Mito ng Hundred Islands

"Paniniwala noong unang panahon na ang islang ito ay sinumpa ng Bakunawa dahil nainggit ito sa sarili niyang mga anak sa taglay nilang kagandahan."

Taimtim kaming nakikinig ng girlfriend kong si Salva habang kinukunan namin ng video ang panayam ni manong Ben.

"Hanggang ngayon, wala pa ring makapagpapatunay kung totoo sila. Binalaan ko na kayo Salva at Sion pero wala na akong magagawa sa pagiging desidido niyo," halakhak ni manong Ben habang minamaneho niya ang bangka.

Nakitawa rin kami sa kaniya saka nilibot ko ang camera sa buong lugar ng Hundred Islands dito sa Alaminos, Pangasinan. Magdadapit hapon na at kitang-kita ang araw mula sa malayo. Payapa ang mga alon at sobrang linaw kaya natatanaw ang mga bato sa ilalim.

Hinarap ko ang camera sa akin, "Malapit na tayo guys! Nakikita niyo ba ang islang iyon! Doon tayo pupunta. Kita-kits mga SalvaSion!"

Pinarada ni manong Ben ang bangka sa daungan kung saan may piyer na gawa sa kahoy at nagsisilbing tulay mula rito hanggang sa baybayin ng isla.

Inalalayan ko muna si Salva sa piyer saka sumunod ako. Napatingin ako sa isla, hindi ito magubat kundi may isang luma at sirang pabilog na gusali.

"Iho, iha, maiwan ko na kayo. Tawagan niyo ako kung kailangan niyo ng tulong. Sigurado ba kayong matutulog kayo rito?" tanong ni manong na hinhanda ang makina ng bangka.

"Opo, mag-iingat po kayo," bati ko sa kaniya.

Umiling-ilang siya at nag-aalalang tumingin sa amin, "Kayo ang mag-ingat. Oh siya una na ako. Bye!"

Kumaway kami ni Salva sa kaniya at pinanood na lumiit ang kaniyang pigura sa gitna ng dagat. Sumulyap ako kay Salva na ngayo'y pinapanood ang paglubog ng araw.

Kinumpas ko ang aking kamay upang makausap siya sa paraang sign language, "Ang ganda ng araw. Sana ikaw na lang 'yung araw para maganda ka."


Hindi makapaniwalang umismid siya sa akin at umirap, "Kaasar."


Kinumpas ko muli ang aking mga kamay saka siya niyakap, "Biro lang, tara na. Excited na ako."


Hinawakan ko ang kaniyang kamay at sinukbit ng mabuti ang bagpack ko saka naglakad patungo sa loob ng mangilaw-ngilaw na gusali. Samantalang hawak naman ni Salva ang camera.

Sikat kaming travel vloggers at mahilig puntahan ang mga nakakatakot at nakakakilabot na mga lugar. Isa si manong sa nagcomment sa live vlog namin noon at naagaw naman nito ang atensyon ko kaya heto kami ngayon sa pinakadulong isla ng Hundred Islands.

Nakapasok na kami sa gusali at kumalat sa ere ang malansa at maalat na amoy. Marahil ay dahil sa dagat ngunit mas sariwa ang hangin sa labas ng gusali.

Naramdaman kong kumapit sa aking bisig si Salva kaya napangiti ako ng kaunti roon. Tinapat ko ang flashlight sa pasilyo na dadaanan namin. Maraming mga silid subalit walang mga laman at puro bato lamang ang nandoon.

Naririnig pa rin namin ang alon sa 'di kalayuan at ang paghiyaw ng mga uwak habang padilim na ang paligid. 

Sa bawat hakbang na tinatahak namin, umaalingawngaw ang echo ng aming mga yapak sa payak ng mga dingding.

Ilang minuto kaming naglakad, nakarating na kami sa ikatlong palapag ng gusali kung saan makikita ang iba pang mga isla at ang kumikinang na dagat bungad ng liwanag sa kabilugan ng buwan.

Nawaglit ang tingin ko sa magandang tanawin nang kalabitin ako ng girlfriend ko, "Wala signal."


"Talaga? Kanina pa ba 'yan?" senyas ko sa kaniya. Tumango naman siya sa akin. Kinuha ko ang cellphone ko at inangat. Wala ngang signal.

"Wala nang signal pagkarating natin dito. Hindi kaya gumagana na ang sumpa ng Bakunawa?" tanong niya.

Huminga ako ng malalim at tumingin muli sa malayo, "Hindi ko alam. Hindi pa natin alam kung totoo ang mito."


Pumaroon kami sa pinakagitnang bahagi ng gusali rito sa ikatlong palapag. May malaking bukas na espasyo sa gitna kung saan may maliit na balon sa pinakababa.

Kukunan na sana ng video ni Salva nang may lalaking may dala ng balde papunta sa balon. Nakasuot ito ng sombrero at punit-punit na mga damit. 

Agad kong hinila si Salva sa gilid at tinakpan ko ang aking bibig upang hindi makalikha ng ingay. Panandalian akong sumilip ngunit mas lalong nanlaki ang aking mga mata nang makitang may binuhos siyang mga organs at malalaking mga isda sa loob ng balon. 

Napasinghap ako roon subalit binawi ko agad nang tumingin ang lalaki sa panig namin kaya agad akong nagtago at tinakpan muli ang aking bibig. Dumadagundong ang aking puso habang nanginginig na sinesenyas kay Salva na huwag maglikha ng ingay.

"Sundan kaya natin siya," suhestyon ni Salva sa akin. Napakunot naman ako sa kaniyang sinambit at sa kalmado niyang mukha.

"Baka masama siyang tao, nakita kong may atay pa siyang hinulog doon!"


"Baka naman kasi sa pating 'yun," senyas niya pabalik, "Akala ko ba kailangan natin maging matapang para sa vlog? Walang mararating ang pagpunta natin dito kung hindi natin aalamin ang lalaking iyon."


Tama nga naman. Sige, para sa vlog.

Maingat kaming bumaba ni Salva sa unang palapag habang vinivideo namin lahat ng nadaanan namin hanggang sa makarating kami sa balon.

Iniwasan kong hawakan ang gilid ng balon dahil may mga bahid pa itong dugo at aking nalaman na rito pala nanggagaling ang matapang at malansang amoy. 

Tinakpan namin ni Salva ang aming mga ilong at pinasadahan ng ilaw ang balon ngunit sa aming dismaya ay puno lang ng mga isda at lamang loob ang balon.

Kumawala ng buntong hininga si Salva at hinaplos ang kaniyang braso saka nanginig. 

Kinagat ko ang flashlight namin saka kinuha ang twalya sa bagpack ko. Pinalibot ko iyon sa balikat ni Salva at binigyan niya naman ako ng matamis niyang ngiti. Nginitian ko siya pabalik saka sinenyas na kailangan na naming gumalaw.

Nilibot ni Salva ang kaniyang tingin samantalang humakbang muli ako sa balon upang tignan. Wala talaga. 

Kasabay ng pagtanggal ko ng flashlight sa aking bibig, napansin kong may gumalaw sa mga isda. Pinailaw ko muli ang flashlight doon ng ilang mga segundo subalit wala na akong nakita. 

"Ano 'yun?" senyas sa akin ni Salva.

"Hindi ko alam, namamalikmata lang siguro ako."


Tinahak namin ni Salva ang pasilyong pinanggalingan ng lalaki. Sa pasilyong ito, nakakarinig kami ng ilang mga tulo ng tubig galing sa kisame. Mas kumapit ako kay Salva nang makaramdam ako ng malamig na tubig na tumulo sa aking ulo.

Marahang natawa si Salva roon ngunit nginitian ko lang siya. Hinawakan ko ang mainit niyang kamay na siyang nagpagaan sa aking loob habang sinisiyasat namin ang mga silid.

Tinahak pa namin ang mahabang pasilyo hanggang sa makarinig kami ng tunog ng radyo. Sabay kaming nagkatinginan ni Salva at nanlaki ang mga mata namin kaya nagtago kami sa kwartong katabi niyon.

"Silip muna ako," senyas ko sa kaniya. Hahakbang na sana ako ngunit hinawakan niya ako sa braso at umiling. Hinaplos ko ang kaniyang kamay saka pinadama na okay lang. Matapang kami dahil kami ang SalvaSion.

Tumango siya sa akin at binigyan ako ng go signal. Dahan-dahan naman akong sumilip sa kwarto. Naaamoy ko ang alat ng pader ng gusaling ito at nararamdaman ko ang aking hininga sa buong mukha ko.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon sumilip, mayroon radyo sa gilid at lamesa't upuan sa gitna kung saan may mga alak. Nakadikit naman sa pader ang iba't ibang armas ngunit hindi ito baril. Matutulis na anchor, itak at mahabang bakal na matulis.

Nilibot ko pa ang aking tingin sa maliit na silid subalit walang tao. Kinalabit ko si Salva mula sa aking likod ngunit wala akong naramdaman. Kinapa ko pa ang likurang bahagi ko subalit wala. Tatalikod na sana ako nang maramdaman ko ang hininga ni Salva sa aking gilid.

"Tinakot mo ako!" Kinumpas ko ang aking kamay na may buong pwersa. Hinawi lang niya ang kaniyang buhok at ngumiti.

Inayos niya ang camera saka pumasok na kami sa silid at mas naging malinaw ang pinapatugtog sa radyo.

You are my sunshine, my only sunshine

You make me happy when skies are gray

You'll never know dear, how much I love you

Please don't take my sunshine away


Napatalikod kami agad ni Salva nang makarinig kami ng pagbasag ng bote sa aming gilid. Sumigaw ang lalaki na ngayo'y galit na galit at may hawak na itak habang patakbo sa aming dereksyon.

Kinuha ko ang mahabang, matulis na metal at pinangsangga sa itak niya saka tinulak ng may buong pwersa. 

"Kuhanan mo ng video 'yun!" sigaw ko kay Salva kahit alam kong bingi siya, batid kong naiintindihan niya ang sinabi ko.

Nang maitulak ko ang lalaki, hinila ko si Salva palayo ng kwarto at tumakbo kami sa pasilyo. Nararamdaman kong tumutulo ang aking pawis at namamanhid ang aking mukha habang hawak ang pawising kamay ni Salva.

Kasabay ng kalabog ng aking puso ay ang yapak namin habang tumatakbo. Lumingon ako palikod at laking gulat na sinusundan pa rin kami ng lalaki habang hawak ang kaniyang itak.

Kung saan-saan kami lumiko ng girlfriend ko hanggang sa nakahanap pa kami ng hagdaan pababa sa unang palapag. 

Pagkababa namin, binuksan ko ang pinto saka kami pumasok at maingat na sinarado iyon. Sumandal kami sa pader at hinabol ang aming hininga. Napahawak siya sa kaniyang puso at nagpunas ng pawis. 

Mabuti na lamang at hawak-hawak niya pa rin ang camera. Nilibot ko ang aking piningin sa paligid, napapaligiran kami ng tubig. Baka lagusan ito. 

Sa nasaksihan namin, hindi na kami nagtataka kung bakit naging misteryoso ang isla na ito. Kailangan na naming makaalis subalit walang signal dito.

Sa sulok ng pinakababang palapag ay may mga apoy na nagsisilbing ilaw. Ilang hakbang lamang ang layo namin sa lagusan at wala nang ibang pagtatapakan dito.

Mas lalong naging malansa ang naamoy ko nang kumalma ako ng kunti. Sumulyap ako sa lagusan ngunit agad akong napakurap nang makakita ako ng mga lamang loob at patay na isda. Nakakonekta nga ito sa balon.

Lumingon ako kay Salva na naghahabol pa rin ng kaniyang hininga. Lalapitan ko na sana siya nang makarinig ako ng magandang boses na kinakanta ang awit na narinig namin sa radyo.

The other night dear, as I lay sleeping

I dreamed I held you in my arms

But when I awoke, dear, I was mistaken

So I hung my head and I cried


You are my sunshine, my only sunshine

You make me happy when skies are gray

You'll never know dear, how much I love you

Please don't take my sunshine away


Nakakahumaling ang magandang boses na iyon na sa aking tingin ay nanggagaling sa lagusan. Nagkakaroon ng echo sa buong lugar ang matamis niyang tinig. 

Ang pinakababang palapag na kinaroroonan ko ay biglang nag-iba ang hulma. Sa harapan ko ay may waterfalls at sa gilid ko ay maraming puno ng niyog. Sa pinakagitna nakaupo ang isang magandang sirena sa malaking bato habang pinapagpatuloy ang awitin. 

I'll always love you and make you happy

If you will only say the same

But if you leave me and love another

You'll regret it all some day

You are my sunshine, my only sunshine

You make me happy when skies are gray

You'll never know dear, how much I love you

Please don't take my sunshine away


Nabalik ako sa ulirat nang makaramdam ako ng malakas na sampal. Nawala na ang talon at mga puno ng niyog na nakita ko. 

Napatingin ako sa gitna ng lawa, naroon ang magandang sirena. Mabilis akong tumingin kay Salva ngunit nagtataka ako sa lubos na pag-aalala niya.

"Nakikita mo ba iyon, Salva?" tanong ko habang nakaturo sa sirena. 

Tumango siya sa akin ngunit hindi kami parehas ng reaksyon. Sa halip na matuwa, siya ay natataranta habang hawak niya ang camera.

Haharap na sana ako sa magandang sirena ngunit nabulabog kami nang nasira ang pinto. 

Hinawakan ko ng mahigpit ang matulis na metal. Sasaksakin na niya sana si Salva ngunit sumingit ako at pinangsangga ang metal. 

Tinulak ko ulit siya ngunit nagawa niya akong daplisan sa braso.

"I-record mo ito!" sigaw ko sa gitna ng aking mga daing habang tinuturo ang camera.

Tinaas ko ang metal at buong pwersa kong hinampas sa ulo ng lalaki ngunit hindi siya natinag dinaplisan pa ako sa kabilang braso.

Nang makalapit ang lalaki, napagtanto kong puti lang ang kaniyang mga mata. Hinampas ko ulit ang metal sa kaniyang itak at sinipa ang kaniyang kamay hudyat ng pagbitaw niya ng itak.

"Salva! Kunin mo 'yung itak!" Hindi ko na pinansin ang gawi ni Salva at mas pinagtuunan ko ng pansin ang lalaki subalit pagkaharap ko sa kaniya ay bigla niya akong tinulak sa lagusan.

Nabalot ako ng tubig at papalubog ako pababa. Sinubukan kong buksan ang aking mga mata at nagulat nang makitang nag-ibang anyo ang sirena.

Hindi na siya maganda. May mga malalaki siyang ngipin at pulang mga mata. Ang kaniyang buntot ay buto lang. 

Biglang sumakit ang aking ulo dahil nais kong huminga sa bilis ng tibok ng puso ko. Namamanhid na ang aking mga paa nang buksan ng sirena ang nakakatakot niyang bibig.

Nang mapagtanto kong mabilis siyang lumalangoy patungo sa akin, pinilit kong iahon ang sarili ko hanggang sa makarating ako sa ibabaw. Humigop ako ng hangin at buong pwersang inangat ang sarili ko nang maramdaman ko ang patag.

Sinampat ko ang kanan kong paa at isasampat na sana ang kaliwa nang nakaramdam ako ng matulis na bagay na gumasgas sa aking paa. Mabilis kong binawi ang paa ko at sa mabuting palad, sapatos lamang ang nakain ng sirena.

Nabaling ang atensyon ko kay Salva na ngayo'y hinihingal. Sa tabi niya, nakahandusay ang lalaki at may itak na nakasaksak sa kaniyang puso.

"Wow paano mo siya napatay?" senyas ko sa kaniya. 

"Huwag na natin problemahin 'yan, alis na tayo!" senyas niya pabalik sa akin.

Sabay kaming tumakbo ni salva paakyat ng hagdan habang hawak-hawak ang itak at mahaba na metal. 

Tumakbo kami ng tumakbo habang kinukunan ng video lahat hanggang sa nakalabas na kami ng gusali.

Bilog na bilog pa rin ang buwan na siyang nagbibigay liwanag sa buong isla. Nagtungo kami ni Salva sa piyer at naghanap ng mga bangka.

"Totoo ang mito?" tanong ko kay Salva ngunit nagkibit balikat lamang siya, "Ang sabi diba sinumpa ni Bakunawa dahil inggit siya sa mga anak niya. Nakita mo naman ang sirena 'diba? Baka nainggit siya sa kagandahan niyon?"

Muli, kibit-balikat lamang ang nakuha ko kay Salva na abalang tumitingin ng mga bangka.

"Bakit hindi ka kaya sumigaw ng tulong?" pagalit niyang tanong. 

"Sige, pero gets mo naman punto ko 'diba? Na baka totoo ang mito?" tanong ko ngunit iritable lang siyang tumingin sa akin.

 Kumawala ako ng buntong hininga at sumigaw, "Tulong! May tao ba diyan!"

Ilang minuto kaming nanatiling ganoon ngunit wala kaming nakuhang senyales ng mga tao. Humakbang pa ako sa pinakadulo ng pyer nang biglang narinig ko ulit ang awit na iyon.

You are my sunshine, my only sunshine

You make me happy when skies are gray

You'll never know dear, how much I love you

Please don't take my sunshine away


Nakita ko muli ang pamilyar na talon at mga puno ng niyog. Maaraw at magandang magbakasyon. Kumakanta ulit sa pinakagitna ang sirena na may mahabang buhok at kulay itim na buntot.

Tinitigan niya ako at hindi ko na magawang tumingin sa iba pang bagay. Tila nakahuhumaling ang kaniyang mga mata at kaniyang boses.

Humakbang pa ako papalapit sa kaniya ngunit nagulat nang bigla akong nahulog at nabalot ng malamig na tubig.

Binuksan ko ang aking mga mata at laking gulat ko na nalulunod na pala ako! Papalangoy ulit ang sirena na may nakakatakot na mukha patungo sa akin. 

Pinilit kong umahon pataas ngunit hindi ko magawa. Hinawakan kong mabuti ang matulis na metal at sinalubong ang sirena.

Ilang segundo na lang ay makakakain na niya ako. 'Di alintana sa sakit ng aking ulo at sa kakulangan ng hangin, sinaksak ko ang mahabang metal sa bibig ng sirena.

Agad namula ang paligid ko kaya't kinuha ko na ang pagkakataong iyon na umahon sa pyer.

Tinulungan ako ni Salva na sumampat saka ko hinabol ang hininga ko. "Patay na siya."

Yayakapin ko na sana siya ngunit bigla siyang tumagilid, "Ano?"


Kumunot ang kaniyang noo ngunit mas nagulat ako nang may mga luhang tumulo sa kaniyang mga mata.

Kinumpas ko ang aking mga kamay kahit nahihirapan dahil sa sugat sa aking mga braso. "Bakit?"

Umiling-iling siya at tinakpan ang kaniyang mukha. 


Sa lahat ng mga malalagim na nangyari ngayong gabi, ang pinakanagulat ako ay nang magsalita siya. Akala ko bingi at pipi siya ngunit narinig ko mismo ang mga salitang nakakatakot sa kaniya.

"Sion, pasensya na."

"Nagsasalita ka?" bulalas kong tanong sa kaniya, "Bakit mo nilihim sa akin? Limang taon na tayong nasa relasyon Salva. Bakit?"

Imbes na lumapit ako upang patahanin siya, mas napahakbang ako paatras, "Tinago ko ang boses ko dahil ayaw kong mahypnotize ka at kapagnangyari iyon baka mapatay kita. Sirena ako, Sion."

Natigil ako sa kaniyang sinabi, "A-ano?"

Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil narinig ko boses niya o hindi.

"Pasensya na Sion. Mahal kita pero mas mahal ko tribo ko." Humakbang si Salva papalapit saka tumalon sa tubig at doon nasaksihan ko ang pagiiba ng kaniyang mga paa. Naging itim na buntot ito habang akay-akay niya ang sirenang pinatay ko.

All this time. Nagsasalita siya at sirena siya. Hindi niya man lang sinabi na totoo ito.

Hahanapin ko pa lang sana ang camera nang biglang nakarinig ako ng mga daing mula sa malayo. Hinalugilap ko ang buong karagatan at laking gulat ko na marami na silang sirena na lumalangoy patungo sa akin.

Yumuko ako upang kunin ang itak at hinawakan ito ng mahigpit saka pumikit.

Mapapabilang na ako sa Mito ng Hundred Islands.

#MitongHundredIslands

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top