Chapter 8

Missing Bodies
Written by: XenontheReaper
- - -

Aligagang-aligaga kami habang tinatahak ang daan palabas ng gubat; si Bella ang nauna habang hawak-hawak ang cellphone ko bilang flashlight at tanglaw namin. Nakasunod naman sina Kezel at Emily habang ako'y nasa huli dahil sa may hawak akong baril.

Napakadelikado kapag 'di ako magdadala ng armas, baka nandiyan lang 'yang halimaw na salarin sa tabi-tabi at handang-handa kaming atakehin kapag nakakuha ng pagkakataon.

Ang baril na lang panlaban namin.

Hindi rin naman ako tumitigil sa pagdarasal na sana makakasalubong namin sina Wreen. Kahit papano'y mapapanatag ang loob ko kapag kasama ko na ang ilang kalalakihan ng grupo. Mas marami, mas malakas ang pwersa.

"Malayo pa ba?" Tanong sa 'kin ni Emily na panay sa paglingon. Mababakas sa mukha niya ang takot at pagkabalisa.

"Medyo malayo pa." Sagot ko.

Sigurado akong malayo pa talaga dahil sa may lamp post kasi sa kalsada't nakailaw ito malamang. Hanggang ngayon ay hindi pa rin namin nakikita o naaaninagan man lang ang kahel nitong kulay kaya nasabi kong malayo pa talaga kami.

Hindi ko rin alam kung tama ba itong tinatahak namin dahil sa kanina pa kami palakad-lakad. Siguro ay naliligaw na kami dala ng pagtakbo kanina.

Bumalik ulit ang katahimikan at nagpatuloy ang lahat sa paglalakad. Kahit nangangati na sa nangangagat na lamok ay walang umangal dahil sa alam kong iisa lamang ang pakay naming apat, 'yon ay ang makaaalis agad dito.

Hindi na kasi maitatangging mas lumalala ang problema namin, mas lalong bumabangis ang kalaban namin. Hindi na ito natinag sa 'ming security system.
Bahala na kung isusuko ko ang aking propesyon basta't h'wag lang ako malagay sa ganitong uri ng sitwasyon.

- - -

"Ano 'yon!?"

Sa kalagitnaan ng paglalakad mami'y natigil kami nang magsalita si Bella. Lahat kami'y nagtataka kung anong problema niya, ngunit nalaman din namin iyon nang mapansin ito.

Nagmatyag kami at laking gulat ko nang makarinig ng kaluskos kung saan. Parang nagbalik tuloy 'yong nangyari sa 'kin kanina na kung saan-saan ko na lang itinutok ang aking baril. Pati na rin si Bella, nanginginig niyang natakpan ang ilaw ng flashlight, at sina Emily at Kezel ay napalapit agad sa 'min.

Wala nang nagtangka pang magsalita. Ang katawan ko'y nanlalamig at namamawis na hindi ko alam. Idagdag mo pa ang puso kong walang humpay sa pagtibok.

Natatakot na ako.

Hanggang sa masanay na ang mg mata ko sa dilim. At laking pagkagimbal ko nang makita ang ang isang bulto ng taong nakasilip sa kahoy na sa tantiya ko'y mga limampung metro ang layo sa 'min. Kahit anong kurap ko'y naroon nga siya, panay sa pagsilip din sa 'min.

Nakakatakot ang awra niya, titig pa lang niya'y parang pinapatay na kami.

At may naisip akong plano. Hindi ko alam kung tama ba itong plano ko o epektibo ba, pero ito na lang ang natitirang paraan ko pa ra makatakas. Isang baril lang na may limitadong bala at sarili na lamang ang panlaban namin.

Nawa'y gabayaan N'yo po kami.

"Sa pagbilang ko ng tatlo, sabay-sabay tayong tatakbo." Bulong  ko sa kanila. "Maghiwa-hiwalay tayo para hindi niya tayo masundan."

"A-ano? Delikado 'yan Eurie!" Asik ni Emily na saktong narinig naming tatlo.

"Delikado nga alam ko, pero malaki ang tsansa nating makakatakas. Lilituhin natin siya, mag-isa lamang kasi ito. Ang unang makakalabas ng gubat na ito'y agad tatawag ng tulong. Maliwanag?"

"Si-sige."

Wala silang magawa kung hindi ang tumango na lang at sumunod sa 'kin. Siguro'y wala na rin silang ibang mapapagpipilian kung kaya't pumayag na lang sila.

"Itapon mo 'yang cellphone ko Bella o patayin mo ang ilaw niyan para hindi ka niya masundan. Hangga't makakaya ay sanayin n'yo na ang mga mata n'yo sa dilim. Magiging mahirap ito." Payo ko sa kaniya.
Ibinalik ko ang aking tingin sa huling kinalulugaran ng salarin at naroon pa rin siya. Nakasilip. Wala pa rin itong pagbabago at parang naghihintay lamang ngunit naghahanda para umatake.

"Isa..." Panimula ko.

Hindi ko alam kung anong kinahihinatnan nitong plano ko. Pero sana nama'y makasalubong na namin sa dulo sina Wreen.

"Dalawa..."

Walang katumbas ang nadarama kong takot. Ang puso ko'y walang humpay na sa pagkabog na parang sasabog na talaga. Nagsisimula na ring manigas ang katawan ko't nanlalamig na rin. Ang paghinga ko'y hindi ko na kontrolado pa.

"Takbo!" Sigaw ko't agad na pinaundayan ng putok 'yong taong nakasilip.

Agad naman silang nagsitakbuhan kung saan-saan habang ako'y tinataya ang buhay sa pagbabaril sa kaniya. Inilabas ko lahat ng aking galit at takot sa pagpapaputok, kahit na nanlalambot na ang tuhod ko'y pinilit ko pa ring maging matatag.

Ngunit, ilang putukan lang ay naubusan na ako ng bala. Napailing ako't marahas kong tinapon ang baril kung saan at agad na kumaripas ng takbo.

Sobrang bilis ng takbo ko't hindi alintana ang mga daplis na nakukuha sa mga sanga ng kahoy na nadaraanan. Matulin lamang ang takbo ko't parang nakikipagkarerahan na ako. Ngayon lang ito nangyari sa 'kin na tumakbo ng sobrang bilis na hindi man lang napapagod agad. Ang gaan ng katawan ko na para bang nililipad ko na ang buong gubat.

Paliko-liko ang takbo ko't hindi ko alam kung nasaang parte na ako ng gubat. Basta't ang iniisip ko lang ay ang makalayo sa kaniya. Panay rin ako sa paglingon, umaasang sana ay hindi niya ako nasundan. At hindi ko maitatangging ngayon lamang ako nakapagdasal ng walang tigil, pilit nananalangin na makaalis ako't makaligtas.

"Shit!" At kung minamalas nga naman talaga ay napatid ko ang nakausling ugat. Hindi ko ito napansin dahil sa panay ako sa paglingon.

Huli na nang namalayan ko ang aking sarili na bumabagsak sa lupa. Sobrang sama ng pagbagsak ko dahil sa namimilipit na ako sa sakit, wala akong magawa kung ang indahin lahat ng ito at nagpatuloy muli sa pagtakbo kahit na paika-ika.

Makalipas ang ilang minutong kalbaryo ko'y sa wakas ay may naaaninagan rin akong ilaw na kulay kahel sa dulo. Batid kong 'yon na ang kalsada, naroon na rin ang sasakyan namin at makakatakas na ako.

Ilang takbuhan at pagtitiis na lang ay sa wakas makakalayo na ako, makakaligtas na ako. Mas bumilis ang takbo ko't sabik na sabik nang marating ito.

"Diyos ko po! Salamat!" Bulalas ko nang marating ang kalsada.

Humihingal akong napayuko't naitukod ang magkabilang kamay sa tuhod. Pilit kong hinahabol ang aking paghinga habang pinapahinga ang aking katawan dahil sa nararamdaman ko na ang pagod. Ngunit hindi maitatangging napangiti ako sa katotohanang nakalabas na ako sa gubat.

Pero hindi pwedeng maging panatag na lang dahil sa nakalabas na ako sa gubat. Kailangan ko pa ring kumilos lalo na't wala pang kasiguraduhan ang kaligtasan ko.

Kaya matapos masaayos ang paghinga ay dali-dali kong tinungo ang natatanging kotse na naiwan malapit sa poste ng lamp post at agad na sumakay. Buti na lang talaga at may kaniya-kaniya na kaming kopya ng susi ng bawat sasakyan at nagawa ko talagang magamit ito.

Nanginginig kong isinilid sa keyhole ang susi at nang mapaandar ito ay agad kong pinaharurot ang kotse paalis sa gubat---ang impyerno.

Para akong nabunutan ng tinik nang tinatahak ko na ang daang palabas ng gubat. Ilang metro na lang ay mararating ko na ang main highway at ako'y siguradong ligtas na.

Siguro nama'y makakahintay sina Emily, Bella, at Kezel sa 'king pagbabalik. Pagbalik ko'y dala-dala ko na ang mga pulis na reresponde't magliligtas sa kanila. Basta't kailangan lang nilang manatiling buhay hanggang sa makabalik ako.

Masama mang isipin na iniwan ko sila ro'n ay wala na akong magagawa pa. Hindi ko pwedeng isakripisyo ang sarili at maghintay na lang do'n, malaki kasi ang posibilidad na baka ako 'yong nasundan dahil sa ako ang kahuli-hulihang tumakbo. Ayoko pang mamatay.

Sana lang at nakapagtago sila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top