Chapter 6

Missing Bodies
Written by: XenontheReaper
- - -

"Charice?!"

Kung saan-saang direksyon kami naghanap kay Charice ngunit wala ito. Mistula bang nawala ito na parang bula na lamang, kanina kasama pa namin 'to pero isang iglap lang ay ni anino 'di na namin nakita at wala nang lumitaw pa.

Saan nga ba siya nagpunta?

"Charice!"

Alalang-alala na ako para sa 'king kaibigan. Mag-iisang oras na siguro kaming naghahanap sa kaniya. Hindi naman kasi gano'ng babae si Charice na bigla na lang umaalis na 'di nagpapaalam, batas naming mag-inform sa kasama kapag aalis. Isa pa'y hindi rin 'yong magtatago, matanda na kami para maglaro't magbiro ng gano'n. Kaya isang napakalaking palaisipan saan siya napunta, gabi pa naman at napakadilim ng paligid.

"Guys, kanina pa tayo palibot-libot dito. Mas mabuti sigurong bumalik tayo sa camp para tingnan sa surveillance camera kung saan siya nagpunta." Suhestyon ni Marcus.

Tama!

Sa 'ming lahat ay siya lamang ang nakaisip ng gano'ng ideya, maa nakakapag-isip pa ng maayos kumpara sa 'min. Napamura tuloy ako dahil sa 'king katangahan.

"Sandali lang," kumuha ng radyo si Lucas at kinontak si Jimmy, "Jimmy, nasaan si Charice? Over."

Ngunit walang sagot mula sa kabilang linya, tahimik lang ito puro static.

"Nakatulog siguro." Naiinis na puna ni Wreen. "Puntahan na lang natin."

"Tara!"

Tinakbo lang namin ang camp sa loob ng ilang minuto't balewala lang ang pagod at hingal. Pagdating namin sa camp ay agad kaming nagtungo sa main tent.

"Jimmy!"

Nasundan ng tilian ang gulat na gulat naming ekspresyon at bumulabog sa mayapang gubat ang nakakabinging iyak at sigaw mula sa 'king kasamahan. Pati ako'y 'di nakapagpigil at napatakip na lang sa 'king bibig sabay hagulhol. Mistulang tumigil ang oras at 'di na ako nakagalaw pa.

Kahit ipikit ko pa ang aking mga mata'y 'di maiaalis sa 'king isipan ang duguang katawan ni Jimmy. Nakadapa ito sa lupa at tadtad ng saksak ang tiyan.

Si-sino ang may gawa niyan?!

Nagkagulo ang lahat, halos hindi na namin alam ang susunod na gagawin. May tumatawag ng paramedics, may umiiyak, may nasusuka, at ako'y napalayo't napatalikod dala ng pagkahilo. Batid kong mawawalan na ako ng malay.

"G-guys! Bu-buhay pa siya!" Rinig kong bulalas ni Wreen kaya napalingon ako.

Sinuri pala ni Wreen ang pulupulsuhan ni Jimmy at pinakiramdaman ito. Kahit papano'y may kakaunting tuwa na sumibol sa 'king dibdib at nakahinga ako ng Mayo's kumpara kanina.

"Paparating na ang paramedics!" Sigaw ni Emily na nanginginig pa rin sa takot.

"Pero hindi sila makakapasok dito. Kailangan nating dalhin siya sa labas ng gubat." Nag-aalalang pahayag ni Lucas. "Kailangan ko kayo Marcus at Wreen para samahan ako't tulungan palabas."

Hindi naman umangal ang dalawa sa utos ni Lucas. Saglit nilang nilapatan ng paunang lunas ang sugat ni Jimmy at binalot ito ng bandage.

"Kumapit ka lang Jimmy."

Isinilid nina Lucas at Wreen ang kanilang braso sa kaliwang parte ng katawan ni Jimmy at sa kanan nama'y sina Marcus at Sir Roy. Sa ilalim ay nagsikapitan sila sa kaniya-kaniyang braso at sa pagbilang ng tatlo'y sabay nilang binuhat si Jimmy.

Four men carry, naging bahagi na ito ng training namin no'n, kahit papano ay nagamit namin ito sa sitwasyong ganito.

"Sasama ako," Saad ni Ma'am Ria at kumuha ng flashlight, "ako ang mauuna para may gabay kayo."

At sabay nilang nilisan ang camp. Kami nama'y tahimik lamang at parang hindi pa naproseso ang mga nangyari.

Sobrang bilis at nakakagimbal.

Napaupo ako at napayakap sa sariling binti na nanginginig. Balot pa rin ako ng takot at hinang-hina ang katawan ko, ramdam kong babagsak ako kahit anong oras.

Ano ba 'tong nangyayari? Kanina lang muntikan na akong mamatay, tapos ngayon nawa---

"Si Charice!" Bulalas ko't napatakbo patungo sa mesa.

Nakalimutan ko siya!

Hindi lang pala si Jimmy ang problema namin! Pati rin pala si Charice na hanggang ngayo'y nawawala pa.

Dali-dali kong binuksan ang laptop na may bahid ng dugo. Paisa-isa namang nagsilapitan ang mga natirang kasama ko sa 'king kinalulugaran para alamin din kung saan nagpunta si Charice. Gaya ko'y alalang-alala rin sila.

Pinahid ko ang ilang natuyong luha sa 'king pisngi at ni-review ang footage mula no'ng nagsimula kaming umalis matapos makuha ang kutsilyo. At napatakip ako sa 'king bibig sa 'king nakita, ang kaninang luhang natigil na sa pagtulo'y biglang bumuhos ulit. Pati ang kasama ko'y napahagulhol sa nakita.

Mayroon pa palang mas magimbal kesa sa sinapit ni Jimmy.

Malinaw na malinaw ang biglang paglagak ng lubid sa pwesto ni Charice na siya ring nasidlan ng ulo niya. Bago pa niya maalis ito'y may humila na sa lubid, kung kaya't nahila siya paitaas. Nagpumiglas siya ngunit hindi man lang namin ito napansin dahil sa nauna nga kami't siya ay nasa huli. Hanggang sa mawalan na siya ng hininga't nawala rin sa sakop ng camera.

May kumuha sa kaniya at kasama na ang aming ebidensya.

Wala akong nagawa kung hindi ang maiyak na lang. Sobrang sikip ng dibdib ko dala ng pagkawala ni Charice at si Jimmy nama'y nasa kritikal na kondisyon pa. Hindi ko na alam kung saan hahanapin si Charice sa kung sino mang kumuha sa kaniya.

- - -

Alas dose na at lahat kami'y nasa loob pa rin ng main tent. Ni isa sa 'min ay 'di tinapunan ng antok, tahimik na tahimik lamang at tulalang-tulala. Minsan nama'y may biglang napapahagulhol at naiiyak.

"P-papano na si Charice?" Naiiyak na tanong ni Kezel na bumasag sa nakakabinging katahimikan. "Hahanapin ba natin siya?"

"Oo, p-pero 'di tayo pwedeng lumabas ngayon. B-bukas na lang siguro." Pilit kong sagot at muling nagbalik an' katahimikan.

Kung bukas kami maghahanap, sisiguraduhin naming magdadala na kami ng ilang otoridad. Naisahan kasi kami ng salarin na kumuha kay Charice kaya kailangan na namin ng pwersa.

Hanggang ngayo'y binabagabag ako sa ideya na 'maaari bang iisa lamang ang gumawa no'n sa aking kasamahan? O pawang magkaiba sila?' Parang pinipiga talaga ang utak ko sa kakaisip. 'Maaari rin kayang ang nasa likod nito'y siya ring dahilan ba't nawawala ang ilang tao rito? O sadyang iba rin 'yon?'

Nakakasakit ng ulo kapag ganito ka komplika ang problema, 'di pa nga namin natapos ang isa mayroon namang pumasok.

Makalipas ang ilang minuto ay nagkaniya-kaniya na sa paglatag ng higaan sa lupa sa loob ng main tent sina Kezel, Bella, at Emily. Batid kong inaantok na sila dala ng pagod. Ayon din sa kanila'y natatakot silang matulog sa labas kung kaya't nagtiis na lamang sila sa loob.

Pero 'di talaga ako inaantok. Sa bawat pagpikit ko kasi'y naiisip ko 'yong mukha kanina ni Jimmy at ang sinapit ni Charice kaya nagpasiya akong magbantay kasama si Ivan, ang tanging lalake na naiwan sa camp.

Sana nama'y magiging maayos na 'to bukas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top