang sayaw. Tila isang alon na banayad na gumagalaw paikot.

Napapagitnaan nila ang isang katawan na nakabalot sa puting katsa. Nakahimlay ito ng tuwid na may nakapatong na isang kris¹ na may gintong hulo² at warangka³. Wala na itong buhay. Hindi rin mapagsino ang katawan na ito. Ngunit tiyak na nagmula sa kilalang-kilalang pamilya.

"...Gugurang, ilinga samuyang atang. Sa kalag tukdua, agihan pasiring saiya..."

Patuloy sa pagsayaw at pagsambit ng dasal si Apo at mga katuwang nitong kababaihan. Nakapikit ang kanilang mga mata at nakakunot ang kanilang noo. Pabilis ng pabilis ang kanilang ritmo. Kanan, kaliwa. Tulak, hila. Kanan, kaliwa. Kasabay nito ang pagbigat ng hangin sa loob. Naguunahan sa paglaglag ang pawis sa kanilang mga mukha. Hinahabol nila maging ang kanilang hininga.

Hindi nila alintana lahat ng ito. Iisa ang nasa kanilang mga isipan— matapos ito sa takdang panahon. Mas naging agresibo na ang mala-alon na likha ng kanilang sayaw, maging ang sayaw ng mga apoy sa mitsa. Ang kanilang anino na kanina'y sumasabay sa kanilang bawat kilos ay biglang tumigil. Palaki ito ng palaki hanggang mabalot nila ng kadiliman ang kabuuan ng kubo. Walang nagawa ang liwanag mula sa lampara.

Kaliwa.

Kanan.

Tulak.

Hila.

Sa kanilang huling "alon" at palahaw ni Apo, sabay-sabay silang bumagsak sa papag— animo mga manika na nakawala sa kanilang tali. At tila ba isang hudyat, muling sumilip ang kabilugan ng buwan at narinig ang ingay ng kuliglig at iba pang insekto't hayop. 

Hapong-hapo na pilit tumatayo si Apo. Habang inaalalayan siyang tumayo ng kanyang mga katuwang, nakatuon naman ang kaniyang atensyon sa bagay na nasa harapan niya. Ang kaninang kris na nakapatong sa katawan, ngayon ay nasa lapag na.  Sumilip sa warangka ang alon-alon na talim ng kris na nakatago kanina.

Gumuhit ang ngiti sa tuyong labi ni Apo.


_______________________________________



¹Kris— pangkaraniwang espada na matatagpuan sa Mindanao na mayroong alon-alon na talim
²Hulu— puluhan o hawakan ng espada
³Warangka— lagayan ng talim ng espada


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top