#1: Paglamig ng Hangin

Bisperas ng nalalapit na Pasko, maraming mga taong abalang-abala na sa pagluluto ng mga ihahanda, mga taong abala sa pamimili ng mga regalo, at mga taong hindi magkamayaw sa kasiyahan dahil kinabukasan na ang dakilang araw ng kapanganakan ni Kristo.

Ngunit paano nga ba sasalubungin ng magkapatid na palaboy na sina Jomar at Jojie ang Kapaskuhan sa kabila ng nadaramang hirap, gutom, at lungkot sa kalyeng punong-puno ng mga taong busog sa kasiyahan? Tunghayan ang kanilang pagsalubong sa nasabing natibidad.

Started: December 24, 2022
Finished: December 24, 2022

“Ang bango ng barbecue, Kuya Jomar!” bulalas ni Jojie sa kuya niyang si Jomar. Humahalimuyak sa kan’yang ilong ang masarap na amoy ng iniihaw na barbeque ng isang ale sa tapat ng isang malaking bahay sa Kamaynilaan.

“Ang bango nga, Jojie...” simpleng ngiti na lang ni Jomar. Napangiti rin si Jojie sa sinabi ng kuya niya.

“Kuya p’wedeng bumili ka no’n? Ilang araw na ’kong ’di kumakain, eh.” Sinamantala nang magtanong ni Jojie sa kapatid, ngunit napawi kaagad ang ngiti nito sa labi.

“Jojie, alam mo namang wala tayong ni katiting na sentimo ngayon, ’di ba? Kaya pakiusap, magtiis ka muna kahit ngayong gabi lang. Hahanap na lang si Kuya bukas ng makakain, pangako.” Pakiusap naman ni Jomar sa kapatid.

Nawala rin ang mga ngiti sa mga labi nitong sumasagisag sa pag-asang makakatikim ng mabangong barbeque. Napayuko si Jojie at humawak na lamang sa kamay ng kuya nitong pawang puno ng dumi at langis.

Napahinga siya nang malalim, hindi niya lubos maisip na kakaharapin niya ang isang napakalaking suliranin. Matagal nang palaboy sila Jojie at Jomar sa kalsada ng Maynila, murang edad pa lamang ay talagang nasaksihan na ng dalawa ang kalupitan ng mundo.

Noong una’y nariyan ang kanilang nanay upang suportahan sila, ngunit naglaon ay namatay ito dahil sa isang malubhang karamdaman at inabandona naman sila ng ama nila kaya sila nagpalaboy-laboy.

Wala nang permanenteng tahanan dahil sinira ng mga tauhan ng kagawaran ng pamahalaan ang squater’s area kung saan sila dating nakatira, natutulog ang dalawa sa mga kalye ng Intramuros.

Sa pitong taong gulang na si Jojie, hindi pa masyadong pamilyar sa kan’ya ang sitwasyong kinakaharap nila, ngunit si Jomar na dose anyos na’y alam na ang daloy ng buhay kalsada.

Ika-dalawang pu’t apat ng Disyembre, alas siyete ng gabi, ang mga tao’y abalang-abala na sa pagluluto at paghahanda sa nalalapit na Pasko. Ang nga dekorasyon sa mga kabahayan ay siyang kaygagada’t kumukuti-kutitap.

“Kuya, sige na... hindi ko na talaga kaya! Ang sakit na ng tiyan ko.” Pakiusap muli ni Jojie sa kuya niya habang hinihila-hila ang braso nito.

Halos mapunit na ang manggas ng kusot-kusot at tagpi-tagping kamiseta ni Jomar dahil sa kapipilit ng kapatid, napatingin si Jomar sa kapatid nang may awa sa mga mata nito. Halos umiyak na si Jojie, kaya napaiwas ng tingin si Jomar sa kan’ya.

“Sige, Jojie, gagawa ng paraan si Kuya.” Huminga nang malalim si Jomar at pinabitiwan niya ang sarili sa kapatid.

“Dito ka lang, ’wag kang aalis dito, ha.” Pinilit ngumiti ni Jomar, tumingin siya sa nag-iihaw ng barbecue at humiga siyang muli nang malalim.

Iniwan niya si Jojie panandalian at nagtungo siya sa nag-iihaw, medyo may kaba pa siyang lumapit dito. Nang makita siya ng babaeng nag-iihaw ay napakunot kaagad ang noo nito habang nakatingin kay Jomar.

“Kayo nanamang mga batang hamog? Umalis kayo rito’t maraming bumibili sa ’kin! Magpa-Pasko’y iniinis niyo ’kong mga batang ulitba kayo!” kaagad siyang sinumbatan ng babae.

“Pero, Ale... k-kahit isa lang po. Kahit para lang po sa kapatid ko, gutom na gutom na po kasi siya, eh. Pakiusap po, Ale.” Pagmamakaawa pa ni Jomar sa babae.

“Pare-pareho lang kayo ng rason, puro na lang ’yang gutom-gutom na ’yan! Ba’t pa kasi pinanganak ng mga walang kuwenta niyong mga magulang kung pababayaan lang din naman pala kayong magkagan’yan! Alis!” pagtataboy ng babae.

Sa mga sinabi nito’y naapektuhan si Jomar, sa pagsasabi nito sa mga magulang na wala namang kuwenta subalit minahal sila ng lubos nang ina hanggang sa mawala ito. Siyang tunay na nakakapag-alab puso, napakuyom si Jomar.

“Bawiin po ninyo ang sinabi ninyo, ale, pakiusap. Wala po kayong karapatang sabihan nang gano’n ang mga magulang namin.” Napayuko si Jomar at maluluha na sa kinahahaharap na sitwasyon.

“Aba’t ayaw mong umalis?! Puwes tama nga lang ang mga sinabi ko! Walang kuwenta ang mga magulang ninyo dahil pinabayaan kayong magkagan’yan, Totoy!” masamang pagbibiro ng babae.

“Sabi nang bawiin ninyo ang mga sinabi niyo! Bakit?! Ano bang alam niyo sa pinagdaanan namin?! Ang kapal naman ng muka niyong sabihan ako ng gano’n, kung gayong humihingi lang lang ako ng kaunting pagkain para sa kapatid ko! Wala kang puso, ikaw ang walang kuwenta!” hindi na napigilan ni Jomar ang sarili.

Dito ay mas nag-apoy sa galit ang babae at mabilis siya nitong nilapitan at itinulak. Sinipa siya nito nang paulit-ulit, gayon din ang paulit-ulit na pagkayod ng katawan niya sa sementong daanan dahil sa walang humpay na pagbato sa kan’ya ng babaeng naghuhumindik sa galit.

“Ikaw, ’yan ang dapat sa ’yo dahil masyado Kang maraming sinasabi! Walang lugar ang mga katulad mo rito sa mundong ’to! Salot ka!” Patuloy pa siyang binugbog ng babae.

Dito nakita ni Jojie ang sitwasyon, ang kalunos-lunos na sinapit ng Kuya Jomar niya ay ang nag-udyok sa kan’yang tumakbo palapit dito. Dito na tuluyang tumulo ang mga luha sa mga mata niya dahil sa bigat ng sitwasyon.

“Itigil niyo na po! Pakiusap, itigil niyo na! Ang sama ninyo! Ang sama ninyo!” Umawat si Jojie ngunit tumalapon lang din siya sa lakas ng babae.

“Isa ka pa! Pareho kayong salot sa lipunang ’to!” sigaw pa ng ale. Sinipa niya pang minsan si Jomar at itinulak namang palayo si Jojie.

Parehong tumama ang kanilang mga ulo sa sementong kalsada dahilan upang tumagas ang dugo mula sa kanilang ulo patungo sa kanilang pisngi. Kaagad nakabagon si Jomar at kaagad niyang niyakap ang kan’yang kapatid. Masama niyang tinignan ang babaeng masama ring nakatingin sa kanila.

“Pagkain ang hiningi namin, hindi pananakit. Kung ayaw niyo kaming bigyan, ayos lang pero bakit niyo kami kailangang saktan nang gan’to?!” Hindi na mapigilang maluha ni Jomar nang sambitin niya iyon.

Walang imik ang babae, tumalikod na lang ito at bumalik sa pagluluto ng barbecue. Samantala, wala ring nagnais na lapitan o tulungan man lamang sila Jomar at Jojie habang nakalupasay silang dalawa sa kalsada. Ang mga tao’y nilalagpasan lang sila at ang iba namang dumaraan ay pinagtatawanan pa sila.

Puro galos ang kamay at braso, tumatagas pa ang dugo mula sa ulo ay binuhat ni Jomar si Jojie at dinala sila ng mga paa nila sa kung saan man sila patunguhin nito. Narating nila ang Simbahan ng San Agustin, sa madilim na bahagi sa gilid ng simbahan ay ibinaba ni Jomar ang kapatid.

Umiiyak si Jomar habang pinagmamasdan ang kalunos-lunos na sinapit ng munting bata. Puno ng pasa at galos, dumurugo pa ang ulo dahil sa sinapit nito kanina lang. Hinubad ni Jomar ang suot niyang damit na maaari nang maitulad sa isang basahan.

Pinunasan nito ang dugo sa ulo ng kapatid, niyakap niya ito nang mahigpit, kasabay noon ay nakarinig sila ng isang awitin mula sa loob ng simbahan.

Pagalmig ng hanging hatid ng Pasko...”

Nananariwa sa ’king gunita...”

“Ang mga nagdaan nating Pasko...”

“Ang Noche Buena’t Simbang gabi...”

“Kuya... nagugutom at nauuhaw na po ako, gusto ko na pong kumain.” Nagkamalay si Jojie at iyon ang una niyang sinambit.

Napakagat sa labi nito si Jomar at Dito na niya niyakap ang kapatid, walang humpay ang pagpatak ng luha sa kan’yang mga mata.

“Narito na ang Pasko...”

“At nangungulilang puso ko...”

“Hanap-hanap, pinapangarap...”

“Init ng pagsasalong tigib sa tuwa...”

“Ng mag-anak na nagdiwang...”

“Sa sabsaban no’ng unang Pasko...”

“Patawarin mo ako, Jojie, wala akong kung ano mang pagkaing maibigay. Wala akong kuwentang kapatid, patawarin ko ako.” Niyakap ni Jomar nang mahigpit ang kapatid.

Saglit pa ay nagliwanag ang kanilang paligid, kapwa nila idinilat ang kanilang mga mata at napansin nila mula sa itaas ang isang parol na nagniningning. Parehas silang napangiti, yumakap na rin pabalik sa kan’yang kuya si Jojie habang nakatingin sa parol.

“Kuya, ang lamig po ng hangin. Hindi po ba kayo nalalamigan?” tanong pa ni Jojie sa kapatid. Malamig ngang tunay ang hangin tanda ng papalapit nang Pasko, ngunit tila ba hindi ito alintana ni Jomar.

Nakatali sa ulo ni Jojie ang kamiseta ni Jomar, nakatingin sila sa nagniningning na parol na nagsisilbing kanilang nalalabing kaligayahan sa masalimuot na gabing nangyari sa kanila. Napahinga nang malalim si Jomar at itinapat niya sa dibdib niya ang ulo ng kapatid upang mainitan ito.

Parehas silang napapikit, parehas na may kalungkutan ay masaya niyang niyakap ang isa’t isa. Sa malamig na panahon, sila ang naging init ng isa’t isa. Minsan pa’y tumulo ang luha mula sa mga mata ni Jomar ngunit nagulat siya nang may humaplos dito.

“Jomar, Jojie, bakit gan’yan ang hitsura ninyo? Pinabayaan na naman ba kayo ng tatay ninyo?” May isang babaeng nagtanong sa kanila no’n—ang kanilang ina.

Kaagad napadilat si Jomar at si Jojie dahil narinig nila ang pamilyar na tinig, napangiti sila dahil nasilayan nila ang kanilang ina mula sa kanilang harapan. Muli ay tumulo ang luha ni Jomar ngunit hindi na dahil sa lungkot, kung hindi ay dahil sa natutuwa ito.

“Inay, Inay!” Parehas na bumangon ang magkapatid upang hagkan ang ina. At nang mahagkan nila ito ay biglang mas nagliwanag pa ang buong paligid.

Bigla na lamang nilang natagpuan ang kanilang mga sarili sa isang malaking bahay, puno ng kumukuti-kutitap na mga palamuti at mga punong dinikorasyunan ng ponsensiya, esposes, at mga ornamento.

Saglit nilang naamoy ang isang pamilyar na amoy ng pagkain, pagtingin nilang dalawa sa kanan ay nakita nila ang isang tumpok ng barbecue na nakahain sa mesa kasama ng iba pang mga handa gaya ng hamon at queso de bola.

Tumingin sila sa ina nilang nakangiti sa kanila, at naramdaman nilang umihip muli ang malamig na hangin. Pagkibit-balikat nila’y napansin nila Jomar at Jojie na nakasuot na sila ng magandang damit, mainit na rin ang pakiramdam nila dahil parehas silang nakasuot ng parehas na kulay na jacket.

Hindi na kamisetang tagpi-tagping mukhang basahan ang suot nila ngayon, malinis na rin silang tignan at nawala ang mga galos at pasa nila sa katawan. Halos hindi makapaniwala sila Jomar at Jojie dahil sa naranasan nila, kung panaginip lang iyon ay nais na lang nilang managinip habang buhay.

Lumipas pa ang ilang oras, sumapit ang alas dose at sabay-sabay silang kumain sa Noche Buena. Nang dahil sa sobrang gutom na gutom sila Jomar at Jojie ay nilabis nilang kumain, natutuwa naman silang pinagmamasdan ng kanilang ina na siyang naghanda ng lahat ng ito.

Sa pag-awit muli ng himig-Pasko...”

Nagliliyab sa paghahangad...”

Makapiling kayo sa gabi ng Pasko...”

Sa alaala’y magkasama tayo...”

“Inay, ang sarap po ng hinanda ninyong pagkain. Ngayon po, inaantok na po kami, p’wede na po ba kaming matulog?” tanong ni Jojie sa ina. Ngumiti naman ito at tumugon.

“Ayaw na po naming mawalay sa inyo, Inay. Ayaw na po naming bumalik sa pagiging palaboy, ayaw na po naming maranasang mahirapan pa. Gusto na lang po namin dito sa inyo.” Nagmakaawa si Jomar sa ina.

“Pagod na pagod na kayo, mga anak ko. Dapat lang na matulog na kayo, dahil makakasama niyo na ako habang-buhay. Hindi na tayo magkakahiwalay pa, mga anak ko.” Yumakap ang kanilang ina sa kanilang dalawa.

Pumikit sila Jomar at Jojie nang yakapin ng ina, hindi nga kalaunan ay natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa isang silid na punong-puno ng kanilang mga pinapangarap na regalo’t laruan. Ang kanilang ina ay nakatayo sa gilid ng higaan at pinahiga sila rito.

Malambot ang higaan at may makapal na kumot, malayo sa malamig na semento at manipis na kartong hinihigaan nila sa kalye. Pulos ngiti at tuwa ang nasa loob ng dalawa, nang sila’y humiga na sa malambot na kama.

“Matulog na kayo, mga anak. Bukas, bubuksan natin ang mga regalong nandito sa kuwarto niyo. Matulog na kayo, narito lang ang Inay.” Ngiti ng kanilang ina sa kanilang dalawa.

Dito nga ay nagharap ang magkapatid habang nakangiti pa rin.

“Ito na yata ang pinakamasayang Paskong naranasan ko, Kuya... salamat na lang talaga’t bumalik na si Inay.” Ngiti ni Jojie.

“Hinding-hindi na tayo aalis sa piling ng Inay, Jojie. Hinding-hindi na tayo babalik sa dati nating buhay. Matulog ka na, dahil tiyak kong magiging masaya ka bukas sa mga regalo’t laruang matatanggap mo.” Hinaplos ni Jomar ang pisngi ng kapatid.

Dito nga ay sabay nilang ipinikit ang kanilang mga mata.

“Narito na ang Pasko...”

“At nangungulilang puso ko...”

“Hanap-hanap, pinapangarap...”

“Init ng pagsasalong tigib sa tuwa...”

“Ng mag-anak na nagdiwang...”

“Sa sabsaban no’ng unang Pasko...”

Hindi nga nagtagal ay nakatulog na ang magkapatid, sa Paglamig ng hangin ay gayon na rin ang pagkawala ng init sa kanilang mga katawang nakahiga sa gilid ng simbahan. Nawala ang ilaw sa parol, gayon din ang pagtatapos ng kanta—hudyat ng pagtatapos ng kanilang buhay.

Hindi nga naglaon ay sumapit ang umaga, natagpuan ng mga tao ang kanilang bangkay na magkayakap ngunit parang natutulog lamang sila Jomar at Jojie. Ito ay sa kadahilanang kahit pa sila’y wala nang buhay ay nakangiti pa rin sila, tanda ng kasiyahang nadama sa mga hindi makalilimutang karanasan.

Sa paglamig ng hangin ay may dalawang batang namaalam sa masalimuot na mundong ito. Tanda sila Jomar at Jojie na kahit ano pang mangyari at kahit ano pang lungkot ang maranasan natin, may pagkakataon pa rin tayong sumaya.

Nawa’y sa pagdating ng Pasko ay huwag nating abusuhin at pagsalitaan ng masasama ang mga taong katulad nila. Huwag silang pagtawanan, huwag silang tuyain sa kung ano mang hitsura nila.

Dahil katulad natin, tao rin sila at nagpupuri rin sila sa Diyos. Hinihikayat namin na kahit na ano pang mangyari ay dapat nating ibaba ang ating mga sarili at ilagay ang ating katayuan sa katayuan ng mga taong nakakasalamuha natin.

Sapagka’t hindi natin kilala ang kaloob-looban ng isa’t isa, at mas lalong hindi natin kilala at hindi natin alam ang pinagdadaanan ng bawat isa sa ’tin. Sa pagsapit ng Pasko, nawa’y naunawaan natin na ginawa tayong pantay-pantay ng Panginoong Maykapal.

---Wakas---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top